"HI, Jin..."
Napalingon si Jin sa babaeng bumati sa kanya. Kasalukuyan siya noong nagpapahinga sa isang bahay kubo.
"Uy, Marian, kumusta?" nakangiti niyang tanong at bumangon. Anak ito ng may-ari ng lupaing pinagtatrabahuan nila ng kanilang ama. Kaedad niya lang ito. Kasabayan niya sa pag-aaral simula pa elementary hanggang high school sa San Isidro, Leyte. Pero nasa Maynila na ito nag-aaral sa kolehiyo kaya minsan na lang niyang makita.
Alam niyang matagal na itong may gusto sa kanya pero hindi siya nagkakamaling sakyan ang dalaga kasi alam naman niya kung gaano kalayo ang agwat ng kanilang pamilya. Hindi nga siya nagkakamali ng iniisip noon kay Marian. Magiging sobrang ganda nga nito kapag dalaga na talaga.
Parang diyosa na nga ito sa kanyang paningin. Napakaputi at napakakinis. Kutis porselana, 'ika nga. Hanggang beywang ang haba ng buhok nito na kulay brown at medyo kulot. Balingkinitan ang katawan na bagay sa tangkad nitong 5'5. Napakaamo rin ng mukha nito. Basta, para kay Jin, napakaganda talaga ni Marian. Pinakamagandang babae na nakita niya.
Na-conscious siyang bigla sa sarili nang tumabi ito sa kanya. Nahihiya siyang ngumiti rito. Alam niyang amoy pawis at araw na siya nang mga sandaling iyon. Naka-hubad-baro pa siya.
"Okay lang naman ako, Jin. Masaya naman sa buhay. Pero wala pa rin akong boyfriend, e," tugon ni Marian na nakadikit na talaga sa kanya. Nakaupo na sila at tanaw na tanaw nila ang malawak na lupain ng pamilya nito.
"Sa ganda mong 'yan? Walang boyfriend? Maniwala ako sa 'yo," sabi niya.
Hinampas siya nito sa balikat. "Wala pa talaga. Maraming nanliligaw pero ayoko sa kanila, e. Nababaklaan ako sa kanila," tumawa si Marian, "gusto ko sa isang lalaki 'yong lalaking-lalaki talaga, at saka 'yong tipong gwapong gago."
"Ehem... parang ako na 'yang gwapong gago, a," biro niya rito.
Napatingin sa kanya si Marian na animo'y sinusuri ang kanyang mukha. "Tado... gago ka lang pero 'di ka gwapo," sabi nito sabay halakhak.
"Asus... kunwari ka pa ha. Hay naku... kung mayaman lang ako, walang-wala sa akin ang mga nakikita mong ibang gwapo diyan," sabi naman ni Jin sabay tawa rin.
"Ang yabang mo, a. Bakit may nagkamali na bang sagutin ka ha?"
Napabuntong-hininga si Jin. Natawa siya sa isipan. Wala nga palang kaalam-alam si Marian sa dami ng mga naghahabol sa kanyang babae. Kadalasan ay hanggang sex lang naman pero may iba rin talaga na gusto siyang maging kasintahan. Pero para sa kanya ay sakit lang ng ulo ang mga babae kaya hindi na muna siya nagseseryoso.
"Oh, natahimik ka na, Jin. So wala ka ring girlfriend, 'no?"
Ngumiti siya sa dalaga. "Malapit na," tipid niyang tugon.
"Gano'n? Balitaan mo ako ha kapag meron na."
"Oo naman, 'no. Kaw pa ba? Siyanga pala, bakit nauwi ka rito sa probinsiya?" tanong niya.
"Kasi po, birthday ni mommy," tugon nito, "hindi pa ba kayo inimbitahan?"
Natawa si Jin. "Bakit naman kami iimbitahin?" Matapobre kasi ang pamilya ni Marian sa totoo lang. Hindi nga niya alam kung bakit nakikipagkaibigan si Marian sa kanya. Kabaligtaran ang ugali ng dalaga sa mga magulang at kuya nito. Mapagkumbaba kasi ito at mas gustong makipagkaibigan sa mga mahihirap na kagaya niya.
Natahimik naman si Marian. Tila naintindihan nito ang ibig niyang sabihin. Saglit silang natahimik. Nakatingin lang sila sa malayo na animo'y nangangarap. Dinadama nila ang malamig na simoy ng hangin.
