Mikay's POV
Gino the what?
Gino the what?
Gino the what?
GINO THE WHAT!???
Marahas akong napabalikwas sa pagkakahiga sa kama ko. Madilim na sa paligid kaya alam kong gabi na. Pero sa pagkakatanda ko, kanina, sa sahig ako humandusay dahil nahimatay ako. Pero bakit nasa kama na ako ngayon? Nag-sleepwalk ba ako?
Dali-dali akong bumangon at hinanap 'yung switch ng ilaw. Biglang lumiwanag ang kwarto ko kaya mabilis kong iginala ang paningin ko. Nang makita kong ako lang ang nasa loob ng kwarto ko ngayon, malalim ang buntong-hininga na pinakawalan ko.
Panaginip lang 'yung kanina. Tama si Susanna. Bunga lang 'to ng 'di ko maayos na pagkain. Hindi haunted ang sticky hook na nabili ko at mas lalo nang walang genie. Walang ganon. Gutom lang 'to.
Kaya ngayon, magbabanyo muna ako para umihi at magpalit ng damit tapos, bababa ako, at kakain ako ng hapunan. Para mainitan ang sikmura ko, malamanan ang tiyan ko, at maalis na sa isip ko sa lahat ng ilusyon at kahibangan na nakita ko mula kahapon hanggang kanina.
Okay, Mikay. Tama 'yan. Ang talino mo talaga. Manang-mana ka sa sarili mo.
Nakangiti akong pumunta sa banyo. Pero bigla ring nawala iyon nang buksan ko 'yung pinto at tumambad sa akin 'yung bagay na gusto ko nang maalis sa isipan ko.
"Oh, Mikay. Kagigising mo pa lang pero nakapikit ka na ulit agad? Dilat na, oy. As if namang nakahubo ako dito sa loob ng banyo mo."
Nanlamig ako sa boses n'yang iyon pero ewan ko ba dahil sumunod naman ang epal na mga mata ko. Mabagal akong dumilat at doon, nakita ko 'yung lalaki. Naka crossed legs sitting position sa may toilet bowl pero ayun nga lang, hindi s'ya nakaupo talaga. Dahil lumulutang s'ya few inches above sa bowl. Naka casual na damit na s'ya ngayon at hindi na 'yung outfit na pang genie. May paa na rin s'ya ngayon pero 'yun nga lang, naka casual outfit na nga s'ya at hindi na pang corporate attire.
Napaupo na naman ako sa sahig pero this time, pinilit ko nang pakalmahin talaga kahit kunti ang sarili ko. Nag-ipon din ako ng sapat na lakas ng loob para magawa kong makapasalita.
Tumingala ako sa kanya. "H-hindi ka nga panaginip.. Totoo ka nga. Tapos.." pinasadahan ko ulit s'ya ng tingin at 'di ko na naman naiwasang mangilabot. "Tapos.. lumulutang ka. Pero hindi talaga ako convinced na genie ka kahit na nagchange outfit ka kanina e. Multo ka ba? Bakit sakin ka lumapit, e hindi naman kita matutulungan? Dapat abogado or judge ang multuhin mo e. Para kaya nilang bigyan ng hustisya ang pagkamatay mo.." frustrated na sabi ko. Pero ito namang lalaking lumulutang sa harapan ko, nagawa pa talaga akong pagtawanan.
"Mikay, kumalma ka, ha? Tara, 'wag na tayo dito sa banyo. Para makapag-usap tayo nang maayos."
'Yun na lang ang sinabi n'ya at bigla na lang s'yang nawala sa harapan ko. Ang sumunod na lang na nalaman ko ay nandun na s'ya sa ibabaw ng kama ko. Nakalutang na naman nang ilang inches above.
Nagdabog-dabog ako doon na parang batang nagtatantrums. "Kita mo nga, oh? Paano ako kakalma n'yan kung ganyan ka? Hindi ako matatakuting tao pero inaamin ko ngayon, sobrang natatakot ako sa mga pinaggagagawa at pinapakita mo." hindi na talaga keri ng powers ko ang mga pasabog nitong lalaki na 'to e! Huhu.
