HILONG-HILO si Rei matapos tamaan ng bola. Bumagsak siya sa sahig sa tindi ng tama sa kanya. Pakiramdam niya ay sinampal siya ng sampung beses ng malupit na kontrabida sa teleserye. Di lang mukha ang namanhid sa kanya. Parang tinakasan na rin siya ng lakas.
"A-Ang sakit," mangiyak-ngiyak niyang usal.
Dinaluhan siya ng mga ka-team niya. "Rei! Okay ka lang?"
"Rei, I'm sorry," sabi ni Edmarie. "Di ka kasi umilag ,eh."
Umiyak na lang siya dahil wala na siyang magagawa pa. Di siya makagalaw sa sobrang sakit. Mas masaya sana kung hinimatay na lang siya para di na siya makaramdam ng sakit. Para di na siya nagdurusa. Hanggang ngayon nga ay parang inuukutan pa rin siya ng stars sa universe sa sobrang hilo niya.
"Miss, anong nararamdaman mo?" narinig niyang tanong ng isang lalaki. And the voice was so soft. Parang ipinaghehele siya.
Nang lumingon siya ay ang irog niya iyon. "N-Nahihilo ako."
Di niya alam kung iyon nga ang irog niya. Baka mamaya ay nagha-hallucinate lang siya dahil tinamaan siya ng bola.
"Francine, pakibasa itong panyo nito," utos nito sa kasama.
"Ha? Bakit naman aketch ang uutusan mo?" tanong ng kasama nitong bading.
"Ako na lang ang magbabasa," sabi ni Edmarie.
"Dalhin na natin siya sa bench," anang irog niya at binuhat siya.
Parang ipinaghehele siya habang buhat siya nito. Ang lakas-lakas nito. Di tulad ng mga kawayang hahapay-hapay na madalas niyang laitin. Parang masarap pisilin ang muscles nito. Masarap pala ang pakiramdam ng binubuhat. Alam na niya ngayon ang pakiramdam ng mga prinsesa sa fairy tales na binubuhat ng prinsipe.
Inilapag siya nito sa bench subalit umupo pa rin ito sa tabi niya. Nang dumating si Edmarie dala ang basang panyo ay itinakip nito ang panyo sa mukha niya. "Diyan lang iyan para bumuti ang pakiramdam mo."
Pasimple siyang humilig sa balikat nito. Ang bango-bango nito. Nakaka-relax. Parang pareho sila ng pabango. Pero bakit ganoon? Sa halip na ma-turn off siya ay lalo pa siyang nahumaling dito. Parang ginagayuma siya.
"Sir, baka po pwedeng dalhin na natin siya sa clinic. Napasama ata ang tama ng bola," anang irog niya. "Kung gusto po ninyo, babantayan ko siya."
"Si Ongcuangco? Dadalhin sa clinic? Magagalit pa iyan kapag idinala sa clinic. At nakakaabala pa kami sa iyo. Kami na ang bahala sa kanya," sabi ni coach.
No! No way! Di niya palalagpasin ang pagkakataon na iyon. Kailangang makasama niya ang irog niya nang mas matagal. Ito na ang naglalapit ng sarili sa kanya. Bakit naman di pa niya sasamantalahin?
Umungol siya. "Coach, ang sakit. Naalog po ata ang utak ko. Pakiramdam ko rin nabali ang ilong ko. Masakit po talaga."
"Ongcuangco, gusto mo bang magpadala sa clinic?" tanong ng coach niya.
Tumango siya nang marahan. "Gusto ko po sanang magpahinga kahit saglit."
"O sige. Dalhin na siya sa clinic," anang coach niya.
Nagdiwang siya nang buhatin siya ng irog niya. "Don't worry. Ako ang magbabantay sa iyo. I am sure you will be okay."
DAHAN-DAHANG idinilat ni Rei ang mata niya para tiyakin na ang irog nga niya ang nakaupo sa tabi ng kama at nagbabantay sa kanya. Kasalukuyan itong nagbabasa ng libro kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na pag-aralan ang mukha nito.
Nakakaakit ang malalantik na pilik-mata nito. Iyon ang mga mata na nakakatunaw kapag tumitig. Matangos ang ilong nito. And she bet that he would be more good looking once he smiles. Parang masarap haplusin ang balat nito. Bumuntong-hininga siya. Sana ay di lang ito bunga ng kanyang ilusyon.
Lumingon ito sa kanya nang maramdamang nakatingin siya. "Gising ka na. Kumusta na ang pakiramdam mo?"
"I guess I am okay now. Kasi kitang-kita kong mabuti kung ano ang itsura mo. Mas guwapo ka pala sa malapitan."
Ngumiti ito. "Sa palagay ko epekto lang iyan ng tama ng bola. Napalakas yata ang tama sa iyo."
"Oo. Malakas nga ang tama sa akin." Sa sobrang tindi ng tama nito sa kanya sa nawala na siya sa sarili. Gusto lang niyang titigan ito ng titigan. "Ikaw ba? Okay lang ang pakiramdam mo?"
"Bakit ako ang inaalala mo? Ikaw itong tinamaan ng bola."
