Third Person's POV
Panandalian lamang ang naging pagbuhos ng ulan, ngunit sapat na ito para makapagpadala ng mensahe si Austin sa kanila. Ipinagpasalamat niya na tila tinutulungan siya ng langit. Kaya niyang utusan ang tubig para ipabatid sa kanila ang sitwasyon nila.
'Sana makita niya agad ito. Sana bilisan nila,' piping usal ni Austin.
Sinukat niya ng tingin ang babaeng nasa harap nila. Nararamdaman nito ang umaapaw na enerhiya na nagmumula dito. Nakakasiguro siyang malakas ito. Aminado si Austin, hindi niya alam kung sapat ba ang lakas niya para protektahan ang mga kasama habang naghihintay sila ng tulong sa iba.
Mahina na rin ang kanilang adviser. Hindi na rin nito kakayaning tumagal sa laban.
Tinapunan ni Morela ng tingin si Fina. Pinag-aralan niyang mabuti ito. Humarang naman agad si Austin dito.
"Sigurado akong hindi siya si Sehria. Ilabas niyo na ang pakay ko nang hindi na tayo magkasakitan pa," pagbababala nito.
Ngumisi lang si Austin. May panghahamon pa sa boses nito. "Sorry miss, pero naghahanap talaga kami ng sakit ng katawan ngayon."
Pinasadahan siya ng tingin ni Morela, tila sinusukat din ang kakayahan nila. "Matapang ka, pero hanggang saan?"
Malakas na pinadyak nito ang isang paa niya, dahilan para magkaroon ng mahinang pagyanig. Nagkaroon din ng bitak sa kalsada. Umangat sa ere ang malalaking tipak ng bato at buong lakas niyang itinapon iyon sa direksyon ni Austin.
Agad na kumilos si Elliot para salagin ang batong tatama kay Austin. Ikinuyom niya ang dalawang kamao at sinalubong ng malalakas na suntok ang malalaking tipak ng bato. Naging pino itong parang buhangin. Napangisi si Austin sa ginawa ni Elliot. Mukhang may laban sila.
Ngunit hindi pa tapos si Morela, ang bus na nakataob naman ang inangat nito sa ere. Mas naging handa si Elliot, walang kahirap hirap na nasalo niya ang malaking bus at binato iyon pabalik sa direksyon ng kalaban. Hindi nakakakilos si Morela, kitang kita nila ang pagtama nito sa kanya at naglikha iyon ng malakas na pagsabog.
Napasuntok si Elliot sa hangin ngunit masyado pang maaga para magsaya. Sa gitna ng bumubulusok na apoy ay unti-unting lumitaw si Morela, wala man lang itong kagalos-galos.
"Hindi na masama pero hindi pa rin sapat." Mukhang hindi man lang nababahala ang babae. Minamaliit pa sila nito.
Sabay na sinugod nila Austin at Elliot si Morela bago pa man ito makaatakeng muli. Nagpakawala ng suntok si Elliot mula sa kanang kamay niya, sinuntok niya nang malakas ang semento para mabuwal ito sa kinatatayuan nito ngunit mabilis na nakalipad ito palayo. Sinalubong naman ito ni Austin ng malalaking tipak na yelo na nilikha niya. Nakailag si Morela sa naglalakihang yelo na ibinato sa kanya ni Austin. Hindi niya namalayan ang pagsulpot ni Elliot sa likuran niya, pero di hamak na mas mabilis pa din si Morela sa kanya.
Ikinumpas nito ang kanyang kamay. Naramdaman na lang ni Elliot ang pag-angat niya sa ere, pataas nang pataas. Hindi siya makagalaw.
"Elliot!" Naririnig niyang sigaw ng mga kaibigan niya.
Napatingin siya sa baba. Hindi na niya sila matanaw. Patuloy lamang siya sa pag-angat. Pakiramdam niya ay lumagpas na siya sa kalawakan. Halos malula na siya, ang lakas ng kabog ng dibdib niya. Napapikit na lamang siya sa tindi ng takot na nararamdaman nang mabilis siyang bumulusok pababa. Wala pa siyang kakayahang lumipad, sigurado siyang mataas ang kababagsakan niya. Katapusan niya na. Hinihintay niya na lang ang pagtama niya siya sa lupa at ang pagkakalasog-lasog ng katawan niya.
