Makalipas ang apat na taon, ikinasal sina Alex at Samantha at nagkaroon sila ng dalawang anak. Kambal rin ang mga ito at pinangalanan nilang Alexa Carylle at Alexa Jasmine. Parehong babae ang anak nila na kasalukuyang nasa walong buwan pa lamang. Matapos bumagsak ang kumpanyang pinapasukan nila nagdesisyon si Alex na maging isang guro sa isang unibersidad. Tinanggap ni Alex ang trabaho dahil bukod sa malaki ang suweldo ay gusto na rin niyang magturo. Isa sa pinakamagaling na estudyante ni Alex ay si Natasha, matalino ang dalagita at may taglay itong ganda.
Natapos na ang klase ni Alex kaya naman sabay-sabay na naghanda ang mga estudyante ng gamit nila. Ang iba ay naglalagay ng mga libro sa kanilang bag habang ang iba naman ay inaayos ang sarili bago lumabas.
"Okay class, I need your reaction paper tomorrow. Okay!"anunsyo ni Alex sa kanyang mga estudyante.
"Yes, Sir!"sabay-sabay na sigaw ng mga estudyante.
"Okay! Goodbye guys..."wika ni Alex.
"Goodbye, Sir!"muling wika ng mga estudyante.
Kaagad na lumabas si Alex sa silid-aralan ngunit hindi niya napansin na may nahulog siyang bagay bago pa man siya makalabas ng pinto. Napansin ito ni Natasha kaya madali niya itong kinuha.
"Sir! Sir Alex!"sigaw ni Natasha habang winawagayway ang bagay na nahulog ng kanyang guro nang lumabas ito ngunit parang walang naririnig si Alex. Hinabol niya ang guro ngunit hindi na niya ito maabutan at nawala na ito sa paningin niya dahil sa dami ng mga estudyante na nakakasalubong niya. Nabigo ang dalagita sa kagustuhan nito na maibalik ang bagay na nahulog ng guro sa kanya. Napabuntong hininga na lang si Natasha dahil dito at dahil sa pagod sa paghabol sa guro ay napaupo siya sa isa sa mga bench ng eskwelahan. Tiningnan niya ang bagay na naihulog ng guro mula pa kanina.
"Diary? Bakit may Diary si Sir Alex?"tanong ni Natasha sa sarili habang hawak ang isang itim na kuwaderno na may nakaimprenta sa harap nito na Diary.
Binuklat niya ang unang pahina ng diary at may nakasulat dito.
Diary of Matthew Montiveros
Laking pagtataka ni Natasha matapos mabasa ang nasa unang pahina ng Diary. Napakunot ang noo ni Natasha matapos mabasa ito at kumintal sa kanyang isipan ang isang katanungan.
"Sino si Matthew Montiveros? At bakit na kay Sir Alex ang kanyang diary?"tanong ni Natasha sa sarili. Lumawak ang kyuryosidad sa kanyang isipan kaya naman binasa niya ang sumunod na pahina ng diary at ito ang nakasulat;
03/19/2016
Dear Diary,
Mahirap itago ang isang sekretong nais kong ipabatid sa lahat. Ngunit natatakot ako na baka sa isang iglap ay may mapahamak dahil sa sekretong ito. Natuklasan ko na kaya kong makita ang hinaharap ng isang tao sa oras na makasalamuha o mahawakan ko siya. Alam kong hindi kapani-paniwala ngunit kahit ako ay nagugulat sa mga nangyayari sa paligid ko. Ayaw ko sa sumpang ito. Ang gusto ko lang naman ay mamuhay nang normal ngunit paano?
Matthew.
Nagulat si Natasha sa nabasa niya. Tila may gustong sabihin ang sumulat nito ngunit pinipigilan siya ng kung sino man dahil maaari niya itong ikapahamak. Lalong lumalim ang kyuryosidad ng dalagita. Kaya naman binuklat niya ang sumunod na pahina ngunit bago pa man lumapat ang papel sa kasunod nitong pahina ay isang pamilyar na boses ang narinig niya.
"Natasha!"sigaw ng isang binatilyo sa 'di kalayuan. Matangkad ang binatilyo at may mapupungay itong mga mata. Katamtaman lang ang katawan niya at may morenong kulay ng balat. Patakbo nitong nilapitan si Natasha sa kinaupuan nito at tumabi sa kanya.
