Kinabukasan, eto ako sa Canteen at palingon lingon sa paligid. Hindi ako mapakali at hindi ko rin alam kung bakit. Nakaupo akong mag-isa sa isang round table nang makita ko sina Kid at Ken na parehong abalang nakatutok sa cellphone at tablet nila. Tinawag ko sila at kinawayan para maupo sa table na kinauupuan ko.
"Oy, pre. Ba't di ka sumama sa tropa ngayon? Andun sina Ben sa may labas, ah. Doon sa may garden banda." Ani Ken na hindi pa rin naaalis ang tingin sa cellphone niya.
"Oo nga. Teka, kain na tayo, pre. Gutom na ako, e," aya naman ni Kid at noon lang sila bumitiw ng tingin sa mga gadgets nila. "Anong sayo, pre? Isasabay ko na."
"'Yung kagaya nalang ng inyo." Sagot ko lang at nagpakaabala kunyari sa librong binabasa ko.
Naiwan akong mag-isa doon at di rin naman nagtagal at bumalik na rin sila agad. Ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit masyado silang nakatutok sa mga gadget nila na animo'y may binasa.
"Pre, anong chapter ka na? Takte, nawawala na ako sa binabasa ko, e." Ani Ken sabay tingin sa tablet ni Kid. "Malayo layo na ako, e. Andun na ako sa part na kinidnap si Summer tas ginawa siyang test subject. Tangna, pre! Ang intense ng mga eksena!" sagot ni Kid na ikinakunot ng noo ko.
Chapter? Summer? Test subject?
"Ano ba 'yang pinagkakaabalahan niyong dalawa at hindi mapuknat ang tingin niyo sa mga gadget niyo, ha?" kunot noong tanong ko saka hinila palapit sa akin 'yung mga hawak nila. Natigilan ako nang makita o mas tamang mabasa ko kung anong pinag kakaabalahan nila. Napabunghalit ako ng tawa at naiiling na tiningnan silang dalawa. "Ano nga ulit 'yung sinabi mo sa'kin, Ken?" tumikhim ako at nakangiting tiningnan siya, "Tanginang pag-ibig 'yan! Hahamakin ang lahat, miski pagbabasa sa Wattpad? Hahahah! E pati pala kayo, e!" bulalas ko at muling tumawa.
"Gago ka, pre. Dinadamayan ka lang namin sa bago mong bisyo tas ganyan ka pa!" ani Ken saka ipinatong sa ibabaw ng lamesa ang cellphone niya.
"Oo nga. Tsaka ikaw na rin ang nag-engganyo sa aming magbasa kaya... eto, nagbabasa na rin kami." Dagdag naman ni Kid na isinara muna ang tablet niya at humigop ng juice na hawak niya.
Bahagyang nawala sa isip ko 'yung kanina ko pang pinoproblema dahilsa kanilang dalawa. Nakakatawa kasing isipin na kung sino pa 'yung pinagtatawanan ka ilang araw palang ang nakakalipas e, nagbabasa na rin. Hahaha! Tapos mukhang humaling na humaling pa sila dun sa binabasa nila.
"Ano bang title n'yang binabasa niyo? Saka sinong author?" tanong ko habang kumakain kami.
"Teka... ah! Montello High," sagot ni Ken saka muling sumubo ng pagkain niya.
"Si Siel... Sielalstreim! 'Yon! Kabulol i-pronounce! Ang galing niya in fairness. Ang astig nung mga eksena. Mafia wars, reapers, gangsters—astig!" ani Kid na kakikitaan talaga ng paghanga sa kanyang mukha. "Nabasa mo na ba 'yo, pre?"
Umiling ako at humigop ng juice. "Hindi pa. Pero ni-recommend sa'kin ni MJ 'yan. Isa nga 'yan sa pinili niya nung nagpunta kami ng NBS, e." Natigilan ako nang manumbalik sa isip ko 'yung usapan namin sa chat kagabi. "Ay, shey! Speaking of MJ! Pinagtataguan ko nga pala siya dahil sa sinabi ko kagabi!" sabi ko at napasapo ng noo ko.
Napakunot naman ang noo ni Ken at nagtatakang tumingin sa akin. "Bakit? Ano bang sinabi mo?"
Pabagsak akong sumandal sa upuan at bumungtong hininga. "Sabi ko gusto ko siya." Pag amin ko na ikinatahimik nila.
"So... anong naging reaksyon ni MJ?" tanong ni Kid.
"Teka teka... huhulaan ko. Hindi siya naniwala, 'no?" ani Ken na may nakakalokong ngisi sa labi. Tumango ako at muling bumuntong hininga, na naging hudyat para tumawa siya ng parang tanga. "Hahahah! Sabi na, e! Failed ang confession mo, pre! Hahahaha!"
