webnovel

Birthday

Ilang linggo ang lumipas kaya mahaba-haba na rin ang naging pahinga ni Armando. Napagpasyahan nila ni Caridad na bumalik sa mansion upang bisitahin ang anak na si Theo. Natapos na ang lahat ng pagsusuri kay Armando at sa kabutihang palad ay wala namang nakitang komplikasyon sa mga mata nito. Nanlalabo lamang ang mata nito dahil hindi na ito pabata. Sa katunayan, sa araw rin na iyon ay madadagdagan na naman ang kanyang edad. Mula sa forty-nine ay sinkwenta anyos na siya.

"Nasabihan ko na si Rina na pupunta tayo sa mansion. Nasabi ko na rin na kaarawan mo ngayon," sabi ni Caridad sa asawa. Kasalukuyan silang nasa likod ng kotse, samantalang si Armando ay abala sa pagbabasa sa newspaper. Simula nang dalhin sa hospital si Armando, kumuha na rin sila ng sariling driver upang mayroon nang maghahatid-sundo sa kanila at upang hindi na rin ito lalo pang mapagod.

"Si Theo ba? Alam na darating tayo?"

"Oo, alam niya."

Hindi man pinapakita ni Armando ang ngiti sa labi niya, excited siyang makita ang anak subalit sa tuwing kaharap niya na ito, palagi siyang alangan na yakapin ito. Marahil sa kasalanan niya rito at dahil na rin sa reyalisasyon na marami na siyang pagkukulang sa anak.

Alas nuwebe ng umaga. Nang sandaling pumasok na ang kotseng lulan ang mag-asawang Ledesma, bubungad ang mga halaman na mukhang mas lalo pang naalagan dahil mas lumago at mas naging makulay iyon. Makikita rin na bagong tabas ang ibang halaman kaya nagkaroon iyon ng korte.

"Ibang-iba na ang mansyon simula nang dumating si Rina. Tama lang talaga na kinuha natin siya. Napakasipag ng babaeng 'yon," komento ni Caridad na parang hindi naman narinig ng katabi. Nakatuon pa rin kasi ang mata nito sa hawak na diyaryo. Kaya kahit mukhang napahiya, nagpatuloy pa rin siya sa pagkukwento.

"Pansin ko rin na simula nang dumating siya, nagbago na rin ang anak natin na si Theo. Hindi na masyadong mainitin ang ulo nito hindi tulad ng dati."

"Oo."

Sa maikling sinabi na iyon ni Armando ay masaya na si Caridad. Kabisado niya na ito, kahit mukha itong walang pakialam, nakikinig naman pala ito sa kanya.

Pagkapasok na pagkapasok nila sa mansion, bumungad din ang sari-saring pagkain sa mahabang mesa. Sa may gilid naman ng mesa ay magkatabing nakatayo nang tuwid sina Theo at Rina.

Nanibago si Armando nang makita ang nakangiting si Theo sa kanya. Lumapit ito at bigla siyang niyakap.

"Dad, happy birthday," anito.

Pinanlakihan si Armando ng mga mata pero sa huli ay niyakap niya rin pabalik ang anak.

"Salamat, Theo."

"Kumusta po kayo?"

"Ayos lang ako, Anak. Ikaw ba?"

"Ayos lang ako, Dad at maayos din ang hotel."

"Nakita ko nga, good...good job." Alangan pa ang papuri ni Armando.

"Salamat, Dad."

Ininimbitahan din ni Armando at Caridad sina Dr. Steve, Eduardo at Cliff. Ang mga ito na lamang ang hinihintay at kapag dumating na ang mga ito ay kakain na sila.

Habang naghihintay naman, manghang-mangha naman si Caridad sa mga pagkaing nasa mesa. Maaasahan talaga si Rina at hindi siya nagsisisi na ito ang kinuha nilang mamahala sa mansion at magbantay kay Theo. Natutuwa siya sa skills ng babae. Bukod sa maabilidad ito, napakabait din nito.

"Ang galing mo, Rina. Nagawa mong lutuin ang lahat ng ito?" Lumingon si Caridad kay Rina habang nakaturo sa mga pagkain sa mesa.

"Tumulong ho sa 'kin si Theo."

Nilipat naman ni Caridad ang tingin kay Theo. "Talaga, Anak?"

"Yes, Mom."

"Aba, magkasundo na talaga kayong dalawa, a."

Pansin ni Caridad kung paano nag-iwas ng tingin sina Theo at Rina sa isa't isa kaya napangiti na lamang siya. Kung saka-sakaling sina Theo at Rina ang magkakatuluyan ay wala siyang magiging problema. Pabor na pabor siya sa ugali ni Rina at walang kaso sa kanya kung nagmula pa ito sa mahirap dahil tulad nito, doon din naman siya nagmula.

Labing siyam siya nang namasukan bilang kasambahay sa mansion ng Ledesma. Minsan niya na ring napagsilbihan ang naging asawa. Noong una ay marami silang hindi napagkakasunduan at katulad ni Theo, mainitin din ang ulo nito sa lahat ng bagay. Nilalawakan niya na nga lang ang pasensya rito at sa huli nagawa niya namang paamuhin ito. At kahit pa nga malaki ang agwat ng kanilang edad, hindi hadlang iyon upang mahalin niya ito.

