webnovel

C-44: THE PAST "Anselmo Dominguez"

Sta. Barbara, Iloilo city

Ang nakaraan sa Hacienda Caridad...

"Hanggang ngayon ba nagmamatigas pa rin sila? Hindi ba ang sabi ko gumawa ka ng paraan at wala akong pakialam kahit anong paraan ang gawin mo! Magbayad ka o pumatay ka, wala akong pakialam! Basta ang gusto ko mapunta sa'kin ang lahat ng kung ano man ang meron sila, naiintindihan mo!"

Malakas na bulyaw ni Anselmo sa kanyang tauhang si Gido.

Si Gido ang pinagkakatiwalaan ni Anselmo sa lahat, ito rin ang pumapapel bilang kanyang kanang kamay.

"Pero ayaw talaga nilang ipagbili ang lupa nila Boss at patuloy pa rin silang nagmamatigas! Lalo na ang Darius na 'yun! Akala mo kung sinong magsalita, Boss?" Pangangatwiran ni Gido lalo pa nitong ginatungan ang nakitang nagbabadyang galit ng sariling amo.

"Kaya titigil ka na at hahayaan mo na lang sila ganu'n ba?"

"Hindi naman po sa ganu'n Boss! Humahanap lang po kami ng t'yempo!" Muling paliwanag nito.

Matagal nang gustong bilhin ni Anselmo ang lupain na pag-aari ng mag-asawang Darius at Annabelle Ramirez. Pero patuloy na tumatanggi ang mag-asawa.

"Naiinip na ako... Talaga bang sinusubukan ang pasensya ko ng hayup na Darius na 'yan! Lalo lang siyang magiging mayabang kapag pinagtagal n'yo pa 'yan!"

"Konting pasensya po Boss magagawan din namin 'yun ng paraan."

Si Anselmo Dominguez ang isa sa pinakamayamang Haciendero sa bayan ng Sta. Barbara. Kaya hindi kataka-taka na mabili niya ang mga lupain sa kanilang lugar kusang loob man o sapilitan.

Kilala si Anselmo na matigas ang loob walang awa at marahas. Kaya hindi nakapagtataka na takot sa kanya ang mga tao sa kanyang nasasakupan. Palibhasa malakas din ito sa mga pulitiko na sinusuportahan nito tuwing eleksyon.

Handa itong gumastos ng malaki masiguro lang nito na makakuha ng proteksyon. Handa rin nitong tapalan ng salapi ang sino mang mukhang pera sa kanilang lugar.

Laging pera ang pinapagana nito makuha lang ang gusto. Kaya sa isip nito ang lahat ay kaya nitong bilhin kahit pa ang buhay mo.

Kahit pa alam na alam din ng lahat kung saan ito nagmula...

Alam ng lahat na isa lamang din itong tagabungkal ng lupa noon. Dati itong tauhan ng Hacienda Caridad na pagmamay-ari noon ng angkan ng mga magulang ni Annabelle.

Ampon si Anselmo ng  mag-asawa na dating katiwala ni Donya Caridad Ga-an ang Lola ni Annabelle. Pero sabay namatay sa aksidente ang dalawang  matandang katiwala kung kaya naiwang mag-isa si Anselmo.

Dahil sa ulila na ito kung kaya't kinupkop pa rin ng pamilya Ga-an si Anselmo. Bilang pagtanaw sa matagal na serbisyo ng dalawang matandang katiwala.

Mula noon itinuring na si Anselmo na myembro ng pamilya. Binihisan, pinag-aral at itinuring na parang tunay na rin nilang anak.

Naging malapit din ito sa pamilya Ga-an lalo na kay Annabelle. Dahil sa nag-iisang anak lang din si Annabelle ng kanyang mga magulang kaya naman itinuring din s'ya nito bilang nakatatandang kapatid.  

Hanggang sa nagdalaga si Annabelle kuya kung ituring niya si Anselmo. Subalit iba ang pagtingin sa kanya ng binata. Dahil lihim siyang minahal nito nang lingid sa kaalaman ng lahat. Subalit nanatiling kapatid lamang ang pagtingin dito ng dalaga.

Hanggang sa mag-aral si Annabelle sa Maynila at makilala nito si Darius.

