webnovel

Pre-pageant Week

Nang sumunod na linggo ay nagsimula na ang mga pre-pageant para sa Mr. and Ms. Business School. Una na dito ang photo shoot para sa promotional tarpaulin ng pageant, at para na rin maging basehan ng Most Photogenic. Isa pa ay ang Casual Wear at Casual Interview. Ang tatlong ito ang magiging basis ng magiging Top 5 finalists per category na siya namang magpapatuloy sa competition sa pageant night.

Lagi namang nandoon si Angel para samahan si Bryan sa lahat ng competitions na dinaluhan nito. Lagi siyang nakasuporta dito lalo na't para sa kanya rin naman ang ginagawang ito ng binata. Hindi tuloy niya maiwasang lalong maging attached kay Bryan dahil sa lahat ng ginagawa nito para sa kanya. Hindi niya mapigilan ang sarili na tuluyang magkagusto dito.

Araw ng Huwebes nang ilagay na ang tarpaulin ng mga contestants sa may harapan ng Business School. Kita ito ng lahat ng mga nagdaraang estudyante. Meron ding tarpaulin sa may gilid ng school na kita maging ng mga nagdaraang mga sasakyan sa labas ng CPRU. Fourteen lahat ang candidates, seven girls and seven boys.

Nakatingin si Angel sa tarpaulin nang lapitan siya ni Bryan.

"Ang gwapo ko talaga," anang binata.

Napatingin si Angel dito at bigla na naman ang pagbilis ng tibok ng puso niya.

"Hindi na masama, ano?" tanong ni Bryan na nakatingin na rin sa tarpaulin. "Hindi naman ako nahuhuli sa mga co-contestants ko pagdating sa kagwapuhan."

Napatingin si Angel sa tarpaulin. Actually, si Bryan nga ang isa sa mga pinakagwapong contestant, kung hindi man ang pinakagwapo. Kung iyon lang ang basehan ng laban, siguradong panalo na ito.

"Parang gustong mag-back out ni Richard doon sa sayaw nang malaman niyang contestant din si Nick Jacinto." Pinsan ni Richard si Nicholas Jacinto na candidate ng Operations Management Society. Kapatid ng mommy ni Nick ang daddy naman ni Richard.

"Mabuti at tumuloy siya?"

"Nakokonsensiya." Napangiti si Bryan. "Kasi nga daw, sila ni Alex ang puno't dulo nitong pinagdaraanan natin. Kaya nakakahiya naman daw kung mag-iinarte siya."

"Ang bait naman ni Richard."

Napaharap si Bryan sa kanya. "Mabait din naman ako, ah!"

Natawa si Angel sa pagiging childish nito.

"For the first time, there's something that Bryan de Vera can't do."

"Mabuti nga at hindi kita naging kaklase sa PE noon. Kung hindi, nakita mo sana ang kahihiyang dinanas ko nung dance na ang lesson."

Muli niya itong tinawanan. Pero kaagad din itong nawala nang biglang dumating si Gina.

"Bryan!" Kaagad itong naka-angkla sa baywang ni Bryan. Hinalikan pa niya sa pisngi ang nagulat ding binata. "Nakita mo na pala ang mga pictures natin. Ang ganda ko, ano? Siguradong ako ang mananalo ng Miss Photogenic award."

Napatingin na lamang si Angel sa tarpaulin dahil sa inis. Kung tutuusin, walang panama ang litrato ni Gina dun sa kuha ni Kim. Simple lang ang pose ni Kim at parang napaka-amo ng dating ng mukha nito. Mabuti na lang at siya ang kinuha ni Bryan na makakasama nito sa pageant. Sigurado na ang panalo nito, kung ganda lang naman ang magiging labanan. Kailangan na lamang nitong ayusin ang performance nito sa pageant night.

"I can't wait to receive the crown and sash sa pageant night. At siguradong tayong dalawa ang tatanghaling Mr. and Ms. Business School," ang sabi pa ni Gina kay Bryan, na hindi naman nagsasalita at napangiwi na lamang sa sinabi nito.

Si Angel naman ang napagtuunan ng pansin ni Gina. "Oh Angel, how is your sister?"

Dahil siguro sa inis kaya hindi napigilan ni Angel ang sarili na patulan na rin si Gina. "She's fine. May message ka ba para sa kanya?"

