webnovel

A LOVING FATHER

Ang sakit ng dibdib ni Marble habang panakaw na napapasulyap sa magkatabi ng upuang sina Aldrick at Ynalyn sa unahan. Valedictorian si Aldrick, salutatorian naman si Ynalyn. Samantalang siya ay nasa panlimang hanay ng mga upuan mula sa dalawa.

Gan'to pala 'pag wala kang pag-asa sa crush mo, ni isang sulyap mula rito'y 'di man lang siya matapunan. Bakit ba kasi sa dinami-dami ng mga gwapong lalaki sa school nila ay kay Aldrick pa siya nagka-crush, ayan tuloy, sakit ng heart niya ngayon.

Natapos ang graduation rites na 'di man lang siya naalalang hanapin ni Ynalyn. Sabagay, pa'no pa siyang maaalala eh nasa tabi na nito si Aldrick.

Nagsalita na ang emcee para ipaalam na pwede na silang magpa-picture sa stage at tapos na ang graduation rites.

Tumayo siya agad at hinanap sa hulihang mga upuan ang mga magulang na noo'y kapwa na pala nakatayo at kinakawayan siya.

Kumaway na rin siya sa mga ito.

"Anak, sa wakas nakapagtapos ka na ng pag-aaral. Yayaman na tayo," anang ina, advanced ang utak, minsan 'di niya ito ma-gets kung talagang mangmang o nagtatanga-tangahan lang.

"Nanay, naka-graduate pa lang ako, pagyaman agad ang sinasabi mo," nakangusong baling niya rito.

"Aba, gano'n naman talaga 'yon. 'Pag nakapagtapos ka na ng pag-aaral, makakapagtrabaho ka na sa Manila, tapos makakapag-asawa ka na ng mayaman do'n. 'Di ba yayaman na agad tayo?" nakakaloko itong ngumisi, bilib na bilib sa sariling paliwanag.

"Ikaw talaga, Linda. Kung ano-ano na naman yang pumapasok sa utak mo," palatak ni Mang Luis na kinuha na sa kanya ang suot niyang cap.

"Akina 'yan anak, baka madumihan at isusuli pa 'yan sa nirentahan natin," anang ama.

"Tatay, magpapicture po muna tayo kahit isang shot lang," yaya niya saka tinawag ang isang kakilalang photographer.

"Manong Pons, kunan mo nga kami ng picture, isa lang," utos niya sa may katandaan nang photographer.

"Jols, ikaw pala 'yan. Sige. Do'n kayo sa stage pumwesto nang maganda ang background," sagot ng lalaki.

"Anak, gawin na nating lima, may pera naman ako rito," bulong sa kanya ng ama. 'Di pinarinig sa asawang nakatalikod at kinakawayan si Aling Yna na bitbit ang isa niyang kapatid hanggang ng mga sandaling 'yon.

Napangiti siya.

"Kumupit na naman kayo ng pera kay nanay noh? 'Di niyo ibinigay ang lahat ng kita niyo kahapon noh?" pang-aakusa niya.

Sumenyas itong tumahimik, inilagay ang daliri sa bibig niya saka siya hinawakan sa braso at hinila palayo sa ina.

"'Wag kang maingay. Ayukong mapahiya sa'yo sa araw ng graduation mo. Sa totoo lang anak, nahihiya na ako kasi natapos ka na lang sa pag-aaral ng high school, ni 'di ka man lang humingi sa'kin ng pera kahit pambili lang ng papel," malungkot na saad nito, subalit ilang segundo lang ay umaliwalas ang mukha sabay hawak sa kanyang balikat.

"Pero ngayon ko lang 'to sasabihin sa'yo, anak. Isang taon akong kumupit ng pera sa nanay mo para lang makapag-ipon para sa panghanda mo sa graduation. Pagkatapos nito, do'n tayo kakain sa Jollibee. Lahat ng gusto mong pagkain duon bilhin natin," pagyayabang nito.

Natawa siya sa kinumpisal nito. Ang tatay niya kasi, lahat ng pera ay isinu-surrender sa kanyang ina pero 'di magaling humawak ng pera ang huli, bili lang nang bili kung ano'ng magustuhan kaya lagi na lang silang one day millionaire. Para makatulong sa dalawa, mula nang tumuntong siya ng high school, natuto na siyang dumiskarte para magkapera, minsan nangangalakal siya ng basura at ititinda sa malapit na junkshop. Wala siyang pakialam kahit tawagan siyang basurero. Bakit ba, kung duon naman siya nagkakapera?

