"Salamat..." anas nito at bigla na lang ako dinamba ng yakap dahilan para mapahiga ako. Isang alanganing tapik sa likod nito ang tangi kong nagawa dahil sa pagkailang. Napatingin ako kay Alexander ng marinig ko ang pagtikhim nito.
"May isa pa kaming kailangang sabihin sa `yo?"
"Ano `yon?"
"Hoy, Chris! Umalis ka na nga riyan at ng makausap ng maayos si Liane," naiinis na saway nito kay Chris habang hinihila ang kaliwang braso nito.
"Sus, naiinggit ka lang, eh," pang-aasar nito habang kumakalas sa pagkakayakap sa akin. Kaya muli akong bumangon at umayos ng upo.
"Napagdesisyunan namin na dito ka na tumuloy simula sa oras na ito."
"What? At bakit naman? May tinitirhan naman ako." Taas-kilay na Tañong ko.
"Paano kung bumalik iyong lalaki at puntahan ka doon sa apartment? Walang ibang makakapigil sa kaniya kundi kami. At hindi kami papayag na bumalik ka pa doon."
Nang muli kong maisip ang lalaking iyon ay wala sa sariling napayakap ako sa sarili. Dahil sa paggapang ng takot sa buo kong katawan. Paano nga kung bumalik siya at sa ikalawang pagkakataon ay magtagumpay ito sa kung anumang balak nito?
"Ang mabuti pa kumain na muna tayo. Oras naman na ng hapunan," pukaw ni Jake ng manatili akong walang imik.
"Mabuti pa nga," sang-ayon ni Alexander na nauna ng bumaba ng kama. "Dadalhan ka na lang namin ng makakain mo."
"Pero kaya ko ng tumayo," protesta ko.
"Sigurado ka?"
"Oo naman. Leeg ko ang napinsala hindi mga paa. At isa pa magaling na ang mga sugat ko."
"Kung iyan ang gusto mo, ikaw ang bahala."
Bago pa magbago ang isip nito ay gumapang na ako papunta sa gilid ng kama hanggang sa mailawit ko na ang mga paa ko.
"Dahan-dahan lang," paalala ni Jake na nakatayo malapit sa akin.
Hindi ko na inalintana na isang malaking t-shirt lang ang suot ko. Dahil sa laki niyon pakiramdam ko daster na ang suot ko.
"O, `di ba? Kaya ko ng maglakad!" Pagmamalaki ko ng makarating ako sa pinto na hindi natutumba.
"Good. Tara na," yaya ni Alexander na nakatayo na sa likuran ko.
Naunang lumabas si Jake dahil ihahanda pa raw nito ang mesa. Habang kasunod ko si Alexander, si Chris at si Sam. Nang malapit na kami sa huling baitang ay nauna ng maglakad si Chris para ituro kung saan ang dining area.
"Wow... Ang laki nitong bahay ninyo, parang mansion." Namamanghang sabi ko habang inililibot ang paningin sa buong paligid. Katapat ng hagdan ang malawak na sala at sa tapat niyon ay nakasabit ang isang malaki ang makinang na chandelier na siyang nagbibigay liwanag. Sa bandang kaliwa ay isang malaking sliding door na kahoy, na sa tingin ko ay patungo sa labas. Sa kanan, kung saan kami patungo ay nakita ko ang isang mahabang mesa na kasya ang sampung tao, dahil sa sampung kahoy na upuang naroon. Nakita kong may nakahain ng mga pagkain. Bigla ang pagkalam ng tiyan ko nang makita at maamoy ko ang mabangong aroma ng mga iyon.
"Halika, maupo ka na." Narinig kong sabi ni Jake habang inilalapag ang isang bowl ng kanin.
"Salamat," mahinang sabi ko habang umuupo. Nakita kong muli itong pumasok sa isang pintuan, na sa tingin ko ay patungo sa kusina. At paglabas nito ay may dala na itong isang tray na may lamang isang pitsel ng juice at limang baso.
