webnovel

THE DREAM

"PARA KA pa ring may sakit." puna ni Milly kay Kaye dahil tamilmil pa rin siyang kumakain. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin mawala-wala sa isip niya ang mga natuklasan kay Dem. Mayroon palang mga nilalang na kagaya nito: ascended demons. Naghanap siya ng impormasyon sa internet tungkol doon pero wala siyang nakita. Natural! Mukhang ang lahat ng tungkol sa mga ganoon nilalang ay inalis na. Kunsinuman ang may gawa, hindi na niya alam. Siguradong demon lang din ang may gawa para hindi na siya makapag-summon.

Tatlong araw na ang nakakalipas magmula ng magkita sila ni Dem. Pinangatawanan na talaga nito ang mga nangyari kaya hayun siya, nalulungkot dahil hindi na ito nagpakita at nagparamdam.

Nagaalala din siya. Kung tao na ito, nakakaramdam na ito ng gutom at pagod. Sino ang nagaasikaso dito? Saan ito nakatira? Nakakakain ba ito ng maayos? Ah, lalo tuloy siyang nagaalala kahit nagtatampo. Hindi niya mapigilang makaramdam ng tampo. Pakiramdam ni Kaye ay basta na lang siyang isinuko ni Dem. Oo at ginagawa lang nito iyon para maging ligtas siya pero pakiramdam niya ay hindi man lang siya nito ipinaglaban. Sobra na siyang nalulungkot. Kundi man siya mamatay sa kamay ng angel o demon, mamatay naman siya sa sobrang lungkot!

"May iniisip lang ako. Ugh... saan ba nakakabili ng mga novelty items? Mga kakaibang libro tungkol sa mga hula-hula, kulam o s-spell? Iyong kapitbahay kasi namin, nagpapatulong. Naawa naman ako kaya kako magtatanong ako," pasimpleng pagiiba niya. Napatikhim siya para pakalmahin ang pusong nagwawala sa kaba. Sana lang ay huwag siyang tawanan nito.

Napaisip naman si Milly hanggang sa napatango. "Subukan mong magpunta sa Recto. Maraming bookstore doon na medyo luma na. Siguradong mayroon kang makikita mga novelty shops din doon. Iyong pinsan kong mahilig sa mga gothic-gothic, sa ganoon nakabili ng libro. Mga tungkol daw sa vampires at wolves," naiiling na saad ni Milly.

Napatango siya at tinandaan ang mga sinabi nito. Matapos ang breaktime nila ni Milly ay nagkanya-kanya na sila ng puwesto. Si Harold naman ay hindi nila nakasama dahil iba ang oras ng breaktime nito. Mukhang busy din kaya hindi siya nadaanan sa puwesto.

Nagtrabaho na siya hanggang sumapit ang uwian. Agad na siyang nagpunta sa Recto at nagtingin-tingin ng bookstore. Nang may makitang kakaibang bookstore ay minabuti iyong tingnan ni Kaye. Pumasok siya at nagilabot siya sa kakaibang awra ng lugar.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

Madilim at kakaiba ang amoy ng lugar. Parang amoy ng nabubulok na itlog. Palibhasa, napapaligiran sila ng mga napakalumang libro at ang ilan doon ay mukhang inaamag na. From ceiling to floor ang bookshelves na nakapalibot sa buong store. Mayroon rin mga island gondola sa gitna. Puno din ng mga lumang libro iyon. Sa tingin ni Kaye ay iyon ang umaalingasaw sa buong kuwarto: ang amoy ng mga lumang libro.

"Ano'ng maipaglilingkod ko?"

Napaigtad si Kaye ng marinig ang tinig ng unanong tindera. Matanda na ang babae. Nasa edad seventy. Puro puti ang maigsi at kulot na buhok. Corduroy na ang mga balat. Makapal ang salamin. Nakangiti ito kaya kita niyang nabubulok ang mga ngipin.

Napakunot si Kay nang makitang kakaiba ang mga mata nito. Parang magkahiwalay iyon at itim ang buong mata. Pero nang kumurap iyon, nagmukhang normal naman kaya naisip niyang namalikmata lang siya.

Minabuting magtanong ni Kaye para makaalis na siya roon. "Ugh... naghahanap ako ng libro tungkol sa mga angels at demons... b-baka mayroon kayong copy?" pigil hiningang tanong niya.

