"Ang gwapo pa naman niya!! Sayang!!" ang naaawa't dismayadong sigaw ni Mariah habang pinagmamasdan ang bangkay ng binatilyo.
"Kasama nila sa varsity yun ah." ang wika ko sa aking sarili sabay tingin kay Rodel na seryoso ang tingin sa balita. Agad kong binalik ang aking panonood sa balita.
Dahil sa live ang report ay may isang pulis na agad na lumapit sa reporter at kinausap itong saglit.
"Kararating lang ng isa pang balita mula sa mga pulis na may natagpuan nanaman silang isang bangkay ng lalaki sa di kalayuan at tuad nitong isa ay wala rin silang paraan upang makilala sa ngayon ang isa pa na ayon sa mga pulis ay mukhang nagsuicide lang din dahil sa wala silang nakitang marka ng panlalaban sa bangkay ngunit parang ilang oras pa lamang ang lumipas mula ng ito'y mamatay. Hinihinala ng mga pulis na kunektado ito sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot." anya ng repoter.
"Kung kilala niyo po ang mga natagpuang patay ay maaari niyo lang pong tawagan ang aming tanggapan sa mga numerong nakalabas sa ibaba ng inyong telebisyon o di kaya'y tumawag po kayo sa police district ng Muntinlupa. Ito po, si Doris Bigornia para sa TV patrol." ang huling sinabi ng reporter. Dismayado kami ng kaunti sapagkat hindi pinakita ang isa pang natagpuang bangkay.
Agad akong napalingon muli kay Rodel habang iniisip kung ano ang dahilan kung bakit isa sa mga kasamahan niya ay pinatay.
"Bee, kinakabahan ako. Sino pa yun isang nakita nila? Adik ba talaga yun?" ang tanong ko sa kanya.
"Hindi ko alam. Kilala mo naman ako wala akong kaclose sa kanila. Si Randy nga hindi ko naman magiging kaclose yun kung di dahil sa iyo at sa banda dati." ang sagot niya sa akin.
"Kilala niyo yung namatay?! Sayang talaga! Adik ba talaga iyon?! Ang gwapo grabe!" ang nanghihinayang ngunit kinikilig na sabat sa amin ni Mariah.
"Ah ganun ba? Kilala ko lang by name, Vincent pangalan niya. Hindi kami magkaclose kasama ko siya sa basketball pero hanggang basketball lang kami. Minsan bangkaan at inuman session pero hanggang dun lang. Di ako pumapasok sa personal na buhay nila kasi hindi ko rin gusto na pumasok sila sa personal kong buhay." ang sagot sa kanya ni Rodel na may pilit na ngiti.
"Ingat ka ha? Nako, sayang kayo." ang nag-aalalang sagot ni Mariah.
"Ay, oo nga pala. Pwede ba kayo bumili ng juice concentrate sa tindahan sa kanto? Nakapaghanda na ako ng merienda para mamaya pero nakalimutan ko yung panulak." ang dagdag na pakiusap niya sa amin.
Agad siyang naglabas ng barya sa bulsa ng kanyang maikli at masikip na shorts. Nagkandaugaga siyang isuksok ang kanyang mga daliri rito umang umabot ng salapi.
"Anu ba yan. Mariah baka ikaw ang ipagdasal ng mga manang mamaya kesa kay nanay. Grabe yang suot mo. Magpalda ka na lang kaya." ang natatawa kong puna sa kanya.
"Sorry. Sige pag-alis niyo magpapalit na agad ako." ang wika niya sabay abot sa akin ng isang daang piso na nakuha niya.
Agad kong hinila si Rodel sa labas at habang naglalakad ay agad naming nakalimutan ang masamang balita dahil sa mga panakaw naming lambingan at harutan.
"Ano yan?!" ang bulaga ni Randy sa amin na kanina pa pala sumusunod sa aming paglalakad. Natawa kaming dalawa ni Rodel matapos mabigla nang makita namin siya.
"Randy! Bwisit ka! Isusumbong kita kay Alice!" ang pikon kong sinabi sa kanya.
