webnovel

LIKE MOTHER, LIKE DAUGHTER

Halikayo rito, pasok kayo," yaya ng ginoo sa loob ng bahay at iginiya sila sa sala kung saan naruon ang tatlong duralex na upuan. Nag kanya-kanya sila ng upo.

"Pssst William, 'wag ka munang makisali sa kanila. Tulungan mo muna akong asikasuhin ang mga kaibigan ni Marble at umiiyak ang dalawang kambal," utos nito sa kababata ng anak na tumalima naman agad sa kusina ng bahay para ipagtimpla sila ng kape.

Naiwan silang magkaibigang magkatabing na nakaupo sa dalawang silya.

"Dude, 'di mo pa sinasagot ang tanong ko. How did he know you? Why is he calling you Binbin?" muling tanong ni Gab sa kanya.

"Mahabang istorya. Ikwento ko sa'yo 'pag nakauwi na tayo," sagot niya pero sa totoo lang, wala siyang balak magkwento dito tungkol do'n.

Saka lang ito natigil ng pangungulit sa kanya.

"Manong, saan po ba nakalagay ang kape niyo?" hiyaw ni William mula sa kusina na tanging mahabang kurtina lang ang nagsilbing pinto niyon.

"Nariyan lang sa mesa. 'Yong twin-pack d'yan na Great taste White!" sagot ng tinanong.

Muli niyang inikot ng tingin ang loob ng bahay. Dalawa ang kwarto paharap sa sala na parehas mga kurtina lang din ang nagsilbing pintuan at ang pangatlo ay ang kusina. Pero napangiti siya nang makita ang hagdanan paakyat sa mezzanine na sinadya pang lagyan ng mabulaklak na wallper ang dingding, kitang kita niya ruon ang gawa sa kawayang kama na kumikintab sa shellac na ipinahid do'n.

Naisip niya, close marahil ang tomboy sa ama nito dahil mas inuna pa ng huli na gawan ang anak ng sarili nitong kwarto kesa pagandahin ang loob at labas ng bahay.

"Ano pala ang ipinunta niyo rito?" untag ng ginoo sa katahimikan nang makalabas na ito ng silid karga sa magkabilang braso ang dalawa anak.

Mabilis na kumilos si Gab at lumapit dito.

"Akina na po ang isang bata, Tito," presenta nito, akmang kukunin ang bata mula sa ama.

Alanganing sumulyap ang ginoo sa binata.

"Don't worry, marunong po akong magkarga ng bata," pagbibigay nito ng assurance sa lalaking nagtiwala naman sa sinabi nito't iniabot ang 'di man lang umiyak na bata, sa halip ay yumakap pa nang mahigpit sa binatang natuwa sa nangyari.

Kalalabas lang din ni William mula sa kusina at ibinigay sa kanya ang dalawang tasa na inilagay naman din niya sa maliit na mesang nasa harap niya, gawa din sa kawayan, nilagyan lang ng kulay berdeng mantle sa ibabaw niyon.

"Pasensya na't 'di ko kayo maasikaso ngayon dahil wala dito ang asawa ko't 'di pa rin ako nakakapagluto ng pananghalian," wika na uli ng ginoo sabay baling sa kanya.

"Binbin, naparito nga pala kayo?" muli nitong usisa.

"Sinamahan niya lang po ako. Matalik ko po siyang kaibigan. Alam po niyang nanliligaw ako kay Marble, siya pa nga po ang tulay namin," si Gab na ang sumagot habang nilalaro-laro ang kargang bata.

Nagtatanong ang mga matang napatitig ang ginoo sa kanya. Wala siyang choice kundi ang tumango at ngumisi.

"Opo, Tatang. Nanliligaw nga po siya kay Marble," susog niya.

Muntik na naman itong humalagpos ng tawa kung 'di siya tumayo at nilapitan ito saka pasimpleng inakbayan at iginiya palabas ng bahay.

"Ngayon lang po nagkagusto sa babae ang kaibigan kong 'yan Tatang, kaya hindi ko siya matanggihan. Tinaman yata talaga sa anak niyo," aniya nang pabulong.

"Segurado kang 'di 'yan nasisiraan ng bait?" nagdududa pang tanong nito.

Napalakas ang tawa niya.

"Naku hindi po, mayaman po ang mga magulang niyan, isa sa pinakamayaman sa buong Manila," pagtutulak niya sa kaibigan.

Natahimik bigla ang ama saka napabuntunghininga.