"Kasi baka nabigatan ka sa akin. Nakakahiya naman."
"Wow! Ang lakas-lakas mo. Gusto ko iyon sa lalaki. Iyong kaya akong buhatin nang hindi nabibigatan sa akin."
Tumikhim ito na parang nailang sa kanya. Iniwas nito ang tingin. "Sabi ng doctor wala namang problema sa iyo. Kailangan ko lang magpahinga. Maya maya lang mawawala na rin ang pamumula ng mukha mo."
Nasapo niya ang pisngi. "Ha? Mapula ang mukha ko." Malamang ay pangit na siya sa paningin nito. Nakakainis naman!
Hinaplos ng daliri nito ang pisngi niya. "Its like a natural blush. Isipin mo na lang na di mo na kailangan ng blush on para maging maganda."
Gumuhit ang ngiti sa labi niya. "Sabi mo iyan, ha? Maganda ako."
Marahan itong tumango. "Oo naman. Maganda ka."
Tumikhim siya. First time pa lang nilang nagkita. Dapat ay magpa-demure naman siya ng kaunti. "I'm Carmina Gabrielle Ongcuangco. Sixteen years old. First year, Interior Designing. Single. Never been kissed. Never been touched."
Inilahad nito ang kamay at lalong ngumiti. "Hayden Anthony Ilano. Transferee lang ako. Fine Arts major in Industrial Design ang tine-take up ko. I'm interested in furniture design."
"Oh, really? Magkakasundo tayo. Related ang couse natin. Must be fate." At noon lang siya nagkaroon ng matinding koneksiyon sa isang tao sa unang pagkikita.
"Miss, anong ginagawa mo sa alaga namin at may nalalaman kang fate?" nakataas na kilay na tanong ng bading na kasama ni Hayden na si Franzine.
"Alaga? Anong alaga?" tanong niya.
"Si Sister Hayden. At huwag mo nang pagpantasyahan iyan dahil allergic iyan sa mga girls. Baka ma-infect pa siya sa iyo."
"Bakit naman siya mai-infect sa akin? Virgin pa naman ako."
Tinakpan ni Franzine ang tainga ni Hayden. "Wag mong pakikinggan ang babaeng iyan. Inaakit ka niyang tumiwalag at magbago ng isip."
"Franz, it's okay. Binabantayan ko lang si Carmina Gabrielle."
"Rei na lang, Hayden. Masyadong mahaba ang Carmina Gabrielle."
Tumirik ang mata ni Franzine. "Tigilan nga ninyo ako! Nandidiri ako. Di kayo talo, Miss. Pareho kayong girl ni Hayden."
"Ano? Girl si Hayden?" bulalas niya. "Huwag mo ngang sabihin iyan. Gusto mong sapakin ko ang face mo? Ang guwapo-guwapo ng irog ko tapos sasabihin mo na girl? Ikaw ang bad influence sa kanya!"
Hindi talaga niya matatanggap na bading ang kanyang mahal na si Hayden. Her heart couldn't take it. Hindi! Hindi! Hindi!
Nagtitili si Franzine. "What? Irog? Eeewww! Let's go, Hayden. May practice pa tayo para sa play. Iwan mo na ang ilusyunadang maton na iyan."
"Hindi ko pa siya maiiwan. Wala pa siyang kasama," sabi ni Hayden.
Hinawakan niya ang kamay ni Hayden. "Thank you. Ang sweet mo naman." Sabi na nga ba niya't hindi siya nito matitiis.
"Hindi ka ba nandidiri na pinagnanasaan ka niya?" angal ni Franzine. "Baka mamaya ma-rape ka pa niya habang kayong dalawa lang."
"Rei, okay ka na?" humihingal na tanong ni Edmarie nang silipin siya. "Ako na ang magbabantay sa kanya. Salamat sa pagbabantay kay Rei."
"Rei, aalis na kami," sabi ni Hayden. "Mag-iingat ka na sa susunod."
"Mag-iingat talaga ako para sa iyo." Saka niya pinisil ang kamay nito.
"Gosh! Ang weird talaga ng babaeng iyon. Kinikilabutan ako!" tili ni Franzine nang palabas na ito at si Hayden ng clinic.
"Ang guwapo ni Hayden, di ba? At mabait pa," aniyang nagniningning ang mata. Nakabuti sa kanya ang pagkakatama ng bola dahil nagkakilala sila.
"Anong guwapo? Maganda siya. Mas maganda pa sa atin. Sayang talaga at nabawasan na naman ng guwapo sa mundo. Naging bading pa!"
Hinampas niya ito sa braso. "Hindi bading si Hayden! Di bading ang irog ko!"
"Hoy, Rei! Naalog ata ang utak mo. Kita mo nga. Naka-face powder."
Kinuyom niya ang palad. "Wala akong pakialam. Para sa akin hindi siya bading. At kahit ano pa ang sabihin mo, gusto ko pa rin siya."
Feel free to follow me here:
Facebook: Sofia PHR Page
Twitter: sofia_jade
Instagram: @sofiaphr
Youtube: Sofia's Haven