Pumagitna siya sa amin ni Rodel sa paglalakad at inakbayan kaming dalawa.
"Huwag po! Kayo naman di na kayo mabiro. Para kasi kayong magnobyo na ulit habang naglalakad. Nakakadiri nga lang tignan." ang sagot niya. Natawa kaming tinignan siya ni Rodel at tila nakita niya sa amin na sumasang-ayon kami sa kanyang sinabi.
"Di nga?! Ows?! Talaga?!" ang di makapaniwala niyang tanong sa aming dalawa habang tinitignan kami ni Rodel nang matigil siya sa kanyang paglalaka.
"Heto to oh." ang nagmamalaking sinabi sa kanya ni Rodel sabay taas niya ng aming mga kamay na may singsing.
"Naks! Congrats ha?" ang sagot naman niya sa amin at ngapatuloy na kami sa paglalakad.
Matapos ang ilang hakbang.
"Pano ba yan, Jasper. Aalis na si Rodel sa isang araw? Pano na?" ang tanong niya sa akin.
"Bahala na. Basta panghahawakan ko na lang pangako niya sa akin." ang sagot ko sabay ngiti naman ni Rodel sa kanyang narinig.
"I love you, Bee." ang malambing na sinabi sa akin ni Rodel sa harapan ni Randy.
"Tang ina niyo tol di ako sanay! Kinikilabutan ako!" ang pabiro ngunit may halong pagkaseryosong sinabi sa amin ni Rodel sabay layo sa aming dalawa.
"Sorry, tol." ang paumanhin ni Rodel sa kanya sabay akbay sa akin.
"Bakit ka nga pala andito, Randy? Nasaan si Alice?" ang tanong ko sa kanya.
"Nagtext kasi ako kay Mariah kasi busy yung number mo kanina nung tinatawagan ko. Tatanong ko sana kung pwede ako sumama sa pasiyam. Sinabi na sa akin ng kaibigan mo. Buti na lang nasave ko number niya. Si Alice, alam mo naman yun kung di inuman hindi magpupuyat yung girlfriend kong yun." ang sagot niya.
Bumili na kami ng ilang sachet ng orange juice concentrate tulad ng pakiusap ni Mariah at sabay na bumalik ng bahay. Sa mga oras na iyon ay naroon na ng mga magdarasal at nagulat na lang kaming tatlo na makita si Mariah na nagbalot ng malong sa buong katawan niya sa halip na nagpalit lang ng palda. Agad ko siyang nilapitan upang bulungan.
"Sabi ko magpalda ka lang. Maglalaba ka ba?" ang wika ko sa kanya sa hiya ko para sa kanyang itsura.
"Wala akong palda. Mini skirt lang at gown. Kung magmini skirt ako baka hindi na matuloy ang pasiyam at kung maggown naman ako baka akalain nilang debut ko o nagsasaya ako sa pagkamatay ni Basilia." ang sagot niya. Hindi ko na lang siya pinansin at tinawag si Rodel upang samahan akong maghanda ng maiinom ng mga bisita. Si Randy naman ay naupo lang sa isang sulok na nag-iisa dahil di siya makarelate sa mga manang na naroon.
Nang makabalik kami ni Rodel ay tinabihan na namin sa bandang likuran ng mga manang ang nagdadasal na si Randy na sa mga oras na iyon ay katabi ni Mariah.
"Itong baklang ito talaga ang harot." ang wika ko sa aking sarili habang masamang tinitignan ang kunwari'y nagdarasal ng taimtim na si Mariah.
Sa aking pagdarasal ay paminsan-minsan akong napapadilat ay tumitingin sa kung saang direksiyon. Nakita kong taimtim na nagdarasal si Rodel sa aking gilid nang siya'y aking lingunin at sa kanyang itsura ay di ko naiwasang mapangiti. Muli kong ipinikit ang aking mga mata upang magdasal na sana nang bigla kong maramdaman ang pangangalabit ni Randy sa aking siko. Agad akong napatingin sa kanya at nakitang nakapikit naman siyang nagdarasal kaya't di ko na lang iyon pinansin at nagbalik na lang sa pagdarasal.
