NANGHAHABA ang nguso ni Rei habang nanonood ang paglalapat ng labi ng mga bida sa Koreanovela na pinapanood nila ni Edmarie tuwing gabi. Naiisip niya ang sandaling kasama niya si Hayden at napakalapit na ng mukha nito sa kanya. Ano kaya kung sinapian siya kanina at bigla niya itong hinalikan?
"Nakakainis! Bakit hindi ko pa itinuloy?" aniya at sinabunutan ang sarili.
"Hoy! Mukha kang luka-luka diyan. Ano ba ang nangyari sa Stallion Riding Club?" tanong ni Edmarie. "Kwentuhan mo naman ako. Maganda ba doon? Saka totoo ba na halos lahat ng lalaki guwapo?"
Tumango siya subalit nakatulala pa rin sa TV. "Oo. Puro guwapo. Pati nga mga kabayo doon guwapo."
"May guwapo ba naman na naakit sa kagandahan mo?"
"Meron. Si Hayden Anthony Ilano."
Kinatok nito ang noo niya. "Haller! May sanib ka ba? Bakit naman napasok sa usapan ang first love mong mas maganda pa sa iyo?"
"Nandoon si Hayden, Edmarie. Kasama ko siya sa project ng Lakeside Café and Restaurant. Member din siya ng Stallion Riding Club. At alam mo ba na ang guwapo-guwapo niya kanina," aniya at dahan-dahang sumilay ang ngiti sa labi. "Tapos ang lapit-lapit ng mukha niya sa akin."
"Tapos hinalikan ka niya?"
Ipinitik niya ang daliri. "Sayang nga hindi natuloy."
"Ano ka ba? Bakit bumalik ka na naman sa ilusyon mo sa kanya?"
"Hindi ako nag-iilusyon. I can feel it. Gusto talaga niya akong akitin."
"At bakit naman niya iyon gagawin? He was supposedly a full-pledged gay. Nag-come out na dapat siya. Nagtatago ba siya at nagkukunwaring lalaki?"
"Ewan ko. Parang lalaking-lalaki siya kanina. Saka kung tumitig siya, nanginginig agad ang tuhod ko. Balita pa nga sa riding club, playboy siya. Hindi kaya lalaki talaga siya? Napansin ko na mas komportable siyang kumilos bilang lalaki. Saka hindi nga siya marunong mag-make up dati. Saka kung narinig mo ang boses niya kanina, I assure you that he isn't faking it. Lalaking-lalaki."
Humalukipkip ito. "Huwag ka ngang hibang. Ang higad ay higad. Keep that in mind. Wala ka nang maasahan sa Hayden na iyon. Kaya huwag mong sayangin ang pagkakataon. Maraming guwapo sa riding club. Doon ka na lang."
Hindi siya nakakibo. Kahit sabihin nito na may iba pang lalaki, si Hayden pa rin ang nakikita ng mga mata niya.
Nakulam nga yata siya ni Hayden at di na siya makakawala pa.
NAKAPANGALUMBABA si Rei habang pinagmamasdan ang product catalogue ng Ilano International. Titig na titig siya sa Rei's fainting couch. Kasabay niyon ay bumalik ang alaala nang una silang magkita ni Hayden.
Bumabalik na naman siya sa dati. Gusto pa rin niya ito kahit na berde ang dugo nito. Ano bang klase ang taste niya at si Hayden pa ang nagustuhan niya?
At dahil sa fainting couch na ipinangalan nito para sa kanya, parang nabubuhay ang pag-asa niya noon na espesyal siya para dito.
"Rei, may nagpapabigay sa iyo," sabi ni Dafhny at inilapag sa harap niya ang isang malaking bar ng Cadbury milk chocolate at Gatorade.
Nagulat siya. "Sino po ang nagpapabigay?"
"Si Hayden. Natanaw ka niya kaninang sumilip siya. Mukha ka daw matamlay. Bumaba pa siya may convenience store para lang bumili niyan."
"Nandito si Hayden?" bulalas niya at tumayo.
"Oo. Aba! First name basis na lang pala kayo ngayon," tukso nito.
