webnovel

Dance

Nagising ako nang marinig ang pagtilaok ng manok. Sabado na ng umaga, ito ang araw na pinakahihintay ng aking mga kaklase dahil mamayang gabi na ang Aquiantance Party.

Bumangon ako mula sa pagkakahiga sa papag. Pupunta pala ako nang maaga sa condo ni Sean.

Nagbalik sa akin ang eksena noong nandoon ako sa bahay nito. Nakuwento nito sa akin na mayroon silang hindi napagkasunduan ng ama. Hindi ko alam kung ano ang bagay na hindi nila napagkakasunduan dahil hindi naman iyon sinama ni Sean sa kaniyang kuwento. Ang alam ko lang ay patago itong umuuwi sa kanila kapag wala ang kaniyang daddy at simula rin nang magkolehiyo ito ay sa condominium na ito tumutuloy, sa condominium na bigay ng kaniyang mommy na nasa America.

Hindi ko alam kung paano humantong sa pagtatalo ang mag-ama. Mayroon pang hindi nakukuwento si Sean sa akin. May detalye pa itong hindi nababanggit pero hindi ko naman siya puwedeng pilitin kung ayaw niyang sabihin.

Kinusot ko ang aking mata pagkatapos ay nag-unat. Tutulong muna ako sa mga gawaing bahay bago umalis. Alam kong pagod na sina Mama at Papa kaya kahit dito man lang sana ay gusto kong matulungan sila para mabawasan ang kanilang gawain. Matanda na kasi sila at marami na rin silang iniindang mga sakit sa katawan. Natatakot ako na mapahamak sila at magkaroon ng malalang sakit kaya hangga't kaya ko ay tutulong ako.

Matapos maghilamos ay dumiretso na ako sa kusina. Alas singko pa lang ng madaling araw kaya tulog pa sina Mama at Papa. Tanghali kasi sila gumigising sa ganitong araw dahil ang 'Sabado' ang araw ng kanilang pahinga.

Kinuha ko ang dalawang itlog na nakalagay sa lalagyan ng bigas. Iyon na lang ang lulutuin ko dahil iyon lang naman ang available sa bahay. May nakita rin akong kamatis. Masarap iyong ihalo sa itlog kapares ang kape.

Kasalukuyan akong nagsasangag nang magising sina Mama at Papa.

"Mama, Papa. Gising na po pala kayo." Nilingon ko sila pero patuloy pa rin ako sa paghalo sa sinasangag kong bahaw na kanin. Natira namin iyon kagabi. Mediyo mamasa-masa na nga iyon ngunit puwede pa namang kainin. Pinagpawisan lang siguro iyon kaya basa.

"Ang sipag talaga ng anak ko," pambobola sa akin ni Papa. Umupo ito sa mesa at nagtimpla ng kape.

"Salamat anak dahil tinutulugan mo kami," sabi naman ni Mama.

Ngumiti ako sa kanila. "Salamat din po sa inyo Ma, Pa."

Kumuha si Mama ng mga plato at kutsara. Nilagay niya iyon sa mesa. Tamang-tama lang ang gising nila dahil maluluto na rin itong sinangag. Unting halo na lang ay makakakain na kami.

"Kumusta naman anak ang school?" tanong ni Mama sa akin.

"Okay naman po. Mababait ang mga kaklase ko sa 'kin," pilit ang ngiting sabi ko. Tinuon ko ang aking paningin sa niluluto ko. Ayokong tumingin sa mga mata nila dahil baka malaman nilang hindi ako nagsasabi ng totoo.

Nagsandok ako ng sinangag sa malaking plato nang maluto iyon. "Sobrang saya po ron," kunyari ay pagyayabang ko. Nilagay ko ang platong may lamang sinangag sa mesa at naupo na rin sa tapat nilang dalawa.

Quality time namin ang araw ng Sabado. Wala kasi akong pasok at pahinga nila kaya nakakapagkuwentuhan kami nang matagal. Kaso nga lang minsan hindi na namin ito nasusulit kapag may lakad ang isa't isa katulad ngayon na aalis ako. Kapag gipit kami at maraming kailangang bayaran, madalas rin sa madalas na pinipili na lang nina Mama at Papa na magtinda sa araw ng Sabado. Sayang naman daw ang araw kung hindi sila kikita sa pagbebenta. Pandagdag din iyon ng budget sa gastusin sa bahay. Kaya minsan ako na lang ang nagtatampo dahil masiyado nilang inaabuso ang kanilang katawan.