Matapos ang ilang sandali ay kinalabit niya akong muli kaya't ako'y napatingin sa kanya ngunit sa pagkakataong ito ay sa kanyang bandang balakang ng hindi sinasadya. Nagulat ako sa aking nakita nang panakaw na hinipuan siya ni Mariah sa kanyang ari.
Agad nagsalubong ang aking kilay at tahimik na inaya sila ni Rodel na lumabas. Dahan-dahan kaming umalis sa mga nagdarasal at napatingin sa amin ang nakikiramdam palang si Mariah. Sinundan na lang niya kami ng tingin at isang matalim na titig ang binalik ko sa kanya.
Sa labas ng bahay ay halata sa mukha ni Randy ang nag-uumapaw na galit. Agad kong itinapat ang aking hintuturo sa aking labi upang ipakita ito sa kanya.
"Pasensiya ka na Randy ha? Anong nangyari?" ang nahihiya kong tanong sa kanya habang siya nama'y gusto nang magpalipad ng suntok sa alit. Si Rodel naman sa isang banda ay bakas ang pagtataka sa kanyang mukha dahil sa hindi niya alam ang mga pangyayari.
"Puta naman tol! Nagdarasal! Walang hiya naman yang kaibigan mo. Hinihipuan ako!" ang pigil sa gigil na sinabi sa akin ni Randy at nanlaki ang mga mata ni Rodel sa kanyang narinig.
"Pasensiya na, Randy. Kakausapin ko mamaya si Mariah." ang paumanhin ko sa kanya.
"Uwi na ko, Jasper. Sorry talaga nakikiramay ako pero uuwi na ako. Ayoko na makihalubilo pa sa mga katulad ninyo. Dahil sa kanya wala na talaga akong nakikitang dahilan para makita pang dapat kayong igalang dahil napakababoy ng kaibigan mo." ang agad niyang paalam sa amin at naglakad ng mabilis paalis. Balak sana siyang pigilan ni Rodel pero sinenyasan ko na lang siyang hayaan lang si Randy.
Sa matinding galit ay sinuntok ni Randy ang poste ng bakod bago ito tulyang makaalis. Wala akong nagawa kung hindi ang mahiya sa ginawa ng aking kaibigan. Hinaplos na lang ni Rodel ang aking likuran at niyaya akong bumalik sa loob ng bahay dahil sa mga oras na iyon ay patapos na ang dasal.
Kalmante kaming humarap sa mga bisita hanggang sa nakaalis na ang lahat matapos kumain ng merienda. Sumabay na rin umuwi si Rodel sa mga natirang matatanda dahil sa may mga aayusin pa siya kinabukasan para sa kanyang pagpunta sa Amerika. Nang makalabas na ang lahat ng bahay ay ako na ang nagsara ng gate at pintuan ng bahay. Habang inilolock ko ang pinto ay nakatayong nahihiya sa akin si Mariah.
"Mariah! Bakit mo naman hinipuan si Randy? Hindi ka na nahiya sa harap pa ng mga nagdadasal?" ang inis kong mga sermon sa kanya nang matapos ako sa pagsara ng pituan. Namaywang akong nakaharap sa kanya hinihintay ang kanyang paliwanag.
"Sorry na. Eh, yang kaibigan mo kasi kala ko beki din. Tapos wala pa yata siyang brief panay ang pisil niya sa burat niya na nasa loob ng shorts. Akala ko tuloy ano na. Siya kaya nagbibigay ng motibo." ang tanggol niya sa kanyang nagawa.
"Straight si Randy! May girlfriend yun at matalik kong kaibigan jowa nun! Galit sa bakla yun sabi ko sa iyo diba? Ikaw talaga! Baka nangangati lang yung anu niya kasi walang brief. Nako! Itext mo at magsorry ka sa kanya." ang sagot ko sabay tungo sa palikuran.
