TUMUNOG ang wind chimes na nakasabit sa taas ng pinto nang pumasok sila sa loob ng Store Hours. Napatingala sila ni Selna kasi ang tagal ng tunog niyon, parang kanta na tinutugtog sa lyre. Ganoon ba talaga katagal tumunog ang wind chimes? Kahit kasi nang maisara nila uli ang pinto tumutunog pa rin iyon.
"May customer pala ako! Welcome sa aking tindahan!"
Nagulat sina Danny at Selna sa matinis at masiglang boses na iyon. Lumingon sila. May magandang babae ang naglalakad palapit sa kanila. Morena ito at hanggang balakang ang itim na itim na buhok. Pinkish grey ang hanggang sakong na bestida nito. May suot itong iba-ibang kulay at makinang na bangles sa magkabilang braso na tumutunog sa bawat galaw nito. Pero mas nakakasilaw ang malawak nitong ngiti habang nakatingin sa kanila.
"Ang saya-saya ko. Minsan lang may maligaw sa tindahan ko at hindi lang isa kung hindi dalawa pa kayo. Ako nga pala si Hannah. Feel free to look around. Sabihin niyo sa akin kapag may nagustuhan kayo. Mura lang ang mga paninda ko rito."
Sa sinabi ng magandang babae ay saka lang iginala ni Danny ang tingin sa loob ng tindahan. May matataas na shelves na nakasandal sa mga pader. Puno ang mga iyon ng kung anu-anong bagay, karamihan mga garapon na may lamang kung ano sa loob. Mayroon ding mahabang lamesa sa gitna, puno rin ng mga paninda.
Si Selna ang unang kumilos, lumapit sa lamesa. "Wow, ang gaganda!"
Sumunod si Danny at tiningnan ang mga naka-display na hinahaplos-haplos at minsan ay itinataas ng kababata niya para lalong matitigan. May accessories na pambabae; kuwintas, hikaw at bracelet. May mga kabibe na iba-iba ang hitsura at laki. May wind chimes. May makukulay na bato na ang iba ay parang holen. May maliliit na bote na parang pabango ang laman sa loob. May notebooks at ballpens. May dreamcatchers. At may mga libro na halatang mga second hand pero maayos pa. Hindi nga lang siya pamilyar sa mga title at author ng mga iyon.
"Ang cute nito," namamanghang sabi ni Selna na hinawakan ang isang malaking kabibe.
"Magaling ka pumili, miss," nakangiting sabi ni Hannah. "Subukan mong ilapit sa tainga mo. Ikaw rin, young mister. Subukan mo rin."
Nauna na si Selna sumunod kay Hannah at nanlaki ang mga mata nito, suminghap at parang namamangha sa kung anong naririnig nito. Kumunot ang noo ni Danny pero kumuha rin ng isang malaking kabibe. Inilapit niya iyon sa kanyang tainga at nakinig. Noong una ugong lang ang narinig niya, parang tunog ng hangin at alon sa dagat. Pero mayamaya lang may iba na siyang narinig. Kumabog ang dibdib niya at kumalat ang masarap na kilabot sa buong katawan niya.
Kasi mula sa kabibe ay may malamyos na boses ng isang babae na kumakanta nang isang awitin na hindi pa niya narinig kahit kailan. Walang lyrics, tono lang. Pero tumagos sa puso niya ang lungkot at pangungulila nang kumakanta. Narealize niya na malungkot na love song ang naririnig niya. At na sa kung anong dahilan, sumagi sa isip niya si Ruth at ang magkahawak na kamay nito at ni Andres.
Bumalik ang ugong ng hangin at dagat nang matapos ang awit. Saka lang siya kumurap. At kumurap uli. Kasi namamasa na pala ang mga mata niya. Mabilis na inalis niya sa kanyang tainga ang kabibe. Pagtingin niya kay Selna nakita niyang umiiyak din ito.
"Sobrang ganda na masakit sa puso 'no?" basag ni Hannah sa katahimikan.
Napasinghot silang dalawa, mabilis na pinunasan ang mga luha at saka tiningnan ang magandang babae. "A-ano 'yon? Sino ang kumakanta?"
"Awit iyon ng isang sirena na nangungulila sa mortal niyang kasintahan. Araw-araw, oras-oras, walang ginawa ang sirena kung hindi ang kumanta sa pag-asang maririnig siya ng minamahal at babalikan siya."
