webnovel

Habulan

Tanghali pa lamang ay naka-quota na si Gabriel. Maganda kasi ang mga lugar na napuntahan niya, matao at magulo. Maaga pa lamang ay nakisabay na siya sa pulutong ng mga tao na nagmamadali sa pagpasok. Madali siyang nakakuha ng mga wallet at cellphone mula sa mga taong nagsisiksikan at nag-uunahang makasakay ng bus. Gayundin naman ng bisitahin niya ang isang palengke sa Pasay. Maraming tao ang hindi maingat sa kanilang mga gamit. Malaking tulong din ang kanyang bata at maamong mukha, na kaagad pinagkakatiwalaan ng mga taong nakakakita sa kanya. Pagkatapos ay dumiretso siya sa isang bayan kung saan may kapistahan.

Nang makaramdam ng gutom ay napagdesisyunan ni Gabriel na kumain muna at pagkatapos ay mamasyal. Pasakay na sana siya ng jeep ng makita mula sa gilid ng kanyang mga mata ang isang matandang lalaki na nagbabayad sa isang tindahan. Hawak nito ang kanyang wallet na punung-puno ng perang papel, na sa tantiya ni Gabriel ay puro tig-lilimang daan at tig-iisang libo. Pagkabayad ay isinuksok lamang ng basta ng matanda ang kanyang wallet sa bulsa sa likod ng kanyang pantalon. Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Gabriel.

Pasimple niyang sinundan ang matanda, na naglakad papunta sa sakayan ng jeep. Saktong walang ibang taong nag-aabang ng sasakyan. Mabilis na kinilatis ni Gabriel ang matanda. Mukha itong mayaman. Ang kanyang itim na amerikana at pantalong slacks ay plantsadong-plantsado. Ang sapatos na balat nito ay makintab na makintab. At ang kanyang puting buhok ay naka-pomada.

Napangiti ni Gabriel. Isa na namang madaling trabaho ito para sa kanya. Dumukot siya ng ilang barya sa bulsa at kunwari'y binibilang ito. Nilapitan niya ang matanda at mahinang binangga. Kasabay nito ay binitawan niya ang hawak na barya sa harap ng matanda.

"Ay, sori!" bulalas ni Gabriel.

Halatang nagulat ang matanda, ngunit napangiti ito ng makita si Gabriel at ang sumabog na barya.

"Naku anak, ayos ka lang ba?" tanong ng matanda. Yumuko ito para pulutin ang mga barya.

Ito ang pagkakataong hinihintay ni Gabriel. Pagkayukung-pagkayuko ng matanda, mabilis siyang pumuwesto sa likod nito at dinukot ang nakadungaw na wallet at kaagad na ibinulsa. Walang naramdaman ang matanda.

Nang matapos pulutin ng matanda ang mga barya ay nakangiti nitong hinarap si Gabriel.

"Hetong pera mo. Mag-ingat ka. Sa panahon natin eh, napakaraming masasamang loob."

"Salamat po," sabi ng lalaki sabay kuha sa mga barya. Hindi niya mapigilang hindi mapangiti sa sinabi ng matanda.

"Taga-saan ka ba, iho," tanong ng matanda.

"Taga-diyan lang po," sagot ni Gabriel. Pagkatapos ay tumalikod na siya at naglakad papalayo. Agad siyang sumakay ng jeep.

###

Bumaba si Gabriel sa jeep na sinasakyan at dumiretso sa isang bakanteng lote. Tahimik at walang tao sa lugar na iyon. Mahangin din at maraming puno kaya't doon naisipan ni Gabriel na magpahinga.

Naupo siya sa ilalim ng isang punong mangga. Pagkatapos ay mabilis niyang inilabas ang wallet ng matanda. Kanina pa siya kating-kati na bilangin ang pera sa loob ngunit pinigilan lang niya ang sarili. Binulatlat ni Gabriel ang wallet at nagulat sa nakita.

