Pinagmasdan muna ni Marble ang paligid at inalam kung saan siya naroroon saka muling bumaling sa nilabasan ng kanyang t'yahin. Inayos niya ang pagkakasukbit ng backpack sa kanyang magkabilang balikat at inilagay sa harap ng dibdib ang katawan ng bag, saka siya tumakbo para habulin ang kanyang t'yahin. Ayaw niyang maghinala ng kung ano pa. Baka nga malapit sa palengke ang lugar na kinaroroonan nila. Baka nasa labas lang niyon ang kanyang t'yahin.
Nang makalabas na sa park ay muli niyang iniikot ang tingin sa palibot. Wala siyang nakitang palengke sa paligid, sa halip ay mga puno sa gilid ng park, mga sasakyan sa kabila at harap ng kinatatayuan. Biglang nangatog ang kanyang mga tuhod, saka siya nakaramdam ng takot. Iniwan ba siya ruon ng kanyang T'yang Amanda?
Hindi! Sinaway niya ang sarili. Tiyahin niya ito. Alam nitong wala siyang kaalam-alam sa lugar na 'yun. Kapatid ito ng kanyang ina. Hindi nito 'yun gagawin sa kanya.
Babalik siya sa loob ng park at doon na uli siya mauupo sa kinauupuan kanina. Duon siya maghihintay hanggang sa bumalik ito. Baka nga may malapit na mall doon at doon ito bumili ng pasalubong at pagkain nila. Baka nagkakamali lang siya ng hinala.
Pinakalma niya ang sarili at bumalik sa kinauupuan kanina. Inaliw na lang niya ang mga mata at tenga sa pakikinig sa mag-amang tumutugtog ng gitara habang sabay na kumakanta.
Ngunit kung kelan siya naaaliw sa panonood at pakikinig, saka naman dinumog ng mga tao ang mag-ama hanggang sa mapalibutan ang dalawa at 'di na niya makita.
Lumingon siya sa likuran at tinanaw ang nakita niyang tindang biscuit at mineral water sa bote. Noon lang siya nakaramdam ng gutom at uhaw. Hinimas niya ang kumukulo na palang t'yan saka kinapa ang bulsa ng jeans. Meron pang 500 sa kanyang bulsa, 'yong bigay ng kanyang tatay. Pero ayaw niya iyong gastusin. kaya nagkasya na lang siyang tumingin roon at hinintay ang t'yahing bumibili lang ng pagkain.
Subalit papalubog na ang araw ay 'di pa rin ito bumabalik. Nakailang beses siyang nagtungo sa labas ng park para tanawin ito kung pabalik na pero wala. Hanggang sa muli siyang makaramdam ng takot at biglang namalisbis ang luha sa kanyang mga mata. Iniwan na nga siya ng kanyang tyahin dala ang kanyang pera at pera ng sariling ina.
Ano'ng gagawin niya ngayon? Wala siyang alam sa lugar na 'to. Ni wala siyang kakilala rito. Nangangatog ang mga tuhod na napa-squat siya ng upo sa gilid ng daan.
"Diyos ko, ano'ng gagawin ko? Iniwan na ako ni T'yang," sumbong niya na tila nasa harap niya lang ang tinatawag.
Pagkatapos iiyak ang takot na nararamdaman ay biglang gumaan ang kanyang pakiramdam saka siya napatayo.
Hindi siya dapat matakot. Wala na siyang magagawa kung talaga iniwan na siya ng kapatid ng ina. Higit na kailangan niyang maging matatag ngayon dahil kawawa lang siya kung magpapadaig siya sa takot na nararamdaman.
Iisipin na lang niyang Cebu lang 'tong kinalalagyan niya, na nasa Tabo-an public Market lang siya.
Pinahid niya ng manggas ng damit ang luha sa mga mata.
Gano'n nga ang gagawin niya. Hindi siya magpapahalata sa lahat na dayo lang siya sa lugar na 'yun. Kailangan niyang i-adapt ang sarili sa mundong kanyang kinalalagyan.
Bumalik na uli siya sa kinauupuan kanina ngunit merun nang naruon kaya naghanap na uli siya ng ibang lugar na pwedeng pagtambayan. Sa kahahanap ay 'di niya namalayang nakapunta na siya sa pinakaloob ng park kung saan mas maraming tao ang naruon, nagpipicnic marahil.
Pupunta na sana siya sa unahan nang pigilan siya ng isang guard.