Narinig ko na naman ulit s'yang napatawa. "Osige na, sige na. Hindi na ako bigla-biglang mawawala, or lulutang man lang. Ipapakita ko na rin ulit ang paa ko para 'di ka matakot." pagkasabi n'ya noon ay unti-unti nga s'yang bumaba at tuluyang napaupo sa ibabaw ng kama ko. Nagkaroon na rin s'ya ng paa, at talagang naka mamahaling sapatos pa s'ya. "Oh, ayan. Okay na ba?" nakangiting turan n'ya.
Ewan ko ba pero ako, tumango-tango na lang at tumayo para pumunta sa kama ko. Ni hindi ko rin ba alam kung bakit sumusunod ako sa sinasabi nito kahit na ba hindi pa naman dapat ako nagtitiwala sa kanya e. Baliw na ata ako.
"Oh, ayan ka na naman. Nagdududa ka na naman. Pero tama ka, baliw ka na nga siguro." sabi n'ya na tumatawa kaya nagulat ako.
"Nababasa mo nasa isip ko?"
Nagshrug s'ya. "Hindi. Pero nakikita ko expression ng mukha mo. Kung makatingin ka kaya sakin, parang akala mo anytime nanakawan kita ng halik. Tss. 'Di na, 'no."
Napakunot bigla ang noo ko. "Ay wow! Kapal mo naman, teh. May audacity ka pa talagang sabihin sakin 'yan samantalang nandito ka sa pamamahay ko? Lakas mo ha."
Ngisi lang ang sinagot n'ya sakin kaya padabog akong umupo sa tabi n'ya.
"Dali. Magsalita ka at ipaliwanag mo lahat sa akin. Para maniwala ako." sabi ko.
Ngumiti naman s'ya. "Ayan. Kaya mo naman palang kumalma. Siguro kaya mo ring ipaghanda ako ng meryenda for formality sa guest sa bahay mo?"
Mabilis ko s'yang sinamaan ng tingin. "Ganon? Meryenda? Ni hindi pa nga ako nakakakain ng hapunan e, tapos ipaghahanda pa kita? Sinuswerte ka naman ata! Alam mo, magsimula ka na lang magkwento bago pa kita pausukan ng inenso o sabuyan ng tawas at asin. Malapit na rin akong tumawag ng magtatawas dito, bahala ka." pagbabanta ko.
May kakapalan din pala ang mukha ang isang 'to e. Hindi na nahiya, 'no? Humiling pa talaga sa akin, samantalang s'ya nga lang ang trespassing dito? Ang lakas n'ya talaga ah, parang putok.
"Okay, okay. Kalma. Ito na. Pero 'wag ka munang sasabat habang nagpapaliwanag ako, ha? Hayaan mo muna akong matapos. And then, bibigyan kita ng time mamaya para itanong lahat ng gusto mong itanong sakin. Aight?"
"At talagang inutusan mo pa ako?" inirapan ko ulit s'ya. "Pero sige, oo. Hindi muna ako sasabat. Go. Explain."
Nakita ko s'yang ngumiti. "Teka, teka. Kalma ka ulit. Bago ako magexplain, bibigyan kita ng kaunting gift. Peace offering ba. Para na rin maniwala kang genie talaga ako, at kayang-kaya kong ibigay kung anong wish mo."
Deretso akong napatingin sa kanya kaya mas lumawak pa ang ngiti n'ya.
Peace offering? Kaunting gift? So ngayon, Santa Claus naman s'ya?
"Deal, Mikay?" - s'ya
"Okay, sige. Deal." - ako
"One wish lang, ha?" - s'ya
Napabalikwas ako. "Anong one wish lang? 'Diba 3 wishes ang ginagrant ng mga genie? Ang kuripot mo naman! Daig mo pa nanay ko!"
"Oh, kumalma ka, Mikay. One wish lang muna kasi.. sa ngayon. Mabilisang wish lang para maniwala ka na talagang genie ako. Pero tandaan mo, ang iwiwish mo dapat, something that you 'need'. Not something that you 'want'. Ha?"
