THREE YEARS LATER…
"SAAN na nga ulit iyong pupuntahan ninyo kamo?" ang Mama Cecille niya habang tinutulungan siya sa pag-e-empake ng mga damit na dadalhin niya sa kanilang company outing.
"Sa Palawan po Mama. Huwag kang mag-alala pasasalubungan kita ng magandang set ng perlas na hikaw at kwintas" pangako niyang ngiting-ngiti.
Inirapan siya ng tiyahin bagaman nakangiti. " Umuwi ka lang sa akin ng buo at ligtas, masaya na ako doon" sagot nito.
Tumawa ng mahina si Lana saka tumayo at niyakap ang kinikilalang ina. "Salamat Mama, mahal na mahal kita" aniyang hinalikan ito sa noo pagkatapos.
"Tatlong araw, tamang-tama bukas birthday mo. Pagbalik mo rito ipagluluto kita ng paborito mong kare-kare" anitong tinapik-tapik ang braso niya.
Noon kumawala si Lana sa mahigpit na pagkakayakap kay Cecille. "Imagine, twenty four na ako. Ang bilis ng panahon" komento pa ng dalaga saka sinundan ang sinabi ng mahinang tawa.
Tinitigan siya ni Cecille saka ito nagsalita. " Sana magkaroon na ng kulay ang mundo no anak" ang seryoso at madamdamin nito sabi.
"Kulay? As in love life? Iyon po ba ang ibig ninyong sabihin Mama?" tanong niyang humagikhik pa pagkatapos.
"Oo, para naman hindi lang puro pantasya ang mayroon ka. Hindi magandang tumandang mag-isa. Lalo at napakaganda mo, saya ang lahi" anitong tumawa pa sa huling sinabi.
Pumalatak si Lana. " Si Mama naman, si Andrew na naman ang sinasabi ninyo eh" aniyang napalabi sa pambubuska ng kinikilalang ina.
"O hindi ba totoo naman? Aba, simula yata nang magka-trabaho ka wala ka nang pinatawad sa mga pelikula nung lalaking iyon?"
Totoo naman iyon. Tatlong taon mula nang matanggap siya bilang ahente sa kompanyang pinapasukan hanggang ngayon. Iba na nga lang ang posisyon niya dahil isa na siya ngayong Regional Manager kung saan hawak niya ang buong NCR.
"Marami nang nagbago sa'yo, kaya naiintindihan ko kung bakit mas mataas na ngayon ang standard mo sa pagpili ng lalaking mamahalin" ang Mama Cecille niya nang manatili siyang walang imik.
Napabuntong hininga si Lana. "Hindi lang siguro ako nai-in love pa Mama" maikli niyang sagot saka nginitian ang tiyahin.
"Hindi ka talaga magkakaroon ng interes sa mga manliligaw mo hangga't…" doon na pinutol ni Mama Cecillee ang iba pa nitong gustong sabihin saka sinulyapan ang malaking blow up picture ni Andrew sa dingding ng kwarto niya.
Napangiti si Lana na nakuha na ang ibig sabihin ng Mama Cecille niya dahil doon.
"O siya sige, matutulog na ako. Anong oras ba ang alis mo bukas?" pahabol na tanong nito nang nasa may pintuan na.
"Alas-kuwatro po ng madaling araw Mama" sagot niya.
Tumango ang Mama niya. "Sige, para naman makapag-agahan ka bago umalis" anito.
Tumango lang si Lana saka na itinuloy ang ginagawa. Tatlong taon mula nang matanggap siya bilang ahente ng mga bahay at condo sa kumpanyang Mercedes Estate.
Siguro dahil nga sa pursigido siya ay naging maganda ang takbo ng career niya. Kaya masasabi niyang malayo na sa hikahos na buhay noon ang mayroon sila ngayon ng Mama Cecille niya.
Ang tiyahin niyang tumayong kaniyang ina ay hindi niya napatigil sa pananahi at pagtanggap ng order. Sa kabila iyon nang katotohanang kumikita na siya ng malaki. Ganoon siguro talaga, likas kasi itong masipag at hindi gusto ang walang ginagawa.
Ang nanay niya, sa naisip ay malungkot na napangiti si Lana. Katulad nang naikwento sa kanyan ng Mama Cecille niya, hindi na nga ito nagpakita sa kanila.
Ayaw niyang magalit sa sarili niyang ina pero may bahagi ang puso niya na nakakaramdam parin ng ganoon. Ang pagkakaalam kasi niya, walang ina ang makakayang tiitisin ang sarili nitong anak. Pero iba ang nanay niya dahil natiis siya nito.
Nagbuntong hininga si Lana saka sinulyapan ang litrato ni Andrew Scott na naka-kwadro at nakasabit ng dingding ng kanyang kwarto saka iyon nginitian sa paraang para itong may sariling buhay na nakikita siya.
"Love life nalang daw ang kulang sakin sabi ni Mama. Pero anong magagawa ko kung manhid itong puso ko sa iba, hindi ba?" kausap pa niya sa larawan saka sinundan ang sinabi ng mahinang tawa.
Totoo naman iyon. Hindi siya naa-attract sa mga lalaking nagpapahayag ng pag-ibig at pagkagusto sa kanya. Hindi dahil sarado ang buhay niya sa ganoon. Sa katunayan ay sinubukan rin naman niyang makipag-date. Pero wala talaga siyang makitang spark. Wala rin siyang maramdamang kilig. Kahiy anong pilit niya, parang may kulang sa kahit sinong manliligaw niya ang hinahanap niya.
Napabuntong hininga roon si Lana saka tinapos ng tuluyan ang ginagawa. Maaga pa siya bukas at dahil magda drive siya hanggang office ay kailangan niya ng sapat na oras ng tulog.