Binatukan siya ni Kid dahil nakakaagaw na kami ng atensyon. Sinamaan ko nalang siya ng tingin dahil wala rin naman akong magagawa. Totoo naman kasi, e. Failed talaga.
"Teka nga, Felix. Ikwento mo nga 'yung buong pangyayari? Paano mo ba sinabi?" ani Kid na itinukod ang kanyang siko sa lamesa at nangalumbaba.
"Ka-chat ko kasi siya kagabi. Ginaya ko pa nga 'yung sa nabasa kong kwento, e. 'Yung 23:11 ni Pilosopotasya. Pinalitan ko 'yung pangalan ko sa fb tas ayun, chinat ko siya. Inabot kami ng hanggang alas dose sa pagcha-chat ta's nung bandang huli na, sinabi ko, "Alam mo ba kung anong pinag kapareho natin kina Rico at Jhing?" ta's sabi niya, "Ano?" sabi ko, "Kung si Rico, gusto si Jhing. Ako, gusto kita." Ta's alam niyo ba kung anong sagot niya?" tanong ko at nilingon 'yung dalawa.
"Ano?" sabay na sagot nila na tila nagpipigil na ng tawa.
Bumuntong hininga ako at dunmukdok sa lamesa. "Sabi niya, "Tangina mo! Wag mo kong banatan ng ganyan! Humanda ka sa'kin bukas!" ta's nag-log out na."
At dahil nga 'tunay' na kaibigan ang dalawang 'to, ayun, humagalpak sila ng tawa at nakahawak pa talaga sa mga tiyan nila. Minsan nakaka-gago din 'yung mga kaibigan mong ganito, e. Tipong kailangan mo ng karamay, ayun at tatawanan ka pa nila. Aist!
"Hahahaha! Tangina, pre! Hahaha! Teka... di na ako makahinga!" ani Ken na naluluha pa sa kakatawa. Ganun din si Kid na kanina, kung makasaway kay Ken kala mo matino, nun pala ganun din siya.
"Pambihira naman kayong dalawa, e. Kailangan ko ng karamay dito tas tatawanan niyo lang ako? Ganyan kayo, e!" sabi ko sabay hampas sa lamesa.
"Hahahah! Sorry, Felix. Haha! E, kasi naman. Ba't naman kasi sa chat mo sinabi na gusto mo siya? Ba't di nalang sa personal para mas may dating, 'di ba?" ani Kid na unti unti nang nakaka-recover sa kakatawa.
"Oo nga, pre! Kahina mo rin naman pala, e! Dad a moves ka nalang, sa fb pa? Hahaha! Nababahag lang ata ang buntot mo kay MJ, e!" dagdag pa ni Ken.
Napakamot nalang ako ng ulo ko at bumuntong hininga. "E, di ba nga sabi ko sayo kahapon, Kid, magpaparamdam lang muna ako. May balak naman talaga akong sabihin sa kanya ng harapan pero syempre, gusto ko munang dahan dahanin ang lahat sa kanya. Alam niyo naman kung paanong mag-react si MJ, 'di ba?"
Tumango tango si Kid at humawak sa baba niya. "Sa bagay tama ka. Pero paano ang gagawin mo mamaya pag nakasalubong natin sila? Alangan namang di mo pansinin 'yon dahil lang sa nahihiya ka."
"Alam ko 'yon. Kaya nga naisip ko, mamayang uwian, sasabihin ko sa kanya ng personal para malaman niyang seryoso ako sa sinabi ko kagabi."
"Good luck, pare. Basta nandito lang kami sa likod mo. Galingan mo na nga lang mamaya sa pag iwas sa suntok ni MJ. Hahahaha!" ani Ken na ikinangiti ko nalang. "Sira ka talaga." Naiiling kong sabi.
~ ~ ~ ~ ~
Lumipas ang oras at eto, uwian na. Katabi ko sina Kid at Ken na abala din sa pag aayos ng mga gamit nila.
"Oy, pre. Ano? Ok ka na? Ayun na sina Ben, o," aniya sabay turo sa may pinto kung saan nakatayo at nagtatawan sina Ben. At nakita ko rin si... MJ.
"Pare, parang bigla na naman akong kinabahan, ah." Bulong ko kay Kid na nasa tabi ko at kasabay kong naglalakad patungo sa kanila.
"Ayos lang 'yan, pre. Normal 'yan." Bulong niya at tinapik ako sa balikat.
Nang makarating kami sa kinatatayuan nila ay nagbatian kami sa pamamagitan ng pag-aapiran. Nagtatawanan sila nang makalapit kami at mukhang may ikinekwentong nakakatawa si MJ sa kanila.
"Tangina! Natatawa ako kina Jin kagabi, e! Kahit kelan talaga napakahihina sa inuman! Hahahah!" halakhak niya na para bang musika sa pandinig ko. Putcha. Kinikilig ata ako!