"Okay, fine. Mag-iisip na ako." mabilis na sagot ko at nag-isip na nga ako.
Hmm.. Something that I need? Not something that I want? May paganon pang rules and regulations?
Napahawak ako bigla sa tiyan ko nang biglang kumalam 'yun. Sabay din akong napatingin ulit doon sa lalaki at ngumiti ako. Tamang-tama ang tyempo nito ah.
"Alam ko na. Kailangan ko ng pagkain. 11am pa ata nung huling kumain ako e, at almost 8pm na ngayon." sabi ko.
Tinitigan n'ya ako gamit ang mga mapanuri n'yang mata tapos ngumiti na rin s'ya agad.
"Okay. Your wish is my command, master.."
Master? Tinawag n'ya talaga akong master? Master siomai? Master facial wash?
Hindi na 'ko nakapagreact pa dahil naramdaman ko nang tinakpan n'ya ang mga mata ko gamit ang kamay n'ya. Sa muling pagdilat ng mga mata ko, matapos n'yang tanggalin ang kamay n'ya dito, napagasp na lang ako sa nakita ko.
Hawak n'ya sa kanang kamay n'ya ang isang gallon ng malamig na malamig na ice cream. Magnolia Mango Toffeenut. Although gusto ko 'yung flavor na 'yon, hindi ko na naman naiwasang tignan s'ya nang masama.
"Ice cream? Ano ba 'yan, 'di naman ako mabubusog d'yan e! Sana man lang rice meal ang binigay mo para heavy! Saka 'wag mo namang takpan yung mata ko. Gusto kong makita right before my eyes 'yung actual na pag-appear nung wish ko!" umiwas ako ng tingin sa kanya at sumimangot ako. Dami ring arte ng genie kuno na 'to e. May patakip mata effect pa? Kala mo namang isusurprise talaga ako.
Nakita ko sa peripheral view ko na umiling s'ya at nagkamot ng batok n'ya.
"Choosy mo naman. Pero sige, sige. Magwish ka ng isa pa. And this time, be specific. Sabihin mo na kailangan mo ng pagkain na nakakabusog. Okay?"
Tumango na lang ako tapos huminga ako nang malalim. "Okay, sige. Gutom na ako, at kailangan ko ng nakakabusog na pagkain." inilipat ko ang tingin ko sa lalaki at ngumiti s'ya.
"Your wish is my command, master."
Pagkasabing-pagkasabi n'ya na non ay bigla na lang may lumitaw sa kaliwang kamay n'ya na isang loaf ng tinapay. Napagasp ulit ako dahil doon at kukurap-kurap na nagpabalik-balik ang tingin ko sa tinapay na hawak n'ya at sa kamay n'ya.
"Oh, ano, Mikay? Naniniwala ka na ba?"
Mabilis akong tumango-tango pero agad ko rin s'yang sininghalan.
"Anak ng.. bakit wala man lang palaman? Sana man lang may isa ring maliit na sachet ng lady's choice na kasama 'to!"
Nagpokerface s'ya sakin at umiwas ng tingin. "Balakajan, sobrang choosy mo. Kung ako sa'yo, kakainin ko na agad 'yang mga 'yan."
Natigilan ako sa sinabi n'ya pero hindi na s'ya ulit nagsalita pa. Kaya mabilis kong inagaw sa kanya 'yung ice cream at tinapay. Napailing na lang ako nang makita kong parehas 'yung expiration date ng dalawa.
Date Tomorrow
"Bibigyan mo nalang din ako ng pagkain, 'yung maeexpire pa bukas? Gusto mo bang bumula ang bibig ko?"
"Oa lang? Pwede pa 'yan. Hanggang bago mag-12. Kaya kainin mo na 'yan." bulong n'ya kaya inirapan ko s'ya.
"Ang sabihin mo, genie ka nga, palpak ka naman." bulong ko pabalik.