"Mabuti naman anak at mababait sa 'yo ang mga kaklase mo. Masaya akong masaya ka rin doon. Kaya kahit mahirapan kami sa pagtitinda para sa baon at pamasahe mo ay ayos lang basta masaya ka," ani ni Papa.

"Basta pagbutihin mo lang anak ang pag-aaral. Teka...Si Sean ba ay?" mapang-usisang tumingin sa akin si Mama. Alam ko kung anong iniisip nito kaya umiling-iling agad ako sa kanila.

Kilala kasi nila si Sean dahil hinatid ako nito sa bahay noong nakaraang gabi. Basang-basa nga kami noon dahil lumakas ang ulan sa pag-uwi namin.

Hindi naman nagtagal si Sean dito. Nang maihatid ako nito sa bahay ay nagpaalam na ito agad. Hindi naman ito nagpaawat. Gusto ko pa sanang papasukin siya upang makapagpalit ng damit dahil basang-basa siya ngunit tumanggi siya. Ayos lang daw, sa condo na lang daw siya magpapalit dahil sobrang gabi na. Hindi na niya pinatila pa ang malakas na ulan, sinugod niya iyon ng basang-basa.

Naawa ako rito pero mukha talaga itong nagmamadali kaya wala na akong nagawa.

"Akala ko manliligaw mo anak eh," nakangiting sabi ni Papa.

"Hindi po, kaibigan ko lang po si Sean," paliwanag ko.

Totoo naman talaga na kaibigan ko lang siya. Napaka-imposible naman na magkagusto sa akin si Sean. Ano naman ang magugustuhan nito sa akin? At isa pa, napakalaki ng agwat naming dalawa dahil mayaman siya tapos ako ano? Ang isang tulad niya ay malabong magkagusto sa akin. Kung ako ang tatanungin ay mas bagay ito kay Ishiah dahil pareho silang mula sa mayamang pamilya at magkababata pa sila. Mas boboto at sasang-ayon ang lahat kung sila ang magkakatuluyan.

Pagkatapos kumain ay naghanda na ako. Nag-asikaso ako agad dahil baka maaga ako sunduin ni Sean. Dideretso kami sa condo nito dahil pupunta raw kasi roon si Ate Kris, doon daw ako nito aayusan.

"Ma, Pa. Alis na po ako," paalam ko pagkadating na pagkadating ni Sean. Humalik ako sa kanilang pisngi.

"Sige anak, mag-ingat ka ah," tagubilin ni Mama.

"Sean, ikaw na bahala kay Sonny.... kompleto ang katawan niya rito nang umalis dapat kompleto rin siya sa pag-uwi," paalala naman ni Papa kay Sean at may halo pang paduro-duro. Alam ko namang pabiro lang ang pagkakasabi ni Papa pero ako na lang din ang nahihiya kay Sean.

Sobra rin talaga ang pag-iingat sa akin ni Papa. Sa pabiro nitong tono nang pag-sasalita kay Sean, nandoon ang katotohanan na ayaw nitong masaktan at mapahamak ako.

Nasa condo na ni Sean si Ate Kris nang dumating kami. Prente itong nakaupo at abalang-abala sa pagkalikot sa phone nito.

"Sonny!" masayang bati ni Ate Kris nang makita ako. Nakipagbeso ito sa akin.

Napahanga ako sa laki ng condo ni Sean. Masiyadong malaki iyon para sa kaniya. Mag-isa lang ba talaga itong nakatira roon? Ang lawak ng condo nito at walalang-wala sa laki ng bahay namin. Sa sala pa lang ay mukhang mas malaki na sa kabuuhan ng bahay namin. Paano pa kaya kung makikita ko ang kabuuhan ng condo nito? Kung may damdamin lang ang bahay namin ay tiyak na manliliit ito sa condo ni Sean.