Laking gulat ni Elliot nang pagpasyahan niyang idilat ang kanyang mata, nasa tabi na niya ang adviser niya. Hawak siya nito at inaalalayan hanggang sa tuluyan silang makatapak sa lupa.
"Sir! Uwaaaaaah salamat! Akala ko mamamatay na ko. Ayoko pa mamatay sir," naiyak na lamang siya sa halo-halong emosyong nararamdaman niya.
"Hanggang nandito ko, walang mangyayaring masama sa inyo," masuyong wika nito at hinaplos ang ulo nito.
"Sir, kaya niyo na ba talaga?" Hindi mawala ang pag-aalala ni Fina. Alam niyang hindi pa bumabalik ang lahat ng lakas nito. Tango lamang ang itinugon ng adviser nila. Kahit anong pigil niya dito alam niyang wala na siyang magagawa pa. Buo na ang loob nito.
Bumaling ito kay Morela, pinaulanan niya ito ng matatalim na tingin. "Hinding hindi mo masasaktan ang mga estudyante ko hanggang nabubuhay ako."
"Handa ka ba talagang itapon ang buhay mo para sa mga walang kwentang Sehir?"
"Kung alam ko lang na mangyayari 'to, sana noon ko pa winakasan ang buhay mo. Malaking katangahan na hinayaan pa kitang mabuhay," malamig na sambit ni Xenil, parang yelong bumalot sa buong kalamnan niya.
Nagpuyos sa galit si Morela dahil sa kanyang narinig. Para siyang namamatay nang paulit-ulit. Tila ito ang naging mitsa niya para mawalan ng kontrol sa sarili. Katulad ng dati, si Xenil pa rin ang kahinaan niya ngunit hindi niya maaaring aminin sa sarili niya iyon. Muling nagkaroon ng pagyanig, mas malakas na ito kumpara sa kanina. Nagbitak bitak ang mga lupa, nahati sa gitna ang kalsada. Mabilis na dinaluhan ni Xenil ang mga estudyante at dinala ang mga ito sa mataas na lugar.
"Dito lang kayo. Huwag na kayong makialam, laban ko ito." Umaapoy sa determinasyon ang mga mata ng guro.
Sinalubong niya ng tingin si Austin. "Ikaw na ang bahala kay Sehria, huwag niyo siyang iiwan kapag dumating ang panahon na maalala niya ang lahat. Kakailanganin niya kayo sa tabi niya."
Hindi na nila maiwasang maluha. Sa tono ng pananalita nito, para siyang nag-iiwan ng huling habilin. Bumaba si Xenil at muling hinarap si Morela. Handa na siya para sa huli nilang pagtutuos.
Nilabas niya ang dalawang espada niya. Matagal tagal na rin mula nang gamitin niya ang mga ito. Nakikita niya ang sariling repleksyon sa mga talim nito. Ang hawakan naman nito ay gawa sa espesyal na bato na tanging sa paanan lang ng bundok ng Sehira matatagpuan.
Saglit na natigilan si Morela nang makita niya ang pamilyar na tali na nakalawit sa hawakan ng espada. Kilalang kilala niya ito, dahil siya mismo ang gumawa sa palawit ng espada nito. Mabilis siyang napailing, pilit na iwinakli ang mga alaalang gustong bumaha sa isipan niya.
Wala na siyang dapat na maramdaman dito kundi galit. Parang nilusaw ng asido ang pagmamahal niya dito nang gabing iwan siya nito matapos nitong tangkain siyang patayin. Nabubuhay na lamang siya para paglingkuran si Daphvil. At hanggang sa huling hininga niya, mananatili siyang tapat dito.
Mula sa malalaking tipak ng bato ay gumawa si Morela ng matalim na espada. Dumating na ang araw ng paniningil niya. Pagsisisihan ni Xenil ang ginawa nito sa kanya.
Nauna siyang sumugod dito, wala nang pagpaplano sa isip niya. Sa matagal na panahong inilagi nito sa mundo ng mga mortal, nakakatiyak siyang kinalawang na ang kakayahan nito.