Ngumisi ito. Kinutuban siya nang magkaroon ng kislap nang tuwa sa mga mata. Gayunman, inignora niya. Malamang ay natutuwa lang ito dahil mukhang makakabenta sa kanya.

Napasinghap si Kaye nang dali-dali itong pumasok sa likod ng divider. Paglabas nito, may hawak na itong itim na libro. Manipis lang iyon. Mukhang bago pa pero noong buklatin nito, napakunot ang noo niya ng makitang luma ang pahina noon at walang laman.

"Sikreto ang tungkol sa mga anghel at demons kaya wala kang nakikitang letra. Lumalabas lang sila pagdating ng alas dose ng gabi. Buklatin mo ito ng ganoong oras." bilin nito saka nagsulat sa isang malinis na papel. Nang matapos ay iniabot nito sa kanya. Kinuha ni Kaye iyon. "Gumamit ka ng itim na kandila. Sindihan mo iyon bago dasalin ang orasyon na ito. Pagkatapos noon ay doon mo buksan ang libro. Dasal ito para maintindihan mo ang lalabas na salita at magiging ilaw mo ang itim na kandila tungkol sa madilim na katotohanan tungkol sa mga anghel at demons." bilin nito saka siya nginisihan. "Oras na mabasa mo ang buong libro, maiintindihan mo ang tungkol sa kanila."

Kinabahan si Kaye ng mahawakan ang itim na libro. Pakiramdam niya, nanlamig siya. Ramdam niya na mayroong kakaiba sa librong iyon at alam niyang nandoon ang mga kasagutang hinihintay.

Magbabayad na sana siya ng awatin nito. Maang siyang napatitig sa unano. "Pasko ko na 'yan sa'yo. Sige na. Umuwi ka na at magbasa," anito saka ngumisi.

Pinigilan niyang matakot sa kakaibang kislap sa mga mata nito. Gayunman, inignora na lang niya iyon. Ang inisip niya ay natutuwa lang ito dahil mayroon itong nakilalang tao na naniniwala din sa anghel at demons.

Umuwi na si Kaye. Habang nakahiga, nakatitig lang siya sa itim na libro na nakapatong sa side table. Natutukso na siyang suriin iyon pero minabuti niyang buklatin na lang iyon ng gabi. Mag-a-absent na lang siya para masiguro. Mahalaga naman ang gagawin niya. Para kay Dem iyon.

Natulog na siya. Pagkagising ay naligo na siya at kumain saka naghintay ng oras. Pagsapit ng alas dose ng gabi ay kumabog ang dibdib ni Kaye. Naghanda na siya. Sinindihan na niya ang itim na kandila at ipinatong iyon sa sidetable. Bago mag-alas dose ng gabi ay dinasal niya ang orasyon na nasa puting papel. Matapos ay pigil hiningang binuklat niya ang itim na libro.

"De fectus nihindro..." basa ni Kaye sa unang lumabas na salita at bigla siyang nawalan ng malay...

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

"KAYE!" SIGAW ni Demeteneirre at napabalikwas ng bangon. Napaungol siya ng mabinat ang mga braso at balikat dahil sa pagkakabalikwas. Sugatan iyon at nababalutan ng mga gasa dahil sa pakikipaglaban niya kay Andras at hindi pa lubusang magaling iyon. Mabuti na lang ay sinundan siya ni Elmer at nakita siya nitong duguan. Minsan na niya itong nakasama sa pagsunud-sunod kay Kaye kaya alam na nito kung san siya matatagpuan.

Agad siya nitong inuwi at ginamot. Hindi rin siya nito hinayaang lumabas muna at pinagsabihang magpagaling. Sinunod naman niya ito dahil hindi rin kinaya ng katawan niya. Dalawang araw siyang nilagnat. Naging maayos naman ang pakiramdam niya ng makainom ng gamot at painreliver. Sa ngayon ay bumabawi siya ng pahinga.

Napahawak si Demetineirre sa sentido ng makaramdam ng hilo dahil sa biglaang pagkagising. He had terrible nightmare. Nahanap daw ni Deumos si Kaye dahil naramdaman daw nito ang pakikipaglaban niya kay Andras. Nagpunta mismo si Deumos sa lugar kung saan sila naglaban ni Andras at nagimbestiga. Doon daw nito nalaman ang tungkol kay Kaye.

