webnovel

CHAPTER 3: Si Reyna Kheizhara

MAY PINASUKAN KAMING silid ni Pinunong Kahab. Maganda ang pintong pinasukan namin na may nakaukit na pakpak ng paruparo o pakpak 'yon ng diwata, kasi halos nahahawig ang mga pakpak ng diwata sa mga paruparo na may mga pattern na design. Nang itulak ni Pinunong Kahab ang pinto, akala ko may makikita akong nakakamangha na naman. Pero isang bakanteng silid ang tumambad sa 'kin – silid lang talaga na walang kung ano mang palamuti. Mataas ang silid at may liwanag sa taas na hindi ko gaanong maaninag ang kisame.

Kung kanina, walang kaba sa dibdib ko kahit pa medyo nawerdohan ako sa biglang pagiging seryoso ni Pinonung Kahab, ngayon, nagdagsaan ang kaba sa dibdib ko nang magsara ang pinto ng bakanteng silid. At mas lalong lumakas ang kaba ko nang ilipad ako pataas ni Pinunong Kahab – walang imik na inilipad niya ako, ni 'di ko magawang makapagtanong pa.

May bukas na malaking silid sa taas ng bakanteng silid, doon nagmumula ang liwanag. Maraming diwatang tumambad sa 'min sa malawak na pabilog na kuwarto – 'yong piling na nasa court hall ka. 'Di pa ako nakapasok sa gano'n, pero siguro ganito ang pakiramdam na 'yon, na parang lilitisin ka. Lahat ng diwata ay seryosong nakatingin sa 'kin. Paglapag sa 'kin ni Pinunong Kahab, sabi niya ito ang silid ng pagpupulong. Parang confidential, gano'n – na kahit mga tagasilbi sa palasyo ay hindi puwedeng pumasok. Tanging may kinalaman lamang sa pag-uusapan o pagpupulong ang puwede. Lalo akong kinabahan. Lilitisin nga ata ako? May kaso ba ako? Sabi sa 'kin nina Pinunong Kahab at Rama, kailangan ng mundo nila ang tulong ko. Nagsinungaling lang ba sila? Narito ba ako para parusahan? Dahil na-involve ako sa mga uri nila? Dahil nalaman ko na totoo sila? Papatayin ba nila ako dahil nalaman ko ang sekretong 'yon? Ang creepy ng pakiramdam ko. 'Yong puso ko parang in love, ang bilis ng tibok. Akala ko kay Chelsa lang ako magkaka-system malfunction, pero ngayon, halos hindi rin ako makahinga.

Sinamahan ako ni Pinunong Kahab sa gitna kung saan may nakahandang isang silya, yari sa kahoy na may mga simpleng disenyo pero maganda na parang mamahalalin. Hindi ako naupo, wala akong imik at nakikiramdam lang. Nasa gitna ako ng mga nakaupong mga diwata, dalawang hanay silang nakapabilog. Yari sa bato ang kinaroroonan nila na nakaangat, kaya halos nakayuko silang nakatingin sa 'kin. Ang mga nasa unahan na kaunti lang ang bilang na mga nasa dalawampu ay pare-pareho ang suot. Para silang nakatoga ng kulay dark-green at may maroon na telang nakasampay sa leeg nila sa harapan na may repeat na kulay gold. May mga disenyo pang nakaukit sa mga balabal na 'yon. May sombrero rin silang pahaba na siguro ay nasa isang dangkal na kakulay rin ng kung anong suot nila. Nakalabas ang antena nila sa sombrero. May babae at lalaki sa grupo nila.

Sa ikalawang hanay na mas marami ang bilang, na may lalaki't babaeng diwata rin, may iba't ibang kasuotan sila. 'Yong masasabi mong 'Wow! Gara! Yaman!' 'Yong parang kami ng mga tropa ko – na-miss ko tuloy sila. Lahat shade ng green din ang suot, may light-green hanggang sa dark-green. May mga palamuti silang ginto sa mga kamay, sa braso, pati na rin sa ulo nila.

