webnovel

AM I BEING MONITORED?

"Dixal, bakit nga pala luma tingnan ang labas ng bahay mo?" usisa ni Flora Amor habang nagbibiyahe na sila pauwi sa kanilang bahay.

Ngumiti ang binata.

"Para walang magkainteres pumasok do'n." sagot nitong sa daan nakatingin.

"Do'n ako nag-i stay 'pag madaming trabahong kailangang tapusin para walang istorbo," dugtong nito saka sumulyap sa kanya.

"Ah."

"Eh 'yong si Lemuel, katrabaho mo din yo'n?" tanong niya uling sa binata nakatuon ang pansin.

"Siya ang project manager sa ginagawang building sa school niyo."

"Ah, siya pala ang boss mo. Kaya pala pinagalitan ka kanina kasi umabsent ka," aniya.

Napangiti ang binata pero hindi sumagot, bagkus ay mabilis na pinisil ang kanyang ilong.

Napangiti rin siya.

"Dixal," tawag niya uli maya-maya.

"Hm?"

Biglang tumunog ang phone nito sa bulsa.

Kinuha nito ang earphone sa maliit na kahon sa harap ng sasakyan nito.

"Yes?" anito saka sumulyap sa kanyang nakakunot-noo.

"Bakit?" takang tanong niya.

"Nothing. Just nothing," sagot nitong umiiling sa kanya kaya di niya alam kung sino kinakausap nito, siya o 'yong nasa phone.

Tumahimik siya saka idineretso ang tingin sa labas ng sasakyan.

"I'm here. It's just that I'm busy right now. Just call me later, okay?" anito saka pinatay ang tawag at tinanggal ang earphone sa tenga.

Gusto niyang magtanong kung sino ang kausap nito pero nanaig ang hiya niya, baka sabihin nitong pakialamera siya o 'di kaya'y selosa siya kaya sa halip na magsalita ay tumingin na lang siya sa labas ng sasakyan

"Lapit na tayo sa inyo," untag nito maya-maya.

Kinabahan siya bigla, napahawak sa seatbelt. Ano ang gagawin niya 'pag nakauwi na siya? Pa'no kung pagalitan na naman siya ng ina? Pa'no kung magkagulo na naman sila?

Napangiwi siya nang bahagyang kumirot ang kanyang likod. Nahimas niya 'yon.

"Something wrong?" usisa ng nobyo nang mapasulypa sa kanya.

"Sakit eh," tugon niya.

Inihinto ng binata ang kotse sa gilid ng daan saka itiinaas nito nang bahagya ang kanyang blouse sa likuran.

"What the--" bulalas nito.

"Anong nangyari dito?"salubong ang kilay na usisa nito.

"Ha? Ah, naibunggo ko sa lamesita namin kanina," pautal niyang sagot. Ayaw niyang sabihin dito ang nangyari kanina sa bahay nila.

Ibinaba niya agad ang damit.

"Wala 'yan. Kunting pasa lang 'yan," pangungumbinsi niya saka ngumiti.

"You sure?" paniniyak nito, halata ang pag-aalala sa tinig.

"Oo ok lang 'yan."

Hindi na ito nagsalita pa saka pinaandar na uli ang sasakyan. Mahabang katahimikan ang namayani sa kanila hanggang sa huminto na uli ang kotse.

"Dito na tayo," untag ng lalaki.

Nasa tabi na sila ng simbahan.

Tinanggal niya sa pagkakakabit ang seatbelt saka binuksan ang pinto.

"Uwi na ako ha? Ingat sa pag-uwi," saad niya.

Tumango ito. Lalabas na sana siya nang bigla uling natigilan at napabaling sa nobyo.

"Pa'no mo pala nalamang dito ako nagpapahinto?"

"I followed you here when we first met in school," sagot nito.

"Ahhh," aniya saka tuluyang lumabas at isinara ang pinto.

Kumaway pa siya sa binata bago tumawid sa kalsada.

"We first met in school," wala sa sariling inulit ang sinabi nito.

Maya-maya'y puno ng pagtatakang nilingon ang sasakyan ng nobyo nang makatawid na sa kalsada.

Sa school sila nagkita? Kelan? Ang pagkakaalala niya, una silang nagkita sa Sm Fairview tapos no'ng hapon na, sa may simbahan din siya nito inihatid tulad ng ginawa nito ngayon.