Doon na nagsimulang bumangon ang matinding panibugho sa katauhan ni Anselmo. Hindi nito matanggap ang kabiguan sa dalaga. Lalo na ang makita ito sa piling ng iba.

Hindi alam ng pamilya Ga-an na sa kabila ng lahat, magagawa pa rin pala nitong traydurin ang pamilyang kumupkop dito. Makagagawa pala ito ng kasamaan sa pamilya, lalo na kay Annabelle na para na rin nitong tunay na kapatid.

Dahil nang minsang pumunta ng bayan ang mga magulang ni Annabelle at naiwan siyang mag-isa lang sa bahay.

Pagkakataon na sinamantala ni Anselmo upang gawin ang matagal na nitong plano.

Dahil sa tiwala kaya hindi naman akalain ni Annabelle na may masama pala itong balak na magagawa pala nitong siya ay pagsamantalahan ng araw na iyon.

Noon naman dumating ang kanyang Lola Caring. Dumating ito sa aktong dinadahas ni Anselmo ang apo nito na si Annabelle kung kaya't napatigil ito. Subalit huli na nagawa na nitong yurakan ang kanyang dangal.

Ang mas nakakalungkot pa nang araw ding iyon...

Dahil sa pagpigil ng kanyang Lola Caring kay Anselmo pasalya itong naitulak ng binata na naging dahilan ng pagkabagok ng ulo nito sa sementadong dingding. Kahit agad itong naisugod sa ospital binawian pa rin ito ng buhay.   

Dahil sa nangyari nagalit ang kanilang angkan kay Anselmo kung kaya't ninais nila itong makulong. Dahil sa kasamaan nito at upang magsilbing leksyon sa ginawa nito.

Subalit nagawa nitong baligtarin ang katotohanan... Kung paano ito nakakuha ng magaling na abogado na tumulong sa binata upang mapawalang sala ay hindi nila alam.

Ang alam lang nila noon ginamit nito ang katalinuhan at ang pagiging tuso upang baligtarin ang kaso. Ang nakakalungkot pa sa huli ito pa lumabas na inapi at naging kawawa.

Hanggang sa tuluyang nang ma-dismissed ang kaso at maligtasan nito ang batas.

Pagkatapos nang lahat bigla na lang itong nawala sa Sta Barbara o hindi na nagpakita. Ang buong akala nila hindi na ito muli pang babalik subalit.

Makalipas ang mga araw, buwan at taon...

Hindi na nakapagtapos pa nang pag-aaral si Annabelle at Darius.

Simula kasi ng mangyari ang insidenteng iyon hindi na iniwan pa ni Darius si Annabelle. Lalo na at nagkasakit ito at natrauma sa nangyari noon. Labis nitong dinamdam ang nangyari sa sarili at dagdag pa ang nangyari sa Abuela nito. Nalungkot ito ng sobra hanggang sa nauwi sa depresyon. Muntik pa nga nitong kitlin ang sariling buhay. 

Pero dahil sa matiyagang pag-aalaga at sa pagmamahal ni Darius muli itong sumigla at nabuhayan ng loob. 

Hindi na rin bumalik pa si Darius sa Maynila. Dahil na rin sa naging problema nito sa pamilya at sama ng loob kaya nanatili na lamang ito sa Sta. Barbara.

Walang nagawa ang mga magulang ni Annabelle kun'di ang ipakasal sila ng mas maaga. Para na rin makaiwas sa tsismis at kahihiyan ang kanilang pamilya.

Nagpakasal si Darius at Annabelle, pinatunayan ng binata ang tapat na hangarin at pagmamahal niya sa dalaga sa kabila ng lahat ng nangyari.

Naging masaya ang pagsasama ni Darius at Annabelle at pinilit rin nilang kalimutan ang mga nangyari. Bumuo sila ng pamilya kasama ang kanilang mga anak.

Masaya na sana ang kanilang pagsasama saka naman dumating ang taong labis na nagpagulo ng tahimik nilang pamumuhay.

Dahil sa pagkamatay ng kanilang Lola nalaman na lang nila na lubog sa utang ang Hacienda at nakasanla pa ito sa Bangko. Ang buong akala nila maayos ang takbo nito at walang problema. Dahil wala naman sinasabi ang kanyang Lola Caring.