"Dun ka na matulog sa kwarto ni Tetay. Umalis na siya ng bahay kanina sumama siya sa boyfriend niya. Mukhang live-in na sila. Nandoon na rin yung gamit mo ikaw na lang bahala." ang sabi sa akin ni Mariah bago ako makapasok sa palikuran bakas pa rin ang hiya sa kanyang boses dahil sa kanyang ginawa.
"Salamat. Hilamos lang ako tapos tutulog na ako ng maaga para makapaghanap ng trabaho bukas. Sana matanggap ako sa Jollibee sa kabilang kalsada." ang sagot ko sa kanya sabay pasok na sa palikuran.
Maaga akong nahiga matapos maghilamos, ngunit hindi pa rin ako agad na nakatulog sapagkat sa mga oras na iyon ay parang hindi pa rin ako makapaniwalang nailibing na ang aking ina. Pakiramdam ko, nakitulog lang ako sa ibang bahay at ang aking ina ay mahimbing na natutulog sa aming tahanan.
Madilim na ng mga oras na iyon at liwanag na lang mula sa ilaw ng poste sa ilabas ang nagsusumubok magbigay tanglaw sa buong silid.
Tulala lang akong nakatitig sa kisame na iyon lang ang umiikot sa aking isipan at tatlong oras akong nanatiling ganoon hanggang sa marinig ko ang isang malakas na galabog sa kabilang silid.
"Huwag ka naman maingay, please! Baka magising si Jasper!" ang mahinang sigaw ni Mariah. Isang galabog muli ang aking narinig at agad akong napabangon sa aking narinig sa bigla.
Bumalot ang kaba sa akin sa takot sa kung ano na ang nagyayari kay Mariah sa kabilang silid.
"Aray! Pwede naman tayo mag-usap Abet ng hindi mo ako sinasaktan! Nakadroga ka nanaman! Kanina lang may nakita kami sa balita na natagpuang patay sa Daang Hari. Natatakot ako baka madawit ka sa mga patayan na iyon." ang sabi pa ni Mariah habang humahagulgol na umiiyak.
Naawa ako sa kanya at natakot na rin nang malaman kong adik pala ang kanyang jowa.
"Puta! Akin na ang pera! Kung di mo kayang suportahan bisyo ko hihiwalayan na kita!" ang sigaw ni Abet sa kanya at nakarinig akong muli ng isang malakas na galabog.
Nakakakilabot ang mga nagaganap kaya't kinapa ko ang aking daan papuntang pintuan upang ilock ang aking pintuan habang patuloy na nakikinig at nakikiramdam.
Matapos ang ilang sandaling katahimikan at hagulgol na lang ni Mariah ang aking naririnig nang ilapit ko ang aking tenga sa pader na humahati sa aming silid.
"Eto lang pera mo?! Nasaan na yung iba?! Jowa mo na rin ba yang Jasper na iyan?! Nasaan na ang pera!!" ang sigaw ni Abet sa kanya at nakarinig ako ng isang malakas na suntok sa mismong pader kung saan nakadikit ang aking tenga. Sa pagkabigla ay napaupo ako sa sahig at nanghihindik na natulala sa pader.
"Nagastos ko na sa pagpapalibing. Hayaan mo babawi rin ako. Uminom ka na lang Abet huwag ka na magdrugs! Parang awa mo na!" ang sigaw ni Mariah.
"Putang inang Jasper iyan! Sumama na sana siya sa nanay niya!" ang sagot sa kanya ni Abet di pansin ang sinabi ni Mariah sa kanya.
"Saan ka pupunta?! Huwag mo idamay ang bata dito! Wala siyang kasalanan!" ang pakiusap ni Mariah sa kanya at nakarinig nanaman ako ng isang malakas na kalabog. Bumukas ang pintuan ng kanilang kuwarto at nagsimula akong pawisan ng malamig. Kutob kong sa akin pupunta si Abet.
Mabilis ang tibok ng aking puso at sa sobrang kaba ay parang lulundag palabas ng aking dibdib ang aking puso. Nagmadali akong gumapang pabalik sa kama dahil sa wala akong suot na salamin.