Blangko ang utak na naglakad siya. Bakit parang mali 'ata ang sinabi nito? Sa eskwelahan sila nagkita o nakita siya nito sa eskwelahan tapos na-inlove agad ito sa kanya kaya sinundan siya pauwi?

Kinilig siya sa naisip at muling nilingon ang sasakyan ng binata. Ando'n pa rin 'yon sa tabi ng simbahan.

Napahagikhik siya nang malamang inihahatid siya nito ng tanaw. Naaalala niya bigla 'yong nangyari kanina sa bahay nito, pagkuwa'y nakaramdam ng panghihinayang. Dapat pala hinalikan niya muna ito bago siya lumabas ng kotse.

Sa layo ng nilalakbay ng isip niya'y 'di niya namalayang lumiko na siya sa isang kanto at tatawid na sana nang biglang may umakbay sa kanya at hinawakang mahigpit ang kanyang mga balikat nang 'di siya makagalaw.

Nakaramdam siya ng takot nang sa isang iglap ay humagibis sa harap niya ang isang motorsiklo.

Napahawak siya sa katawan ng umakbay sa kanya.

"I don't really trust you when crossing the street."

"Dixal!"

"Tsk! Tsk! Nasa'n ba ang isip mo 'pag naglalakad ka?" iritang palatak ng binata.

"Nasayo," sagot niya agad.

Natigilan ito, nagulat sa naging sagot niya pagkuwa'y pigil ang ngiting umiwas ng tingin.

At nang muling bumaling ay seryoso na ang mukha.

"Be careful okay? Pa'no pala kung 'di ako nakasunod sa'yo, eh 'di nabangga ka na no'n." sermon nito.

Napayuko siya. Bakit ba kasi kung saan napupunta ang isip niya?

"'Wag mo na ako ihatid. Promise mag-iingat na ako," nakayukong saad niya.

"Hey, careful okay?"

Nag-angat siya ng tingin at nakangiting tumango.

Saka lang siya nito binitawan.

Kaliwat-kanan ang tingin niya sa daan hanggang tuluyang makatawid saka humarap sa binata sa kabilang daan.

Kumaway siya. Kumaway din ito at tumalikod na palayo.

Inihatid niya ito ng tingin at saka lang nagpatuloy sa paglalakad nang 'di na niya ito makita.

May biglang humawak sa kamay niya, mahigpit.

"Dix--" Ang matamis na ngiti sa mga labi at tuwang nakarehistro sa mukha ay biglang nawala nang makita sa harapan si Anton sa halip na si Dixal.

"Where have you been?" maawtoridad nitong tanong.

"Bakit ka andito?" balik-tanong niyang nakakunot-noo.

Bumitaw siya sa pagkakahawak nito at nagsimulang maglakad.

"Ano'ng ginagawa mo dito? Gabi na ah," muli niyang tanong.

"Nagpunta ako sa inyo kaninang umaga pero wala ka raw. Kaya bumalik ako no'ng hapon. Nag-aalala na ang mama mo kasi 'di mo raw dala ang bag mo. Wala ka raw pera," mahaba nitong sagot habang sinasabayan siya sa paglakad.

"May pera ako. Andito sa bulsa ng skirt ko," akaswal niyang sagot.

"Ba't kasi 'di mo dinala ang bag mo?" paninisi nito.

Huminto siya't napaharap dito.

"Bakit kailangan kong dalhin ang bag ko?" balik-tanong niya.

Inis na nahimas nito ang mukha.

"Kanina pa kami hanap nang hanap say'o,Flor! Walang tigil ang ina mo kakaiyak sa takot na baka may nangyari nang masama sa'yo!" hiyaw nito.

Napapatingin sa kanila ang mga nagdaraan.

"Siya ang nagsabing lumayas ako, bakit niya ako hahanapin? Tsaka hindi lang ako ngayon umuwi nang gabi. Anong issue do'n?" inis niyang sagot sa kaibigan. "Tsaka ba't ba masyado kang concern kung saan ako nagpunta?"

Sandali itong natigilan.

Salubong ang kilay na nagpatiuna siyang maglakad. Ang dami na niyang napapansin kay Anton nitong mga nakaraang araw. Bakit tila nagiging mausisa na ito? Kailangan ba niyang ipaalam dito ang lahat ng kilos niya?

