webnovel

Kabanata - II : Dark Witch Switch

MAAGA akong gumising dahil walang pasok, mag-isa akong nagtungo sa Baclaran. Nagdasal ako na sana bumalik na kami sa dati. Matapos kong magsimba, agad akong naglibot sa paligid. Mabuti taga-Parañaque kami, madali lang magpabalik-balik dito sa Baclaran.

"Hoy, tabi!!"

Isang malakas na sigaw ang gumulantang sa harap ko. Hindi ako nakaiwas agad akong nabangga ng lalaking nakasakay sa bisikleta.

"A-Aray!" Nasaktan ang paa ko, naipit sa gulong ng bisekleta ng lalaki.

"Tatanga-tanga ka kasi! Alam mo nang daanan 'to, tutunga-tunganga ka riyan!" sermon ng lalaki.

Sa tono pa lang nang pananalita niya, halatang suplado na. Pero, alam kong kasalanan ko kaya magpapakumbaba na lang ako. Hinarap ko siya saka nayuko.

"S-Sorry, may hinahanap kasi ako sa paligid kaya hindi kita napansin."

Biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Parang may kakaiba sa paligid na nagpapatayo ng balahibo ko sa balat. Hindi pa naman taglamig pero nilalamig ang katawan ko. Bigla siyang nagsalita.

"A-ayos lang, s-sorry din nasigawan kita naipit ko pa ang paa mo." Ang lamig ng boses niya.

Natulala ako at napangiti. Kahit papaano marunong naman pala siyang magpakumbaba. Kala ko purong sungit lang siya.

"Wala 'yon, hindi naman masakit," nakangiti kong sagot.

Tinitigan ko siya sa mga mata, bigla niyang inilihis ang tingin sa ibang dereksyon. Halata ang pamumula ng pisngi at tainga niya. Sa tingin ko, magkasing-edad lang kaming dalawa. Hinahawi ng hangin ang mahaba niyang bangs. Kapansin-pansin ang mahaba niyang pilikmata.

Hindi ko inalis ang mga mata ko sa kanya. Samantalang siya panay ang sulyap. Itinakip niya ang palad sa kalahati ng mukha niya. Natatakpan tuloy nito ang kanyang bibig.

"H-hindi mo ba ako k-kilala?" bigla niyang tanong.

"Huh?"

Napaisip ako, nagkita na ba kami kung saan? Hindi ko matandaan, wala akong maalala. Hm…

"Sige, kita na lang tayo sa school!" aniya.

Ipinadyak niya ang pedal saka umalis sakay ng bisekleta. Saka ko lang naalala, tama! Siya nga! Kaklase ko s'ya. Ano nga ulit ang pangalan niya? Siya yata 'yung transfer student galing sa probinsya.

Ngayong araw bigo ako sa paghahanap sa matandang babae. Nabangga ako ng kaklase kong lalaki na, hindi ko alam ang pangalan. Uuwi akong walang balita kay ate. Bukas, papasok na naman ako sa opisina at siya naman sa school ko.

Itatanong ko kay ate mamaya ang pangalan ng kaklase kong iyon. Binatang may: mahabang bangs, masungit na mukha, matangos ang ilong, maputi at mas matangkad sa akin. Habang naglalakad ako papunta sa sakayan ng jeep. Nakarinig ako ng ingay. May babaeng na-snatch-an ng bag. Natuon ang tingin ng mga tao sa babaeng sumisigaw. Napalingon ako sa direksyong iyon, nanlaki ang mga mata ko sa nakita. Ang matandang babae, nakatayo sa gilid ng makipot na iskinita. Agad kong pinuntahan ang matanda, nang makita niyang papalapit ako sa kanya bigla siyang pumasok sa loob ng eskinita. Sinundan ko siya sa loob, ang baho at ang dumi sa paligid. lumakas bigla ang tibok ng puso ko, kinakabahan ako baka hablutin na lang ako rito ng kung sino.

"Ano'ng ginagawa mo rito?!" Isang malamig na kamay ang kumapit nang mahigpit sa braso ko.