Pagkahiga ko sa kama ay agad akong nagtalukbong ng kumot at nagpanggap na natutulog. Tulad ng aking inaasahan ay kumatok ng malakas sa aking pintuan si Abet habang sumisigaw marahil sa kanyang tabi si Mariah at pinipigilan siya sa kanyang binabalak.
"Jasper! Buksan mo pinto! Akin na ang pera mo!" ang sigaw ni Abet habang pinipilit na pinaiikot ang door knob.
"Abet! Tigilan mo si Jasper! Parang awa mo na huwag mo idamay si Jasper dito!" ang pagmamakaawa pa ni Mariah sa kanya.
Isang malakas na hampas sa pinto ang halos magpatalon sa akin paalis sa kama nang sipain ni Abet ang pinto. Bumukas ito ng napakalakas at dahil dito malakas din itong humampas sa pader.
Dinig ko ang nagmamadaling yabag ng mga paa ni Abet na lumapit sa akin sa kama ngunit hinila siya ni Mariah gamit ang kanyang buong lakas. Nanatili akong nakatalukbong at nanginginig sa takot sa ilalim ng kumot. Sa mga oras na iyon ay nananawagan ako sa aking ina at sa mga santo na alam ko ang pangalan sa matinding takot. Nanginginig ang aking mga kamay na nakakapit sa kumot na nakatakip sa aking mukha.
Dama kong nahihila ni Mariah sa Abet palabas ng silid dahil sa papalayo nilang ingay.
"Walang kwentang mga bakla! Saka na lang kita babalikan kung may pera ka na! Bwiset! Titi ba hanap mo?! Eto isubo mo!" ang narinig ko na lang na sigaw ni Abet kay Mariah habang inginungudngod ang kanyang ari sa mga nakasarang labi ng aking kaibigan at umalingawngaw ang isang malakas na sampal.
Ilang sandali lang ang lumipas at narinig ko ang malakas na pagsara ng pintuan sa harapan ng bahay. Agad akong bumangon sa kama upang kamustahin si Mariah. Nagmamadali akong nagsalamin at naglakad tungo sana sa kanyang silid ngunit sa labas mismo ng pintuan ng aking kwarto ay nakahiga sa sahig si Mariah at tulalang umiiyak. Puno ng pasa at namamaga ang nasuntok yatang isang mata.
Agad ko siyang inakay at sinama sa sofa upang makapagpahinga.
"Bakit di mo pa kasi hiwalayan si Abet, Mariah? Tignan mo ginagawa niya sa iyo. Magsusumbong na ako sa mga pulis sa oras na makita ko kahit anino niya dito. Baka kung ano na gawin sa atin ng gagong iyon." ang naaawang sinabi ko sa kanya na sinagot niya ng isang nakakaawang hagulgol. Parang wala siyang magawa sa kanyang sitwasyon sa nakikita ko sa kanya.
"Jasper huwag mo siya isusumbong sa pulis. Hindi mo ako mauunawaan kasi hindi ako ikaw. Iwas ka na lang sa gulo at hayaan mo na lang ako sa buhay ko." ang sagot niya.
"Paanong hahayaan kita sa taong tulad niya? Hindi ka ba natatakot? Kahit ako idadamay niya. Sira ulo na lalaki mo, Mariah! Gumising ka na nga!" ang pangangatwiran ko sa kanya.
"Jasper, ano dahilan mo para makipagbalikan ka kay Rodel? Dahil mahal mo pa rin siya sa kabila ng lahat di ba? Gusto mong maging masaya at alam mong si Rodel ang magbibigay sa iyo ng kaligayahan sa kabila ng mga pangit na katangian niya. Sinubukan mong maghanap ng kapalit niya pero hindi mo pwedeng ipagkaila sa puso mo na mahal mo pa rin ang taong iyon. Swerte ka lang at ganoon ang boyfriend mo. Paano ako?" ang sagot niya. Hindi ako agad nakapagsalita dahil sa napaisip ako sa kanyang mga sinabi. May punto si Mariah sa gusto niyang sabihin sa akin.
