webnovel

Isang Patibong

"Father, maupo ka muna."

"Bakit niyo ako dinala dito? Balak niyo siguro akong patayin. Balak niyo akong ipakain sa mga aswang."

Napabuntong-hininga si Bagwis. "Mali ang iniisip mo, Father."

"Huwag mo akong tatawaging Father!" sigaw ni Joaquin. "Wala kang karapatan! Kayong mga tuta ng mga aswang!"

"Father naman," sagot ni Bagwis. "Mali ang iniisip mo. Huwag mo naman kami kaagad husgahan."

"Nakita ko kayo na nakikipagpulong sa mga aswang."

"Pero alam mo ba ang pinag-usapan namin? Hindi mo pa nga kami kilala, eh."

"Ano pa ba ang kailangan kong malaman? Mga taksil kayo. Mga tao kayo pero kumakampi kayo sa mga aswang!"

Napabuntong hininga si Bagwis at naupo sa isa sa mga kama.

"Huwag ka sanang magugulat pero sinusubaybayan na kita simula pa lamang noong unang beses kang pumatay ng mga aswang." Walang emosyon ang mukha ni Bagwis. Kalmado rin ang kanyang boses, para bang nakikipag-usap sa isang bata. "Alam ko ang nangyari sa iyong pamilya, at naiintindihan ko kung bakit mo ginagawa ang lahat ng ito."

"Huwag! Huwag na huwag mong babanggitin ang pamilya ko dito!" Tumayo ang pari, nandidilat ang mga mata. Idinuduro niya ang matandang kausap.

Itinaas ni Bagwis ang kanyang dalawang kamay na para bang sumusuko. "Hindi ako ang kalaban mo, Joaquin. Wala kaming masamang binabalak sa iyo. Ang hinihiling ko lang sa iyo ay ang pakinggan mo ako. Pagkatapos kong magpaliwanag ay hahayaan kong gawin mo ang gusto mo. Kung gusto mong umalis o kung gusto mo akong patayin ay hindi kita pipigilan."

Hindi sumagot ang binata.

"Hahayaan mo ba akong magpaliwanag?"

Naupo si Joaquin sa isa sa mga kama. "Bibigyan kita ng tatlumpung minuto."

"Salamat. Pero pwede ba akong magtanong? Isang tanong lang."

Muli, katahimikan ang sagot ni Joaquin.

Nagpatuloy ang matanda. "Paano mo nalaman na aswang talaga yung mga pinatay mo?"

Parang nagulat ang binata at napahawak sa kanyang baba, nag-iisip.

"Sa totoo lang," sagot niya, "hindi ko alam kung paano. Basta't may pakiramdam ako na hindi sila mga tao."

Tumango-tango lamang si Bagwis.

"Tumatakbo ang oras mo, kung sino ka man," sabi ni Joaquin. "Tatlumpung minuto lamang ang ibibigay ko sa iyo."

Biglang tumayo ang matanda at tinungo ang pinto. "Kung gayon, hahayaan ko ng si Kris ang magpaliwanag sa iyo."

"Sinong Kris?"

Ngumiti si Bagwis.

"Kris!" sigaw niya. "Kakailanganin natin ulit ang iyong silid-aralan."

###

Palinga-linga si Joaquin, hindi makapaniwalang mayroong isang classroom sa bahay na iyon. Sa harapan ay nakatayo ang isang binatilyo, nakangiti at mukhang masayang-masaya. Mayroon ding projector na nakabukas at makikita sa projector screen ang isang slide presentation. Sa likuran naman ng classroom ay nakaupo ang matanda at ang batang lalaking nakita niya sa hotel.

"Father Joaquin, magsimula na po tayo," sabi ng lalaki sa unahan na nagpakilalang si Kris.

"Sir! Sir!"

Lumingon si Joaquin at nakitang nakataas ang isang kamay ng batang lalaki.

"Bakit, Gab?" tanong ni Kris.