May bakanteng upuan na nakapuwesto sa gitna ng mga diwata kung saan kami nakaharap ni Pinunong Kahab. May manipis na mahabang kurtinang kulay pula sa likuran nito. Mataas ang sandalan ng upuan at maganda ang design ng armrest. Sa sandalan, may parang malambot na masasandalan na kulay green na may design – mukhang creative ang mga diwata sa mundong 'to. Dahon ang design na parehas ang hitsura sa batong nasa tuktok ng gate ng palasyong 'to. Kanina ko pa napapansin ang gano'ng hitsura ng dahon. Sa palagay ko logo 'yon ng palasyong 'to o ng mismong kahariang ito ng Ezharta. Malapad siyang dahon na may pahabang hati sa gitna at ang mga linyang pahiga ay paikot.

Lahat ng mga diwata rito, kulay berde ang mga pakpak. At ang nakakainis, lahat sila nakatingin pa rin sa 'kin na parang sinusuri ako? Parang mga bungol! Parang gusto kong sumigaw na si Pinunong Kahab naman ang titigan nila!

May tumayong lalaking diwata na nakaupo sa unang hanay na may pare-parehong kasuotan na pinakamalapit sa bakanteng upuan sa gitna. Tumikhim ang lalaki. Sa una medyo mahina, sa palangawa't pangatlo, nilakasan niya na parang may tinatawag o pinaparinggan. Muling tumikhim sa ikaapat na pagkakataon ang diwata at nagsalita na.

"Mahal na Reyna, narito na ang panauhin," sambit ng diwata na may kalakasan ang boses para siguro marinig siya.

Ang reyna ang tinatawag niya. At ako siguro ang tinutukoy niyang panauhin. Panauhin? Siguro naman hindi pumapatay ng bisita sa mundong 'to.

Gumalaw ang kurtina sa likod ng upuan sa harap namin. Sa maliit na siwang, may sumilip nang saglit. May naaaninag na gumagalaw sa likod ng kurtina.

"Kumusta ang hitsura ko, Philip?" boses ng isang babae.

May tumikhim na maliit na boses ng lalaki. "Maayos po ang hitsura ninyo, Kamahalan," sabi ng maliit na boses.

Napansin ko ang pagtitinginan ng mga diwata, 'yong tipong sa isip nila, 'ano ba naman 'yan?'

Nagbukas ang kurtina, may napakagandang diwatang lumabas – maputi't makinis ang balat. Mahaba ang kulay ginto niyang kasuotan na napapalamutian ng mga kulay berdeng bato. Napanganga ako. Nakakasilaw siya. At kung hindi ako nagkakamali, ginto rin ang kulay ng mga nakatiklop na pakpak niya sa kanyang likuran. May suot siyang kuronang ginto na may palamuting mga puting bato, na baka diamond. Sa gitna ng kurona, may berdeng batong hugis dahon, tulad ng mga nauna ko nang nakita sa palasyong ito, siguro nga'y logo nila. Wala siyang antena. Labas ang tainga niya sa may pagkakulot niyang mahabang buhok na nakalugay paharap. Kulay light-brown ang buhok niya na mas matingkad sa karamihan at may mga hibla sa buhok niya na kulay green. Ang ganda ng mga bilugan niyang mga matang kulay dark-green at ang liit ng matangos niyang ilong, at manipis ang mapupula niyang labi. Isa siyang diyosa – parang crush ko na siya. Kaso parang mas matanda siya sa 'kin. Pero crush lang naman. Si Chelsa pa rin ang nasa puso ko.

Sa kanan ng reyna, may maliit na lalaking lumilipad? Parang pakpak ng tutubi ang meron ang lalaking 'yon. Siguro mga six inches lang ang laki niya. Mahabang dilaw na may repeat na green ang suot niya at may sombrerong kulay green.

Yumuko ang lahat. "Maogma, mahal na Reyna Kheizhara," bati ng lahat. Napayuko rin ako at bumati.

Reyna Kheizhara? Nabulong ko sa sarili ko. Kapangalan niya ni Ate Zhara. Sabi ni Chelsa, isinunod ang pangalan ni Ate Zhara sa isang reyna. Malamang siya 'yon. Siya ang tinutukoy ni Chelsa sa kuwento ni Tito Chelo na mabait na reynang pinagbigyan ang pag-iibigan nila ni Tita Melisa. Kaso nga lang, may sumpa. At ang reyna ring iyon ang naghatid ng masaklap na balitang 'yon. Kung siya nga 'yon, ang tanda niya na pala. Pero hindi halata sa hitsura niya.