"Sino pa ba ang magmamahal sa tulad natin? Minsan tayo magmahal at pag nagmahal tayo lahat gagawin natin kahit masama para lang sa taong mahal natin. Masaya naman ako kay Abet kung di siya nakainom o nakadroga. May problema lang din na pinagdadaanan yung tao." ang dagdag pa niya.
Hindi ko pa gaano kilala si Abet at sa mga oras na iyon wala akong katwirang maibabalik kay Mariah sapagkat mas marami nang karanasan ang taong kausap ko ngayon kaysa sa akin.
"Huwag kang mag-aalala minsan lang mangyari ito. Nataon lang talaga, Jasper." ang paumanhin niya sa akin sa insidente.
"Pero, Mariah, maawa ka naman sa sarili mo. Tignan mo ginagawa sa iyo ng tao. Masasabi mo bang masaya ka pa rin sa kabila ng lahat?" ang pilit kong paggising sa katinuan ni Mariah na tila wala ring talab sa kanya.
"Hindi mo ako mauunawaan Jasper. Mahal ko si Abet kaya't tanggap ko ang lahat sa kanya. Kung nabigyan ko na siya ng pera baka hindi na umabot sa ganito. Hayaan mo, hindi na mauulit ito." ang sagot niya.
"Mahal ka ba niya?!" ang tanong ko sa kanya matapos magpaltik ang aking tenga sa kanyang sinabi.
"Masaya ako, Jasper, kahit hindi niya ako mahal. Ang mahalaga mahal ko siya. Nagagawa na rin niya akong mahalin dahil sa pera. Walang magmamahal sa akin, Jasper. Sa tulad kong bakla, pangit, at may edad na. Hindi mo pa ba nauunawaan iyan? Ang mga bakla nilalapitan lang ng straight na lalake para lang sa pera at para na rin magparaos. Hindi kami pumapatol sa kapwa namin tulad niyo ni Rodel dahil iba ang paniniwala o tipo namin. Ang mga baklang tulad ko handang kumayod at magbigay ng pera kapalit ng ligaya. Bata ka pa Jasper pero balang araw mauunawaan mo rin ang sinasabi ko." ang katuwiran niyang tumama sa akin. Hindi ko na alam kung ano ang aking sasabihin sapagkat wala ako sa kanyang katayuan ngunit ngayo'y nauunawaan ko na ang lahat lalo na't minsan na rin akong nagpapagamit kapalit ng pera. Hindi lang pala libog ang dahilan kung bakit sila handang magbayad ng kahit mataas na halaga. Ang sa akin lang noo'y nakaraos ako sa kanila kapalit ng pera.
"Alam mo nabalitaan ko na hinalikan ka ni Randy sa harap ng mga katropa ko nung lamay. Yun din ang nagudyok sa akin na hipuan si Randy kanina. May straight ba na humahalik sa kapwa?! Gusto kong subukan yung sa inyo. Pero alam mo ba? Nandiri sa iyo ang mga beking bagets! Lalo na yung mga nakatikim na sa iyo. Lason ka daw!" ang pabiro niyang ibinahagi sa akin upang ibahin ang daloy ng aming usapan. Hindi namin napigilang tumawa sa mga balitang nasagap niya sa mga tambay ng kanyang parlor na naroon sa burol ni ina. Iyon na ang pinag-usapan namin ng isang oras hanggang sa nagdesisyon na kaming matulog na.
Habang nakahiga na ako sa kama ay hindi pa rin ako matigil sa kaiisip at di nawala ang aking takot sa mga maaaring gawin ni Abet sa kanya at lalo na sa akin. Iyon lang ang umikot sa akin isipan buong gabi hanggang sa ako'y makatulog.
Lumipas ang araw, umalis na si Rodel nang hindi kami nagkikita sa huling pagkakataon at ako nama'y hindi pa rin nakahanap ng trabaho. Tulad ng plano ni Mariah ay naging computer shop na ang dati kong tahanan at dahil sa bakasyon pa rin ay ako na ang ginawa niyang bantay sa shop. Dito na ako nawili sa pagchachat. Hirap akong humarap sa tao kaya't ang aming mga customer ay hindi ako kinakausap maliban na lang kung rerenta na sila o magbabayad na.