"Pwede ba umakyat na ko sa kwarto ko? Alam ko na naman yang ituturo mo, eh."

"Ah, eh..."

Hindi naman kumibo si Bagwis.

"Sige na nga," sabi ni Kris.

"Yes!" sigaw ng binatilyo. "Makaka-attack na rin ako!"

Mabilis na tumayo si Bagwis at lumabas ng silid.

"Anyway," nakangiting sabi ni Kris, "simula na tayo."

###

Sa kanyang kuwarto, abalang-abala si Gabriel sa paglalaro ng Clash of Clans sa kanyang cellphone.

"Twenty hours? Ang tagal naman nun, pero sige na nga."

Biglang nag-ring ang kanyang hawak-hawak.

"Sino naman 'to?"

Hindi naka-save sa kanyang cellphone ang numero. Para ring kakaiba ang mga numero dahil masyadong mahaba. Ngunit dahil na rin sa pagtataka ay sinagot ng binatilyo ang tawag.

"Hello? Sino 'to?"

Walang sumagot sa kanya.

"Hello?"

Wala.

"Hello, kung nagti-trip ka lang, mamatay ka na!"

"G-Gab?"

Natigilan si Gabriel. Pamilyar sa kanya ang boses na iyon.

"G-Gab? Ikaw ba 'yan?"

"T-Te-"

Hindi maituloy ni Gabriel na sabihin ang pangalan.

"G-Gab, tulungan mo kami. Tulungan mo kami!"

Nagsusumigaw ang lalaki sa kabilang linya. Punung-puno ng takot at sakit ang sigaw na iyon.

"Teban! Nasaan ka, Teban?"

"Gab. Hinuli nila kami ng mga bata. Kinulong nila kami at ginawang alipin."

"Nasaan kayo, Teban? Ililigtas ko kayo!" Sumisigaw na rin ang binatilyo sa telepono.

"Iligtas mo kami, Gab. Pinahihirapan nila kami dito. Sinasaktan nila kami."

Napatayo si Gabriel mula sa kanyang kama. Namumuti na ang kanyang kamay sa higpit ng pagkakahawak niya sa kanyang cellphone.

"Ililigtas ko kayo, Teban! Papatayin ko lahat ng mga hinayupak na aswang na iyan! Sabihin mo, nasaan ka?"

Isang address sa Quezon City ang ibinulong ng lalaki sa kabilang linya.

"Bilisan mo, Gab. Bago pa nila kami kaining lahat."

Dito ay naputol na ang linya.

"Teban? Teban? Hello?"

Tiningnan ni Gabriel ang cellphone at ng makitang wala na ang kausap ay naibato niya sa pader ang hawak-hawak.

"Hintayin niyo lang ako, Teban."

Mabilis na kumaripas ang binatilyo papalabas ng kanyang silid. Sa kanyang galit ay hindi na siya nakapag-isip pa. Nakalimutan na niya na patay na si Teban at ang mga bata. Nakalimutan na niya si Bagwis. Ang tanging tumatakbo na lamang sa kanyang isipan ay ang gagawin niyang pagliligtas sa kanyang mga kaibigan.

At kung paano niya papatayin ang mga halimaw na aswang.

###

"So basically, hindi kami kampi sa mga aswang," masayang pagtatapos ni Kris.

Hindi naman kumibo ang nakaupong pari.

"M-May question po ba kayo, Father?"

Biglang tumayo si Joaquin at tumalikod, humarap kay Bagwis na nakaupo pa rin doon.

"Totoo ba ang lahat ng ito? Huwag na huwag kang magkakamaling magsinungaling. Alam ko kung niloloko lang ako."

Tumayo rin si Bagwis at ibinutones ang kanyang amerikana. "Lahat ng sinabi ni Kris ay pawang katotohanan lamang."

Tinitigang mabuti ng pari ang mga mata ni Bagwis, na para bang may hinahanap. Makalipas ang ilang minutong katahimikan ay bigla siyang napatungo at napahawak ang dalawang kamay sa kanyang ulo.

