webnovel

Chapter Six

"NAG-AWAY ba kayo ni Daniel?"

Natigil sa pagsubo ng pandesal si Iarah. Nagyuko lamang siya ng ulo at hindi ito sinagot. Alam niya kung bakit ito nagtatanong. Mugtung-mugto ang mga mata niya.

Hindi na niya namalayan ang pagdating nito nang nagdaang araw. Nakatulog siya dahil sa pagod sa pag-iyak. Hindi na rin siya nakapaghapunan. Masamang-masama ang pakiramdam niya ngunit pinilit niyang bumangon. Ayaw niyang lumiban uli sa eskuwela.

"Nag-away kayo, ano?" pamimilit ng ate niya. "Sana, hindi na kayo magkabati forever and ever."

Napabuntong-hininga siya. Kahit kailan yata ay hindi na ito magkakaamor kay Daniel. Lalo siguro nitong aayawan ang kanyang nobyo kapag nalaman nitong hindi na siya birhen.

"Janis," saway ni Peighton.

"Hindi kami nag-away ni Daniel," aniya sa mahinang tinig.

"Huwag mong pansinin `yang ate mong walang love life," sabi ni Peighton sa kanya. "Mukha kang may sakit. Masama ba ang pakiramdam mo?" Sinalat nito ang noo niya. "May sinat ka."

Sinalat din ng ate niya ang kanyang leeg. "May sinat ka nga." Nabahiran ng pag-aalala ang tinig nito. "Nagpaulan ka ba kahapon?"

Iling lang ang tanging itinugon niya. Pakiramdam niya ay lalong sumama ang pakiramdam niya.

"Sandali, may paracetamol pa yata ako," sabi ni Peighton bago ito tumayo at nagtungo sa silid nito. Pagbalik nito ay iniabot nito sa kanya ang apat na tableta ng paracetamol.

Kaagad na ipinagbukas siya ng isa ng ate niya. "Inumin mo na `to. After four hours, uminom ka uli ng isa para hindi magtuloy sa lagnat `yan. Pagagalitan ako nina Tatay kapag nalaman nilang hinayaan kitang magkasakit."

Walang kibong sumunod na lamang siya.

"Alam mo ba kung ano ang problema ni Vann, Janis?" kaswal na tanong ni Peighton sa kapatid niya mayamaya. "Mukhang bad trip na bad trip siya kahapon. Nakuha naman pala siya sa commercial. Kahit may problema `yon sa pera, hindi naman ganoon `yon dati."

"Ewan. Hindi ko na tinanong at mukhang galit na galit," tugon ng ate niya. "Kahapon ko lang nakitang dumilim nang ganoon ang mukha n'on. Baka ako ang mapagbuntunan ng galit, eh. Ang sama pa ng tingin sa `kin. Parang may nagawa akong kasalanan sa kanya na hindi ko malaman."

"Kung kailan naman makakaluwag-luwag na siya ay saka pa siya magkakaganoon," sabi ni Peighton. "Baka may problema sa pamilya niya. Babalik din siguro `yon sa dati."

Nakagat niya ang kanyang ibabang labi. Hindi niya masabi sa mga ito na siya ang dahilan ng pagkakaroon ng bad mood ni Vann Allen nang nagdaang hapon. Bakit kaya apektadung-apektado ang lalaking iyon? Bakit galit na galit ito? Bakit apektado siya sa galit nito? Hindi niya ito kuya o tatay upang magkaroon ito ng ganoong reaksiyon.

ISANG linggo ang matuling lumipas. Isang linggo na ring wala sa sarili si Iarah. Halos hindi na siya makapag-aral. Kung anu-ano ang pumapasok sa isip niya. Sa gabi ay takot ang kapiling niya hanggang sa makatulog siya.

Isang linggo na ring hindi nagpapakita o nagpaparamdam si Daniel sa kanya. Sinubukan niyang tawagan ang unit nito ngunit palaging walang sumasagot. Pinipigil niya ang kanyang sariling puntahan ito. Baka kasi maulit na naman ang nangyari sa kanila.

Nag-aalala siya. Hindi pa sila nag-uusap mula nang may mangyari sa kanila. Hindi niya alam kung ano ang nasa isip nito.

Bakit hindi man lang siya nito pinupuntahan? Kahit ang tawagan siya ay hindi nito magawa. Anong klaseng boyfriend ito? Pagkatapos nitong makuha ang lahat ay hindi na ito magpaparamdam sa kanya?

May isang tao pang hindi nagpapakita sa kanya—si Vann Allen. Hindi na ito nagtutungo sa apartment, samantalang dati ay halos araw-araw ito roon. Pinipilit niyang huwag itong masyadong isipin. Hindi dapat ito dumadagdag sa isipin niya. Wala itong mahalagang papel sa buhay niya. Kaibigan lang ito ng kapatid niya.

Isang araw, half-day lamang siya sa eskuwela. Nasa bahay lamang siya at sinusubukang mag-aral. Ilang pagsusulit niya ang kanyang naibagsak. Kung nais niyang manatili sa scholarship program, kailangan niyang mag-aral maigi upang makabawi.