"Maogma," bati ng reyna sa lahat. "Maupo kayong lahat."

Naupo ang lahat. Pero nanatili akong nakatayo pati si Pinunong Kahab na nasa bandang likuran ko.

Napalunok ako nang titigan ako ng reyna. Seryoso ang mukha niya. Pero bigla rin ngumiti? Ibinuka niya ang mga pakpak niya na kulay ginto nga na may mga kumikislap-kislap. Napakaganda. Pumagaspas ito at lumipad pababa sa kinaroroonan namin ang reyna.

"Hi," nakangiting sabi ng reyna pagkababa niya at kumaway pa siya sa 'kin. Mas lalo kong napagmasdan ang kagandahan niya. At mas mataas siya sa 'kin.

"Hi?" nabiglang tugon ko.

"Hindi ba, iyon ang pagbati sa mundo ninyo? Hi, hello?" hindi nawala ang malaking ngiti sa mukha ng reyna.

"O-Opo," tugon ko.

"Ang guwapo mong bata," puri sa 'kin ng reyna. Hinawakan niya pa ang mukha ko. Ang init ng palad niya. Hindi ko alam ang magiging reaksiyon ko. Para siyang si mommy na makulit.

Tumikhim ang maliit na lalaking steady na lumilipad sa tabi ng reyna. "Mahal na Reyna, hindi ninyo na po kailangang bumaba rito," pabulong na sabi nito na tunog pinagsasabihan ang reyna.

"Ah? Siya nga pala," sabi ng reyna na hindi pinakinggan ang maliit na diwatang nagsalita. "Maligayang pagdating sa mundo ng Anorwa at sa aming kaharian, ang Kaharian ng Ezharta!" pagmamalaki ng reyna. Nakataas ang mga kamay niya. "Maogma, Nate," bati niya sa 'kin at naging pino ang ngiti niya.

"Maogma, mahal na Reyna Kheizhara," tugon ko.

Hinawakan ako ng reyna sa magkabilang balikat ko. At kinausap niya ako sa pamamagitan ng isip niya. Hindi na ako nagulat do'n. Gano'n din kasi si Chelsa.

NATE, NASUBAYBAYAN KO ANG PAG-IIBIGAN NINYO NI CHELSA. GUSTONG-GUSTO KO ANG MGA KUWENTO NG WAGAS NA PAG-IBIG. NANINIWALA AKO SA KAPANGYARIHAN NG PUSO. ANG TUNAY NA PAGMAMAHAL AY HINDI ISINUSUKO. KAPAG MAY PAG-IBIG, HINDI KA MADADAIG NG ANO MANG BALAKID.

Binitiwan ako ng reyna nang sabihin niya sa isip ko ang mga salitang 'yon. Ngumiti siya at isang matamis na ngiti rin ang naging tugon ko sa kanya.

Nilingon ng reyna ang mga diwatang nakapalibot sa 'min. "Hayaan mong ipakilala kita sa kanila," sabi niya. "Sila ang mga konseho ng palasyo." Nakaturo ang mga palad ng reyna sa mga nakaupo sa unang hanay. "At sila naman ang mga lankaw, mga pinuno ng mga bayan sa aming kaharian." Itinuro naman niya ang mga nasa ikalawang hanay.

"Maogma," bati ko sa mga diwatang nasa kanan at kaliwa ko.

"At siguro ay nakilala mo na, ang magiting na pinuno ng mga sundalo sa aming kaharian, si Pinunong Kahab."

Nilingon ko si Pinunong Kahab. "Opo. Nakilala ko na po siya."

"Maraming salamat sa pagdala mo sa kanya, Kahab. Maari ka nang umupo," utos ng reyna.

"Aking karangalang paglingkuran kayo, mahal na Reyna," tugon ni Pinunong Kahab at tinungo niya na ang bakanteng upuan sa dulo sa bandang kanan.