"Wala naman," ani Gina. "Actually, ikaw ang inaalala ko, eh. Alam kong depressed ka ngayon dahil sa naunahan ka ng kapatid mo na magka-boyfriend."

"Gina..." And that was the first time that Bryan spoke since Gina arrived.

"Bakit? Mali na ba ang maging concerned ngayon sa kapwa estudyante? Lalo na nagiging kaklase ko rin naman siya sa ibang subjects namin. Tsaka ex-classmate ko rin siya nung high school. Kaya nga kahit na lagi mo siyang kasamang mag-lunch ay okay lang sa akin. Alam ko naman na dahil lang iyon sa papalapit na pageant, di ba? Pagkatapos noon, you will go back to eating your lunch alone." Saka siya nito binigyan ng tiger look.

𝘖𝘰𝘰𝘱𝘴! Medyo naalarma si Angel nang sumama na ang tono at tingin sa kanya ni Gina. Gusto man niyang patulan ang mga patutsada nito, ayaw naman niyang magsimula ng gulo at baka madala pa sila sa Dean's office at malaman pa ito ng mga parents niya. Lalo lang siyang magiging bad shot sa mga ito.

"Gina, please..." ang sabi naman ni Bryan.

Lalo tuloy naisip ni Angel na parang totoo nga ang naririnig niyang may relasyon ang dalawa. At hindi totoo iyong sinabi ni Bryan sa kanya na wala silang relasyon ni Gina. Lalo siyang nainis dahil doon. Kailangan na niyang makaalis sa lugar na iyon, bago tuluyang mawala ang control niya sa sarili at talagang mapatulan na niya itong si Gina.

Sa kabutihang palad, may nakita siyang kakilala. At nakita din siya nito. At mabuti na lang at may kailangan talaga ito sa kanya. Kaya ito na mismo ang lumapit at unang kumausap sa kanya.

"Ate Angel!" bungad ni Jasmin Ignacio, first year BS Accountancy student at kapatid ni Joshua Ignacio na kapitbahay nila.

"Jas!" Lihim siyang nagpasalamat sa paglapit nito.

"Pwede ba kitang makausap?" nahihiyang tanong nito.

"Oo! Actually gusto nga talaga kitang makausap. Sa canteen tayo? Halika!"

Hindi na niya hinayaan pang makapag-react si Jasmin. Nagpaalam na siya kina Bryan at Gina at hinila na si Jasmin palayo sa dalawa.

♥︎♥︎♥︎♥︎♥︎♥︎♥︎♥︎♥︎♥︎

At dahil sa grounded nga sina Angel, hindi siya sigurado kung papayagan siyang manood ng Mr. and Ms. Business School. Alas-cinco y media kasi ang simula ng pageant, at siyempre, aabutin iyon ng gabi. Kahit pa sabihing kasama niya si Alex, hindi pa rin siya sigurado kung papayagan siya ng mga magulang. Kailangan niyang pumunta doon dahil bukod sa gusto niyang suportahan si Bryan ay siya rin ang person-in-charge ng JPIA para sa contest na iyon. Isa pa, bilang representative ng The Echo, kailangan nandoon din siya upang i-cover ang nasabing event.

Kaya naisipan niyang kausapin ang mga magulang nang gabing iyon upang pormal na makapagpaalam sa kanila. Willing naman siya na magpabantay sa driver nila kung iyon ang gusto ng mga ito. Basta payagan lang siya ng mga ito. O kahit ano pa ang gawin nilang kundisyon. Kailangan lang talaga niyang pumunta sa pageant sa susunod na linggo.

Nasa hapag-kainan sila noon. Katulad ng mga nakaraang gabi mula nang mangyari ang komprontasyon, naging tahimik na ang mga hapunan nilang magpapamilya. Nawala na ang dati'y masiglang pagkain nila, tulad ng sa umaga kapag nag-aalmusal sila. Palaging seryoso ang mga magulang nila at sa pagkain lang nakatuon ang pansin.

Napatingin siya kay Alex. Alam na nito ang plano niyang pagpapaalam sa mga magulang. Tinanguan siya nito na parang ang ibig sabihin ay magsimula na siyang magsalita. Huminga siya ng malalim bilang buwelo.

