webnovel

THE EXTENDED MONTHSARY CELEBRATION (2)

Mula nang dumating si Dixal, hindi na humiwalay dito ang anak. Kahit sa pagkain, nakapatong pa rin sa mga hita nito ang bata. Si Flora Amor nama'y napapangiti lang sa tabi ng asawa habang nakikita itong hindi alam kung saan ang titikman sa nakahaing pagkain.

Kung noo'y nagkukulitan ang magkakapatid habang nasa hapag kainan, ngayon ay dalawa ang taong pinagpapalit palitan ng tingin ng mga 'to, ang jowa ni Harold at si Dixal subalit natutuon ang lahat kay Dixal lalo na ang ina ni Flora Amor na kanina pa nahihilo kakatingin sa manugang kung ano talaga ang ulam na gusto nitong kainin at nang mapansing nag-aalangan itong kumuha ng putaheng niluto ng ginang ay napilitang magsalita ang huli.

"'Wag kang mag-alala, walang paminta ang mga luto kong 'yan," anang byenan dito.

Kunut-noong napatingin si Dixal sa ginang.

"Pa'no niyo pong nalamang--" takang tanong nito.

Ngumiti muna ito bago sumagot at itinuro si Devon.

"Nagmana lang naman sayo 'yang makulit mong anak. Hindi rin 'yan kumakain sa ibang luto maliban sa luto ko dahil ayaw niya ng paminta. Kaya wala kaming paminta sa bahay, kahit sa tindahan ko, wala akong tindang paminta," paliwanag nito sa tonong malayo sa pang-uuyam.

Si Flora Amor na ang kumuha ng ulam para sa lalaki.

"O ayan kainin mo mga 'yan. Masarap magluto si mama, magugustuhan mo lahat ng inihain niya," aniya sa asawa ngunit sa halip ay inunahan ito ng anak.

Pero nang makitang maganang kumain ang bata ay napasubo na rin ang ama.

"Hmmmm, masarap nga," susog nito.

"Oh kitams, sabi na sa'yo masarap ang luto ni Mama eh," aniya saka sumulyap sa inang 'di naitago ang isang ngiti.

Ngunit nang maubos agad ng mag-ama ang pagkain sa plato ay kusa na itong kumuha sa bawat ulam na niluto ng byenan at tahimik na kumain.

"Kitams, Ma. Sabi ko sa'yo 'wag mong sasarapan ang luto mo nang 'di napapakain nang madami ang dalawang 'to," baling niya sa inang natawa na lang sa sinabi niya.

Ang pamilya naman ni Ricky ay nakikitawa na lang din at panakaw ang tingin ng mag-asawa kay Dixal na nawala ata ang hiya sa mga kaharap at nilalantakan ang nakahaing pagkain sa mesa o sadyang nag-eenjoy lang ito sa maraming kasalo.

Ang magjowa nama'y magkahawak-kamay pa habang kumakain at nakamasid lang sa pamilya ni Flora Amor.

"Kuya, totoo po bang nagtatrabaho sa kompanya mo si ate Flor?" usisa maya-maya ni Hanna sa lalaki.

Tumango ito pagkatapos sulyapan at ngitian ang nagsalita saka bumaling sa kanyang magana na ring kumain.

"Kuya, pwed bang mag-summer job sa inyo next year nang magkaroon naman ako ng sariling pera?" paalam nito pagkuwan.

"Oo ba. Sabihin mo sa ate mo para sa department niya kita ilagay," sagot nito.

"Aba, 'wag ka sa department ko at tsismoso tsismosa mga andoon, baka mahawa ka. 'Yang bibig mo pa naman eh walang preno ding magsalita," angal niya at pinandilatan ang kapatid.

"Tama si ate kuya, 'wag sa kanya. Mabunganga 'yan pagdating sa trabaho. Mana 'yan kay mama," ganti nitong wika.

Mahinang tumawa ang lalaki.

"Oy, ba't ako napasali sa usapan niyo?" angal ng ina.

"Bayaw, ano sisimulan na ba natin 'yong red wine sa sala?" pag-iiba ni Harold sa usapan na noon lang din nagsalita.

Bumaling muna ang tinanong sa kanya, tila humihingi ng permiso.

Tumango lang siya bilang tugon nang maunawaan kung anong gusto nitong sabihin.

Bumaling ang lalaki kay Ricky.

"O kuya Ricky, umiinom ka ba?" usisa nito sa isang lalaki.

