Lahat kaming nasa kwarto ay pawang nabigla't natigilan dahil hindi namin inaasahan ang pagdating niya. Lahat kami nakatulala lang at di makagalaw.
Alam kong wala siyang kasalanan dito pero hindi ko pa rin mapigilan ang sarili kong mainis sa kanya. Alam niyo 'yung pakiramdam na mapapatanong ka nalang sa sarili mo kung, 'Ano bang meron siya na wala ako?' Mas matatanggap ko pang lalaki din ang kaagaw ko kay MJ dahil 'yon kahit pa'no ay pwede kong hamunin ng suntukan pero ito? 'Yung pakiramdam na babae ang kaagaw mo sa puso niya? Shey! Hindi ko alam kung paano ako lalaban kung ganito pala.
"P-Pwede ba kitang... makausap?" nauutal na sabi niya.
"Huh! Alam mo kahit babae ka, papatulan kita! Ang tibay din ng mukha mong magpakita't makipag-usap e ikaw ang dahilan ng lahat ng 'to!" bulyaw ni Ken na akmang susugurin si Annie. Buti nalang ay nahawakan siya nina Kid.
"H-Hindi ako nagpunta dito para manggulo. Nagpunta ako dito para... para ipagtapat sa'yo ang totoo," nakayukong sabi niya. "T-Tungkol 'to kay MJ." Dugtong pa niya.
"Siguraduhin mo lang na importante 'yan kundi, naku!" muling sambit ni Ken. "Tama na, Ken," awat ko sa kanya. Muli kong ibinaling ang tingin k okay Annie. May inis at inggit man ako ay pinilit kong pakalmahin ang sarili ko. "Ano bang tungkol sa kanya?"
"What?! Papakinggan mo ang babaeng 'to?! Bro! Baka dramahan ka lang niyan! Ano? Isusuko mo nalang si MJ nang gano'n gano'n?!" muling singit ni Ken.
Binalingan ko silang lahat. "Iwan niyo muna kami." Magpoportesta pa sana si Ken ngunit agad siyang pinigil at hinila palabas ni Kid. "Tawagin mo lang kami kung may kailangan ka." Ani Kid saka isinara ang pinto.
Napabuntong hininga ako at muling bumaling kay Annie na nakatayo pa rin at nakayuko sa gilid. "Upo ka," anyaya ko sa kanya habang iginagaya ang upuan sa tabi ng higaan ko. Agad siyang umupo doon ngunit hindi pa rin nag-aangat ng tingin.
"Ano bang kailangan mo?" tanong ko sa kanya sa malamig na tono. Pilit kong isinasaksak sa isip kong babae siya at ayokong magwala sa harap niya.
Bumuntong hininga siya at nang mag-angat siya ng tingin ay nakita ko ang nagtutubig niyang mga mata. "U-Unang una, gusto kong humungi ng paumanhin dahil alam kong ako ang dahilan ng pagkakaaksidente mo." Sa isip ko ay napa-ismid ako sa sinabi niya ngunit nanatili akong walang kibo.
"Nagpunta ako dito para ipagtapat sa'yo ang katotohanan tungkol sa'min ni MJ," aniya. 'Na ano? Na mag-asawa na talaga kayo? Hindi lang magkarelasyon?!' sagot ko sa kanya sa isip ko.
"Hindi ako girlfriend ni MJ. Bestfriend ko lang siya at hindi kami magkarelasyon o anuman liban sa mag-bestfriend." Salaysay niya dahilan para mapaawang ang bibig ko.
"P-Pero... B-Bakit... S-Sabi niya..." hindi ko maituloy ang sasabihin ko sa pagkabigla. So nagsinungaling siya sa'min... sa'kin? Bakit?
"Ilang linggo na ang nakakalipas ay nakipagkita siya sa'kin at sinabing may nangungulit daw sa kanya na kaibigan niya. Akala ko naman ay nangungulit lang na inaasar o anuman pero sabi niya ay nangungulit na nanliligaw," saglit siya huminto para punasan ang kanyang mga pisngi saka muling nagpatuloy, ngayon ay nakatingin na sa'kin. "Nabigla ako, oo. Dahil ngayon nalang ulit may nanligaw sa kanya... matapos ang pagbabago niya." Doon ako sa idinugtong niya sa huli napakunot. Pagbabago? Anong pagbabago? "Hindi ganyan ang dating MJ, Felix. Hindi siya astang tambay, palamura, lasenggera at kilos lalaki. Kabaligtaran no'n ang dating MJ."
Tuluyang nagsalubong ang kilay ko sa mga sinabi niya. "Kung ganon, bakit siya nagbago? Bakit siya naging ganyan?" naguguluhang tanong ko.