Napansin kong nablangko ang mukha n'ya at namutla ang labi n'ya. Umiwas s'ya ng tingin kaya ako, sinimulan ko na lang kainin 'yung bigay n'ya kasi sayang naman. Bukas, 'di na pwedeng kainin 'to.
Makailang ulit ko s'yang inalok ng tinapay na may palaman na ice cream pero panay tanggi lang s'ya. Habang kumakain ako e, pinapanood n'ya lang ako at paminsan-minsang bumubulong ng 'tss'. Hindi ko na lang s'ya pinansin doon at inenjoy ko na lang ang pagkain ko. Kahit masisira na bukas, masarap at okay pa naman ngayon. Hehehe. Kaya masaya na rin ako.
Nang matapos akong kumain, hindi naman na ako nag-aksaya pa ng oras at seryoso na akong nakipag-usap sa kanya. Kinilabutan na naman nga ako sa kanya dahil nagpapaikot-ikot s'ya sa may kwarto ko habang lumulutang e. At wala na naman 'yung paa n'ya. Parang usok na naman s'ya doon. Parang utot na korteng tao, tapos may image na tao. Ganon. Pero hindi s'ya amoy utot ah? Grabe kayo!
"Ehem. Gino? Gino pangalan mo, diba? Sabi mo kanina?" pagkuha ko sa atensyon ny'a. Tumigil naman s'ya sa nakakahilong pag-ikot n'ya at tumingin sa akin. Nang makita kong unti-unti s'yang ngumiti sakin, bahagya na rin tuloy akong napangiti. "Salamat sa pagkain, ha? Nabusog na rin ako kahit papaano. Pero please lang. 'Wag ka na munang lulutang kasi, hindi pa rin ako sanay. Kinikilabutan pa rin ako e. Tas 'yung paa mo.."
"Yun lang pala master, e. Your wish is my command." pagkasabi n'ya nun ay bigla na lang s'yang naglanding sa tabi ko. Napalayo pa ako nang kaunti sa kanya dahil medyo nakakailang yung bagsak ng hangin na gawa n'ya.
"So, uumpisahan ko na ba ang pagkkwento ko, master?" tanong n'ya sa akin.
Tumango na lang ako bilang pag-sangayon dahil parang kating-kati na rin akong marinig mga sasabihin n'ya. Kaya ayun nga, nag-umpisa na s'yang magkwento nang seryoso sa tabi ko.
"Sobrang malaki ang mundo na 'to, lalong-lalo na ang universe na 'to, para isipin n'yo na kayo lang mga tao, kasama na ang mga halaman at hayop, ang tanging nabubuhay dito. Because believe me or not, there are other beings here, Mikay. Actually, totoong may alien. And to be honest, pinagtatawanan nila kayong mga tao dahil iniisip n'yo na hindi sila totoo. Samantalang 1000x ngang mas advanced ang lifestyle at technology nila kesa sa inyo." taas kilay na sabi n'ya. Parang punong-puno ng kayabangan. Parang pinapalabas n'ya na bobo tayong mga tao.
Bago ko pa s'ya mabatukan ay nagpatuloy na rin ulit s'ya sa pagkukwento.
"But well, mabalik tayo sa focus ng usapan natin. Kung totoong may aliens, totoo ring merong ibang entitites. Mga witch, wizards, sorcerers, elements, ghosts, vampires, werewolves, at lahat ng iba pang iniisip n'yo na hindi totoo. Totoo rin kami. Kaming mga genies. At katulad ng ibang nilalang, meron din kaming sariling mundo na hindi nakikita ng bare eyes n'yong mga tao. May sarili kaming mundong ginagalawan. Sariling pamumuhay. Sariling teknolohiya. Sariling mga batas. Sariling time frame. Basta lahat ng bagay na meron kayong mga tao, meron din kaming ganon. Pero, iba nga lang at hindi eksaktong tulad nang sa inyo."
Nanahimik s'ya matapos non dahil hindi ako nagrereact. Pero agad din naman akong nagpasya na magsalita. Marami akong gustong iclear out sa kanya e. Hindi ko lang magather lahat ng thoughts ko dahil hanggang ngayon nababangenge pa ako sa presensya n'ya.