"Hindi ka pa rin nagbabago. Masyado kang padalos dalos."
Nasalag ni Xenil ang atake niya ngunit hindi nagpatalo si Morela. Nagtagisan sila ng galing sa paggamit ng espada, parehas mahigpit ang kanilang depensa.
Gamit ang isang kamay, nagpakawala si Morela ng isang napakalakas na hangin dahilan para tumalsik si Xenil at malakas na humampas ang likod niya sa poste. Napaubo siya ng dugo. Itinukod niya ang dalawang espada upang alalayan ang sarili niya na makatayo.
Narinig niya ang nag-aalalang tawag sa kanya ng mga estudyante niya. Halata sa mukha ng mga ito ang kagustuhan nilang tumulong sa kanya. Umiling-iling siya sa mga ito. Gamit ang likod ng palad niya, pinunasan niya ang dugo sa kanyang labi tsaka dumura.
Siya naman ang umatake kay Morela. Mabilis ang naging galaw ni Xenil, hindi magawang sundan ni Morela ang galaw nito. Para itong nagsasayaw sa hangin. Mas lalo niyang hinigpitan ang depensa niya. Sunod sunod ang naging atake ni Xenil, walang maririnig sa paligid kundi ang malalim nilang paghinga at ang pagtatama ng talim ng mga espada nila. Masyado niyang minaliit ang lalaki, hindi nagbago ang husay nito sa pakikipaglaban.
Bahagya siyang napaatras, napahiyaw siya sa sakit nang tamaan siya sa braso ng espada nito. Hindi tumigil sa pagsugod si Xenil, sinamantala ang pagiging sugatan niya. Hawak niya ang duguang braso habang ang isang kamay niya ay mahigpit ang pagkakahawak sa espada niya, sinasalag ang walang tigil na pagwasiwas ng espada ni Xenil. Determinado talaga itong talunin siya.
"Itigil na natin ito, Xenil. Pagod na ako," natigilan si Xenil nang magsalita ito.
Napakatamis ng tinig nito, kagaya pa rin ng dati. Isang matamis na tawag lang nito sa pangalan niya ay tila nalulusaw ang anumang sama ng loob niya dito. Bakas ang lungkot sa mga mata nito, pero mabilis na nagbago ang ekspresyon sa mukha ng dating kasintahan. Nagdilim ang mukha nito habang sumisilay ang ngisi sa labi nito.
Naramdaman ni Xenil na parang may tumusok sa sikmura niya. Tumagos hanggang likuran niya ang talim ng espada nito. Mas diniinan pa lalo ni Morela ang pagkakatarak ng espada sa katawan ni Xenil. Sa pagbuka ng bibig nito ay umagos ang napakaraming dugo.
Malakas na hinugot ni Morela ang talim ng espada niya at sinipa niya ito sa sikmura. Natagpuan na lamang ni Xenil ang sarili na nagpapagulong-gulong sa malamig na semento. Namimilipit siya sa sakit, hinang hina.
Hangal nga siya talaga. Hindi dapat siya nagpalinlang dito. Umalingawngaw sa paligid ang malakas na tawa nito. Parang nagdidiwang na ito sa tagumpay niya. Lumapit sa kanya si Morela, sinubukan niyang tumayo o gumapang man lang palayo ngunit parang naubos na ang lakas niya. Pinagsisipa siya nito sa sikmura kung nasaan mismo ang sugat niya. Nagmamantsa na ang dugo niya sa malamig na semento ng kalsada, walang tigil na umaagos ito parang pinipintahan ng kulay pula ang kalsada.
"Hanggang diyan ka na lang ba talaga?" tila gigil na gigil si Molera sa ginagawa. Nanginginig ang mga kamay ni Xenil na hinawakan ang paa nito para pigilan siya, ngunit mas lalo lang nitong nilakasan ang pagsipa sa kanya; sa tiyan, sa kamay, sa braso, sa mukha. Lahat na ata ng parte ng katawan nito ay tinatamaan niya. Bugbog na bugbog na ang katawan niya.