Pagkaupo ni Pinunong Kahab, tsaka ko lang napansin na wala nang bakanteng upuan maliban sa upuan ng reyna sa taas at ang silyang nasa tabi ko. Sakto ang bilang ng upuan kung ilan ang narito. Mukhang nakadisenyo ang lugar na ito sa bilang ng diwatang kasama sa mga ganitong pagpupulong.

"Ang guwapo mo talaga, Nate," muling puri sa 'kin ng reyna.

"Thank you, po… Ibig ko kong sabihin, salamat po," sagot ko.

"Mahal na Reyna, maupo na rin po kayo," sabi ng maliit na lalaki.

Umikot ang mga mata ng reyna. 'Yong tipong binasag 'yong trip niya. "At siya nga pala si Philip. Mataaaaaalik kong kaibigan," may pagkadismayang pahayag ng reyna.

"Maogma," bati ko.

Tinitigan muna ako saglit ng maliit na diwatang si Philip bago siya tumugon sa bati ko ng maogma. "Isa akong 'saday'. Ako ang tapat na tagapaglikod ng reyna. Ako ang tagapayo niya," pakilala niya sa sarili niya.

"Sungit," pabulong na sabi sa 'kin ng reyna at nilapit pa niya ang mukha niya sa tainga ko.

Lumipad si Reyna Kheizhara at naupo sa upuan niya. Nakasunod sa kanya ang maliit na diwatang nagpakilalang isang saday.

"Maupo ka, binata," utos no'ng Philip sa 'kin at lumapag ito sa armrest ng upuan ng reyan. Ang liit niya at maliit din pakinggan ang boses niya, pero malakas.

Tahimik akong naupo. Muli akong nakiramdam na napapalingon-lingon sa kaliwa't kanan ko. Kanina, medyo nawala na ang kaba ko. Pero ngayon, may tensiyon na naman akong naramdaman. Nang tingnan ko ang reyna, seryoso na ang mukha niya.

"Simulan na natin ang pagpupulong," may awtoridad na sabi ng reyna. Malamig ang boses niya. Seryoso. Parang hindi siya 'yong reynang pinuri ako kanina.

Seryoso rin ang lahat. 'Yong tipong may malaking paparating na kung ano? Isang pagsubok o panganib na kailangan malutas. Naging mabigat ang awra ng paligid.

~~~

NATAPOS ANG PAGPUPULONG, nagsialisan na ang mga konseho ng palasyo at ang mga lankaw. Naiwan akong nakaupo. Hindi ko alam ang iisipin ko. Ang shit lang.

Nilapitan ako ni Pinunong Kahab at tinapik niya ako sa balikat. Kami na lang ang narito. "Mukhang mahaba-habang panahon ang ilalagi mo sa aming mundo, Nate. Hindi magiging madali ang lahat. Umaasa ang buong kaharian sa iyo," sambit niya.

Bago umalis ang mga miyembro ng konseho at ang mga pinuno ng mga bayan sa kahariang ito ng Ezharta, may mga sinabi rin sila sa 'kin.

"Umaasa kami sa iyo."

"Huwag mo sana kaming bibiguin."

"Sa iyo nakasalalay ang lahat."

"Iligtas mo ang aming kaharian."

'Yon ang mga katagang sinabi nila na wala akong naitugon. Paanong nangyaring ako? Bakit ako? Kahit napaliwanag na nila sa akin ang tungkol do'n, 'di ko pa rin lubos maisip. Sobrang labo ng isip ko. Bigla-bigla na lang nakasalalay sa 'kin ang kaligtasan ng isang buong kaharian. At 'di lang 'yon…

"Nakasalalay sa iyo, Nate, ang kaligtasan ng aming kaharian. Pakiusap, tulungan mo kami. Dahil kapag nahuli ang lahat, maaring kaligtasan na mismo ng buong mundong ito ang nakataya. At ang mas nakakapangamba na pinakamalalang maganap, maging ang mundo ninyong mga tao ay madamay. Ang buong daigdig na ito ay masisira."

Iyon ang sinabi ni Reyna Kheizhara. Campus celebrity ako sa mundo ng mga tao, dito superhero? Oh, shit!

Bab berikutnya