May nakita pa akong apat na pinto. Marahil ay pinto iyon papunta sa banyo, sa kuwarto at sa kusina ni Sean. Na-curios ako kung gaano kalaki ang kusina. Parang gusto kong tingnan at pasukin ang loob noon.

Naputol ang pagmumunimuni ko nang hatakin ako ni Ate Kris. Pareho talaga silang magkapatid, ugali nilang hatakin ang kamay ko para dalhin sa isang lugar. Wala naman ako laging nagagawa kundi ang magpatangay sa kanila.

"Tara Sonny, isukat mo 'to." Tinulak ako nito papasok sa banyo. Isasara ko na sana ang pinto nang makapasok ngunit huli na dahil naunahan na ako nito sa pagsara ng pinto.

Napasandal na lamang ako sa nakasaradong pintuan at saka tiningnan ang gown na pinahiram sa akin ni Ate Kris. Off-shoulder ang style ng gown at may mahabang slit na aabot sa hita. Hindi ko alam kung kakayanin ko bang magsuot noon pero dahil nandito na ako, kailangan kong kayanin. Isa pa, ako na nga lang ang pinahiram kaya wala akong karapatang mag-inarte. Pasalamat na lang ako dahil mayroon akong masusuot.

"Sonny, okay ka lang ba riyan?" Malakas na kumatok si Ate Kris sa pinto dahilan upang mapabihis ako nang mabilis.

"Wait lang po," sabi ko.

Humarap ako sa salamin nang matapos magbihis. Saktong-sakto lang sa akin ang gown, sukat na sukat sa hulma ng aking katawan. Para bang sinukatan ako at pinasadiya ang gown na iyon para sa akin. Magaling pumili si Ate Kris kaya hindi na ako magtataka na designer ito. Alam niya kung ano ang babagay sa isang tao at alam niya ang tamang style sa ibat' ibang shape ng katawan.

Aminado naman ako na maganda ang gown na iyon. Subalit ang tanong, kaya ko kaya itong dalhin mamaya sa Aquiantance party? Binaba ko nang bahagya ang gown, sobrang haba kasi ng slit noon at kitang-kita ang aking kanang hita. Pakiramdam ko ay aabot ang slit nito sa aking balakang kung hindi ko ibababa.

Lumabas ako ng banyo nang nakayuko. Naiilang talaga ako sa suot ko. Para bang gusto ko nang umatras sa pagsuot nito.

"Perfect! Bagay na bagay sa 'yo!" papuri sa akin ni Ate Kris na lalo kong kinailang. Hindi naman kasi ako sanay na napupuri dahil simula nang mapunta ako sa William University ay puro pang-iinsulto at mapanglait na mata ang nae-encounter ko.

"Ate, wala ka bang ibang gown?" tanong ni Sean.

Hindi ba bagay sa akin ang gown na iyon para magtanong pa si Sean kung may iba pang gown?

Napayuko ako lalo.

"Bakit? Ano ka ba? Bagay na bagay nga kay Sonny eh," ani ni Ate Kris.

Lumapit si Sean sa akin. Mediyo inangat nito ang aking damit at tinakpan ang mataas na bahagi ng aking balikat. "Okay ka lang ba rito?" tanong ni Sean sa akin.

Magsisinungaling ako kung sasabihin kong ayos lang sa akin ang gown na iyon dahil ang totoo ay hindi talaga ako komportable sa suot ko. Pero nakakahiya naman kung magiging maarte pa ako kaya sa halip na umamin ay tumango na lang ako kay Sean.

"Sean, ba't mo tinaas? Sakto lang naman yun eh!" Lumapit si Ate Kris kay Sean at mahinang hinampas ang braso ng kapatid.

"Aray ko te, palaaway ka talaga ah!" pagbibiro ni Sean sa ate niya.

Lumapit si Ate Kris sa akin at binaba muli ang aking suot kaya lalong nalantad ang aking balikat.

"Chin up Sonny, alam mo bang maganda ka kahit walang make-up? Pa'no pa kaya kung naayusan na kita? D'yosa ka na sa kagandahan," papuri ulit ni Ate Kris sa akin.

Hindi ko alam kung totoo ba ang sinasabi nito sa akin o sadiyang pinupuri lang ako nito upang lumakas ang loob ko.