"Let's eat!" Anunsiyo ni Alexander ng makaupo na si Jake.
Walang imikan nang magsimula na kaming kumain at ang tanging maririnig lamang ay ang tunog ng mga tumatamang kutsara't tinidor sa plato. Hindi ko mapigilang mapaungol sa sarap ng mga pagkaing natitikman ko. At halos hindi ko na rin namalayang naparami na ang nakain ko hanggang sa kusa ng sumuko ang tiyan ko.
At nang mag-angat ako ng tingin ay doon ko lang napansin na nakatingin na sa akin ang magkakapatid, na para bang hindi makapaniwala sa kanilang nakikita.
"Bakit?" Nagtatakang tanong ko.
"Wala naman," nakangiting sagot ni Jake na muli ng itinuloy ang pagsubo.
"Masarap ka pa lang kasabay sa pagkain. Magana kang kumain," sabi naman ni Alexander.
"Pasensiya na," mahinang sabi ko. Ramdam ko ang pag-iinit ng buong mukha ko dahil sa pagkailang at pagkahiya. "Ang sarap lang kasi nitong mga pagkain. Lalo na itong chicken curry."
"Huwag ka ng mahiya. Ayos lang iyon, masaya akong ipagluto ka ng mga pagkaing gusto mo," nakangiting sabi ni Jake.
"Tama ang sinabi nina Alexander at Jake. At kung gusto mo sasabayan pa kita sa pagkain," nakangising sabi ni Chris na patuloy sa pagkain.
"Salamat."
"Pagkatapos nating kumain, magpahinga na tayo. At bukas natin ipagpapatuloy ang pag-uusap. At Liane, kailangan mo ng ikondisyon ang sarili mo na simula ngayon dito ka na titira. Pasasamahan kita kay Chris bukas para kunin ang mga gamit mo sa apartment. At bukas ng gabi na rin natin gagawin ang pagbuo sa bond." Dire-diretso, walang pag-aalinlangang at may pinalidad sa tinig na sabi ni Alexander.
Wala na akong ibang nagawa kundi ang tumango, dahil naisip ko rin na mas ligtas na ako sa lugar na ito habang kasama sila, kaysa sa apartment na puro babae lang ang kasama ko na madalas din namang wala.
"Good. Doon ka matutulog sa kwartong pinagdalhan namin sa `yo. At sasamahan ka naming matulog." Tututol sana ako pero isang iling lang nito ay natameme na agad ako. Lalo na nang sabayan pa ng pagkislap ng pula nitong mga mata.
"Mauna na kayo, ako nang bahala rito," sabi ni Jake nang makatapos kaming kumain. Nagpresinta pa akong tumulong dahil sa dami ng hugasin, pero pinigilan lang ako nito at sinabi saka na lang kapag nakabawi na ang katawan ko sa mga nangyari.
Ilang sandali pa ay nakabalik na kaming muli sa kwarto at tahimik lang akong sumampa ng kama, hanggang makarating ako sa gitna. Pagkahiga ko ay agad na pumwesto si Alexander sa kanan ko, sa kaliwa naman si Sam katabi si Chris na nakasimangot.
"Ang daya naman! Gusto ko rin yakapin si Liane!" Maktol nito.
"Huwag kang mag-alala. Bukas ng gabi ikaw naman ang katabi niya," sabi ni Samuel dito.
"Talaga?"
"Oo, kaya manahimik ka na ng makatulog na tayo."
"Okay, basta bukas ako naman diyan."
"Oo na."
"Good night, Liane..."
"Good night, Chris..." nakangiting tugon ko rito.
"Good night..." Magkapanabay na sabi nina Alexander at Sam.
"Good night..." Hindi ko na namalayan ang pagpasok ni Jake dahil ilang sandali lang ang hinila na ako ng antok hanggang sa tuluyan na akong nakatulog.