"Ikaw pala Jacob. Anong ginagawa mo dito?"tanong ni Natasha sa kaibigan niyang si Jacob. Matalik na magkaibigan ang dalawa. Simula pagkabata ay palagi na silang magkaklase at magkasama. Maraming pagkakataon na ring naging magkasangga ang dalawa sa lahat ng bagay. Maraming napagkakasunduan ang dalawa kaya naman hindi naging mahirap para sa kanila na kaibiganin ang isa't isa.
"Wala naman, kanina pa kitang hinahanap eh. Bigla ka na lang kasing nawala pagkatapos ng klase natin kay Sir Alex. Saan ka ba nagpunta?"usisa ng binatang si Jacob.
"Ah wala. Hinabol ko lang si Sir, nahulog niya kasi ito."wika ni Natasha habang hawak ang diary na ipinakita niya kay Jacob.
"Ano 'yan, diary? Bakit nagkaroon ng diary si Sir Alex?"tanong ng binata nang kuhanin niya ang itim na kuwaderno na hawak ni Natasha.
"Actually, hindi sa kanya 'yan. Hindi ko alam kung kanino pero ang pangalan ng may-ari ay Matthew Montiveros."paliwanag naman ni Natasha. Napaisip naman si Jacob sa narinig panay ang tingin niya sa kanan na tila may malalim na iniisip.
"Matthew Montiveros, parang pamilyar sa akin ang pangalan na 'yun?"wika naman ni Jacob na kanina pang iniisip kung saan niya narinig ang pangalan na binanggit ni Natasha.
"Talaga? Saan mo naman narinig?"usisa ni Natasha nang biglang nanlaki ang mga mata ni Jacob na ani mo'y nakaalala bigla.
"Alam ko na!"napapitik ito ng daliri matapos maalala ang lahat."...siya 'yung nabalitaan ko na grade 10 student na nagpakamatay sa kabilang school."dugtong pa ni Jacob. Biglang tumayo ang balahibo ni Natasha dahil sa narinig.
"A-anong ibig mong sabihin?"tanong ni Natasha sa binatang si Jacob matapos sabihin ang mga katagang 'yun.
"Oo Nats! Sa natatandaan ko four years ago may isang estudyante raw na nagpakamatay dahil sa matinding depresyon. At ang estudyanteng 'yun ay sa kabilang university lang nag-aaral. Ayo nga sa narinig kong balita, Matthew Montiveros daw ang pangala ng estudyanteng 'yun."paliwanag naman ni Jacob.
"Hindi ka rin dakilang tsismoso 'no? Saan mo naman nabalitaan 'yun?"sarkastikong wika ni Natasha.
"You know, I have the connections..."biro ni Jacob habang itinuturo ang sentido niya na parang sinasabing ang tali-talino niya.
"Dami mong alam, diyan ka na nga!"inis na wika ni Natasha at kaagad na umalis sa kinatatayuan niya at inagaw ang diary sabay isinilid ito sa kanyang bag. Mabilis naman siyang naabutan ni Jacob sa paglalakad dahil sa haba ng biyas nito.
"Wait Nats! Hindi ka ba nagtataka? Paano napunta kay Sir Alex ang diary ni Matthew Montiveros. Hindi kaya ibig sabihin nito ay may koneksyon silang dalawa?"muling pag-uusisa ni Jacob.
"Hindi ko alam. Basta kailangan ko itong maibalik kay Sir."wika naman ni Natasha na nagmamadali sa paglalakad ngunit kahit anong bilis niya ay nagagawa pa rin siyang sabayan ni Jacob.
"Teka lang! Hindi kaya may ibig sabihin nito kaya sa iyo napunta 'yang diary. Hindi kaya may nais iparating sa iyo ang nagsulat niyan?"muling wika ni Jacob.
"Ano bang pinagsasabi mo?"tanong naman ni Natasha.
"May nabasa kasi akong article, na kapag daw nakuha mo ang diary ng isang taong namatay na maaari daw magkaroon kayo ng koneksyon o kaya naman may gusto siyang iparating sa iyo dahil ikaw lang ang puwedeng makaalam ng sekreto niya?"saad ng binata.
"Alam mo Jacob tigilan mo na yang pagbabasa ng creepy articles, minsan kasi nagiging weird ka na."inis na tugon ni Natasha.