Inakbayan niya ang ama.

"Sige na nga papayag na ako, Tatay. Basta ikaw ang taya ngayon. Lika na sa stage, magpa-picture na tayo," yaya niya rito.

"Oy, Linda! Magpapa-picture tayo ng anak mo sa stage!" tawag nito sa asawang naaaliw makipag-usap sa kumare nito.

Ibanalik ng ama ang cap sa kanyang ulo at inayos ang pagkakalagay ng tussle.

Isang shot, dalawa, tatlo, apat.... lahat sila ay kumpletong pamilya sa bawat kuha. Bitbit na ng ama ang kambal niyang kapatid. Ang ina nama'y walang pakialam sa suot na damit, basta nakangiti lang ito sa harap ng camera, gano'n din ang ama.

Nang panghuling kuha na'y biglang humabol si Ynalyn at agad yumakap sa kanya saka naman nag-flash ang camera.

"Bakla, tuloy tayo mamaya ha?" bulong nito sa kanya.

Napakamot siya sa ulo.

"May lakad kami nina tatay, Besty. Kakain kami sa Jollibee," dahilan niya para 'di lang makasama sa dalawa, pero totoo naman ang dahilang 'yon.

"Wooww! talaga? Sige sasama ako. Ninong sasama ako sa Jollibee ha?" excited na sambit ng kaibigan.

Napatingin sa kanya ang ama, napayuko siya.

"O sige," nakangiti nitong sagot ngunit panakaw na hinugot sa bulsa ang wallet at tinignan ang laman ng pitaka.

Napapailing siyang nililis ang suot na toga at dinukot sa panloob na jogging pants ang buong five hundred saka palihim na inilagay sa bulsa ng ama ngunit naramdaman pa rin nito ang ginawa kaya napatingin sa kanya.

Ngiti lang ang isinagot niya saka inakbayan si Ynalyn at hinila pababa sa stage para makipag-jamming muna sa ibang mga kaklase.

"Bakla, mamaya ha? Pagkatapos natin sa jollibee," paalala na uli nito.

"Sige," napilitan siyang tumango kahit na alam niyang gagawin lang siyang tagabantay ng dalawa sa date ng mga ito sa baybayin.

Iyon ang isa sa pinakamasayang araw niya kasama ang mga magulang, kaibigan at ninang.

Namasyal sila sa Ayala Center pagkatapos sa school at do'n sila kumain sa jollibee. Chickenjoy bucket ang pinili ng ama para magkasya sa kanilang lima.

"Kain lang kayo ng kain. Marami pa 'to," anang ama sa kanila.

"Oy Mare, kain ka lang ha? 'Wag ka nang mahiya at wala ka namang hiya," ani Aling Linda sa kanyang ninang na napasimangot sa kaibigan.

"Ikaw talaga Mare, napakabulgar mo magsalita," humahagikhik na sagot ni Aling Yna.

"Hay naku, Mare. Magkakahiyaan pa ba tayo rito eh tayo-tayo lang naman? 'Tsaka padespidida na ata ito ni Luis sa anak namin kasi malapit na kaming yumaman at darating na bukas si Amanda para kunin itong si Marble. Dadalhin na siya sa Manila." lakas ng loob na bida ni Aling Linda.

"Aba talaga? Tumawag na ba uli sa'yo?"excited na usisa ng kumare.

"Oo kanina sa eskwelahan. Kaya magpakabusog tayo ngayon. 'Pag nakaluwas na sa Manila itong anak namin, Mare...naku magpapatayo kami ng malaking bahay para yang Nanay ni Luis eh wala nang masabi samin," pagyayabang nito.

Napapailing na lang siya at ang ama.

Sana nga magkatotoo 'yon. Bigla tuloy siyang naexcite. Ano ba'ng itsura ng Manila? Maganda ba ito? Ga'nu kaganda? Mas maganda sa Cebu? Ang mga tao do'n, masisipag din ba? Mga mayayaman ba lahat ng tao do'n tulad ng laging ibinibida ng ina? Sana nga maging maganda ang buhay niya ruon at yumaman sila agad nang 'di na sila inaalipusta ng kanyang lola, ang ina ng kanyang Tatay, lalo na ang ina dahil sa 'di man lang ito nakatapos mag-aral sa elementarya kaya gano'n seguro ka-engot minsan.

Bab berikutnya