"Maniniwala ka bang dahil lahat 'yon sa lalaki?" pagbabalik tanong niya. Hindi ako nakakibo. "Elementary palang, magkaibigan na kami ni MJ. Bestfriends ang turingan namin, at hanggang ngayon, ang isa't isa ang takbuhan namin sa tuwing may problema kami." Aniya. Naalala ko si Drei dahil ganun din kami. "Saksi ako sa kung sino at ano siya noong elementary kami hanggang noong nag-high school kami. Nagkahiwalay lang kami nang mag-transfer siya sa school niyo noong nag-Grade 9 kami. Do'n siya nagsimulang magbago."
Naglabas siya ng isang litrato at iniabot ito sa akin. "'Yan ang dating MJ. Kabaligtarang ng nakikita mo ngayon." Aniya habang pinagmamasdan ko ang babaeng nasa larawan. Ibang iba nga ang itsura niya dito. Ibang iba din ang mga ngiti niya, lalo na ang kislap ng mata niya.
"Madalas siyang tawaging anime o cosplayer noon dahil sa mga porma niya. Hindi naman siya fan ng KPOP o JPOP pero mahilig siya sa ganyang style. Patong patong na damit na sa atin kung titingnan ay weird dahil ang init init. Pero sa kanya, keri lang," aniya na may bahid ng tuwa habang ikinikwento ito sa akin. Para bang muling nananariwa sa alaala niya ang dating MJ. Pakiramdam ko nakikita ko rin ang MJ na inilalarawan niya.
"Masiyahin siya, mahilig pumorma at palaging priority ang pag aaral. Gusto niya palaging may award para daw matuwa ang parents niya sa kanya. Para daw maipagmalaki siya nila Tita. Pero nasira ang lahat ng 'yon nang pumasok si Kiel sa eksena." Huminto siya at nabatid ko ang halong inis at galit sa boses niya. Bakas din 'yon sa mga mata niya. "Siya ang pesteng first love ni MJ pero niloko siya." Nagulat ako sa narinig ko. Kung gano'n ay dahil ito sa isang lalaking nanloko sa kanya? Dahil sa masamang experience niya?
"Si Kiel ay isa sa mga kilalang tao sa school namin noon. Marami ang nagkakagusto sa kanya dahil matalino, gwapo, dancer, at magaling magpaikot sa salita. Sa kasamaang palad ay isa si MJ sa nabihag ng lokong 'yon. Isa siya sa mga babaeng naghangad na sana ay magkagusto din ang isang "popular guy" sa school sa kanya. Alam mo na, karaniwang teen age dream ng isang grade 8 na babae. May pagka-hopeless romantic kasi si MJ sa totoo lang. Minsan din siyang naniwala sa mga prince charming, knight in shining armor, fairy tale at happily ever after. Pero lahat 'yon nasira.
"Nagkatotoo ang pangarap niya. Napansin siya ni Kiel at kalaunan ay niligawan. Roses, chocolates, teddy bears, sweet surprises—lahat 'yon naranasan niya nang niligawan siya ni Kiel. Ang gaga, syempre kilig na kilig dahil unang una, napasin siya ng crush niya, pangalawa, maraming babae ang inggit na inggit at naghahangad sa kung anong nararanasan niya. At dahil nga head over heels siya kay Kiel, di nagtagal ay sinagot niya ito." Saglit akong napaisip sa sinabi niya. Kaya pala lahat ng mga ginawa at ibinigay kong effort ay wala lang sa kanya. Kaya pala laging may bahid ng inis ang mga kilos niya tuwing susurpresahin ko siya. Lahat pala 'yon nagpapaalala ng nakaraan niya.
"Nagtagal sila ng five months. Sa totoo lang ay ayoko na agad sa Kiel na 'yon para sa kanya dahil pakiramdam ko may masamang bilabalak lagi. Ayoko sa mga tingin niya at ayoko sa ugali niya. Isa siyang malaking GGSS! Lalaking gwapong gwapo sa sarili at masyadong confident! Akala mo lahat ng babae, may gusto sa kanya! Pero hindi nakaiwas si MJ sa sumpang isinabog ng lalaking 'yon kaya naging tanga siya. Naging sanhi rin ng away namin ang Kiel na 'yon dahil natuto na siyang magbisyo. Akalain mo ba namang ang mala-anghel na mukha ng mokong ay may demonyong anyo pala talaga? Inaaya niyang gumimik si MJ kahit gabi na. Natuto siyang tumakas sa bahay nila para lang makasama sa gimik nila Kiel. 'Yun pala, may masama talagang balak si Kiel sa kanya.