"Salamat po Ate," sagot ko habang pinagkikiskisan ang aking mga palad sa likod.

Tumagal ng ilang oras ang pag-aayos sa akin. Pinakulot kasi ni Ate ang aking buhok at nilagyan ng nail polish ang aking mga kuko sa kamay at paa. Full package ang make-over sa akin, simula sa mukha hanggang sa mga paa.

Natagalan din kami sa paghahanap ng mga accessories na babagay sa susuotin kong gown. Napakarami kasing collection ni Ate Kris kaya kahit ako ay nahihirapang mamili. Wala rin naman akong tiwala sa mapipili ko dahil mas may alam si Ate Kris sa 'fashion' kumpara sa akin.

Tiningnan ko ang repleksiyon ko sa salamin. Hindi ko na makilala ang aking sarili. Para bang ang babaeng nasa harap ko ay ang elegant version ng sarili ko. Mas maganda ang version na iyon kumpara sa version ng tunay na Sonny na palaging nakasuot ng simpleng t-shirt at pantalon, walang make-up at palaging nakalugay ang buhok. Para akong nagmukhang mayaman sa ayos ko ngayon.

Napatungo ako sa naisip ko. Ang babae sa salamin na nasa harap ko ay katulad ni Cinderella nang mabihisan. Nagmukhang mayaman at prinsesa ngunit ang totoo ay hindi naman talaga. Kung aalisin ang suot kong gown at kung tatanggalin ang kolorete sa aking mukha ay wala lamang ako kumpara sa iba. Hiram lamang ang mga iyon at kung mawawala ay babalik na naman ako sa isang gusgusing Cinderella. Ewan ko ba? Matalino ako sa academics at nakakasagot nang maayos sa exam ngunit pagdating sa pisikal kong katawan ay wala akong katiwa-tiwala sa sarili. Lagi akong nanliliit siguro dahil na rin sa mga kaklase kong mayayaman, fashionista at eleganteng nakapaligid sa akin. Kaya siguro bumababa ang confidence ko sa katawan.

Malakas na tugtugan at iba't ibang kulay ng ilaw ang sumalubong sa amin ni Sean sa aming pagdating. Nagsisimula nang magsalita ang Master of Ceremony nang dumating kami. Nagkaroon kasi ng traffic dahil sa banggaan ng tricyle at van kaya nahuli kami ng sampung minuto sa takdang oras ng pagsisimula ng programme.

Tumingin ako sa stage na kumikinang ang ganda dahil sa palamuti. May mga lobong kulay gold at silver ang nakaarko, artipisyal na bulaklak at makikintab na letter cut ng 'Aquiantance Party 2020' ang nakalagay sa harap. Halatang organisado ang lahat at mahaba ang naging preparasyon para sa araw na iyon.

Nagsimula ang programme sa pagpapakilala at pagbati ng lalaki at babaeng MC. Pagkatapos ay sinundan iyon ng sayawan sa gitna o dance floor.

Iba't ibang uri ng musika ang sinasalang ng DJ. May pang sweet dance o social dance, mayroon din namang pang-millenials tulad ng nakakaenganyong sayaw na pangrakrakan. Pinatugtog rin ng DJ ang 'Tala' ni Sarah Geronimo at sinayaw iyon ng buong indak at paghataw ng ilan sa aking mga classmates at schoolmates na walang tinatagong hiya sa mukha.

Nanatili lang ako sa aking upuan habang nakatanaw sa pagsayaw nila. Hindi ko makita si Sean, nagpaalam ito sa akin kanina na magbabanyo muna ngunit hanggang ngayon ay hindi pa ito bumabalik.

Kasama sa programme ang pagsasayaw ng magkapares o kaya magkasintahan sa gitna. Isa-isang tinawag ang mga magkakapares at magkakasintahang nagpalista noong Registration.

"Ms. Sonny Mendez and Mr. Sean Modina please proceed to the center aisle."

Kinabahan ako nang matawag ang pangalan ko. Hindi ako na-inform ni Sean na sasayaw pala kaming dalawa. Kinakabahan ako.

Lumingon-lingon ako sa paligid. Nasaan kaya si Sean? Paano ako sasayaw?