"Mister, may bayad na 'pag pumasok ka rito," anang guard."
Sandali siyang natulala at bumaling sa lalaking mas matangkad pa yata sa kanyang ama. 5'8" kasi ang ama niya, siya nama'y nagmana sa inang pandak na hanggang 5'2" lang ang inabot ngunit madami ang nagsasabing tatangkad pa raw siya kasi mahahaba daw ang kanyang bilugang mga binti tulad ng sa Barbie doll. Ang problema nga lang ay sumobra siya sa payat na kung titignan ay isang malakas na hangin lang ang umihip sa kanya'y baka matumba na siya. Ngunit sa totoo lang, kung ga'no siya kapayat ay siya namang lakas ng kanyang pangangatawan at lakas. Ni hindi niya naalalang nagkasipon siya o nilagnat man lang mula nang mag-aral siya ng elementarya hanggang ngayon.
"Mister. Sabi ko 'di ka pwedeng pumasok sa unahan, may bayad na," pag-uulit ng guard nang matahimik siya.
Ito ang unang taong makakausap niya mula nang makarating sa Manila. Kasintigas din ng tono niya ang pananagalog nito.
"Musta, Manong. Naa kay tubig diha? Uhaw na jud ko kaayo," pakiusap niya sa salitang bisaya. Nauuhaw na kasi siya mula pa kanina, 'wag na lang idagdag ang gutom niya, kahit tubig man lang.
Kumunot ang noo ng lalaki, halatang 'di siya naintindihan.
"Ania dyay igbabagam? Diak maawatan," sagot nito.
'Giatay na!' naibulalas niya sa sarili. Lalong wala siyang naunawaan sa sinabi nito. Ano bang lenggwahe 'yun?
Sinikap niyang kumalma at pag-isipan ang salitang ilalabas ng bibig. Matututo din siyang magsalita ng deretsong tagalog. Katulad lang 'yun sa ginagawa nila sa School. Katulad din no'ng nagalit siya sa lalaking nagnakaw ng kanyang first kiss. Nagawa niyang magsalita ng tagalog no'n.
"Manong, p--pwede po bang makahingi ng kahit isang basong tubig. Na--nauhahaw na kasi ako," malumanay niyang wika rito.
Pumilantik 'yong guard saka ngumiti sa kanya.
"'Yun lang pala ang sasabihin mo, bakit 'di ka na lang nagtagalog nang kanina pa tayo nagkaintindihan," sagot nitong pumapalatak, saka nagtungo sa isang quarter at pagbalik ay may dala nang mineral water saka iniabot sa kanya.
"Pagpasensyahan mo na't 'yan lang ang tira sa dala kong tubig," anito saka siya pinagmasdan mula ulo hanggang paa habang umiinom siya ng tubig at halos sairin ang laman ng buti.
"'Di naman halatang pulubi ka. Bakit ka nga pala andito, pare? Ilang taon ka na ba? Parang bata ka pa sa edad mo ah?" kaswal na usisa ng guard na tila panatag lang ang loob na nakikipag-usap sa kanya.
Pinahid muna niya ang natirang tubig sa bibig bago nagsalita.
"Galing akong Cebu. Inaantay ko lang ang tyahin kong bumili ng pagkain namin kaya nag-ikot na ako rito. Nauhaw lang ako," usal niya sa pautal-utal na pagsasalita.
"Halata ngang 'di ka sanay magsalita ng tagalog. Marami ditong bisaya tulad mo---" sagot nito, natigil lang sa pagsasalita nang tawagin ng kasama sa loob ng quarter.
"Sige maglibot ka muna. Pero 'wag kang papasok sa restricted area, may bayad na kasi. Balik ka na lang do'n," anang guard saka lumayo na sa kanya.
"Sige salamat, Sir," habol niya.
Tiningnan niya muna ang sinasabi nitong restricted area. Maganda pa naman sana do'n kaso wala siyang pambayad kaya bumalik na lang siya at muling umikot sa mataong lugar kung saan walang bayad ang mamasyal.
Hanggang sa maramdaman niya ang tila kamay na nakakapit sa laylayan ng kanyang damit.
Awtomatiko niya itong nilingon sa pag-aakalang isa itong bastos na lalaki ngunit nagulat pagkakita sa isang matandang hukluban na sa tantya niya'y nasa seventy na ang edad.
Tinapik niya ang kamay nito at nagmadaling lumayo.