Bumaling siya ng tingin sa akin at bahagyang napakunot ang noo niya. Nako. Eto na ata ang kanina po ko pang iniiwasan.
"Maalala ko, tangina 'tong si Felix kagabi, e. Nang gagago ba naman sa chat? Hahaha! Kung kaharap kita kagabi, na kotongan kita ng isang malupet!"
Napalunok ako at napatingin kina Kid at Ken na sabay pang nag-fist pump na parang nagsasabing, 'Kaya mo 'yan!'
Tumayo ako ng maayos at bahagyang humugot ng hininga. Tinitigan ko siya diretso sa mata at sinabing, "Seryoso ako sa sinabi ko sayo kagabi, MJ. Hindi kita binibiro o ginagago dahil seryoso ako." Pahayag ko na ikinatahimik ng lahat. Lalo na siya.
"Gago ka, Felix. Sabihin mong nagbibiro ka lang habang may pagkakataon ka pa," banta niya. Kita ko na ang pagtataka sa mga mukha ng mga kaibigan namin, dama na rin siguro nila ang tila namumuong tension sa pagitan naming dalawa ni MJ.
"Teka nga! Ano bang pinag aawayan niyo? Ano ba 'yung sinasabi mong sinabi ni Felix sayo, ha MJ?" tanong ni Jin. Bumaling sila ng tingin kay MJ na tila inaantay ang sasabihin nito ngunit nanatili lamang siyang tikom ang bibig.
"Pre, Felix. Ano ba kasign sinabi mo dito kay MJ at parang gusto ka nang suntukin?" usisa naman ni Kevin at sa akin naman nabaling ang atensyon nila.
Lumakad ako palapit kay MJ hanggang sa magkatapat na kami. Hindi ko inaalis ang tingin ko sa kanya at sinabi, "Sabi ko sa kanya, gusto ko siya." Sagot ko at nakarinig ako ng mga pagsinghap.
"Whoa! Teka, teka, teka, ibig mong sabihin Felix, may gusto ka dito kay MJ?"
"Pero, pre! Alam mo namang na walang talo talo sa tropa natin di ba?"
"Tangna ka, Felix! Kaya pala iba ka kung makatingin kay MJ, ah! May HD ka pala!" samut-saring reaksyon at komento nila. Pero wala akong pakialam dahil ang buong atensyon ko ngayon ay nakatuon kay MJ na nag-iiwas ng tingin at tila ba namumula. Do I have an effect on her?
"MJ," pagtawag ko sa kanya. "Tumingin ka sa'kin at makinig kang mabuti sa sasabihin ko." Tumingin naman siya sa'kin ngunit parang may halong galit at pagka inis ang mga emosyong ipinapakita ng mga mata niya. Napansin ko ring ikinukuyom niya ang mga kamao niya na tila ba may pinipigil siya sa sarili niya.
"Ikaw ang makinig sa'kin, Felix," aniya. "Kung ikaw e, nagtitrip lang at walang magawa sa buhay mo na matino, ngayon palang binabalaan na kita. Oo kaibigan kita pero, TANGINA! Kun ginagago mo lang ako, tumigil ka na bago pa kita masapak ng isa!" bulyaw niya.
Bumuntong hininga ako sa bahagyang bumaling sa ibang direksyon, "Alam mo? Matagal ko nang gustong gawin 'to, e," sabi ko saka ko inilapat sa kanya ang labi ko. Muli akong nakarinig ng mga pagsinghap at ramdam ko din ang gulat niya dahil nanlaki ang mga mata niya at tila na estatwa siya. Bumitiw ako at tinitigan siya sa mata. "One cuss, one kiss." Ngisi ko ngunit tila hindi pa rin siya nakaka-recover.
Hinawakan ko ang magkabilang pisngi niya at sinserong sinabing, "Gusto kita, MJ. Hindi kita ginagago o pinagti-tripan dahil kung anoman ang sinabi ko sayo kagabi at ang sinabi ko rin ngayon, lahat 'yon totoo. Gusto kita at handa akong patunayan sayo na seryoso ako. Manliligaw ako, ah?" sabi ko saka ngumiti sa kanya.
Bahagya akong dumistansya at hindi mawala sa labi ko ang ngiti. Sa wakas! Nasabi ko din ng harapan sa kanya!
"At, oo nga pala. Sa tuwing maririnig kitang magmumura, alam mo na kung ano ang magiging parusa." Kinindatan ko siya at tumalikod, lumakad ako palapit kina Ken na hindi na rin mawala ang ngiti sa labi.
"Nice move, pre!"
"Ang lupit mo, tsong! Ikaw na talaga!" Anila na ikinatawa ko lang.