Akala niya noong una ay okay na sila ni Armando noon subalit ikinagulat niya nang ipakilala ng mga magulang nito sa lahat ang babaeng nakatakda nitong pakasalan. Si Luisiana. Sawing-sawi siya noon nang pakasalan ni Eduardo ang babae at ang lalong mas masakit sa kanya ay ang masaksihan kung paano nagkaroon ng anak ang dalawa. Niluwal ni Luisiana si Theo.

Masakit iyon para sa kanya dahil sinabi sa kanya ni Armando na mahal din siya nito subalit hindi man lang nito ipinaglaban ang pagmamahal nito sa kanya. Naging sunod-sunuran lamang ito sa mga magulang noon. Totoo man na napakaistrikto ng mga magulang nito, naisip niya na sana kahit papano ay pinaglaban siya ni Armando.

Hinayaan niya lamang iyon at nagpikit-mata na lamang sa kanyang nasaksihan kahit pa nga durog na durog na ang kanyang puso sa sakit na paulit-ulit na pagsampal sa kanya ng katotohanan na hindi maaaring maging sila ni Armando. At dahil nagtatrabaho siya sa mansion, pilit niya na lamang iniiwasan ang lalaki upang makalimutan niya ito pero kahit ano ang gawin niyang iwas at kahit napakalawak ng mansion ng Ledesma para sa kanilang dalawa, hindi pa rin niya mapipigilan na magtagpo sila.

Isang taon ang lumipas matapos ang kasal nina Armando at Luisiana, nabalitaan na lamang nila na patay na ang mga magulang nina Armando at Eduardo dahil sa car accident. Ilang linggong nagluksa ang magkapatid at dahil sa awa niya kay Armando, hindi niya rin naiwasang hindi lumapit dito upang palakasin ang loob nito. At doon nga ay mas lalo na naman silang naglapit sa isa't isa at iyon din ang dahilan kung bakit mas lalo niya pang minahal ang lalaki. Kahit may asawa na ito, baliw na baliw siya sa pagmamahal nito. Ganoon nga siguro kapag nagmahal ka, kahit mali ay gusto mo pa ring ituloy. Kahit may masasaktan iba ay gusto mo pa ring maging masaya kasama ng taong minamahal mo.

Nagkaroon sila ng patagong relasyon ni Armando noon. Kapag wala ang asawa nitong si Luisiana, doon sila palihim na nagkikita ni Armando. Minahal niya ang lalaki at mababaliw siya kung ilalayo niya ang sarili rito. Kahit mali at kahit na gulo ang pinasok niya, ipagpapatuloy niya pa rin ang kanyang pagmamahal. Nakahanda siyang harapin ang hinaharap.

Hindi nga nagtagal ay nagkabukingan na. Nalaman ni Luisiana ang lihim nilang relasyon. Nagtalo ang dalawa subalit sa huli ay masaya siyang siya ang pinili ni Armando. Umalis si Luisiana sa mansion at wala na silang naging balita rito simula nang mangyari ang pagtatalo at simula nang nag-divorce ang dalawa.

Simula rin nang nangyari iyon, siya na ang tumayong ina kay Theo at siya na rin ang pumalit kay Luisiana bilang asawa ni Armando. Pinakita niya lahat ang pagsuporta rito. Sinasamahan niya ito sa bawat lakad nito upang ipakita na mahal niya ito. Minahal niya rin naman si Theo bilang totoong anak. Minahal niya ito na para bang sa kanya nanggaling. Hindi kasi sila binigyan ng sariling anak ni Armando dahil may problema siya pagbubuntis. Palagi na lamang siyang nakukunan kaya pinagpapasalamat niya na rin na mayroong isang Theo na dumating sa buhay nilang mag-asawa.

Ang katotohanang ding iyon ang nais ibaon ni Armando sa limot. Katulad ng mga magulang nito, namana rin nito ang pagiging sensitive sa pangalan ng pamilya. Hangga't maaari ay ayaw nitong makarinig ng ano mang issue tungkol sa pamilya nila. Ayaw nitong narurumihan ang apelyido ng Ledesma kaya hangga't maaari, kung kayang linisin ang kalat ay gagawin nito huwag lang masira ang reputasyong iniingatan simula pa ng mga ninuno nila.

Mahal niya si Armando kaya naman kung ano ang gusto nito ay pilit niyang sinusunod at kung ano ang kahilingan nito ay pilit din niyang pinagbibigyan.

"Mabuti nandito na kayo."

Nagbalik si Caridad sa sarili nang narinig ang boses ng asawa. Nilingon niya rin sina Eduardo, Cliff at Dr. Steve na kakapasok lamang.

Matapos ang saglit na kumustahan ay naupo na rin ang mga ito at nagsimula na silang magkainan.

"Happy birthday, Tito," bati ni Cliff.

"Salamat, Cliff."

"Happy birthday, Mr. Ledesma," bati naman ni Dr. Steve.

"Salamat."

"Maligayang kaarawan, mahal kong kapatid!"

Makikita ang pekeng ngiti sa mga labi ni Eduardo pagkatapos ay niyakap ang kapatid. Hahayaan niya munang magpakasaya ang kapatid dahil malamang ay hindi na ito makakangiti sa susunod na mangyayari.

Bab berikutnya