"Sumasakit ang ulo ko," bulong ni Joaquin.

"Alam ko na mahirap tanggapin ang lahat ng ito," sabi ni Bagwis. "Pero ito ang katotohanan. Isang katunayan nito ay ang iyong kakayahan na malaman kung ang isa ay aswang o tao."

Muling napatitig ang pari sa matanda.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Kanina ay tinanong ko kung paano mo nasigurado kung aswang nga ang iyong mga pinatay. Ang sabi mo ay sa pakiramdam mo ay hindi sila tao."

Tumango-tango si Joaquin.

"Iyan ay isang kakayahan na taglay ng mga maharlika. Noong una ay hindi ako sigurado, pero ngayong nakita na kita ng personal ay nakatitiyak na ako."

"Nakatitiyak na ano?"

Lumapit si Bagwis sa pari at hinawakan siya sa balikat. "Tulad ko, ikaw ay nagtataglay ng dugong maharlika."

###

Nabulabog ang tahimik na gabi ng biglang may sumulpot na batang lalaki sa harapan ng isang abandonadong gusali. Kasabay ng pagsulpot niya ay ang pag-ihip ng malakas na hangin, na tumangay sa ilang mga basurang nakakalat sa kalsada. Nagsipagtahulan din ang mga aso at nagtakbuhan ang mga pusang kalye.

Ito na kaya iyon? naisip ni Gabriel.

Naglakad ang binatilyo patungo sa gusali, ang kanyang sapatos ay umuusok pa. Mayroong mga makakapal na tabla na nakapako sa pinto kung saan nakasulat ang mga salitang "NO TRESPASSING".

Hindi na nag-isip pa si Gabriel. Gamit ang kanyang mga kamay ay hinila niya ang mga tabla isa-isa, na para bang mga piraso lamang ng karton. Pagkatapos magpagpag ng kamay ay agad siyang pumasok sa loob.

Madilim ang loob ng gusali at tahimik. Salamat sa matangpusa at kitang-kita ni Gabriel ang lahat. Maraming mga kahoy at basura ang nakakalat sa lapag. Ang mga pader naman ay punung-puno ng mga sulat at dibuho na karamihan ay bastos. Maraming mga bakal ang nakausli sa mga pader at poste, tanda na hindi natapos ang paggawa sa gusali.

"T-Teban?" tawag ni Gabriel. Ang kanyang boses ay umalingawngaw sa loob ng gusali.

"Nandito na ko, Teban."

"G-Gab?" Isang boses ang kanyang narinig sa kanyang gawing kanan.

"Teban?" Mabilis na tinungo ni Gabriel ang direksyong iyon.

"Gab, ikaw na ba yan?" Nanggagaling ang boses ni Teban sa loob ng isang nakasaradong pinto.

Agad binuksan ni Gabriel ito at nakita ang isang pigura na nakaupo sa sulok ng kwarto.

"Teban, ikaw na ba talaga 'yan?"

Lumapit si Gabriel sa pigura at lumuhod sa harapan nito. Hinawakan niya ang pigura sa mga balikat at pilit na inaaninag ang mukha nito dahil ang ulo nito ay nakatungo.

"Teban?" tanong ni Gabriel ng may pagtataka.

Biglang humarap sa kanya ang pigura at nakita niya ang mukha ng isang halimaw.

"Hi, Gab!" sabi nito gamit ang boses ni Teban. "Buti naman at nakarating ka."

Napamura si Gab sa kanyang isipan. Naloko ako!

Huli na ng matuklasan niya ang kanyang pagkakamali. Isang matigas na bagay ang tumama sa likod ng kanyang ulo, dahilan upang magdilim ang kanyang paningin.

"Huwag kang mag-alala," isang magaspang na boses ang kanyang narinig bago siya mawalan ng ulirat. "Magiging alipin ka na ng hari."