Walang laman ang wallet.

"Ang bilis ng kamay mo, ah."

Napabalikwas si Gabriel sa pagkakaupo at mabilis na tumalikod.

"I-Ikaw?" di makapaniwalang sabi ni Gabriel.

Sa harapan niya ay nakatayo ang matandang may-ari ng wallet. Nakasandal ito sa puno at nakangiti sa kanya.

"O, bakit para kang nakakita ng multo?" natatawang tanong ng matanda.

Napaatras si Gabriel. Hindi niya maintindihan kung paano siya nasundan ng matanda. Hindi niya rin malaman kung saan napunta ang pera sa wallet.

Itinaas ng matanda ang kanyang kanang kamay. Hawak-hawak niya ang isang bungkos ng perang papel.

"Ito ba ang hinahanap mo?" tanong ng matanda na para bang binabasa ang isip ng lalaki.

Tinitigan ni Gabriel ang hawak na pera ng matanda, hindi makapaniwala sa nakikita.

"Papaanong…" hindi masabi ni Gabriel ang katanungan sa isipan.

Dahan-dahang ibinulsa ng matanda ang pera sa loob ng kanyang amerikana.

"Saka ko na sasagutin ang mga tanong mo," seryosong sabi ng matanda. "Alam mo bang matagal na kitang hinahanap, Gabriel Cruz?"

Nagulat si Gabriel sa sinabi ng matanda at muling napahakbang paatras.

"P-Paano mo nalaman ang pangalan ko?" pagalit na tanong ni Gabriel ngunit kinabahan siya ng may biglang naisip. "Pulis ka ba?"

Natawa ang matanda sa sinabi ng lalaki. Halatang nainis naman si Gabriel sa reaksyon ng lalaki.

"Hindi ako pulis. Huwag kang mag-alala," sabi ng matanda.

"Kung ganon," galit na tanong ni Gabriel, "anong kailangan mo sa akin?"

"Gaya nga ng sabi ko sa'yo, matagal na kitang hinahanap, Gabriel. Siyam na taon na."

Hindi alam ni Gabriel ang sasabihin. Hindi niya naiintindihan ang sinasabi ng matanda.

"Masaya ako kahit naging ganito ang buhay mo," pagpapatuloy ng matanda. "Mukhang nakuha mo ang bilis ng tatay mo, ah."

Parang nakuryente si Gabriel sa sinabi ng matanda. Nanigas ang kanyang buong katawan at nanlaki ang kanyang mga mata.

"A-Anong sinabi mo?" nanginginig ang boses na sabi ni Gabriel.

Napabuntung-hininga ang matanda. "Kilala ko ang iyong ama, Gabriel. Kaya nga kita sinundan dito dahil gusto kitang makausap. May kailangan kang malaman tungkol sa iyong nakaraan."

"Tumigil ka!" galit na sigaw ni Gabriel. "Wala akong ama. At wala ka ring pakialam sa akin!" Malakas na ibinato ni Gabriel ang hawak na wallet sa matanda ngunit sing liksi ng pusa ay nasalo ito ng matanda ng hindi man lamang kumukurap. Halatang nagulat si Gabriel sa nakita.

"Gusto lang kitang makausap," mahinahong sabi ng matanda.

"Puwes, ako, ayaw kitang makausap!" Mabilis na tumalikod si Gabriel at kumaripas ng takbo.

Napailing lang ang matanda at sinundan ng tingin ang batang lalaki.

###

Pawis na pawis at halos habulin ni Gabriel ang kanyang hininga ng marating ang palengke. Alam niya na dapat siyang pumunta sa isang mataong lugar kapag may humahabol sa kanya. Nagpasikot-sikot siya sa loob ng palengke habang nagmamasid kung may sumusunod sa kanya. Nang masiguradong hindi siya nasundan, tumigil siya sa harap ng isang tindahan ng samalamig at dumukotng limang piso.

"Palamig ka muna. Mukhang uhaw na uhaw ka na."