Pilit nila itong isinalba kasama ang kanyang mga magulang at mga kaanak sa tulong ni Darius.

Subalit kung kailan malapit na sana silang makabawi at konting panahon na lang sana ang kanilang hinihintay. Saka naman nagkaroon pa ng malaking sunog sa Hacienda.

Nakapagtataka man kung ito ba ay sinadya o aksidente lang?

Wala na rin silang nagawa pa kun'di ang tanggapin na lang ang nakakalungkot na pangyayari.

Isang araw isang nagpanggap na pilantropo ang nag-alok ng tulong sa isa nilang kaanak. Ang buong akala nila hindi ito magiging problema. Dahil na rin sa desperasyon kaya malugod nila itong tinanggap.

Huli na nang mabatid ng ama ni Annabelle na isa pa lang maling hakbang at pagkakamali ang kanilang nagawa.

Isang araw nagulat na lang ang lahat sa pagdating ni Anselmo sa Hacienda Caridad. Pero kung nagulat man silang lahat sa biglaang pagsulpot ni Anselmo. Mas higit silang nagulat sa totoong pakay nito ng araw na iyon.

Kasama nito ang abogado at mga tauhan pati na ang Chief of police ng kanilang bayan. Sinigurado talaga nito na makukuha ang gusto.

May dala rin itong mga katibayan at dokumento na nagpapatunay na ito na ang nagmamay-ari ng Hacienda Caridad. Dahil sa galit at matinding sama ng loob. Hindi na nakapagtimpi pa ang ama ni Annabelle.

Nagawa nitong itaas ang hawak nitong itak upang sana ay itutok kay Anselmo. Subalit bago pa man ito nakalapit sa binata ay pinaputukan na ito ng baril ng mga tauhan ng huli.  

Isang masamang trahedya ang naganap at wala silang nagawa. Ano bang laban nila wala silang armas, maliban sa itak ng ama ni Annabelle. Samantalang ang mga ito ay kargado ng iba't-ibang uri ng armas. Bukod pa sa kasama ng mga ito ang Hepe ng pulisya.

Kaya wala silang nagawa kun'di ang tumangis at pwersahang lisanin ang Hacienda. Ang higit na masakit hindi lang isa kun'di dalawang buhay na naman ang nawala sa kanilang pamilya ang ama at ina ni Annabelle na pilit nilang inilabas ng Hacienda. 

Hindi na kasi nakayanan ng ina ni Annabelle ang mga nangyari lalo na ang nangyari sa kanyang bigla na lang itong kinapos ng hininga at doon mismo binawian ito ng buhay.

Pilit namang nagpakatatag si Darius alang alang sa kanyang pamilya. Kailangan niyang ilabas ang kanyang mag-iina sa loob ng Hacienda nang araw na ding iyon. Mula sa tulong ng mga kaanak ng kanyang asawa nailabas ang katawan ng kanyang mga biyenan.

Bago pa man sila makalabas ng Hacienda para silang mga asong pinaglaruan muna ni Anselmo. Puro bugbog at pasa ang inabot niya sa kamay ni Anselmo at sa mga tauhan nito. Subalit pilit pa rin nagpakatatag si Darius para kay Annabelle na natulala na naman sa lahat ng nasaksihan.

"Ano Annabelle, nagsisisi ka na ba na hindi ako ang pinili mo?" Malakas na sigaw ni Anselmo habang nakasabunot ang kamay nito kay Annabelle.

Subalit nakatingin lang si Annabelle kay Darius na parang walang naririnig at patuloy lang na umiiyak.

"Papang... Mamang! Anong nangyayari, sino sila? Mamang!"

"A-Amanda, anak lumayo ka dito!"

Sigaw ni Darius ng makitang palapit ang anak napuno rin ito ng kaba. Bigla namang parang natauhan si Annabelle pagkakita sa anak.

"A-Amanda... Hindi! Hindi mo siya makukuha sa'kin... Hindi ko siya ibibigay sa'yo, hindi!" Histerical na sigaw ni Annabelle matapos siyang pilit kumawala sa kamay ni Anselmo at patakbo nitong nilapitan ang anak.

"Nasisiraan na yata siya ng bait Boss?" Komento ng isa sa tauhan nito.

Tila nagising at nabuhayan nang loob si Annabelle ng makita ang anak nitong panganay.   