Nagtaka siya nang may kumatok sa pinto. Wala naman siyang inaasahang bisita. Mamaya pa uuwi ang ate niya at si Peighton. Kaagad na pinagbuksan niya ang kumakatok at baka si Daniel iyon.

Napangiti siya sa bumungad sa kanya. Natatakpan ng mga pulang tulips ang mukha ng bisita niya. Siguro ay dalawang dosena ang tulips na nasa harap niya.

"Dan..."

Nang alisin ng bisita ang mga bulaklak sa mukha nito ay napatanga siya. He was not Daniel, but Vann Allen. Hindi niya alam kung manlulumo o ngingiti nang maluwang.

"Nainsulto ako ro'n, Iya," anito habang naka-simangot. Kahit nakasimangot ito ay mukhang hindi naman ito galit.

"I'm... sorry," tanging nasambit niya.

Hindi niya napigilang titigan ito. Na-miss pala niya ito nang husto. Na-miss niya ang magandang ngiti nito. Kahit ilang araw lang silang hindi nagkita, pakiramdam niya ay napakatagal na niyon.

"Hindi mo ba ako papapasukin?" tanong nito sa kanya.

Niluwagan niya ang awang ng pinto at pinatuloy ito.

"Natuto na `ko, ha. Kumatok na ako. Baka kung ano na naman ang madatnan ko rito, eh," anito habang tumutuloy sa bahay nila. "`Nga pala, para sa `yo." Iniabot nito sa kanya ang mga bulaklak.

Nag-aatubiling tinanggap niya ang mga iyon. "Sigurado ka bang para sa akin ang mga ito? Hindi para sa kapatid ko?"

"Bakit ko bibigyan ng bulaklak si Janis? May kasalanan ba ako sa kanya?" Umupo ito sa sofa.

So, peace offering ang mga bulaklak. Walang ibang ibig sabihin ang mga iyon. May inaasahan pa ba siyang ibang ibig sabihin ng pagbibigay nito ng bulaklak?

"Hindi ka na ba galit sa `kin?" Pinigil niya ang kanyang sarili na samyuhin ang mga bulaklak. Maaari niyang gawin iyon mamaya.

Palagi siyang binibigyan ni Daniel ng mga bulaklak ngunit hindi ganoon karami at hindi ganoon kaganda.

"May karapatan ba akong magalit sa `yo? May karapatan ba akong makialam sa mga bagay na gusto mong gawin?"

Atubiling nilapitan niya ito at umupo sa tabi nito. "Bakit hindi mo pa ako nginingitian?"

Unti-unting gumuhit ang isang magandang ngiti sa mukha nito. Pinisil nito ang magkabilang pisngi niya. "Na-miss mo `ko?"

Kagat ang ibabang labing tumango siya. "Wala ka naman sigurong sinabi kay Ate Janis?" Alam niyang wala itong idinaldal sa kapatid niya dahil kung mayroon ay pihadong wala na siyang buhok ngayon.

"Hindi ako magsasabi sa ate mo basta't mangangako kang hindi ka na uulit."

"Puwede bang huwag na nating pag-usapan `yon?" naiilang na sabi niya.

Nabura ang ngiti sa mga labi nito. "Bigyan mo naman ako ng pagkakataon, o. Magtira ka naman kahit kaunti para sa `kin. Huwag mong ibigay lahat sa kanya."

"Ano ba `yang pinagsasasabi mo, Vann?" kinaka-bahang tanong niya.

"Nagustuhan mo ba ang mga bulaklak?" pag-iiba nito ng usapan.

Tumango siya. "Ang ganda. Salamat. Mahal ang mga ito, `di ba? Paano ka—"

"Bakit? Wala na ba akong karapatang magkaroon ng pera at makabili ng mamahaling bulaklak? Nakakainsulto. Kanina ka pa, Iya," anitong pinausli pa ang nguso.

"Hindi naman sa ganoon. Siyempre, alam ko kung ano ang sitwasyon mo dahil pareho lang tayo. Sana, hindi ka na lang nag-abala. Kung makikipagbati ka rin lang, hindi naman kailangang bigyan mo pa ako ng bulaklak. Kalimutan na lang natin ang nangyari."

"May pera ako ngayon. Huwag kang mag-alala, may nakalaan talagang budget para sa bulaklak mo. Matagal na kitang gustong bigyan niyan, eh. Ngayon lang ako nagkapera. Tanggapin mo na lang at `wag ka nang mag-isip pa ng kung anu-ano."

"Salamat, Vann."

Dumukwang ito at hinagkan ang kanyang noo. "Walang anuman."

Napangiti siya nang matamis. Sa loob ng isang linggo, noon lamang gumaan nang husto ang loob niya. Parang nawala ang mga agam-agam at takot sa dibdib niya. Parang may seguridad na dulot ang presensiya ni Vann Allen. Parang sigurado siyang magiging maayos na ang lahat.

