webnovel

Kabanata Kinse: Banta ng kasamaan (3)

"T-Tumigil ka! Hindi kita pinayagang tumawa! Tandaan mo kung sino ako!" pilit na sineseryoso ng binata ang boses kahit na hiyang-hiya na ito.

Tumawa lang muli si Kira, hindi alintana ang blankong mga tingin ng batang si Violet na tila sinasabihan silang; andito pa ako, hindi niyo ako manonood!

Hinila naman ni Xerxes ang bata papuna sa harapan ni Kira. "May kasalanan ang batang ito at may nararapat na aminin! Ito ang importante ngayon!" pag-iiba ng usapan ng binata.

Ngumisi si Kira at humalagpak ulit ng tawa. "Iniiba mo ba ang usapan? Master?"

"H-Hindi!"

Sinong mag-aakalang marunong makaramdam ng hiya ang isang malakas na nilalang gaya ni Xerxes?

Alam ni Kira na seryoso dapat ang sitwasyon ngayon at nararapat hindi siya tumawa ngayon...pero bago bumalik sa kaguluhan ay nanamnamin niya ang kaunting kasiyahan na prinesinta para sa kaniyang puso.

SAMANTALA, sa isang madilim at walang buhay na bahagi ng buong kontinente—ang lugar kung nasaan ang mga sinumpang nilalang, demonyo at mga pwersa ng kasamaan, tila nagsasaya ang mga nakakatakot na mga nilalang; dumadagundong sa buong lugar ang mga katakot-takot nilang mga tawa at mga pagbibitiw ng mga sinaunang mga ritwal na nagbibigay pugay sa kanilang mga diyos. Sa gitna ng lugar ng kanilang kasiyahan ay isang ulo ng isang alkemista (ito ay nangahas pumasok sa teritoryo nila at sinubukang tapusin sila kahit ito ay napakahinang nilalang) na nakatusok sa isang mahabang sibat; balat ay niluluto ng apoy na para bang karneng baboy sa isang piging.

"Et salve ert ferdorue! (Magdiwang sa ating kalayaan!)" hiyaw ng isang maitim na nilalang na may sungay at apat na mata habang iniihaw ang ulo ng kanilang pinatay.

"Ert ferdorue! (Ating kalayaan!)" sigaw pa ng isa habang pinuputol-putol at hinihiwa ang madugong laman galing sa katawan ng alkemista.

Naghiyawan ang mga halimaw sa bulwagan at humahalakhak. "Siowli! Nera ert salve, tedoui alkemista cedshre umera fon enneserar! (Katahimikan! Hindi pa tayo puwedeng magsaya, buhay pa ang mga sinaunang alkemista na nagkulong sa atin dito!)" dumagundong ang makapangyarihang boses ng kung sino mula sa isang malaking trono na gawa sa pinatuyong laman at buto ng isang alkemista; nakaupo ito sa trono habang hawak-hawak ang baso ng alak na naglalaman ng dugo, malamig ang mga titig nito at lubhang napakatalim, boses rin ay malamig na tila mula sa isang malalim na hukay.

Sa tabi nito ay isang malaking salamin na gawa rin sa buto at kakulay ng gabi, sa gilid ng salamin ay maitim din na kadena na nakatali sa kamay at paa ng isang sugat-sugat na babae, ang mga mata ng babae ay pagod at walang lakas habang patuloy na tumutulo rito ang pulang likido.

"Hindi magtatagal ay tuluyan na nila kayong mapapatay!" wika ng babae na ikinatawa ng nasa trono.

Itinaas ng nilalang na nasa trono ang mga kamay sa ere at sa ginawa nito ay lumabas ang maiitim na anino mula sa salamin na siyang tumusok sa babae.

Sumigaw ang babae sa sakit na siyang ikinatawa ng mga halimaw sa bulwagan. "Sierdevuer meu? uni alkemista hader ade ferdorue! (Nakakalimutan mo? Isa ring alkemista ang nagpakawala sa akin!)" Natatawang sagot ng nilalang sa trono.

"At sa isang tinapos na buhay, tuluyang pinakawalan ng hangal ang selyo ng aking kapangyarihan!" pagpapatuloy nito at lumapit sa kawawang babae at hinila ang buhok nito; kamay ay sumisipsip sa ispiritwal na lakas ng babae, pagkatapos ay mariin niya itong hinalikan sa mga labi habang patuloy na lumuluha ng pula ang mga mata nito.

"Iokhgle ert celestro! (Ituloy ang kasiyahan!)" anunsyo nito at bumalik muli sa trono; nakangising iginiya ang tingin sa malaking bintana na alam niyang sa labas nito ay tuloy-tuloy na kumakalat ang kaniyang sumpa sa buong kontinente at hindi magtatagal ay lalapit ang mga alkemista sa kaniya at makakain niya ang mga kapangyarihan nito at masisira ang buong kontinente na hindi niya nagawa dahil sa pagselyo sa kaniya ng mga sinaunang alkemista (na alam niya ngayo'y buhay na muli sa ibang katauhan) kahit na kapalit nito ang mga sariling buhay.

Ang mga nagpapaka-martyr ay namamatay ngunit ang kasamaan ay hindi titigil sa pagpapalaganap.

Bab berikutnya