"Sonny, tawag ka. Pumunta ka na ro'n sa gitna." Hinatak ako ng isa sa aking mga kaklase at dinala sa gitna. Napansin ko ang kakaibang ngiti sa labi ng kaklase ko nang iwan ako nito.

Napalunok ako habang patuloy sa pagtingin sa mga kasama ko sa gitna na may kapareha na. Ako na lang ang nag-iisang wala pang ka-partner.

Marahan akong umikot upang tingnan ang buong paligid. Nandoon ang iilan sa mga kaklase ko na nagbubulong-bulungan at malaki ang pagkakangisi habang nakatingin sa akin.

Pakiramdam ko ay umiikot ang paligid ko sa dami ng mga tao. Pilit kong hinahanap ang pigura ni Sean ngunit maski ang anino nito ay hindi ko matagpuan.

'Nasa'n ka na Sean?'

Hindi ko na lang pinansin ang mga tao sa paligid ko. Babalik na lamang ako sa puwesto ko.

Maglalakad na sana ako pabalik nang maramdaman ko na may mabigat na bagay ang umipit sa laylayan ng aking gown. Mabilis ang aking paghakbang kaya hindi ko nakontrol ang aking katawan. Kaya sa paghakbang ko, natalisod din ang aking mga paa dahil na rin sa dulas ng sahig.

Pamilyar na sa akin ang eksena na iyon dahil palagi na lang akong napupunta sa ganoong sitwasyon.

Pakiramdam ko ay bumabagal ang paggalaw ng nasa paligid ko. Nakikita ko na lang ang sarili na unti-unti nang hinahatak pababa.

Agad kong tinukod ang aking mga kamay upang hindi ako tuluyang mangudngod sa tiles. Mabuti at nagawa ko pa ring matukod ang kamay ko kahit mabilis ang pangyayari.

Nag-angat ako ng ulo kaya nakita ko ang tawanan at bulungan ng mga kaklase ko. Ano ba ang gagawin ko? Gusto ko nang umiyak dahil sa sitwasyon ko ngayon. Paulit-ulit na lang akong napapahiya at pinapahiya ng mga kaklase ko.

Tatayo ba ako upang makatakbo palabas sa lugar na ito o mananatili na lang ako rito at yuyuko para hindi nila makita ang mukha ko?

Hindi ko na kayang pigilan ang mga luha ko. Gustong-gusto na nitong kumawala sa aking mga mata. Ayoko na itong pigilan. 'Sean nasa'n ka ba? Sabi mo sa akin sasamahan mo ako rito? Sabi mo sa akin hindi mo ako iiwan? Pero nasa'n ka ngayon? Tulungan mo ako Sean. Kailangan kita sa mga oras na ito.

"Huwag kang iiyak."

Nag-angat ako ng tingin nang makita ang sapatos ng lalaki sa harap ko. Si Ken iyon.

Nakalahad ang mga palad nito sa harap ko. Ino-offer ba nito ang kamay niya upang tulungan ako? Pero baka naman isa na naman ito sa panloloko niya sa akin.

Tumingin ako sa mga mata ni Ken. Mukhang hinihintay nito ang pagtugon ko sa alok niya. Mukha namang gusto talaga niya akong tulungan.

'Bahala na.'

Inabot ko ang palad ni Ken at tinulungan naman ako nitong tumayo. Habang tinutulungan niya akong tumayo ay nagsimula na rin sa pagtugtog ang kantang "Ikaw at Ako" ni Moira at Jason.

Nagsimulang magsayawan ang mga nasa gitna ng entablado.

Napalingon ako kay Ken dahilan upang magtagpo ang aming mga mata. Ngayon ko lang siya natitigan nang malapitan. Kung pogi ito sa malayo ay mas lalo itong naging pogi sa malapitan. Walang makikitang marka ng sugat o mga butlig sa pisngi nito. Napakakinis ng mukha niya.

"Huwag mo ako tititigan ng ganiyan," utos nito sa akin.

Napalunok ako ng laway saka nag-iwas ng tingin sa kaniya. Hindi ko naman aangkinin ang mukha niya kaya bakit niya ako pinagbabawalang tingnan siya?