Ang pinakamaganda sa lahat, hindi na ito galit sa kanya. Kakalimutan na nila ang nangyari.

"ANO'NG nangyayari sa `yo?"

Kaagad na pinahid ni Iarah ang mga luha sa kanyang mga mata nang pumasok sa silid nila ang Ate Janis niya.

"Umiiyak ka ba, Iya?" tanong nito.

Umiling siya kahit alam niyang ipinagkanulo siya ng mga mata niya. Kahit hindi niya nakikita ang kanyang sarili, alam niyang namumula at mugto na ang kanyang mga mata.

Tinabihan siya nito sa kama. "Ano ang nangyari?" tanong nito sa napakasuyong tinig.

Muling namasa ang kanyang mga mata. "Si Daniel, Ate," aniya sa basag na tinig.

"Ano'ng ginawa sa `yo ng alien na `yon?" galit na tanong nito.

Napahagulhol siya. Kaagad na niyakap siya nito at hinagud-hagod ang kanyang likod.

"Babalatan ko nang buhay ang alien na `yon. `Tapos, ihahagis ko siya pabalik sa planetang pinang-galingan niya," anito.

"Nandoon na siya, `Te. Pumunta na siya sa Netherlands. Ni hindi man lang siya nagpaalam sa `kin," aniya sa pagitan ng pag-iyak.

Hindi ito nakasagot.

Nanatili lamang siya sa mga bisig nito at umiyak nang umiyak.

Nang sumapit ang ikalawang linggo na hindi nagpapakita at nagpaparamdam si Daniel ay siya na ang kusang sumuko. Nagtungo siya sa condo unit nito ngunit isang oras na siyang kumakatok ay wala pa ring nagbubukas. Kahit nahihiya ay kinatok niya ang kapitbahay nito at nagtanong. Ang sabi ng babae sa katabing unit, wala na itong nakikitang umuuwi sa unit ni Daniel.

Dahil nag-aalala, tinawagan niya ang ama nito sa probinsiya. Nagtaka pa ang ama nito sa pagtatanong niya kung nasaan si Daniel. Hindi raw ba nagpaalam nang maayos sa kanya ang anak nito?

Nalaman na nga niyang nasa Netherlands na si Daniel. Sumama ito sa ina nito. Mahigit isang linggo na raw ito roon.

Tinanong niya ang ama ni Daniel kung kailan babalik ang anak nito. Nagimbal siya sa naging sagot nito: Baka raw hindi na. Maghihiwalay na pala ang mga magulang nito. Sa Netherlands na muling mananatili ang ina ni Daniel. Mas pinili raw ni Daniel sa poder ng ina nito kaysa sa ama nito. Kung magbabalik man si Daniel sa Pilipinas, iyon ay upang magbakasyon lamang. Ang sabi pa nito, ang sabi ng anak nito ay makikipaghiwalay na ito sa kanya.

Ang sama-sama ng ugali ni Daniel. Hindi man lang nito sinabi sa kanya ang plano nito. Kung aalis pala ito, sana ay nagpaalam ito nang maayos at sana ay wala nang nangyari sa kanila. Nangako pa ito na ito ang bahala sa kanya, iyon pala ay balak siyang iwan nito.

Ang sama-sama ng ugali nito. Hindi man lang ito naawa sa kanya.

Tinatanong tuloy niya ang kanyang sarili kung talagang minahal siya ng taong ang tagal din niyang minahal. Kung mahal siya nito, hindi siya nito iiwan nang ganoon na lang. Hindi siya nito gagamitin bago ito lumisan. Magpapaalam ito nang maayos sa kanya.

Wala ba talaga siyang halaga rito? Pagkatapos niyang ialay rito ang lahat-lahat ay iyon ang igaganti nito sa kanya? Pagkatapos niya itong mahalin nang husto ay iiwan siya nito?

"Tahan na," alo sa kanya ng ate niya.

"Iniwan na lang niya ako basta. Masaya ka na siguro. Wala nang alien." Patuloy pa rin siya sa pag-iyak.

"Gaga! Hindi naman gaano. Slight lang. Huwag ka na ngang umiyak diyan. Hindi siya kawalan. May mas nararapat na lalaki para sa `yo. Ang isipin mo, ang tanga-tanga niya dahil pinakawalan ka niya."

"Ang sakit, Ate, eh. Mahal ko talaga ang alien na `yon, eh." Pinunasan na niya ang kanyang mga luha. May punto ang mga sinabi ng ate niya.

"Bata ka pa, Iarah Delos Reyes. Marami pang darating sa buhay mo. Marami pang darating na mas guwapo pa kay Daniel, The Alien."

Tumango siya. Tama ito, bata pa siya. Marami pang mangyayari sa buhay niya. Marami pang taong darating sa buhay niya. Marami pa siyang puwedeng gawin. Mag-aaral siyang maigi. Mas pagbubutihin niya ang pag-aaral ngayong wala nang istorbo. Iaangat niya ang pamilya niya mula sa hirap. Saka na muna ang buhay-pag-ibig niya.

She would be okay.

Bab berikutnya