Kung kukumpara mo ang dami ng aking kakilala ay mas marami ang sa mga nakilala sa chat. Karamihan sa kanila bagamat di ko pa nakikita ay tinuturing ko na rin kaibigan. Karamihan din sa kanila, pinaaasa ko lang na umiibig sa akin sapagkat gusto kong makaganti sa mga tulad ni CX4U na nanloko lang sa akin. Tila naging outlet ko na lang sila.
Minsan kung natataon ay nagkakausap kami ni Alice o Rodel sa chat. Si Randy nama'y di ko na nakakausap maliban lang kung pinapapunta na niya ako upang magensayo na tanging daan lang upang makita ko rin si Alice.
Masasabing naging propesyunal na lamang ang sa amin ni Randy. Hindi na rin niya ako pinupuna kung Randy ang tawag ko sa kanya. Ang hindi lang nabago kay Randy ay ang pagtutulak niya sa aking basahin ang kanyang kuleksiyon ng mga nobela.
Si Alice, mula ng malaman niya ang tunay kong katauhan ay naging lalo kaming malapit na magkaibigan. Siya lang ang nakakausap ko sa mga pinaggagawa ko sa mga chatroom ng walang pinipiling detalye na hindi sasabihin.
Sa paglipas ng oras ay napadalas ang pagpapalitan namin ni Rodel ng text messages. Sadyang di niya pinalitan ang kanyang number at activated ang roaming nito upang kami ay makapag-usap. sa bawat araw na lumilipas nga lang ay lalong tumitindi ang aking pagnanasang makapiling muli ang aking irog.
Si Mariah, hindi maikakailang umuunlad na sa kanyang parlor at computer shop. Nagkaroon na siya ng ilang kasamahan sa parlor na gumugupit at tumutulong sa pagugupit.
Si Abet sa isang banda, hindi na naulit ang kanyang nagawa ngunit lalong tumindi ang kanyang paglalulong sa droga. May mga araw na nakikita ko siya sa bahay na tulala at namumula ang mga mata. Kadalasa'y tumatawa pa ng mag-isa. Minsan ay muntik niya na akong halayin ngunit napigilan namin siya ni Mariah.
Kinalaunan, isa sa dalawang bangay na natagpuan sa Daang Hari ay nakilala na rin at isa sa kanila si Nestor. Nakuwento ko ito kay Rodel ngunit wala siyang pakialam sa kinahinantnan ng kanyang minsa'y naging karelasyon. Sa kung anong dahilan ay hindi ko alam.
Habang nakaupo ako sa harap ng server ng computer shop isang araw ay tinawagan ako ni Alice.
"Jasper! Online ka ba ngayon sa Skype?" ang nagmamadaling sagot ni Alice matapos kong tanggapin ang kanyang tawag.
"Oo, lagi naman akong online kahit sa YM. Bakit?" ang tanong ko sa kanya sa pagtataka dahil halata ang pagmamadali sa tono ng boses ni Alice.
"Saglit lang tanggapin mo yung tawag ko diyan ha?" ang sagot niya at agad na ibinaba ang tawag.
Tinignan ko agad ang Skype sa aking monitor at agad na pumasok ang notification mula kay Alice. Nang sagutin ko ito ay agad bumukas ang kuha ng webcam sa kanyang banda at nakitang nasa sala lang siya ng bahay nila.
"Jasper, wait! Invite ko lang si tita Maya. Importante lang daw. Usap daw tayo tatlo." ang sinabi niya sa akin tila di ako pinapansin sa sobrang pagkaabala.
"Ano ba meron? Bakit tayo kakausapin ng mama ni Randy?" ang tanong ko.
"Wait lang! Magheadset ka conference tayo." ang pikon na sagot niya. Natatawa naman akong ginawa ang kanyang sinabi at ikinabit ang jack ng earphones at mic sa CPU ng computer.
Ilang click ng mouse niya at may pumasok na invite sa akin na agad ko rin tinanggap. Bumugad sa aking harapan ang ina ni Randy na mukhang pagod at nag-aalala.