Nagulat ako nang ipatong ni Ken ang dalawa kong kamay sa kaniyang balikat. Humawak din siya sa aking bewang. Ang bilis ng tibok ng puso ko at paulit-ulit akong napapalunok. Naiilang ako dahil sa lapit namin sa isa't isa. At dahil sa lapit ko sa kaniya, naamoy ko na naman ang pamilyar na pabango nito. Ito ang palagi kong naaamoy kapag magkalapit kami sa isa't isa.

"Sumabay ka lang sa tugtog."

Napatango ako sa kaniya. Tulad ng sinabi niya ay sumabay na lamang kami sa saliw ng musika. Ramdam ko ang maingat na paghakbang ni Ken. Siya ang kumukontrol sa sayaw na iyon. Napaka-gentle ng kamay niya na nakahawak sa bewang ko dahil mahina niya iyong kinakabig sa direksiyong pakanan at pakaliwa.

Sumusunod lamang ako sa bawat paggalaw niya. Siya ang nagdadala ng sayaw na iyon. Hindi ako marunong sumayaw ngunit hindi iyon nahahalata dahil sa husay niya sa pagsayaw.

Lumayo siya nang bahagya sa akin at senenyasan akong umikot. Dahil sinabi niya ay ginawa ko iyon. Alam naman siguro nito ang dapat gawin kaya sumunod na lang ako.

Ramdam ko ang maingat niyang pag-alalay habang umiikot ako. Nang makalapit nang tuluyan sa kaniya ay hinawakan niya ako sa bewang at mas lalo pang dinikit sa katawan niya. Hindi ko nagustuhan ang posisyon namin kaya nilayo ko ang sarili sa kaniya.

"Sumunod ka lang," utos muli ni Ken. Inikot niya ako muli at niliyad nang bahagya. Yumuko siya kaya ang 'mukha' naman namin ang naglapit. Sa sobrang lapit ng mukha niya ay nararamdaman ko rin ang mainit na paghinga nito.

Tumagal kami sa ganoong posisyon habang titig na titig sa mata ng isa't isa. Nakakatunaw ang mga titig niyang iyon at nakakakiliti ang kaniyang hiningang dumadampi sa aking pisngi. Hanggang kailan niya ba ako tititigan at hanggang kailan kami sa ganoong posisyon? Nakaliyad pa rin ako. Hindi naman ako nahihirapan dahil nasa bewang ko ang kamay ni Ken. Siya ang sumasalo ng lahat ng bigat sa aking katawan.

Nakakatunaw ang titig niya sa akin. Hindi naman sa pinagbabawalan ko siyang tumingin ngunit hindi ko talaga kayang sabayan ang titig niya. Para akong hinahaplos nang mga titig nito. Haplos na para bang hahanap-hanapin ko sa sandaling matigil iyon.

Totoong attractive si Ken. Ma-appeal siya at nakakahanga ang hulma ng kaniyang mukha. He is charming despite the fact that he is cold to me. Attracted ako sa kaniya at hindi ko iyon itatanggi.

"Salamat Ken," bulong ko. Magpapasalamat ako dahil dumating siya. Kung wala siguro ito ngayon ay baka kanina pa ako nilalamon ng kahihiyan. Salamat dahil sinalo niya ang pagiging lampa ko. Gumawa siya ng paraan upang maiba ang daloy ng usap-usapan. Marahil magiging usapin sa buong University ang naging sayaw namin ni Ken. Paano namang hindi? Marami sa mga kababaihan ang pinapangarap na maisayaw ni Ken at isa ako sa masuwerteng nasayaw nito.

Hindi ko naman hinihiling na makasayaw ito. Hindi ko naman gusto na maging laman ng usapan sa William University pero mas mabuti na rin siguro iyon kaysa naman na ang maging usapan ay tungkol sa akin na 'nadapa' sa Aquiantance party. Mas nakakahiya iyon.

"May utang ka sa'kin," bulong nito sa tainga ko. Napakilos pa ako dahil sa pagdampi ng hininga niya sa gilid ng aking leeg. Puwede naman siyang bumulong nang hindi nilalapit ang bibig sa tainga ko. Maririnig ko naman iyon dahil hindi naman malakas ang music.

"W-wala akong maibabayad sa'yo," nauutal kong sagot.