"Goodnight Andrew. Sana mapanaginipan ulit kita" aniyang inabot ang lampshade sa kaniyang bedside table saka iyon pinatay.
Nang mga sandaling lumapat ang likuran niya sa malambot na higaan ay agad na naramdaman ni Lana ang matinding pagod.
"Ano nga kayang problema sakin? Bakit hindi ako nagkakagusto o kahit kinikilig man lang sa kahit sinong naging manliligaw ko?" bulong niyang inabot ang cellphone. Ang gwapong lalaki sa wallpaper niya ang agad na nagpangiti at nagdulot ng kakaibang kilig sa puso ni Lana.
"Sa totoo lang kontento na akong maging tagahanga mo. Hindi ko maintindihan kung bakit pero iyon ang totoo" bulong na naman niya habang kinakausap ang wallpaper ni Andrew Scott sa cellphone niya.
Mababaw ba siya kung aminin niya sa lahat ng nagtatanong sa kanya ang totoong dahilan?
Well, hindi niya magagawa iyon dahil una sa lahat, may career siyang pinangangalagaan. At ang totoo, hindi naman sa pagmamayabang pero marami sa kompanya nila ang humahanga sa kanya.
Matalino, magaling magsalita at propesyonal. Mga katangian na alam niyang dahilan kaya niya narating ang kinalalagyan niyang posisyon ngayon sa edad na twenty four.
Alam niyang humahanga siya kay Andrew. Ayaw niyang isiping mas higit pa iyon doon. Ayaw niyang aminin na mas malalim ang damdamin na mayroon siya para sa sikat na aktor. Dahil una sa lahat hindi naman niya ito personal na kilala. At walang malalim na dahilan para sabihing mahal niya ang binata na sa pagkakaalam niya ay nali-link ngayon sa isang bata at papasikat pa lamang na female actress.
"Magmamahal din ako, siguro. Sa tamang panahon" aniyang naghikab pagkatapos ay natawa. Sa ganoon ayos siyang hinila ng pagod at antok niya sa dako pa roon.
AGAD na napangiti si Lana nang makitang dalawang babae nalang ang nakatayo sa harapan ng mesa ni Andrew para magpapirma sa binata.
Kinikilig niya itong nilapitan. Nakatalikod ito saa kaniya kaya hindi napansin ng binata na nakatayo na siya sa likuran nito.
"Ah," mabilis niyang naramdaman ang pagkabog ng dibdib niya nang makalapit sa lalaki na nang maramdaman marahil ang presensya niya sa likuran nito ay tumayo saka siya hinarap.
Sandali muna siyang pinakatitigan ng lalaki pagkatapos ay matamis na nginitian. Kaya lalong nagrigodon ang puso niya gawa ng magkakahalong kaba, kilig at excitement.
"Yes?" anito sa nang-aakit na tono.
"Pa-autograph po" aniya sabay abot sa binata ng hawak na notebook at sign pen.
Lalong lumuwang ang pagkakangiti ni Andrew saka inabot ang hawak niya. "Sure," anitong pumirma saka iyon iniabot sa kanya.
"Salamat po" sagot niyang ngumiti kahit ang totoo ay para siyang napapaso sa malalagkit na titig sa kanya ni Andrew.
Nang tumango si Andrew ay umakma na siyang tatalikuran ito. Pero iba ang nangyari. Naramdaman niya ang kamay nito na pumigil sa kanyang braso. Pagkatapos ay kinabig siya palapit rito, hinawakan ng dalawa nitong kamay ang kaniyang mukha.
Hindi na halos humihinga si Lana nang mga sandaling iyon. Bolta-boltaheng enerhiya na hindi pamilyar sa kanya ang naramdaman niya.
Pero walang sinabi ang lahat ng iyon nang yukuin siya ni Andrew saka masuyong hinalikan sa mga labi.
Napapikit siya at parang nawala sa sarili niyang katinuan dahil sa ginawing iyon na Andrew na hindi niyaa inasahan. Pero sa kabila nang pagkakawala niya sa sarili, nagawa pa niyang bilangin ang tatlong beses na banayad na paghaplos ng mga labi nito sa mga labi niya bago siya pinakawalan.
Titig na titig siya habang nanlalaki ang mga matang nakatingala kay Andrew na nangingislap naman ang mga mata sa tindi ng amusement para sa kanya.
"Oh sana naman huwag ka nang choosy, ah!" ang narinig niya sinabi ng isa sa dalawang babae roon sa tonong kinikilig.
"Oo nga, si Andrew Scott na iyan. Baka naman magreklamo ka pa!" sagot naman ng isa pa sa kaparehong tono.
MABILIS na napabalikwas ng bangon si Lana dahil doon. Ilang sandali siya nanatiling nakatitig sa madilim na dingding ng kanyang kwarto saka wala sa loob na dinama ang sariling mga labi.
"Panaginip lang, pero iyong halik niya, iyong mga labi niya, parang totoong-totoo. Parang nararamdaman ko parin na hinahalikan ako" anas niya saka wala sa loob na sinulyapan ang litrato ng lalaki sa kanyang dingding.
"Pati talaga panaginip ko na-invade mo na ah!" aniyang kinikilig na tumawa saka bumalik sa pagkakahiga.
Hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin noon pero hindi na importante iyon sa kanya. Tutal panaginip lang, sabi nga ng iba, kabaligtaran ng realidad.
Pero kailangan niyang aminin na masarap ang halik na iyon. Magaan, at marespeto. Hindi iyon ang unang pagkakataon na nakasama niya sa panaginip si Andrew. Pero iyon ang unang pagkakataong hinalikan siya ng binata, sa panaginip niya. Kaya nakatitiyak si Lana na ilang araw muna ang kailangan niyang palipasin bago siya maka-move on tungkol doon.