Nasa silid nito si Angel kasama ang kapatid nitong si Alex. Gabi na noon at may ginagawa sa laptop niya si Angel, habang si Alex naman ay nakahiga sa kama at may kung anong tinitignan sa cellphone nito.
"Ate, sagutin ko na kaya si Richard?" biglang tanong ni Alex sa kapatid.
Napaharap si Angel kay Alex. "Ikaw. Gusto mo na ba siyang sagutin?"
Napaupo si Alex. "Eh kasi, hindi pa siya nag-a-I love you sa akin, eh."
Natawa si Angel sa pagsimangot ng kapatid. "Baka naman hindi ka talaga love?"
"Hindi naman siguro," ani Alex. "Sweet naman siya sa akin, eh."
"Kasi nga, gusto ka niya," ani Angel. "Pero hindi ibig sabihin noon, love ka niya."
"Magkaiba ba iyon, Ate?"
"Sa tingin mo, magkapareho ba ang love at like?" ganting tanong naman ni Angel.
Saglit na napaisip si Alex. "Hindi... Kaya ba hindi pa nag-a-I love you sa akin si Richard kasi hindi niya ako love?"
"Hindi ka pa niya love," ani Angel.
"Hindi pa niya ako love... ibig sabihin, magiging love din niya ako?"
Muling natawa si Angel sa pagiging childish ni Alex.
"Eh Ate, kailan niya ako magiging love?"
"Bah, malay ko sa kanya! Ang iba, madali lang ma-in love. Iyong iba naman super tagal."
"Kaya kahit tatlong months na kaming magkakilala, hindi pa siya nag-a-I love you sa akin, siguro kasi siya iyong tipo ng tao na mahirap ma-in love. Ano, Ate?"
Nagkibit-balikat si Angel. "Siguro. Tsaka August pa lang. Noong June pa lang kayo nagkakilala, di ba? Magpakipot ka naman ng konti."
"Tama ka diyan, Ate. Kailangan hintayin ko muna siyang mag-I love you."
"Sige, i-push mo iyan."
"Bakit ba parang napaka-expert mo sa love, Ate? Siguro, na-in love ka na, ano?" biglang tukso ni Alex sa kapatid.
"Tigilan mo nga ako!" Biglang talikod si Angel kay Alex. Muli niyang hinarap ang kanyang laptop. "Lumabas ka na ng kwarto ko at nang wala nang nanggugulo sa akin."
"Ano ba kasi iyang ginagawa mo, Ate?" Lumapit si Alex kay Angel at nakitingin na rin sa laptop nito. "May assigment ka na ba? Katatapos lang nating mag-exam kahapon, eh."
"Survey para sa Mr. and Ms. JPIA. Three weeks from now na iyong Business Week, kaya kailangan na naming makahanap ng representative namin."
"Wala ka bang maisip na candidate?"
"Meron, kaso baka hindi pumayag. At least kung yung mga JPIAns na ang nagsalita, mas madali nang i-convince iyon."
"Ikaw na lang, Ate."
"Alex, seryoso ako. Huwag mo nga akong guluhin at wala pa akong nasisimulan."
Nakarinig ng katok sa pintuan ang dalawa. Si Alex ang nagbukas ng pinto. Isa sa mga katulong nila ang bumungad sa pintuan.
"Pinapatawag kayo ng daddy ninyo. Nasa dining room sila ng mommy ninyo."
"Nandiyan na si Mommy?" tanong ni Alex.
"Malamang." Tumayo na si Angel.
Magkasabay na nagtungo ang dalawa sa may dining room. Nandoon na nga ang mga magulang nila. Nakaupo sa may kabisera si Benjie at nasa kanan nito si Alice.
"Sit down," bungad ni Benjie sa dalawa.
Tumalima naman sina Angel at Alex. Natahimik silang bigla dahil sa coldness at firmness ng boses ng ama. Si Angel naman ay biglang kinabahan. Lalo na nang sa kanya tumingin si Benjie.
"Ang sabi ng mommy mo, sumali daw sa The Echo si Bryan de Vera."
It was not a question, it's a statement that was stated with full blast certainty. "Yes Dad. Pero hindi ko po siya tinanggap."
"Nakita daw kayo ng Tita Elvie mo sa may parking lot ng CPRU nung isang gabi. Pati sa canteen, ilang beses na rin niya kayong nakita na magkasamang mag-lunch. And your actions suggest that you and that Bryan are not just ordinary friends."
Napatingin si Angel kay Alice. Seryoso naman ang mukha nito na diretso lang ang tingin.
"And then, she saw you at the cinema, with him. I don't think that's only a coincidence. Especially when Elvie told me na magkatabi pa daw kayo ni Bryan."