Ang matandang babae! Nangilabot ako sa presensya niya, gusto nang humiwalay ng lamang loob ko sa takot.

"I-ikaw?! B-bitiwan n'yo ho ako!" pagpupumiglas ko.

"Shhh!" Sumenyas siyang tumahimik ako.

Dahan-dahan niyang tinanggal ang kamay niya sa braso ko. Nangangatog ang tuhod ko sa takot. Gusto ko nang tumakbo, kaso…

"Hinahanap mo ako 'di ba?" Nanlilisik ang mga mata ng matanda, parang mata ng pusa kumikislap ito na kulay Dilaw.

Hindi mawala ang pagkatitig ko sa kulubot niyang mukha, kubang katawan at mahabang daster na suot.

"O-Opo! A-Alisin n'yo na po ang sumpa sa amin ng Ate ko!" natatakot kong tugon habang yapos ko ang aking sarili.

"Hindi matatanggal ang sumpa!" Isang matalim na tingin ang tinuon sa akin ng matanda.

Tumalikod siya at naglakad nang mabagal, sinenyasan niya akong sumunod gamit ang hintuturo. Takot na takot kong sinundan ang matandang babae. Nang makarating kami sa dulo ng eksinita, pader ang tumambang sa aming harapan. Napaligiran kami ng mataas na pader, tanging daan pabalik ang maaaring madadaanan.

"A-Ano pong gagawin natin dito?" usisa ko.

May pangamba pa rin sa pananalita ko. Ang weird ng matandang ito! gusto ko nang umuwi. Pero, kailangan may malaman ako tungkol sa sumpa namin ni ate. Pagkakataon ko na ito, matagal na namin siyang hinanap hindi ko ito palalampasin!

"Shhh…" Sumenyas ang matanda na tumahimik.

Sinunod ko siya at pinagmasdan ang matandang babae. Dahil nasa dulo kami at walang ibang tao maliban sa mga pusang nagkalat sa tabi, ang iingay nila panay ang pag-meow sa tabi. Mastumindi ang panlalamig ng katawan ko. Niyakap ko ang aking sarili, 'di mapakali maya't maya ang lakad, atras-abante. Nang matulala ako sa aking nasaksihan. Binalutan kami ng itim na liwanag.

"Isa itong magic barrier, mula rito ang lahat ng makikita mo ay likha ng aking mahika," nakakatakot na litanya ng matanda.

Habang tumatagal, unti-unting nagbago ang boses ng matanda, naging— naging boses dalaga? Humarap siya sa pader saka nagsambit ng orasyong hindi ko maintindihan.

"Orea, ilaih, majika, nepetrum, openum!!"

Nanlaki ang mga mata ko sa pagkamangha, isang nakakasilaw na liwanag ang gumuhit sa pader. Nagkaroon ng pinto ang pader. Hinawakan ng matanda ang busol ng pinto saka ako inanyayahang pumasok sa loob. Kahit puno ng kaba, pinili kong pumasok sa loob, gusto kong matuklasan ang hiwaga ng babaeng 'to.

"Pasok na, Binibining Charlotte," malumanay niyang paanyaya.

Ang ganda ng tinig niya, hindi mo iisiping siya at ang matanda ay iisa.

"K-Kilala mo ako?" taka kong tanong.

"Natural, ako ang gumawa ng sumpa sa inyo ng ate mong masama ang ugali!"

Hinakbang ko ang paa ko, bago tuluyang pumasok sa loob nilingon ko ang magandang babae.

"S-Sino ka? Isa ka bang mangkukulam?"

Nangiti siya't sumagot. "Ang pangalan ko'y Switch, isa akong dark witch!"

Matapos niyang ipakilala ang sarili, tuluyan na kaming pumasok sa loob ng mahiwagang pinto. Nanlaki ang mga mata ko sa pagkamangha, nasa loob ako ng mahiwagang tahanan ni Switch. Ang matandang nagbigay ng sumpa sa amin ni Ate Carmen.

Bab berikutnya