Biglang kumabog ang dibdib ni Demeteneirre at napahawak sa noo. Napaungol siya ng mapansing pawis na pawis na siya. Napabuga siya ng hangin. Kinalma niya ang pusong nagwawala dahil sa takot. Palibhasa, alam niyang posible ang mga napanaginipan niya. Deumos was a wicked demon. Marami itong alam na spell para gawing posible ang mga imposible.

Doon bumukas ang kuwarto ni Demetineirre at iniluwa si Elmer. Nang ma-ascend siya ay natagpuan niya ang sariling nakahiga sa harapan ng isang lumang bahay sa Maynila. Si Elmer ang nakakita sa kanya. Ito rin ang mayari ng lumang bahay. Nagiisa sa buhay sa edad na kuwarenta.

Dati itong semenerista. Hindi nga lang nagtuloy sa pagpapari dahil muntikan ng mamatay. Nabangga ang sinasakyan nitong kotse papuntang simbahan at na-comatose. Ayon daw sa mga kaanak nito, nang magising daw si Elmer ay nagiba ito.

Ang pagkakabingit nito sa kamatayan ang nag-trigger sa third eye nito na mabuksan. Magmula noon ay nakakakita na ito ng kakaibang nilalang. Humihingi sila ng tulong. Hindi ito pinatatahimik ng mga kaluluwang ligaw kapag hindi kumikilos. Noong una ay napipilitan ito hanggang sa natanggap na rin na iyon ang misyon nito sa lupa.

Naging lapitin na ito ng mga kakaibang nilalang sa mundo kaya hindi na ito nagtaka ng magkrus ang landas nila. Dahil sa 'gift', madalas daw talaga itong lapitan ng mga kakaibang elemento. Ito daw ay simbulo ng koneksyon ng mga buhay at... patay. Bagaman siya ang unang ascended demon na na-encounter nito, naniniwala ito sa kwento niya. Hindi naman daw imposible iyon dahil kung mayroong fallen angels, mayroon din daw ascended demons.

Ipinaliwanag niya ang drawbacks dito para maging handa. Dahil doon ay dinala siya nito sa isang simbahan sa Maynila. Dati nitong kaklase ang pari ngayon doon na si Father Arman at sa ngayon ay doon sila tumitira. Sa likod ng malaking simbahan ay nandoon ang quarters ng pari na mayroong limang kuwarto. Kasama nitong tumitira doon si Cris—ang beinte tres anyos na sakristan at sila. Naging ligtas siya mula sa mga demons dahil nasa isang holy place siya.

Salamat na lang dahil nagkrus ang landas nila ni Elmer. Ito ang tumulong sa kanya. Sa tuwing nakaka-encounter din siya ng mga demonic possessions, nagagawa nitong i-exorcist ang mga demons at maibalik iyon sa underworld.

Araw-araw, nagaalala siya kay Kaye dahil sa sitwasyon. Kung alam lang nito na gustong-gusto niya itong makasama, maiintindihan siya nito. Hindi nito alam kung gaano kahirap ang kalagayan niya: ang mabuhay ng ganoon ng hindi ito kasama ay sobrang sakit sa kanya...

Kaya ang dasal niya lagi ay sana ay nasa maayos itong kalagayan. Ilang araw na siyang hindi nakakasilip dito. Sana lang ay wala ng siraulong mangho-holdup dito at papasukin. Ilang gabi din siyang nagbabantay sa labas ng unit nito dahil sa nangyari at nakahinga siya ng maluwag ng wala ng gumulo pa dito.

Napabuntong hininga siya sa naalala at dahil hindi na rin makatulog, tumayo na siya at nagpunta sa kusina. Nadatnan niya doon si Elmer na umiinom ng kape. Tumango siya rito.

"Ang aga mo yatang nagising," anito saka siya inabutan ng tasa.

Napahinga siya ng malalim. "Napanaginipan ko si Kaye," aniya saka sinabi ang lahat.

Natigilan ito hanggang sa tumiim ang titig sa kanya. "Ang tawag d'yan, instinct. Bakit hindi natin siya puntahan o silipin? Baka mamaya..."

Nagtiim ang bagang ni Demetineirre at bigla siyang kinutuban. Para siyang sinasakal sa lakas ng kabog ng dibdib. Hindi na tuloy niya nakuhang magkape dahil si Kaye ang laman ng isip niya. Nagaalala na siya. Kailangan niya itong makita. Agad-agad!

Bab berikutnya