"Ahm.... Mommy, Daddy... Business Week na nga pala next week. Bale as the EVP of JPIA, kailangan pong lagi akong nandoon para suportahan ang mga members namin. Tapos, kami rin po sa The Echo ang magko-cover ng mga news and updates..."

Wala pa ring reaksiyon ang mga magulang niya. Tumingin siya kay Alex at parang pinapalakas nito ang loob niya na ipagpatuloy ang pagpapaalam.

"May mga times po na kailangan akong gabihin. Late na po kasi magsisimula iyong ibang contests, tapos gabi na po matatapos. Like, iyon pong singing contest."

"Ang balita ko, sasali daw si Jasmin doon," ang sabi ni Alice.

"Yes Mom." Medyo napangiti si Angel dahil sa pagkausap sa kanya ng mommy nila. "Siya po ang representative ng JPIA sa singing contest."

"Pwede po tayong sumama, Mom," ang sabi naman ni Alex. "Para mapanood din natin si Jasmin na kumanta."

"Pwede rin," ani Alice. "We will see."

Medyo nagka-pag-asa si Angel sa sinabing iyon ni Alice. Pero hindi ang singing contest ang tunay na pakay niya. Kaya muli'y nilakasan niya ang loob at pilit ininda ang malakas na tibok ng kanyang puso.

"Eh Mom, iyon pong sa Mr. and Ms. Business School, kailangan ko rin pong pumunta. Ako po kasi ang in-charge ng JPIA para sa contest na iyon."

"Sige," walang-anumang wika ni Alicia.

"Pumapayag po kayo, Mom?" Hindi makapaniwala si Angel. Napakadali niyang napapayag ang mommy niya.

Pero baka naman tumutol ang daddy niya. Napatingin siya dito.

"Oo," sagot ni Alicia. "Pupunta din naman talaga kami ng daddy mo doon."

"Ha?" Parang bigla siyang kinabahan sa sinabing iyo ng mommy nila.

"Inimbitahan kami ni Elvie na mag-judge sa Mr. and Ms."

Pakiramdam ni Angel ay tumigil ang mundo. Bigla'y hindi niya alam ang iisipin. Napatingin na lamang siya kay Alex.

"Judge kayo, Mommy?" tanong naman ni Alex sa ina.

"Kaming dalawa ng daddy ninyo," sagot ni Alice. "Bakit, may problema ba doon?"

"W-Wala po..." Napatingin si Alex kay Angel. Nagkatinginan silang magkapatid.

"May problema ba, Angel?" tanong ni Alice sa anak.

"Wala po," kaagad namang sagot ni Angel. "Nagulat lang po kami ni Alex."

"Mabuti nga iyon at sabay-sabay na tayong pupunta doon," ani Alice bago muling nagpatuloy sa pagkain.

Muling nagkatinginan ang magkapatid. Nalutas nga ang pinoproblema ni Angel kanina, pero parang mas lalong lumala ang sumunod na problema. Judges ang mommy at daddy niya sa pageant. Si Bryan ang representative nila sa JPIA at galit ang mga ito dito.

Bigla niyang naalala iyong sinabi ni Hannah sa meeting nila tungkol sa Business Week. "Iyong Mr. & Ms. Business School. Dapat makuha natin ang korona doon."

Napangiwi si Angel. Huwag sanang magalit si Hannah kay Bryan kapag natalo ito at hindi naiuwi ang titulo.

♥︎♥︎♥︎♥︎♥︎♥︎♥︎♥︎♥︎♥︎

Sᴏ ᴛʜᴇʀᴇ's ᴛʜɪs ʙᴏʏ...🧢

Wʜᴇɴ ɪ'ᴍ ᴡɪᴛʜ ʜɪᴍ ɪ ɢᴇᴛ ʙᴜᴛᴛᴇʀғʟɪᴇs. 🦋

Tʜᴇ ᴡᴀʏ ʜᴇ ʟᴀᴜɢʜs ᴛᴀᴋᴇs ᴍᴇ ᴛᴏ ᴛʜᴇ sᴋʏ. 🎈

Aɴᴅ ᴊᴜsᴛ ᴇᴠᴇʀʏᴛʜɪɴɢ ᴀʙᴏᴜᴛ ʜɪᴍ ᴍᴀᴋᴇs ᴍᴇ sᴍɪʟᴇ. ♥️

Bab berikutnya