"Kilala mo naman ang anak ko kahit papa'no Binbin. Sasabihin ko sayo, mula nang magkaisip siya, ni 'di siya humingi sa'kin kahit piso man lang. Kaya wala akong pakialam kahit mayaman pa ang kaibigan mo. Kung magugustuhan siya ni Marble, eh 'di sige. Kung hindi, wala akong magagawa para sa kanya. Pero ang alam ko, walang makalapit na lalaki sa anak kong 'yon dito liban sa mga barkada niyang lalaki. 'Tsaka pangit lang ang anak ko, bakit siya magkakagusto do'n?" paliwanag nito.

Halata niyang dini-discourage sila nito pero naruon din ang katapatan sa mga salita nito na kahit siya'y sandaling natahimik. Independent pala si Marble, no wonder, nagawa nitong mag-survive sa Manila bago makarating sa kanila. Napangiti siya sa nalaman.

Kinalabit siya ng kausap.

"Pero Binbin, may tiwala ako sa'yo--" anito nang biglang umalingawngaw sa labas ng bahay ang tinig ng isang ginang na nang bumaling siya dito'y tila narinig niya ang boses ni Marble. Malayo man ang mukha ng ginang sa anak, pagkarinig pa lang sa boses ay sure na siyang ito ang ina ng dalaga.

"Oy, Luis! 'Yan ba ang kinuha mong tutulong sayo sa paggawa ng bahay natin? Bakit pusturawo naman ata?" wika nito palapit pa lang sa kanila.

Napasulyap ang kaharap sa kanya pero 'di makapagsalita nang makitang siya naman ang binalingan ng asawa nito.

"Pautos nga muna iho't kanina pa ako nangangalay sa mga bitbit ko," anito't iniabot sa kanya ang dalawang supot nitong bitbit.

Hinampas ito sa balikat ng asawa at magsasalita na sana nang sumabad siya.

"Okay lang po, wala pong problema," an'ya sa lalaki't kusa nang kinuha ang bitbit ng ginang ngunit nanatiling nakatayo sa may pinto.

"O, paraanin mo ako't pagod na pagod ako galing biyahe," baling uli nito sa kanya.

"Sa'n ka ba kumuha ng katulong Luis, parang ingot naman ata?" baling na nito sa asawang namula bigla ang pisngi sa pagkapahiya.

Siya nama'y muntik nang humulagpos ng tawa, biglang naalala si Marble. May pinagmanahan nga ang bibig ng tomboy na 'yon. Itinabi na lang niya ang sarili para makapasok ito.

"O dalawa pala ang kinuha mong katulong? Pa'no tayo makakapagbayad ng upa sa kanila eh alam mo namang pambili ng gamot ng kambal ang ibinigay ni Marble sakin. Mabuti nga't ipinadala agad ni Binbin ang pera kahapon. Nakita mo nga't pinakiusapan lang natin ang doktor na palabasin na ang kambal at dito na lang sila magpagaling nang 'di lumaki ang gastos natin sa ospital. Tapos kukuha ka pa ng dalawang katulong sa pag-aayos nitong bahay!" mahaba nitong sermon sa asawang 'di malaman kung pa'no patitigilin ang bibig ng ginang at pulang-pula na ang pisngi sa pagkapahiya sa kanilang dalawa.

"Naku, hindi po kami nagpapasuhol," natatawang sabad ni Gab, mabilis na nagmano sa ginang.

"O mabait naman pala itong isa eh. Bakit iyang isa eh 'di man lang nagmano sa'kin? Kuuuh! Ang mga kabataan talaga ngayon, nakakalimutan nang magmano sa mga nakakatanda. Ibang-iba talaga kay Binbin kahit nasa Manila pa 'yon pero magalang sa'min, mabait pa," komento nito habang pasulyap-sulyap sa kanyang kanina pa pinipigilan ang mapatawa nang malakas sa halip na mainsulto sa sinasabi nito.

Napansin niyang nagmamadaling lumapit ang ginoo at sasawayin na sana ang asawa nang bigla siyang tumikhim at inunahan ito sa paglapit sa ginang sabay kindat dito.

"Mano po pala, Nanang. Sensya na po," an'ya ritong nakangiti.

"Hep! Hep! Manang na lang ang itawag mo sa'kin. Si Binbin lang ang pwedeng tumawag sa'kin ng Nanang," saway sa kanya.

Nagtataka namang napatitig sa kanya si Gab, nagtatanong na uli ang mga mata ngunit agad din niyang iniiwas ang paningin at muli na namang inakbayan ang ama ni Marble palabas na uli ng bahay.

Bab berikutnya