"Pero bakit nasa kabibe?" pasinghot pa rin na tanong ni Selna.
Hinaplos ni Hannah ang mga kabibe. "Hindi pangkaraniwan ang mga ito. Libo-libong taon na ang edad ng mga kabibe ko. At kahit anong bagay kapag matagal nang nananatili sa mundong ito, nagkakaroon ng kakayahang mag record ng mga alaala, ng mga emosyon at tunog mula sa paligid. Kaya narecord sa mga ito ang awit ng sirena."
Nagkatinginan sina Danny at Selna, parehong bakas ang pagkamangha sa mga mata. Kung hindi lang sila napadpad sa Nawawalang Bayan ilang linggo ang nakararaan, malamang hindi sila maniniwala na may sirena.
"Mura lang 'to, one hundred pesos ang isa. Gusto niyo bilhin?"
"H-hindi ka tao…" nasabi nila imbes na sumagot sa tanong nito.
Ngumiti si Hannah at biglang pumalakpak. "Marami pa akong gustong ipakita sa inyo. Lumapit tayo sa mga garapon, okay? Baka doon may magustuhan na kayong bilhin."
"Lumabas na kaya tayo?" bulong ni Selna sa kaniya.
"Huwag kayo mag-alala. Wala akong gagawin sa inyo. Gusto ko lang talaga makabenta," sabi ni Hannah na parang narinig ang sinabi ni Selna kahit malayo na ito at nakatayo na sa isang shelf. Pagkatapos humarap ito sa kanila at sinalubong ng tingin ang mga mata ni Danny. "Sigurado akong meron ako nang kailangan mo."
Kumabog ang dibdib ni Danny kasi bigla niyang naalala ang panaginip niya at ang ideya na nasa isip niya bago siya matulog. Lumunok siya, pinisil ang kamay ni Selna at saka humakbang palapit sa shelf.
Ngayon nakita na niya ng malapitan ang laman ng mga garapong nakahilera sa shelf. May mga likido na iba-iba ang kulay. Meron din namang mga parang gamot na capsule ang laman sa loob. At meron pang iba na nakakamangha. Katulad ng isang garapon na may kumikinang sa loob, parang mga alitaptap pero alam niyang hindi. Meron ding parang usok ang laman. O ulap ba ang mga iyon? At meron ding isa na parang may maliit na kidlat na nakakulong sa garapon.
"Wow. Ano ang mga 'to?" manghang tanong ni Selna na inilalapit pa ang mukha sa bawat display sa shelf.
"Mga bestseller ng tindahan ko," sagot ni Hannah. Inabot nito ang garapon na may kumikinang. "Ito galing sa liwanag na nakabuntot kay Bulalakaw. Pahirapan pa bago ko siya nakumbinsing bigyan ako nito. Masungit kasi 'yon at palaging mainit ang ulo. May kakayahan ang laman ng garapon na ito na tumupad ng kahilingan. Pero simpleng wish lang ang kaya niya tuparin. Kaunti lang kasi ang power na taglay nito."
"Kapag nag wish ba ako na magustuhan ako ng taong gusto ko, matutupad niyan?" biglang tanong ni Selna.
"Ah… hindi magandang manipulahin ang puso ng ibang tao, miss. Labag sa rules. Pero meron akong charm na may bulong ng diyosa ng pag-ibig. Kapag palagi mo iyon dala siguradong mapapabilis ang pagkikita ninyo ng taong nakalaan para sa'yo. O kaya kung nagkita na kayo, mawawala ang agiw sa isip niya at marerealize niya kaagad na ikaw talaga ang nakalaan para sa kaniya."
"Talaga? Magkano?"
"Dahil cute ka, thirty pesos lang."
"Tatlong araw ko nang allowance 'yon eh. Pero sige. Bibili ako. Buti na lang dala ko ang ipon ko."
"Good. Ah! Ito pala…" Kinuha naman ni Hannah ang garapon na parang may ulap sa loob.
Pagkatapos deretso na namang tumitig sa mga mata ni Danny. "Ang jar of memories. Kapag binuksan ito at lumabas ang ulap sa loob, makikita ng may hawak ang lahat ng nangyari sa lugar kung saan niya pinakawalan ang ulap. Kahit iyong mga nangyari na hindi niya personal na nakita. Kahit ang mga pangyayari noong panahon na masyado pa siyang bata para maintindihan ang lahat."