Nilingon ni Gabriel katabi. Gulantang siya sa kanyang nakita. Nakatayo sa tabi niya ang matanda. Umiinom ito ng isang basong buko juice.

"Tamang-tama talaga ang buko kapag mainit ang panahon," nakangiting sabi ng matanda.

Muling kumaripas ng takbo si Gabriel. Tinungo niya ang hi-way at sumakay sa unang jeep na dumaan. Hindi na niya nakita kung saan papunta ang jeep. Ang tanging nasa isipan na lamang niya ay ang makalayo.

Mga ilang minuto din ang lumipas bago kumalma ang loob ni Gabriel. Nagmasid siya sa paligid, at ng makilala ang lugar ay agad siyang nagbayad at pumara. Sandaling sumilong si Gabriel sa harap ng isang sari-sari store.

"Pabili nga ng Boy Bawang," sabi ng isang pamilyar na boses mula sa likuran ni Gabriel.

Dahan-dahang niyang nilingon ang bumibili. Bagamat hindi makapaniwala ay alam niya kung sino ito. Nginitian siya ng matanda, isang ngiting nakakaloko na muling nagpakulo ng dugo niya.

"Tigilan mo na nga ang pagsunod sa akin!" galit na sigaw ni Gabriel. Muli niyang tinalikuran ang matanda at nagmamadaling tumakbo. Sa kanyang pagtakbo ay nadaanan niya ang isang umpukan ng mga tao na nakikiusyoso sa dalawang lalaking naglalaro ng chess. Kasama sa umpukang iyon ang matandang humahabol sa kanya.

"Two moves, mate," sabi ng matanda habang sinusundan ng tingin si Gabriel.

Sumuot si Gabriel sa isang makitid na eskinita. Ilang tao din ang kanyang nabangga dahil sa sobrang pagmamadali. Katakut-takot na mura tuloy ang natanggap niya.

Pagkalabas niya sa eskinita ay nakita niya na napadpad siya sa harap ng isang basketball court. May ilang kabataan ang maingay na naglalaro sa court. Iginala ni Gabriel ang kanyang mga mata. Walang anumang bakas ng matanda. Nakahinga ng maluwag si Gabriel.

"Foul!"

Mabilis na napalingon si Gabriel sa direksyon na pinagmulang ng sigaw. Kahit ang mga kabataang naglalaro ay napatingin din.

Sa ilalim ng ring ay nakatayo ang matanda, ang dalawang kamay ay nakapamulsa. Nakangiti ito kay Gabriel.

Bagamat pagod na ay muling siyang kumaripas ng takbo. Ngunit kahit saan siya pumunta at kahit gaano kalayo ang kanyang takbuhin, sa di malamang kadahilanan ay palagi siyang naaabutan gn matanda.

Hanggang sa napaupo na lamang siya sa malamig na semento sa isang bangketa. Pagod na pagod siya at uhaw na uhaw. Nanlalagkit na rin ang kanyang buong katawan sa pawis.

"Siguro naman handa ka nang makipag-usap."

Itinaas na Gabriel ang kanyang ulo. Sa harap niya ay nakatayo ang matanda. Tinitigan niya ito ng masama.

"Ano ba talagang kailangan mo? Bakit mo ba ako sinusundan?" hingal na tanong ni Gabriel.

"Kanina ko pa sinasabi sa'yo, gusto lang naman kitang makausap," may halong inis na sabi ng matanda.

"O sige na! Sige na!" sabi ni Gabriel sabay taas ng dalawang kamay. "Usap lang, ah. Pagkatapos tatantanan mo na ko, ha! Ayoko ng makita ka pa!"

Ngiti lang ang sagot ng matanda.

"Teka, sino ka ba?" tanong ni Gabriel pagkatapos tumayo.

Biglang naging seryoso ang mukha ng matanda.

"Tawagin mo na lamang akong Bagwis."

Bab berikutnya