Bumaling din ito sa asawang pinapakain sa tabi ang maliit pang bunso at humingi din ng permiso, nang tumango ang asawa ay saka ito nagsalita.

"Oo ba kahit hard pa," pabiro nitong sagot ngunit agad siniko ng asawa.

"Anong hard? 'Yong red wine lang," angal ni Divina.

Napakamot ito sa batok, nagtawanan naman ang lahat.

"Ikaw naman Divina, ngayon lang maba-bonding ang magkakapatid na 'yan, pagbigyan mo na't andito lang naman ang mga 'yan sa loob ng bahay," ani Aling Nancy, kinalabit na ang abot-kamay na babae.

"Nakupo 'nay, parang batang umiiyak 'yan pag nalalasing. Baka magdrama na naman 'yan mamaya," pambubulgar ng babae, namula naman ang mukha ni Ricky.

"Emperador lang naman, ate. Ano bro?" ani Harold, tumayo pa't dumukwang para tapikin ang balikat ni Ricky.

"Basta 'wag magpakalasing ha?" sa wakas pumayag na rin si Divina.

"Daddy iinom ka rin pong hard?" nag-angat ng mukha ang bata at tumingala sa ama.

"Kunti lang anak, magagalit si mommy pag nalasing ako," ani Dixal, nanunudyong sumulyap sa kanya, siya nama'y kinirot ito sa tagiliran.

"Asus, pasimple ka pa eh gusto mo rin naman," an'ya rito.

Natatawa itong kinabig siya saka hinalikan sa noo.

"Ang bagal niyo naman, kung mag-iinuman, mag-inuman na. Matagal-tagal na rin akong 'di nakakainom ng red wine ngayon. Ricky, kunin mo na nga sa sala 'yong red wine na 'yan at dito natin lantakan," biglang banat ng ina na ikinagulat ng lahat.

"Aba'y Ma, sasali ka rin?" bulalas ni Hanna.

"Bakit hindi eh grape juice 'yan, maganda sa katawan lalo sa puso," katwiran nito.

Tumayo naman agad ang inutusan at kinuha sa sala ang isang case ng red wine, dinala iyon sa kusina, inilagay sa ilalim ng mesa at naglapag ng dalawang bote sa harapan ng ginang.

"O ayan po 'Nay, simulan mo ng tagay," ani Ricky sa ginang.

Inutusan muna ni Harold ang apat na mga kapatid na umakyat na sa taas pagkatapos kumain ng mga ito.

"Ang lagay ay kayo lang ang magsasaya?" angal ni Hanna. "Ma, magvi-videoke na lang kami nina Maureen sa sala,"suhestiyon ng dalaga.

"Maganda ang naisip mong 'yan anak. Magkantahan na lang kayo sa sala," sang-ayon ng ina kaya nagtakbuhan ang tatlo para buksan ang videoke at nagsimula nang magkantahan.

Si Hanna nama'y tinapos muna ang pagkain bago lumabas ng kusina.

"Baby ko, ayaw mo bang kumanta kasama nina ate Hanna?" baling ni Harold kay Devon na noo'y tapos na ring kumain ngunit nanatili lang nakaupo sa mga hita ng amang pasubo-subo na lang ng pagkain.

"Ayuko po, babantayan ko po si daddy kung malalasing siya para 'di na siya makauwi at sa kwarto namin siya matulog ni ate," sagot ng bata.

Nagtawanan ang lahat.

"May goal ang batang 'to ah. Ayaw talagang pauwiin ang ama," natatawang sabad ni Ricky.

Nangingiti namang ginulo ni Dixal ang buhok ng anak.

"Don't worry kiddo, kahit 'di ako malasing, dito matutulog si daddy kasama niyo ni mommy," pangako nito saka hinalikan sa tuktok ng ulo ang anak.

"Talaga po, daddy? Bukas ka na uuwi?" paneneguro ng bata.

Tumango naman ang lalaki't sumulyap sa kanyang malapad ang ngiti ng mga sandaling 'yon.

Saka lang tumayo ang bata at sumunod sa mga tiyahin sa sala upang doon sumali sa kantahan.

"Hay naku ang batang 'yan, talagang sabik na sabik sa pagmamahal ng ama." Napapailing na lang si Aling Nancy habang habol ng tingin ang apo.

"O kayo Harold, kelan naman ang kasal niyo nitong jowa mo?" tanong ni Ricky sa binatang napatingin sa katabing gf saka nahihiyang ngumiti.