Muling napatingin si Angel sa ama. Parang may kung anong bumara sa lalamunan niya kaya hindi siya makapagsalita.
"Tell me the truth, Angelica. Please, swear to me that you will tell me the truth."
Napalunok si Angel. "Yes, Dad."
"Boyfriend mo ba si Bryan de Vera?"
At iyon na nga ba ang kinatatakutan ni Angel. Ang malaman ng ama ang maling akala ng Tita Elvie niya. Ngunit bago pa siya makapagsalita upang sagutin ang tanong ni Benjie, ang kapatid naman niyang si Alex ang napag-tuunan nito ng pansin.
"And I suppose you also know what I'm saying, Alex. Kasama ka ng ate mo kahapon. Ikaw pa ang nagpaalam na manonood kayo ng sine."
"Dad..." Kinakabahan na rin si Alex. Napatingin ito kay Angel.
"Alex?" ani Benjie.
Na lalong nagpanginig kay Alex. "Dad, k-kasi..."
And Angel did what she had to do. "Don't blame her, Dad! It's all my fault."
Muling napatingin si Benjie sa kanya. "So, is it true? Boyfriend mo na nga si Bryan de Vera?"
Napayuko si Angel. Ano nga ba ang sasabihin niya? Sasabihin ba niya na kaibigan lang niya si Bryan? Pero kahit makipagkaibigan dito, bawal din. Sasabihin ba niyang hindi niya ito kaibigan, na kaklase lang niya ito? Pero bakit magkasama sila sa sinehan? Ano ang idadahilan niya kung bakit magkatabi pa sila nang makita ng Tita Elvie niya? Sasabihin ba niyang boyfriend niya ito? Pero hindi naman iyon totoo.
"I'm sorry, Dad..." Iyon na lamang ang nasabi niya.
Ilang sandaling katahimikan. Nananatiling nakayuko lamang si Angel. Si Alex naman ay napayuko na rin pagkatapos mapatingin sa kanya. Pilit namang pinipigilan ni Alice ang mga luhang namuo sa kanyang mga mata. At si Benjie... halata ang sakit na nadarama sa mukha niya.
"Kailan ka pa ba natutong maglihim sa amin?"
Napatingin si Angel sa ama. "Dad..."
"Alam mo ba kung ano ang ikinasasama ng loob ko? It's not the fact that Bryan is a de Vera. It's the reality that you, of all people, have lied to us! Nagsinungaling ka sa amin. Naglihim ka!"
Ramdam ni Angel ang hinanakit sa boses ng ama. Gusto niya itong puntahan, yakapin. She has always been an obedient daughter. Hindi nga siguro siya kasing lambing ni Alex, pero hindi rin naman siya pasaway tulad nito. Kaya alam niya kung bakit ganoon na lang ang nararamdaman ng mga magulang nila sa kanya. They trusted her, because she gave them the assurance that they could trust her. And she betrayed their trust.
At ano naman ang magagawa niya? Sasabihin niya ang totoo? Kahit pa magtapat siya, may kasalanan pa rin siya dahil hinayaan niya si Alex na gumawa ng hindi gusto ng mga parents nila. Eh kung gumawa na lamang siya ng iba pang kasinungalingan? Sing-taas na yata ng Mount Everest ang mga kasinungalingan nila at hindi na niya ito kinakaya pa.
"I'm very disappointed in you."
"Dad..." Ramdam ni Angel ang pamumuo ng luha sa kanyang mga mata. Of all people, ang mga magulang niya ang ayaw niyang ma-disappoint sa kanya. Dahil kahit anong gawin niya, kahit na magtagumpay man siya o mabigo, laging naka-suporta ang mga ito sa kanya. Kahit palpak ang ginawa niya, naiintindihan nila ito at hindi sila nawawalan ng tiwala at kumpiyansa sa kanya. Ngayon lang.
Napatingin siya sa mommy nila. Nakaiwas pa rin ito ng tingin pero alam niyang lumuluha na rin ito. Muli siyang napatingin sa kanyang ama. Nakatingin pa rin ito sa direksiyon niya, pero parang tumatagos ang tingin nito sa kanya. Parang wala siya sa harapan nito.
"Ate..." tawag naman ni Alex sa kanya.
Hindi na kinaya ni Angel ang lahat. Nagmamadaling lumabas siya ng dining room. Dumiretso siya sa kanyang silid. Pagkapasok ay pabagsak niyang isinara ang pintuan. Dire-diretso siya sa kanyang kama at saka niya ibinagsak ang kanyang katawan. Doon niya inilabas ang lahat ng sama ng loob niya sa nangyari kanina.