"E bakit nandito ka sa mundo namin ngayon?" tanong ko. Akala ko nga magagalit s'ya na nagtanong agad ko kahit 'di pa s'ya tapos magkwento e. Pero nagulat ako nang malumanay s'yang sumagot sa akin.
"Yun ba? Ganito kasi 'yun, Mikay. Hindi tulad n'yong mga tao, sobrang liit lang ng populasyon namin. At bawat isa saming mga genie, may mission. 'Yun ay 'yung tumulong sa pag-grant sa wish n'yong mga tao. Na powerless."
Marahas akong napatingin sa kanya. "Wow, ha? Maka-powerless ka naman. Edi lahi n'yo na makapangyarihan! Yabang mo rin, e 'no?! Lumayas ka na nga dito!" singhal ko sa kanya.
Nakita ko namang napatawa s'ya sa tabi ko. "Ito naman oh, tampo agad. Hindi ko sinabi 'yun in a negative way. What I meant by that is, aminin na natin. May mga nagagawa kami na hindi n'yo nagagawa. Tapos kayo rin, may nagagawa na hindi namin nagagawa. Kaya andito kaming mga genie sa mundo n'yo. Para gawin ang mission namin. And that is to help you, humans. Sa mga hindi n'yo kayang gawin. Mga bagay na beyond your strength and might." tinaas-baba na n'ya ang kilay n'ya habang nakatingin sakin. "Oh, ano? Gets mo na ba, Mikay? May tanong ka pa ba?"
Napaisip naman ako dahil doon. Medyo unti-unti na nga akong nacoconvince na genie s'ya e. Pero..
"Kung totoo ngang genie ka, bakit wala ka sa lampara? O sa bote man lang? Bakit biglang d'yan ka na lang lumitaw sa pinto ng kwarto ko kanina?"
"Alam mo, Mikay, actually hindi ako sa pintuan mo galing. Dun ako nakatambay sa wardrobe mo. Mga kahapon lang." sabi n'ya.
"So you mean, kahapon, bigla ka na lang lumitaw dito sa loob ng aparador ko?" pagki-clear ko. Tumango naman s'ya kaya nagtanong ulit ako. "So ikaw din ang dahilan kung bakit 'di ko maidikit-dikit 'yung mga sticky hook dito sa aparador ko kahapon? Ikaw ang nagtatanggal?"
"Aparador talaga? Hindi ba pwedeng wardrobe para mas mabangong pakinggan? Pero oo. Ako nga ang nagtatanggal non. Ginawa ko 'yun para mapansin mo 'yung presence ko. Para tawagin mo ako. Remember? Kaninang tanghali bago ka pumasok sa school, sinabi mo na magpakita pagkauwi mo kung sinoman yung nantitrip sa'yo. Kaya ayun. 'Yun ang naging dahilan para makalabas ako sa wardrobe mo. Tinawag mo ako, Mikay."
Napaisip ulit ako sa sinabi n'ya at doon ko nga naalala ang lahat.
"Tanda ko na. Pero hindi ka naman espiritu, engkanto at lamanlupa e. Kaya alin ka lang sa dalawa: kupal o humal. Alin ka doon? Pero teka nga, bakit ba naman kasi sa dinami-rami ng pwede mong pagtambayan, pagtaguan, bakit doon pa sa aparador ko?" napatigil ako at napagtanto ko agad ang lahat. "Ah.. Manyak ka, 'no? Sinasabi ko na nga ba e! Napanood na kita sa KMJS! Ikaw 'yung manyak na nangunguha ng underwear ng mga kababaihan sa isang liblib na lugar! Manyak kang genie ka! Manyak ka! Hudas! Nang dahil sayo, inakala ko pang sinapian 'yung mga sticky hooks ko! Nagmukha akong tanga!" papaluin ko na sana s'ya ng hawak kong container ng ice cream nang biglang may lumipad sa harap ko na kung ano. Nang sumalpok 'yun sa mukha ko, agad ko 'yung dinampot.