"Kunting ipon pa kuya. 'Di pwedeng padalos-dalos sa panahon ngayon. Bahay muna ang uunahin naming bilhin bago ang kasal," mahinahong paliwanag ng binata.

"Good idea 'yan, Harold." susog niya sa kapatid sabay tayo at siya na ang nagbukas ng isang bote ng wine at tinagayan ang sariling baso nang makainom na.

Bumulong agad ang asawa sa kanya.

"Dahan-dahan lang, Amor. Mamaya malasing ka na naman agad," paalala nito.

"Naku, ako malalasing? Matibay 'to 'noh? Noong birth---" pagmamayabang niya, idudugtog na sana uli 'yong pag-inom niya noon ngunit nang mapansing naghihintay ng karugtong ang mga naroon ay nakakaloka siyang ngumisi.

"Dahan-dahan lang tayo ng inom, hindi rin kasi ako sanay uminom," an'ya saka umupo agad at dahan-dahang tumikim ng wine, kunyari ay nahihiya pa.

"Akala ko naman sasabihin mong sanay kang uminom eh nakaisang baso ka lang ng emperador lite noong birthday ni Divina eh 'di mo na alam na doon ka sa sala nakatulog," pambabara ng ina at sinabayan ng salin ng wine sa baso nito, tinungga agad 'yon.

"Ma naman, 'di ko na nga itinuloy eh, dinugtungan mo pa rin," pairap na sambit niya sa ina.

Napahagikhik ang jowa ni Harold sa kulitan nila.

"Masanay ka na samin ng mga anak ko, Candy. Tama ba, Candy ang pangalan mo?" baling ng ginang sa bisita.

"Opo, Candy po. Nakakatuwa nga po kayo. Para lang kayong magkakapatid kung mag-usap-usap," sagot ng dalaga, sumulyap kay Harold.

"Ay tama ka d'yan. Lalo na itong si Flor, talagang minsan mo lang 'tong marinig na namumupo sa'kin. Kung itrato ako eh para lang kapatid niya," bida ng ina.

"Alam mo Ma, uminom ka na lang kaya," sabad na naman niya saka sinalinan na ng

wine ang inang napapahagikhik na lang habang nakikita siyang nakairap.

Kumuha si Harold ng lima pang bote ng red wine at isa-isang binigyan ang mga kasama at ang isa'y inilagay sa gitna ng mesa.

Ang simpleng extension ng monthsary celebration nina Dixal at Flora Amor ay nauwi sa bonggang bidahan, tawanan at kantahan. Hindi kasi nakuntento ang lahat ng inuman lang, bitbit nila ang tig-iisang bote at lumipat sa sala upang doon magkantahan hanggang sa maubos ang red wine at nagpagalingan sa pag-awit na hindi naman sa pagmamalaki pero lahat ng mga kapatid ni Amor ay magagaling kumanta kahit si Devon na nagmana rin sa ina.

Nang si Aling Nancy naman ang humawak sa mikropono ay natahimik ang lahat lalo na nang kantahin nito ang Count On You ni Tommy Shaw.

Simula pa lang bumirit ng ginang bigla nang pumalakpak si Candy.

"Woww, ang galing niyo naman palang kumanta!" manghang bulalas nito.

Malakas na tawa ang pinakawalan ng ginang at itinuloy na nito ang pagkanta. Ang lakas ng palakpakan ng lahat nang matapos ang awitin.

Tuwang-tuwang kinabig ni Dixal ang asawa na noo'y katabi nito sa sala.

"Ang saya pala ng pamilya mo, Amor," bulong sa kanya.

Humagikhik siya.

"Hanga ako kay mama sa pagpapalaki niya samin, Dixal. Kahit mabunganga siya pero hindi siya tulad ng ibang nanay na walang pakialam sa nararamdaman ng mga anak niya. The best ang mama ko," mayabang na sagot niya sa asawa saka siya humilig sa dibdib nito.

"Gusto ko, gano'n din akong ina sa mga anak ko," sambit niya.

"O ikaw naman ang bumirit, Flor. Iparinig mo sa asawa mo ang maganda mong boses," anang ina habang iniaabot sa kanya ang microphone.

Hindi na siya tumanggi at kinuha ang mic.

"Ate, 'yong favorite mong song, yung All of me," hirit ng anak na nakaupo na naman sa mga hita ng ama.