Sinalubong niya ang mga mata nitong puno ng galit. Sa kabila ng lahat ay napangiti pa rin siya habang pinagmamasdan ang magandang mukha nito. Wala siyang takot na naramdaman nang iangat nito ang espada niya at muli siyang undayan ng saksak. Napapikit siya sa labis na hapdi at sakit, bumaha sa isip niya ang mga masasayang araw nila na magkasama. Siguro nga ay nalalapit na ang kamatayan niya. Hinanda na niya ang sarili para dito.
Muling iniumang ni Morela ang kanyang espada, tutal mamatay na rin naman ito kaya padadaliin na niya ang kamatayan nito. Handa na siyang saksakin muli si Xenil ngunit tumilapon sa kung saan ang espada niya.
Napaatras siya, napaawang ang bibig niya nang tumambad sa harap niya ang mga ito. Buhay pa pala sila. Matagal na panahon na siyang walang balita sa mga ito. Kasama ng mga ito ang kambal na alab ng Sehira.
"Ma! Pa!" Tila nabunutan ng tinik si Austin nang makita ang kanyang magulang. Gusto niya sanang puntahan ang mga ito ngunit masyadong mataas ang kinaroroonan nila, hindi sila makababa.
Sinubukan ni Xenil na idilat ang mga mata. Nanlalabo na ang paningin niya. Hindi na niya matukoy kung sino ang mga dumating. Isa lang ang hiling niya, sana ligtas ang mga estudyante niya. Wala na siyang lakas pa para lumaban kung sakaling Galur na naman ang dumating.
"Mezo!" Agad na tumalima sina Azure at Azval sa nanghihinang tiyuhin. Naramdaman ni Xenil ang pamilyar na init na bumabalot sa kanyang katawan.
"H-Huwag mo nang sayangin ang kapangyarihan mo sa akin...H-Hindi na ko, magtatagal." Batid ni Xenil na dumating na ang hangganan niya, na kahit ipagpilitan pa ni Azure na gamutin siya mawawalan lang din ito ng saysay.
Umiling lang si Azure. Humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay nito. Para saan pa ang kakayahan niyang magpagaling kung hindi naman niya maisasalba ang buhay ng kanilang mezo.
"Sigurado ka bang ito talaga ang gusto mong mangyari Morela?" dismayadong wika ng ina ni Austin.
"Ano bang alam mo Zelia? Huwag kang makialam! Papatayin ko ang sinumang humadlang sa mga plano ni Daphvil at kasama na kayo doon!" dumagundong ang malakas na sigaw nito.
Napailing na lang ang ina ni Austin. Labis na nanghihinayang sa piniling landas nito. Tuluyan na ngang naging bulag ito.
Naagaw ang atensyon nilang lahat nang pumailanlang ang malalakas na palakpak.
"Kael! Anong ginagawa mo dito? Akala ko pipigilan mo sila?" inis na sigaw ni Morela ngunit parang lumabas lang sa tainga nito ang sinabi niya.
"Ang galing! Napakaganda ng palabas na nasasaksihan ko. Sinong mag-aakala na ang dating nagmamahalan ay nagpapatayan na ngayon?" Aliw na aliw na nagpapalipat lipat ng tingin si Kael kina Morela at Xenil. Kasama ito sa plano niya, ang magpatayan ang dalawa. Pabor na pabor sa kanya ang nangyayari.
Tinik sa lalamunan niya si Morela noon pa man dahil ito ang paboritong tauhan ni Daphvil. Ayaw naman niya talaga sa babaeng ito, gusto na niyang mawala sa landas niya ito. Yun nga lang hindi na naman umayon ang lahat sa plano niya katulad ng dati. Matagal na dapat nawala ang babaeng ito sa landas niya sa kamay mismo ng lalaking minamahal nito.
"Xenil, Xenil. Hindi ko alam na ganun ka pala talaga kadaling lokohin?"
"A-Anong ibig mong sabihin?" halos bulong na lang ang lumabas na salita sa bibig nito. Namumutla na rin ito dahil sa dami ng dugong nawala dito.
"Tutal malapit ka nang mamatay, may magandang regalo akong ibibigay sa'yo," saglit itong huminto. Tuwang tuwa ito sa kalituhang nababasa sa mata ni Xenil.
"Alam mo bang hindi si Morela ang pumatay sa kapatid mo?"