"Alice? Online na ba si Jasper?" ang naniniguradong tanong niya.
"Yes, tita he's online. Jasper magsalita ka nga." ang sagot naman ni Alice.
"H-hello po!" ang nahihiya kong bati sa kanya habang kumakaway sa webcam na binalikan naman niya ng isang matamis na ngiti sa kabila ng kanyang mukha na halata ang puyat.
"Hi Jasper! I told Alice na may gusto akong ipakausap sana sa iyo pero since available ka rin pala mabuting ako na mismo ang magsabi sa iyo." ang wika niya na kumiliti naman sa aking isipan kung ano ang bagay na hihilingin niya.
"I've heard you live on your own now and you recently lost your mother. I think my request will be mutually beneficial for you and for us." ang panimula niya na lalong kumakati sa aking isipan. Si Alice sa isang banda ay tumatango lang na pinakikinggan ang kanyang mga sinasabi tila alam na niya ang sasabihin ni Mrs. Tiongco.
"A-ano po yung gusto niyo sabihin, tita?" ang nahihiya kong tanong sa kanya upang umiwas na siya pa pagligoy pa sa kanyang nais sabihin.
"My son has not been really good at school and my husband and I think It'd be best if you could move in sa bahay namin so you'd be able to help him in studying. He is smart but may matinding katamaran lang. He needs to be spoon fed sa pag-aaral masakit man sabihin. We want Randy to succeed sa pag-aaral niya dahil plano naming siya ang magmamanage ng negosyo namin balang araw kapag nakapagpundar na kami ng aking asawa. We'll provide you food, shelter, and allowance. We'll even pay for your tuition fee if you need to pay for it. Sa madaling salita, gusto kong tumira ka sa amin. Sinabi sa amin ni Alice ang tungkol sa iyo. Tingin namin mabuting ikaw na lang ang piliin namin para na rin makatulong sa iyo." ang seryoso niyang pakiusap sa akin.
"Pero, tita, pwede ko naman po tulungan si Randy madalas din naman kami nagkikita sa school dahil classmate ko na siya sa Beda. Bukod dito, magkasama kami sa banda. Masyado naman po yatang malaki iyon para sa tulong na kailangan ng anak ninyo na taos puso ko naman po gustong tulungan kahit walang kapalit. Okay naman po ako ngayon sa lagay ko at sa kinikita ko ngayon makakaraos naman po ako." ang nahihiya kong tanggi sa kanyang alok ngunit hindi ko tinatanggihang bigyang tulong si Randy.
Napailing si Mrs. Tiongco sa aking sagot at hinilot ang kanyang noo. Tila hindi siya kuntento sa aking sinabi.
"Jasper, all are temporary and we want it permanent. Hindi na ako liligoy pa. Gusto ka namin ampunin. As to why, we think it's best for Randy to have a brother like you. I am too old to bear another child at abala kami ng asawa ko. May bonding na kayo ni Randy at alam kong mabuti kang bata na tulad na rin ng kwento sa akin ni Alice na nagrefer sa iyo sa akin." ang sinabi sa akin ni Mrs. Tiongco na may mas seryosong mga tingin sa akin na tila tagos sa salamin ng aking monitor. Nanlaki ang aking mga mata sa gulat sa kanyang mga sinabi.
"Oo, Jasper. Ako na nagsabi kina tita na ikaw na lang ang ampunin. I know hindi rin maganda yung tirahan mo ngayon baka mapaano ka pa isang araw sa boyfriend ni Mariah. Please, pumayag ka na." ang pakiusap sa akin ni Alice.
"Tita, it's an honor po pero puno po ako ng kamalasan at nahihiya po ako. Isa pa, masyado pong malaki ang bagay na ito... Hindi... Baka... Naguguluhan po ako... Sorry po..." ang wika ko sabay disconnect sa Skype. Natulala ako sa keyboard sa di pagkapaniwala. Maraming katanungan ang isa-isang umusbong sa aking isipan sa mga oras na iyon.