Panty ko pala. At..
"Kita mo, oh. Kamanyak-manyak ba 'yang panty mo, e may bakas pa ng tagos ng dugo? Kababae mong tao, napakabalahura mo. 'Di ka magandang maglaba! Saka sino ba namang matinong babae ang maglalagay ng marumi n'yang salawal kasama ng mga malilinis? Pasalamat ka at mabait ako. Inayos ko pa 'yang mga salawal mo." bulong n'ya at doon ko naalalang 'yung mga hinubad ko kahapon ay nasa laundry basket na pala kanina. S'ya pala kasi ang naglagay noon doon.
Kahit naiinis ako sa kanya, pinilit ko na lang pakalmahin ang sarili ko at iniba ko ang usapan. Tinatablan pa rin naman ako ng hiya 'no. Lalo pa at ngayon, nalaman kong nakita at inayos pa n'ya 'yung mga salawal ko kahit na may mantsa. Tapos pinag-aaway ko pa s'ya at pinagbintangan. Ang sama ko sa part na 'yon. I admit.
"Hmm.. pero bakit nga ba andito ka? I mean, alam kong may mission ka. Pero bakit to be specific, nandito ka ngayon sakin? Ikaw ba pumipili ng mga taong tinutulungan mo?" pagsegway ko.
Nakita kong natigilan s'ya dahil sa pagtatanong ko na 'yon. Pero maya-maya lang din, nagsalita na ulit s'ya.
"Nope. Hindi kaming mga genie ang pumipili sa mga taong magiging master namin. It is a matter of destiny. Fate."
Wow! Lakas naman palang maka hopeless romantic nitong genie na 'to! May nalalaman pang destiny at fate? Bongga!
"So ibig sabihin din, marami ka nang naging master? And kaya ka andito sakin ngayon, kasi hindi ka pa tapos sa mission mo? Hindi pa sapat 'yung taong natulungan mo?" pagkiclear ko. Nakita ko namang nagshrug s'ya.
"Well, sort of. Malalaman mo rin lahat soon, don't worry. Saka hindi lang naman kasi ako nandito sa mundo n'yo para mag-offer lang ng tulong sa inyong mga tao, 'no. Kasi ako personally, kailangan ko rin ng tulong. Mikay, kailangan ko ng tulong mo.."
Sinapo ko 'yung seryosong tingin na ibinigay n'ya bigla sa akin, bagama't sobrang shookt rin talaga ako sa mga sinabi n'ya.
"Ako? Kailangan mo ng tulong ko? Anong klase tulong ba ang kailangan mo? Anong maitutulong ko, saka, sa tingin mo, may maitutulong ba talaga ako sa'yo?" sunod-sunod na tanong ko dahil hindi ako makapaniwala.
Sa anong aspeto ko ba kasi s'ya pwedeng matulungan? Sa technology? Productivity? May kinalaman sa course na kinukuha ko? I mean like, ako talaga? Pwedeng matulungan s'ya?
Nakita ko na naman ulit ang pagtawa n'ya kaya bahagya kong ikinainis 'yon. Ayaw ko kasi nang tinatawanan o nginingitian ako nang 'di ko alam ang dahilan e. Nakakairita kaya 'yon.
Sinamaan ko s'ya ng tingin pero mas lalo lang s'yang natawa.
"Mikay, hindi natin malalaman kung hindi natin susubukan, 'diba? Kaya makinig ka. At tandaan mo ang oras na to. Dahil from now on, Maria Mikaela Maghirang Dela Rosa..
..ikaw na ang bagong master ko."
Pagkasabi n'ya nun ay muli na naman s'yang nawalan ng paa at lumutang-lutang sa hangin na parang usok. Tuwang-tuwa s'ya habang ginagawa n'ya 'yon. Kaya tuloy ako, ayun. Napangiti na lang din habang pinagmamasdan s'ya.
Haaaay. Totoo na nga ata talaga 'to.
Genie nga ang lalaki na 'to.
Genie nga si Gino..
*to be continued..
~~~~~~~~~~