~PAGHIHIGANTI NI ELSA~
AGAD UMUWI NG probinsiya nila si Evelyn upang ipahuli si Robert. Kasama niya ang mga pulis dala ang search warrant. Kasama rin ang land lady bilang testigo at para kilalanin ang suspek. Noong unang marinig niya ang kuwento ng matanda, may pag-aalangan pa rin siya. Ngunit nang maranasan niya at masaksihan ang karumaldumal na sinapit ni Elsa sa ika-pitong kuwarto ay lumakas ang loob niya. Natakot siyang baka danasin din ng kapatid niya ang dinanas ni Elsa.
Pagdating nina Evelyn sa bahay kanyang kapatid, naaktuhan nilang sinasaktan ng lasing na si Robert ang ate niya. Kaya agad nang kumilos ang mga pulis upang dakipin ang suspek. Ngunit nanlaban ito at hinostage ang kapatid ni Evelyn hawak ang isang kutsilyo. At kahit anong pakiusap ng mga pulis ay hindi sumusuko si Robert.
"Robert, pakiusap pakawalan mo ako. 'Wag mo akong sasaktan – buntis ako!" hagulhol na pagmamakaawa ng ate ni Evelyn habang mahigpit na hawak ng kriminal na asawa at nakatutok ang patalim sa leeg nito.
Nanlaki ang mga mata ni Evelyn at nanlambot ang mga tuhod sa narinig na sinabi ng kanyang kapatid. "Diyos ko, 'wag niyo pong pababayaan ang ate ko," dasal niya.
"Pakawalan mo ako..." isang pamilyar na boses ang narinig ni Robert. At nang tingnan niya ang hawak na hostage, nanlaki nang husto ang kanyang mga mata.
"E-E-ELSA?!" napasigaw sa pagkabigla si Robert nang makita na ang mahigpit niyang hawak at tinututukan ng kutsilyo ay ang dating kinakasamang pinatay niya.
Naitulak ni Robert ang kapatid ni Evelyn. Agad naman itong tumakbo palapit kay Evelyn na sinalubong niya ng mahigpit na yakap.
Nagtaka ang lahat sa ikinilos ni Robert. Bigla na lamang nitong pinakawalan ang halos isang oras nang hostage na asawa at nagsisigaw. Sinisigaw nito ang pangalan ng dating karelasyong si Elsa. "Elsa, patawarin mo ako, Elsa! Patawad Elsaaaa! Patawad! 'Wag kang lalapit Elsa! Lumayo kaaaaa!" paulit-ulit na sigaw ni Robert na wari mo'y tinakasan na ng bait.
"Magsasama na tayo ng anak mo, Robert. Mabubuo na ang pamilya natin." Malambing na wika ng multong si Elsa. Ngunit biglang naging mala-halimaw ang anyo. Naging napakaputla na balot ng dugo ang buong katawan at nanlilisik ang puti lang na mga mata.
"Elsa!'Waaaag!" sigaw ni Evelyn na pinagtakahan ng mga taong naroroon.
At sa mga sumunod na pangyayari, nagtilian na lamang ang mga taong naroroon sa nakitang pagkitil ni Robert sa kanyang sarili. Gamit ang hawak na kutsilyo ay paulit-ulit nitong pinagsasaksak ang sarili at nilaslas ang leeg. Bumulwak ang dugo mula sa leeg nito at agad na lamang tumumba. Sa sobrang bilis ng mga pangyayari, wala nang nagawa ang mga pulis upang mapigilan at iligtas ang buhay ni Robert. At nang lapitan ito ng mga pulis, wala na itong buhay.
NALAMAN NI EVELYN na matagal nang gustong makipaghiwalay ng kanyang kapatid sa asawang si Robert. Dahil nga sa mga naririnig nitong masamang ugali ng asawa at sa mga bisyo nito tulad ng bawal na gamot, at dahil sa pagiging sadista nito. Ngunit pinagbabantaan ito ni Robert kaya naman hindi nito magawang iwan ang baliw na asawa. Bagama't masaya na ang ate niya dahil malaya na ito, nalulungkot pa rin ito dahil sa wala nang kikilalaning ama ang kanyang magiging anak.
Sa pagkamatay ni Robert, kitang-kita ni Evelyn ang tunay na nangyari at tanging siya lamang ang may alam ng katotohanang iyon. Hawak ang kamay ni Robert na may patalim ay pinilit ni Elsa na magpakamatay ito. Paulit-ulit nitong itinurok ang patalim sa katawan ni Robert bago laslasin ang leeg nito at tuluyang bawian ng buhay. Marahil ay iyon ang paraan ni Elsa upang matahimik siya at ang kanyang anak sa kabilang buhay. Alam ni Evelyn na mali ang paraang iyon. Kaya naman nag-sisisi siya na wala siyang nagawa upang hindi na humantong pa sana sa ganoon ang lahat. Naiisip niya kasing hindi niya rin natulungan na matahimik si Elsa. Dahil naging kriminal din ito tulad ng halimaw nitong asawa. Batid niyang hindi solusyon ang isa pang kasalanan para mapagbayaran ang kasalanang nagawa.
Sa pag-uwi sa probinsiya para ipahuli si Robert, hindi namalayan ni Evelyn na kasama nila sa biyahe noon si Elsa. Siya ang naging tulay upang matuntun ni Elsa si Robert at makapaghiganti.
NAGHANAP NG BAGONG mauupahan si Evelyn. May kalayuan man sa pinapasukang ospital ay tahimik naman ang kanyang kalooban. Hindi naman niya agad kinalimutan ang mga pangyayari. Gabi-gabi, ipinagdarasal niya na kung nasaan man ngayon si Elsa at ang anak nito, na matahimik ito at maging payapa. Pinagdarasal niya rin na kung sakaling magkakasama silang tatlo ay mapatawad nila ang isa't isa. Napayapa na nga ang kalooban niya at tahimik na ang bawat gabi niya.
Pero si Elsa, tahimik na kaya? Si Robert lang kaya talaga ang sinisisi nito sa pagkamatay nila ng kanyang anak? Ito lang kaya talaga ang nais nitong paghigantihan? Wala na nga ba talaga ito sa IKA-PITONG KUWARTO?
~wakas~