"Totoo ang sinasabi ko!"wika naman ni Jacob.
"Ewan ko sa iyo!"bulyaw ni Natasha sa binata na nagmamadali pa rin sa paglalakad ngunit natigilan siya nang makaramdam ng kakaibang lamig sa kanyang batok. Tila may nakatingin sa kanya kaya napatigil siya sa paglalakad at nagmasid sa paligid. Tanging mga kapwa estudyante lang niya ang dumaraan sa kanyang paligid ngunit napansin niya ang isang binatilyo sa 'di kalayuan. Nakasuot ito ng uniporme ngunit uniporme ng ibang school. Laking pagtataka niya dahil mahigpit na ipinagbabawal na magpapasok ng mga estudyante sa ibang paaralan lalo na't wala itong pahintulot. Nakatitig sa kanya ang binatilyo. Seryoso ang mukha nito ngunit malamlam ang emosyon sa mga mata nito. Ngunit laking gulat niya nang mawala ito bigla matapos magsidaanan ang grupo ng mga estudyante sa kinatatayuan nito.
"Nats! Are you okay? Bakit para kang nakakita ng multo?"nag-aalalang tanong ni Jacob sa dalagita.
"No, I'm okay. Samahan mo na lang ako sa faculty para ibigay 'tong diary kay Sir."maang nito dahil sa tingin niya ay guni-guni lamang ang kanyang nakita.
Nagdiretso sila sa faculty upang hanapin ang guro nila.
"Naku, wala na si Sir Alex. Umalis na, nagmamadali nga kania nung umalis eh."wika ng isang guro na nasa faculty rin.
"Ganoon po ba? Salamat na lang po Ma'am."malungkot na wika ni Natasha.
"Bukas mo na lang ibalik Nats! May klase naman tayo sa kanya bukas."wika ni Jacob habang hawak ang balikat ni Natasha.
Malalim na ang gabi, naalimpungatan si Natasha sa kanyang pagkakatulog. Tiningnan niya ang maliit na orasan na nasa tabi lang ng kanyang kama. Alas tres pa lang ng madaling araw. Sa gitna ng katahimikan ng gabi ay nakaramdam siya ng pagkauhaw kaya nagdesisyon siyang bumaba sa kusina upang uminom ng tubig. Kumuha siya ng isang baso at binuksan ang refrigerator. Ibinuhos niya ang pitsel na may lamang tubig sa baso at ininom niya ito. Ngunit tila may nagmamasid sa kanya. Nakaramdam siya ng kakaibang lamig sa paligid at sa gitna ng malalim na gabi ay may naaninag siyang anino sa sulok ng kusina kung saan siya naroroon.
"Si-sino ka? Paano ka nakapasok dito?"takot na wika ng dalagita. Naramdaman niya ang yabag ng mga paa ng aninong naaninag niya. Unti-unting naging malinaw ang rehistro ng anino at kitang-kita niya ang pamilyar na mukha nito nang unti-unti itong lumapit sa kanya. Ang binatilyong nakita niya kanina sa unibersidad ay ang taong unti-unting lumalapit sa kanya. Ngunit hindi kagaya ng kanina ang mukha ng binatilyo ay maputla at napapalibutan ng ugat. Maputi ang mga mata nito at maitim ang kulay ng labi. Lalong tumindig ang balahibo ni Natasha sa nakita. Hindi niya magawang tumakbo dahil sa takot dahil ramdam niya ang unti-unting paglapit ng nakakatakot na nilalang.
"Tulungan mo ako."isang tinig ang naririnig niya sa paligid. Tinig ng isang lalaki na parang nag-e-echo. Tsaka lang niya napagtanto na tinig iyon ng binatilyong nasa harap niya dahil m mpapalapit ito sa kanya. Ngunit ang nakakapagtaka ay hindi man lang gumagalaw ang bibig ng nilalang na ito.
"Tulungan mo ako..."paulit-ulit ang tinig na iyon sa kanyang tenga. Ramdam niya na malapit na sa kanyang kinatatayuan ang nakakatakot na nilalang kaya napapikit na lamang siya. Hindi niya magawang makasigaw dahil sa takot.
Sino nga kaya ang nilalang na ito na humihingi ng tulong kay Natasha?
Itutuloy...