"Pwede ko po ba siyang makausap, Ma'am?" tanong niya. Biglang nabuhay ang dugo niya dahil naalala pa niya ang mga panahon na nireregaluhan siya nito ng Gatorade at chocolates. Iyon lang ang gumawa niyon para sa kanya.
"Kausap pa niya si Mae. Pero nagbilin siya sa akin na magkita kayo sa lobby mamayang lunch. It's a date daw. Kaya inumin mo na iyang Gatorade at kainin mo ang chocolate para mabawi mo ang energy mo, ha?"
Pinag-iisipan niya kung makikipagkita pa siya dito mamayang lunch. Ayaw naman niyang tumagal pa ang pag-uusap nila. Konti lang naman ang sasabihin niya. Gusto na niyang huwag itong makita kung di rin naman tungkol sa trabaho. Hindi na iyon kailangan pang pag-usapan over lunch.
Pero nasimot na niya ang chocolate, naubos ang Gatorade at tumuntong na ng alas dose ng tanghali ay di pa rin niya makumbinsi ang sarili na huwag mag-lunch kasama ito. Kaya nag-retouch na lang siya at tiniyak na maganda siya bago bumaba sa lobby upang sumamang mag-lunch dito.
"You look better now. Di tulad kanina na namumutla ka. Wala ka naman sigurong sakit," wika nito nang salubungin siya.
"Look! Di dahil pumayag akong mag-lunch tayo, patay na patay pa rin ako sa iyo. Gusto ko lang I-inform ka na ito na ang huli."
"Okay. Whatever you say." At iginiya siya papasok sa kotse nito.
Sa isang mamahaling seafood restaurant siya nito idinala. Di niya ito halos kinikibo at tinitingnan habang kumakain sila. "How are you, Rei? Hindi tayo nakapag-kwentuhan nang nakaraang araw nang magkita tayo."
"Sa tingin ko di mo ako idinala dito para kumustahin lang ako."
"Galit ka pa rin ba sa akin?"
"Bakit? Dahil hindi mo ako gusto? No. Naalala ko lang na nangako ako sa iyo na iiwasan na kita. Kaya nananadya ka ba? Bakit nagpapakita ka pa sa akin?"
Alam ba nito na di madali sa kanya na sungit-sungitan ito? Di naman kasi niya magawang magalit dito o magtanim ng sama ng loob. Mas naiinis siya sa sarili niya. Di niya mapalagpas ang pagkakataon na makasama ito.
"I want to start anew. Maganda ang samahan natin dati. Ibalik natin."
Umiling siya. "No! Hayden, it's over. Kinalimutan ko na ang nararamdaman ko para sa iyo. Madali para sa iyo na sabihin na ibalik natin ang samahan natin. Hindi naman kasi ikaw ang nagmahal. Ako lang. Hindi rin ikaw ang nasaktan. Ako lang din. Kaya hangga't maari, gusto ko nang putulin ang koneksiyon natin."
"Hindi ganoon kadali iyon. Marami pa akong ipapaliwanag sa iyo…"
Kaswal siyang sumubo ng lemon marinated shrimp. "Natatakot ka ba na sasabihin ko ang tungkol sa pagkatao mo? I will keep my word that I won't spill it out. Mahirap para sa iyo na pangalagaan ang reputasyon mo. Poprotektahan ko iyon hanggang sa kamatayan ko. Your secret is safe with me."
"Rei, ayoko nang magkalayo tayo. Pinagbigyan na kita dati dahil iwas ka nang iwas sa akin. This time its inevitable. Magkikita at magkikita tayo dahil sa trabaho."
"I am a professional. Hindi madadamay ang trabaho natin."
He looked at her intently. "No! I don't want plain professionalism from you. Hindi lang tungkol sa trabaho ang pinag-uusapan dito. It's about us."
Mariin siyang pumikit. "Hayden, what do you really want from me?"
Ginagap nito ang kamay niya. "I want you to open your eyes. I want you to see the real me."
Dahan-dahan niyang idinilat ang mga mata. Hindi pa rin niya maintindihan ang ibig nitong sabihin. At the corner of her heart, she was scared to give him a chance. Dahil baka muling mahulog ang puso niya dito.
---
What do you think of this chapter?
Please don't forget to give review, spirit coins and gifts to show your appreciation.