Hindi pa man sumasagot ang ina'y inabot na nito ang remote sa center table at ito ang namindot ng numero at ini-play agad iyon.

Nagsimula siyang kumanta with feelings na napahawak si Dixal sa kanyang kamay at tila nadadalang yumakap sa kanya.

"I love you, Amor," bulong nito sa kanyang tenga na hindi sinasadyang manindig bigla ang kanyang balahibo at natatawang hindi tinapos ang kinakanta't binigay agad kay Candy ang mic.

"O ikaw naman Candy. Bumanat ka rin," an'ya sa dalaga ngunit nahihiya itong umiling.

"Hindi po ako magaling kumanta," sagot nito.

"Sige banatan mo kahit boses palaka," giit niya.

Ngunit nang umawit ito'y lahat sila napahiyaw sa mala-regine Velasquez nitong boses.

"Woww! Pa-demure ka pa ha. Ang galing mo naman palang kumanta eh," puna niya.

Humagikhik ito't agad itinago ang mukha sa likod ng nobyo sa hiya.

"O ikaw naman kuya Ricky, banatan mo." Si Harold naman ang nag-abot ng mic sa lalaki.

At kahit 'di maganda ang boses nito'y bumanat pa rin, tawanan ang lahat habang kumakanta ito ngunit walang pakialam ang lalaki't nakikitawa din. Walang pikunan ika nga. Pero gumanti naman ang asawa nitong bumirit din ng kanta, napalakas ang tawanan nila sa sobrang saya.

Nang biglang tumunog ang phone ni Dixal sa bulsa ng pantalon nito.

Nagpaalam muna ito sa lahat bago tumayo at lumayo sa karamihan, dumiretso ito sa loob ng kwarto niya.

Ngunit ilang minuto na ito sa loob ng kwarto'y 'di pa rin lumalabas kaya sumunod na siya.

"Hindi mo ako mapapasunod sa gusto mong mangyari. Walang kasalang magaganap sa pagitan namin, tandaan mo 'yan tanda!"

Sa may pinto pa lang ay dinig na niya ang matigas na wika ni Dixal na kahit 'di niya itanong ay alam niyang ang lolo nito ang nasa kabilang linya.

Hanggang ngayon ay pinpilit pa rin ng matandang makasal ang asawa at si Shelda.

Malamang hanggang ngayon ay 'di pa rin nito alam na bumalik na siya sa buhay ni Dixal.

"Dixal--" mahina ang boses na tawag niya.

Agad nitong pinatay ang phone at isiniksik agad sa bulsa nito saka humarap sa kanya, nasa mukha pa rin ang galit nito.

Dahan-dahan siyang lumapit sa asawa at inakap ito.

"Dixal, forget about any problems for now. Magpakasaya tayo ngayon. Inaantay ka na nila sa sala."

Napabuntunghininga ito at mahigpit na gumanti ng yakap.

"Amor, this is the first time that I feel so afraid," usal nito, lalong hinigpitan ang yakap sa kanya.

Tinawanan niya lang ang sinabi nito.

"Hey, why will you be afraid? Ang saya-saya natin pero heto ka nagdadrama," natatawa niyang sagot, pilit pinapakalma ang asawa.

"I don't know, Amor. I could just feel that something isn't right," anang asawa, 'di pa rin niluluwagan ang pagkakayakap sa kanya.

Hinimas niya ang likod nito.

"Shhhh calm down, sweetie. Kung merun mang binabalak na masama ang lolo mo, I'm sure, it's not gonna happen," pampalubag-loob na sambit niya.

Duon lang nito inilayo ang katawan sa kanya at hinawakan siya sa dalawang kamay.

"Amor, promise me you'll never leave me again," seyoso nitong wika.

Hindi niya alam kung anong pumapasok sa utak nito pero 'di ikakailang kinakabahan ito.

Ngunit sa halip na kumontra ay sinusugan na lang niya ang asawa't pinisil ang mga palad nitong nakahawak sa kanyang mga kamay pagkuwa'y inihinaplos ang likod ng palad niya sa pisngi nito.

"Kahit na ano'ng mangyari, hindi ako mawawala sayo, promise 'yan," seyoso niyang sagot.

Muli siya nitong niyakap nang mahigpit.

"I'll always stick to those words, remember that," anito sa kanya.

Nagtataka man sa ikinikilos nito't sinasabi'y tumahimik na lang siya at gumanti ng yakap.

Bab berikutnya