Imposible namang nag-alala ang mama niya nang dahil lang sa 'di niya dala ang kanyang bag.

Sa nakita niya sa ina kanina, wala itong pakialam kung saan siya pupunta basta gusto nitong mawala siya sa paningin nito. Pero heto ngayon, big issue na ang pag-uwi niya nang gabi.

"Flor, hindi mo naiintindihan. Hindi mo alam ga'no ka-delikado dito sa manila. Tsaka wala kang alam na lugar na pwedeng puntahan sakaling maligaw ka. Wala kang pera. Pa'no kung maligaw ka nga? Sa'n ka namin hahanapin?" paliwanag ng lalaki sa likod niya.

"Hindi ako mawawala, okay. 'Wag mo akong tinatratong bata na walang alam. Dalaga na ako Anton. Alam ko na ang ginagawa ko," hiyaw niya, dere-deretso pa rin sa paglalakad.

"Flor, please listen to me," hinawakan siya nito sa braso.

"Don't touch me!" sigaw niya sabay piglas, lalong binilisan ang mga hakbang.

Nagpakatanga sa kanila ang mga naroon sa paligid.

"Flor, sorry. Nag-alala lang ako. Kanina ka pa kasi namin hinahanap. Maghapon na akong nagpabalik-balik sa eskwelahan para hanapin ka pero wala ka do'n." Mababa na ang tono ng pananalita nito, tila sumusuko sa kanya.

Hindi siya sumagot, patuloy lang sa paglalakad hanggang makarating sa labas ng bahay nila at saka lang niya ito muling hinarap.

"Sa susunod, ayuko nang sobra kang nag-alala kung nasaan ako dahil nakakalimutan mo kung ano ka sa buhay ko!" matigas niyang sabi.

"Flora Amor! Anak!" pagkarinig lang ng boses niya'y agad nang lumabas ng bahay ang ina para salubungin siya.

Agad siya nitong niyakap.

Nakita niya ang mga kapitbahay na nagpakadungaw sa bintana ng bahay ng mga ito at nakamasid sa kanila.

Inakay niya ang ina sa loob.

"Saan ka ba nagpunta? Bakit 'di mo dinala ang bag mo?" sa pagitan ng pag iyak ay tanong nito.

Pinaupo niya ang ina sa sofa saka hinawakan ang kamay.

"Okey lang ako, Ma. Tsaka dito na ako. 'Wag na kayong umiyak," alo niya.

Naglabasan sa kwarto ang mga kapatid para tingnan siya, maliban kay Harold.

"Ate, saan ka nagpunta?" Si Maureen lang ang lumapit sa sofa at inusisa siya.

'Di siya makasagot agad, napasulyap kay Anton na sumunod sa loob ng bahay.

"Sa-sa kaibigan ko," pautal niyang sagot maya-maya.

"Bilhan na lang kaya natin 'to si Flor ng cellphone para may magamit 'pag emergency," sabad ng amang kalalabas lang ng kwarto kalong ang kanilang bunso.

"Pa!"

Napatayo siya sa tuwa saka ito niyakap.

"Pa, hinabol kaya kita kanina pero ang bilis mo nakaalis," aniya.

Nagkatinginan ang mag -asawa.

"Anton sensya ka na ha? Maghapon kitang naabala. Salamat pala sa paghahanap mo kay Flor," baling ng ina sa kaibigan.

"Wala po 'yon, Auntie." Bahagya lang itong ngumiti.

"Oy, Beshie. 'Yong sinabi ko sa'yo ha? 'Wag kang mag-aalala sakin masyado at kaya ko na ang sarili ko." Kahit naiirita sa kaibigan ay nagawa pa rin niya itong biruin.

Blangko ang mukha nitong tumango.

Nakaramdam siya ng awa, nilapitan niya ito at hinampas sa braso.

"Sa sunod relax ka lang ha? 'Wag kang magpa-panic para 'di mainit ang ulo mo at 'di ka naninigaw," paalala niya.

Sumimangot ito.

Napahagikhik siya sabay hawak sa braso nito.

"Sorry na, Beshie. Alam ko namang nag-aalala ka lang sakin. Sorry na ha? Peace na tayo ha?" lambing niya.

Matalim ang sulyap na ipinukol nito pero ngumiti rin pagkatapos.