"Amanda, anak makinig ka... Kunin mo ang kapatid mo kailangan n'yong umalis dito tumakbo kayo ng mabilis palabas ng Hacienda. Naiintindihan mo ba anak?" Pabulong niyang saad sa kanyang anak.

"O-opo Nay!"

"Napakaganda niyang bata kamukhang-kamukha mo siya Annabelle."

"Hayup ka Anselmo, h'wag kang lalapit sa anak ko!" Galit na sigaw Darius habang pilit na kumakawala sa mga kamay ng tauhan ni Anselmo.   

"Darius, Darius! Ano bang magagawa mo ha? Kung gusto ko man siyang lapitan." 

Unti-unti nga itong humakbang palapit...

"Hayup ka! Hanggang d'yan ka na lang Anselmo. Hinding-hindi mo malalapitan ang anak ko. Hangga't nabubuhay ako hindi ka makalalapit sa anak ko... Hayup!"

Malakas at matatag na sigaw ni Annabelle sa lalaki.

"Sige na anak takbo na, bilisan mo! Susunod rin kami ng Papang mo" Pagtataboy ni Annabelle sa kanyang anak.

"Opo Mamang!" At mabilis na nga itong tumakbo palayo.

"H'wag kayong mag-alala wala akong intensyon na lapitan ang batang 'yon! Kayo ang may atraso sa akin kaya kayo lang ang gusto kong magbayad."

"Napakasama mo hayup ka!"

"Pero hindi naman ako ganu'n kasama, pagbibigyan ko pa kayo makaalis dito, 'yun ay kung hindi kayo tatamaan nitong bala ko?!" Sabay kalabit nito sa gatilyo. 

Bang!

"Sige na bitawan n'yo na ang gagong 'yan! Para kasing gusto kong makipaglaro. Kayo ang tatakbo ako naman ang taya at itong bala ko ang hahabol sa inyo, okay ba 'yun?!"

"Hayup ka Anselmo, walanghiya ka!"

"Talagang walanghiya ako, dahil gago ka! Hindi mo alam kung sino ang kinalaban mo!"

"Wala kaming kasalanan sa'yo ikaw ang may kasalanan sa amin hayup ka!"

Isang malakas na pagtawa ang naging sagot ni Anselmo bago pa ito muling nagsalita...

"Hindi mo alam? Eh' gago ka pala talaga... Sa akin lang si Annabelle! Pero anong ginawa mo inagaw mo siya sa'kin."

"Wala akong inagaw sa'yo Anselmo, dahil kahit kailan hindi naging iyo si Annabelle! Dahil kahit kailan hindi ka niya nagustuhan naiintindihan mo ba 'yun?!"

"Eh' gago ka pala... Mayabang ka, Hmmmp!"

Isang malakas na bigwas sa panga ang inabot ni Darius kay Anselmo kaya sumadsad ito sa lupa. Muli itong nilapitan ni Anselmo at binitbit sa kwelyo ng damit nito.

"Tama na Anselmo tigilan n'yo na siya!" Sigaw ni Annabelle.

"Sa tingin mo ba may pakialam ako kung gusto niya ako o hindi? Ang akin ay akin, itanim mo 'yan sa kokote mo!"

"Mali ka Anselmo... Dahil kahit kailan hindi siya magiging iyo, mananatili siya sa tabi ko habang ako ay nabubuhay... Tandaan mo 'yan!" Mariin at matatag pa ring saad ni Darius sa kabila ng pananakit ng katawan.

"Ah' ganu'n ba eh' di papatayin na lang kita?!" Sabay tutok nito ng baril kay Darius. "Pero hindi pala..." Tila nagbago pa ito ng isip.

"Magiging madali 'yun para sa'yo ang gusto ko mahirapan kayong dalawa! Kaya patatakasin ko na lang kayo, hindi ba maganda 'yun!" Saglit itong tumalikod upang lumapit kay Annabelle.

Tinangka pa itong lapitan ni Darius pero hindi n'ya nagawa, agad siyang nalapitan ng mga tauhan nito at isinalya.

"San ka pupunta ha?"

"Halika dito mahal ko, lumapit ka..." Patuya nitong saad.

"Hayup ka Anselmo!" Impit na sigaw ni Darius. Wala siyang magawa dahil padapa siyang pinipigilan ng mga tauhan nito.