"Jin, h'wag kang magalit ha," mayamaya ay sabi ni Marian.
"Okay, ano ba ang sasabihin mo?"
"Hanggang dito ka na lang ba talaga? Ayaw mong magkaroon ng ibang trabaho na mas magaan at mas malaki ang sweldo kaysa rito sa pagsasaka?" diretsong tanong ni Marian.
Napabuntong-hininga si Jin bago sumagot, "Kontento ako sa buhay ko ngayon, Marian. Ayoko munang mag-isip ng mga kung anu-ano pang trabaho."
Nagkibit-balikat ang dalaga. "Pero mas maganda kung mangarap ka ng mas mataas, Jin. Paano na lang kung maisip mo ng magtayo ng sariling pamilya? Ayaw mo bang bigyan ng mas magandang buhay ang magiging pamilya mo?" tanong nito.
Parang hindi na umandar ang utak niya nang mga sandaling iyon. Ayaw na niyang sagutin pa ang mga katanungan ni Marian kaya tumayo na siya.
Tumayo rin si Marian. "Jin, na-offend ba kita?" nag-aalalang tanong nito.
Lumingon si Jin kapagkuwa'y ngumiti. "Okay lang, Marian. Masaya nga ako, e. May isang tulad mo ang nagpamukha sa akin ng tungkol sa kinabukasan ko. Maraming salamat," sabi niya.
Ngumiti naman si Marian. "Akala ko galit ka na. So, saan ka pupunta? Uuwi ka na ba?"
Alas singko na ng hapon no'n. Dapat alas kwartro pa lang ay umuwi na siya. Nauna na nga ang kanyang ama. Nagpaiwan kasi siya para magpahinga saglit sa kubo. Ayaw rin niyang makaharap si Din. Naguguluhan pa rin siya sa kanyang kambal. Hindi niya alam kung paano niya iyon pakikiharapan.
"Maliligo muna ako sa ilog," tugon niya.
"Talaga? Puwedeng sumama sa 'yo, Jin? Matagal na akong hindi nakakapunta, e. Namiss ko na nga ang maligo roon," nakikiusap na sabi ni Marian.
"Sure ka? Hindi ka kaya mapapagalitan ng mga magulang mo lalo na't ako pa ang kasama?"
"Hay naku... busy sila. Hindi na nila ako mapapansin."
Nagkibit-balikat si Jin. "Ikaw bahala. Sabi mo, e."
Tuwang-tuwa namang lumapit si Marian sa kanya at walang paalam na hinawakan ang kanyang kanang kamay. Medyo napapitlag siya sa ginawa nito. Para kasi siyang nakuryente. Kung gaano kagaspang ang mga kamay niya ay kabaligtaran naman iyon ng sa dalaga. Napakalambot talaga. Hindi mawari ni Jin kung bakit tila hinahaplos ang puso niya nang mga sandaling iyon. Nakaramdam siya nang matinding kasiyahan.
Tawa sila nang tawa habang binabagtas ang daan patungo sa ilog.
"Jin, nakakamiss talaga 'yong kabataan natin no'n, 'no?"
Natawa si Jin. "Oo nga, e."
Pagdating nila sa naturang ilog ay nagdalawang-isip si Jin na hubarin ang suot na pantalon. Parang nahihiya siya kay Marian no'n. Wala kasi siyang suot na boxer. Tanging maliit na brief lang ang kanyang panloob.
"Tara na, Jin. Maligo na tayo," tuwang-tuwang sabi ni Marian.
Namilog ang kanyang mga mata at napanganga nang makitang naghuhubad si Marian. Naka-bra na lamang ito at panty. Sunod-sunod na lunok ng laway ang kanyang ginawa. Tila nauhaw siya sa taglay na kagandahan ng dalaga. Bigla itong tumalon sa ilog.
"Jin, ang sarap ng tubig, halika na," pasigaw na sabi ni Marian at lumalangoy na nga ito.
Napabuntong-hininga siya. Mas lalo siyang nagdalawang-isip na maghubad kasi naramdaman niya ang pagkabuhay ng kanyang alaga. Ipit na ipit na iyon sa loob ng kanyang brief. Alam niyang lumalabas ang ulo ng kanyang kargada kapag masyadong tinigasan. Nahihiya siya kay Marian kapag nahalata nito ang nagising niyang kargada. Baka ano pa ang isipin ng dalaga sa kanya.