"Sayo lang naman ako ganto eh. 'Di ako sanay na wala ka sa paningin ko."

"Magpaampon na lang kaya ako sa papa mo nang do'n na ako tumira sa inyo para lagi tayong magkasama," biro niya.

Pero sumeryoso ang mukha nito.

"Kumain ka na, Beshie?" tanong niya.

"Pa, kumain na kayo?" tanong niya rin sa ama.

"Hindi pa at lito nga kami kakahanap sayo," sagot ng ama.

"Sa bahay na po ako kakain uncle," sabad ni Anton saka nagpaalam nang aalis.

Hindi na nagpahatid ang binata at umalis na agad nang makitang maayos na ang lahat.

"Oh, kanina pang umaga 'yan si Anton dito at kung sinu-sino nang tinawagan para hanapin ka, 'di mo man lang ihahatid?" pangungunsensya ng inang sa wakas ay huminto na rin sa kakaiyak.

Natahimik siya. May punto din ang mama niya. Kaya sinundan niya ito sa labas ng bahay.

Pero pinigilan niya ang sariling sumunod nang makitang may kinausap itong dalawang lalaki bago tuluyang umalis.

Mula sa liwanag ng poste sa tabi ng mga ito ay sinipat niya ang mukha ng dalawang lalaki. Parang pamilya ang mga ito sa kanya pero 'di niya matandaan kung saan nakita ang dalawa.

Baka nagkakamali lang siya. Baka mga kapitbahay niya lang ang mga 'yon. 'Di niya lang madalas makita kasi lagi siya sa paaralan.

Hindi na niya hinabol ang kaibigan. Bumalik siya sa loob ng bahay.

"Anak saan ka ba nagpunta? Sabi ni Anton wala daw kayong pasok kanina?" ungkat ng ina habang kumakain sila.

Ngisi lang ang isinagot niya pero namumula ang pisngi.

Namilog ang mga mata nito nang mahulaan ang ibig niyang sabihin.

"O bakit, Ma?" usisa ng amang sa asawa nakatingin.

Kinabahan siya, dumukwang agad sa lamesa at kumuha ng pritong talong.

"Alam mo, Ma. Dapat lagi kang kumakain ng talong kasi madaming benefits yan sa katawan," aniya at inilagay sa plato nito ang kinuha sabay dilat ng mata dito.

"Naku, style mo bulok." sambit nitong nakairap sa kanya.

Tumawa siya.

"Anak, hindi ba yan nanliligaw sayo si Anton? Aba'y parang jowa mo kung makapag-alala sayo kanina. Baka naman boyfriend mo yun."

tanong ng ama.

"Naku hindi po, Pa." maagap niyang sagot.

"Bestfriend ko lang yun. Tsaka kapatid ang turing sakin nun. Imposible po yung sinasabi niyo. "

"Ganun ba? Mabuti naman at ayukong magboboyfriend ka sa ngayon, baka maapektuhan ang pag-aaral mo."

"Opo." nakayukong sagot niya, kunwari abala sa pagkain.

Napasulyap siya sa katabing si Harold. Di ito nagsasalita habang kumakain.

Ang ibang mga kapatid ay ganun din.

"Ma, anong oras ba nagpunta dito si Anton?"

usisa niya.

"Umaga pa lang. Ngayon lang umuwi. Dito na nga yun nananghalian at di mapakali kakahanap sayo." sagot ng ina.

Naguluhan siya. Ang pagkakaalala niyang sabi nito kanina bumalik ito nung hapon at dun lang siya hinanap. Bakit nagsisinungaling ito sa kanya dahil lang sa isang simpleng bagay? May itinatago ba ito?

O baka sinusundan siya uli nito?

Natigilan siya sa biglang naisip. Sinusundan na uli siya nito? Pero bakit? Sinusundan? O pinasusundan siya kaya alam nito kung saan siya nagpupunta?

Nangunot ang kanyang noo. Bakit yun gagawin ng kaibigan?

"Anak pasensiya ka na samin kanina. May di lang kami pagkakaunawaan ng kapatid mo at mama mo. Pero ayos na yun ngayon, wag ka na mag-alala." pakli ng ama maya-maya.

"Opo Pa. Basta dapat araw araw kayo andito para hindi ka namin namimiss." saad niya.

"Ah oo sige." Alanganin nitong sagot saka tumingin sa asawa.

Bab berikutnya