"H'wag kang lalapit, lumayo ka..."

Nanginginig at takot na takot na saad ni Annabelle.

"Ano ka ba Annabelle, narito si kuya hindi mo ba ako na-miss? Alam mong mahal na mahal kita kaya hindi kita sasaktan. Ikaw nga ang nanakit sa akin hindi ba? Sinaktan mo ako alam mo ba 'yun? Sinaktan mo ako! Tulad ka ng mga magulang ko na itinapon ako na parang basura. Dahil sa ipinamigay nila ako sa mga katulong kaya naman ano bang tingin nila sa akin ngayon? Hindi ba anak ng katulong? Alam mo ba kung ano pa ang higit na masakit? Kahit anong linis pa ang gawin ko sa katawan ko basura pa rin ang tingin nila sa'kin! Kaya nga hindi mo rin ako magustuhan hindi ba? Dahil anak mayaman ka at ako anak lang ng katulong n'yo! Pero ngayon sino sa atin ang mukhang basura ha?"

Muli itong lumapit sa kanya...

"H'wag lumayo ka! H'wag mo kong hahawakan..."

"Sinabi nang halika dito... Ang tigas talaga ng ulo mong walanghiya kang babae ka!"

Pahablot nitong hinatak ang buhok ni Annabelle na naging dahilan ng malakas na hiyaw nito.  

"Anselmooo!"

Humihingal na sigaw ni Darius dahil sa magkahalong galit at hirap ng loob at sakit.

Subalit makikita sa kanyang mga mata ang pangingibabaw ng takot...

Takot para sa kanyang asawa.

"Maawa ka Anselmo, pakiusap h'wag mo siyang sasaktan!"

Pagsuko, pagsuko 'yun lang ang kaya niyang gawin sa ngayon.

Para naman itong tunog ng kampana sa pandinig ni Anselmo. Bigla ito napalingon sa kanyang direksyon.

"Gan'yan nga Darius magmakaawa ka... Gusto ko 'yan! Dahil mabait naman ako kaya sige na nga sa'yo na ang babaing 'yan!" Pabalibag nitong itinulak sa direksyon niya si Annabelle. 

Halos masubsob itong bumagsak sa tabi ni Darius.

"Hayup ka Anselmo!" Gigil at halos maiyak sa galit si Darius.

"Ayoko naman na talaga sa kanya, dahil nakuha ko na ang gusto ko... Hindi ba Darius?" Humalakhak pa ito kasabay ng mga tauhan nito at ng Hepe. Bago muling nagpatuloy...

"Masarap ba ang tira-tirahan, Darius?" Humahalakhak na tanong nito kasabay ng mga naroroon.

"Hayuup! Demonyo ka Anselmo... Napakawalanghiya mo!" Nagpilit siyang makatayo.

"Demonyo pala ha!" Sabay tadyak nito sa sikmura ni Darius.

"Tama na... Tama na!" Takot na sigaw ni Annabelle.

"Sige tama na ang palabas, bibigyan ko kayo ng pagkakataon na makatakbo. Dalhin mo 'yang asawa mo at lisanin n'yo ang Hacienda ko. Mula sa araw na ito sino man sa angkan n'yo hindi na makatutungtong pa sa teritoryo ko, naiintindihan n'yo?!"

"Yon ay kung makaliligtas pa ba kayo sa tama ng bala nitong baril ko! Kaya takbo na, Darius!"

"TAKBO... DARIUS, TAKBOOO!"

BANG, BANG, BANG!

*  *  *

By: LadyGem25

Hello guys,

Kumusta po kayo? Sana nagustuhan n'yo ulit ang chapter na ito.

Siguradong marami kayong tanong? Pero masasagot nmn lahat 'yan sa patuloy n'yong pagsubaybay.

Binigyan ko kc ng role ang bawat isang karakter sa story para mas makilala natin sila.

Sa ngayon samahan n'yo muna akong balikan ang nakaraan. Kaya past muna tayo sa kilig magdrama muna tayo!

Pero sna support n'yo nmn po ako sa pamamagitan ng inyong reviews.

Para mas mapaganda pa ntin ito.

SALAMUCH!❤️❤️❤️

LadyGem25creators' thoughts
Bab berikutnya