"Nang matunugan ko ang planong 'yon ng mga barkada ni Kiel, agad kong sinabi 'yon sa mga magulang niya. Sumunod kami sa bar na pinuntahan nila na sa hindi namin malamang dahilan ay nakapasok sila, gayong puro minor de edad sila. Nadatnan namin si MJ na wala sa sarili dahil sa kalasingan. Napapalibutan sila nung mga barkada ni Kiel." Natigilan siya at napansin kong nakakuyom ang mga kamay niya, bakas ang galit sa kanyang mga mata at marahas niyang pinahiran ang luhang nagbabadyang tumulo. "N-Nadatnan naming pinaghahahalikan ni Kiel si MJ. Nakababa ang strap ng damit niya kaya kita ang itaas ng dibdib niya. Nagkakatuwaan sila at may isang nagvi-video ng kahayupan ni Kiel at balak daw nilang ipakalat sa buong school ayon sa narinig ko.
"Pinagsusuntok ni Tito Jun si Kiel habang kami naman ni Tita Jenny ay agad na dumalo kay MJ para ayusin siya at ilabas sa kasuklam suklam na lugar na 'yon. Nang mahimasmasan si MJ kinabukasan ay pinagalitan siya ni Tito, si Tita naman ay puro pag-aalo lang ang nagawa dahil hindi niya rin kayang pigilin ang galit ni Tito. Nagreklamo sila pero na-dismiss ang kaso dahil na rin sa koneksyon ng pamilya nina Kiel. Matatapos na ang school year no'n pero hindi na nagpapasok si MJ. Sa tuwing pupuntahan ko siya sa bahay nila ay tulala lang siya at nakaupo sa kama niya. Hindi rin daw siya lumalabas ng kwarto magmula no'n at hindi rin makausap. Ayon sa doctor ay na-trauma daw si MJ dahil sa nangyari.
"Lumipas ang ilang buwan ay bumuti buti ang lagay ni MJ. Nakakausap na namin siya ulit, nakakatawa na siya ulit, akala namin ay okay na talaga siya pero maskara lang pala ang lahat ng 'yon. Nang minsang magkausap kami, ilang linggo bago muling magpasukan ng Grade 9, sinabi niya sa'king lilipat siya ng school. Masakit man pero naiintindihan ko. Kasi alam kong masakit sa kanya 'yung nangyari. Lalo pa't nalaman naming kaya lang pala siya niligawan ni Kiel ay dahil sa pustahan. Tapos ay kung makukuha rin niya ang puri ni MJ.
"Akala ko no'n magiging man-hater siya nang dahil sa nangyaring 'yon pero hindi. Nagkilos lalaki siya, nagbihis lalaki, natutong magmura—lahat. Nagbago siya nang tuluyan. Nakakatawa mang isipin na imbes na lumayo siya sa mga lalaki ay mas lumapit pa siya sa mga 'to. Pero sabi niya, kaya niya daw ginagawa 'yon ay para maging malakas siya. Para daw kaya niyang tablahin ang kung anumang feelings na mararamdaman niya sa mga lalaki. Para daw hindi na siya ma-in love at magpaka-tanga ulit. Kasi feeling daw niya, lalaki rin siya. Kumbaga, naging defense mechanism na niya ang gano'n... para protektahan niya ang sarili niya."
Sa buong panahong isinasalaysay niya 'yon ay tahimik lang ako. Pero nang nabanggit niya ang tungkol dun sa Kiel na 'yon ay di ko rin napigilang mapakuyom at magalit. Kaya pala gano'n nalang ang pagtanggi't pambabara niya sa'kin. Kaya pala gano'n nalang ang pagtulak niya sa'kin palayo sa kanya. Kaya pala.
"Felix," pagtawag niya dahilan para mapatingin ako sa kanya. "Nakita ko kung paano ka tumingin kay MJ noong gabi ng overnight niyo... sana. Nakita ko kung paano ka mag-alala sa kanya, sa pag-inom niya at sa kapakanan niya. Nakita kong mabuti ang intension mo sa kanya. Nakita kong lahat 'yon sa mga mata mo, sa mga kilos mo, sa'yo mismo." Aniya at hinawakan ang kaliwang kamay ko at marahang itong pinisil.
Napatingin ako doon atsaka sa kanya ulit at nakita ko ang nagsusumamo niyang mukha. "T-Tulungan mo akong ibalik ang dating MJ," aniya kasabay ang pagtulo ng mga luha niya, "Tulungan mo akong ibalik ang bestfriend ko sa dati. Sa dating siya, sa dating Mary Jane na nakilala't nakasama ko. Pakiusap, Felix. Ikaw nalang ang taong nakikita kong may potensyal na basagin at yanigin ang bakod na binuo niya sa puso niya. A-Alam ko kung paano siya magsimulang magkainteres sa isang tao... sa isang lalaki. At sa tingin ko ay unti unti, nagkaka-epekto ka sa kanya. Tulungan mo ako... pakiusap."