"Hindi naman pera...In fact baka ikaw pa ang bigyan ko ng pera. I have lots of them kaya 'di ko kailangan 'yon..Ang gusto kong kapalit ay..."

Lumunok ako habang hinihintay ang susunod niyang sasabihin.

"Ikaw."

Tama ba ang narinig ko? Ako ang gusto niyang bayad? Anong ibig-sabihin niya rito?

Hindi ako katulad ng ibang babae na inaakala niya. Hindi ako katulad ng iba na madaling nakukuha. Hindi ako bayarang babae para maging pambayad sa utang. Hindi ko naman hiniling na tulungan niya ako. Kusa niya iyong ginawa. Kung alam ko lang na iyon ang gusto niyang kapalit, sana hindi ko na lang tinanggap ang tulong niya.

Marahan ko siyang tinulak. Tinalikuran ko siya. Akala ko masakit na mapahiya sa maraming tao pero mas masakit pala maramdaman na hindi ka nirerespeto ng isang lalaki. Pakiramdam ko ay napakababa kong babae. Iyon ba ang tingin niya sa akin? Iyon ba ang inaakala niyang ako?

Sana pala kanina pa ako tumakbo palabas ng venue noong natumba ako. Kung umalis ako kanina pa marahil hindi ko rin nararamdaman ito ngayon.

Ang sakit at ang bigat-bigat sa dibdib.

Sana talaga iyon ang ginawa ko sa una pa lang. Sana tumakbo na ako palabas. Subalit huli na. Hindi ko na maibabalik ang nangyari.

Nagpatuloy ako sa pagtakbo palabas. Tuluyan nang pumatak ang aking mga luha. Wala na akong pakialam kung maraming nakakakita sa akin. Wala na akong pakialam kung kumalat o mabura ang make-up ko sa mukha. Basta gusto kong umiyak. Gusto kong iiyak lahat ng sama ng loob ko.

Akala ko pa naman ay kahit papano iba si Ken sa kanila pero hindi pala. Unti-unti na sanang nagiiba ang tingin ko sa kaniya ngunit dahil sa sinabi niya ay na-realized ko na hindi pala. Pare-pareho silang hinuhusgahan ang pagkatao ko.

Wala na ba akong ibang kaibigan dito? Si Sean? Sean nasaan ka ba? Akala ko ba kaibigan kita pero bakit iniwan mo ako roon. Saan ka ba nagpunta? Totoo ba ang pakikipagkaibigan mo sa akin? Totoo ba na kaibigan kita? O baka ginagamit mo lang din ako? Baka isa ka rin sa kanila?

Hindi ko na alam kung sino ang totoo sa akin. Hindi ko na alam kung sino ang totoo kong kaibigan at kung sino ang totoong may malasakit sa akin.

Hindi ko na alam kung sino ang pagkakatiwalaan ko. Parang gusto ko na lang mapag-isa tutal hindi naman ako sigurado sa pakikitungo nila sa akin. Hindi naman ako sigurado sa totoong motibo nila.

Baka nga. Baka nga hindi talaga ako para rito. Baka hindi talaga ako bagay sa University na ito. Baka nga kailangan ko nang umalis dahil hindi naman nila ako kayang tanggapin at hindi nila ako kayang irespeto.

Humagulgol ako at niyukyok ang mukha sa aking mga hita. Nakaupo ako sa likod ng puno na nakita ko. Mediyo malayo iyon sa venue ng Aquiantance Party. Hindi naman siguro nila ako maririnig kahit lakasan ko pa ang pag-iyak. Ako lang ang mag-isa rito kaya malaya akong ibuhos ang lahat. Malaya kong mailalabas ang sama ng aking loob.

"Gusto ko nang umalis dito." Iyon ang paulit-ulit na salitang lumalabas sa bibig ko habang patuloy sa paghagulgol.

Good day mga ka-WOMP. Thank you for supporting "Win Over Mr. Perfect"

Please continue in giving power stones, votes and reviews. Comments are really appreciated.

Sa Saturday ang next update. I'm sorry sa matagal na paghihintay. Sobrang busy kasi sa work at hindi puwedeng pabayaan ang mga kids.

Again, salamat sa pagbabasa.

Teacher_Annycreators' thoughts