"O, bakit hindi mo maipinta ang mukha mo?" tanong ni Artemis habang bumibiyahe sila papunta sa Artemis Equestrian Center. Weekend noon kaya wala siyang pasok. Sinundo siya nito sa villa nila sa White Plains para makasama ito buong weekend.
"Ayoko po sanang iwan si Mama kay Papa."
"Hindi ka ba natutuwa na bumalik na ang Papa mo?" Gaya ng inaasahan nito, sumunod nga ang Papa niya sa Pilipinas. Ito mismo ang nanuyo sa mama niya at nangako na di na titingin sa ibang babae. At pinatawad naman ito ng mama niya. Gusto sana nitong bumalik na sila sa Greece pero simula na ng klase niya.
Bumuntong-hininga siya at tumingin sa labas. "Napapagod lang po ako. Hindi ko maintindihan kung bakit binabalikan pa niya si Mama pero lolokohin din niya."
"Malay mo nagbago na ang Papa mo. Give him a chance."
Itinaas niya ang kamay. "I know he is my father but I don't trust him as a man. Si Mama na lang ang nagbibigay ng chance sa kanya. Kaya po siguro mas mabuti kung sa boarding school na lang ako sa abroad."
Nagpasa na siya ng application form para sa isang international boarding school sa London na may sariling equine or horse sports school. Ang totoo ay ang mga ito mismo ang nag-alok na gawin siyang scholar matapos niyang manalo sa Grand Prix competition. She couldn't miss the chance.
"Sayang. Kung kailan pa nabubuo na ang pamilya mo."
"Di ko naman sinisira ang pamilya ko, Tita. I just want to fulfill my dreams. I have to do this as your heir," nakangiti niyang wika.
"Kaya hindi ako nalulungkot na wala akong anak. Because you are there. I know that you will make the riding school more productive someday. Ikaw ang magpapatuloy sa lahat ng pangarap na nasimulan ko."
Napansin niya na iba ang dinadaanan nila. "Tita, this is not the way to the equestrian center," untag niya dito.
"Yes. Sa Alleje Farm tayo magla-lunch."
"Alleje Farm? Doon po sa farm nila Reichen?"
"Yes. Dito nagbakasyon si Reichen sa Pilipinas. Dito na kasi naka-settle ang family niya at hindi sa Spain. Ibinenta na ng pamilya niya ang negosyo nila doon." Anak ng dating Ambassador ang Papa ni Reichen at nakilala nito ang Kastilang ina sa Madrid nang doon tumira ang mga Alleje. Kaya naman sa Spain na ipinananganak at lumaki ang magkapatid na Reichen at Reid ayon sa kwento ni Artemis. Nagbakasyon lang ang pamilya Alleke sa Pilipinas kaya naging estudyante ni Artemis sa equestrian center. Parehong mataas ang respeto ng mga ito kay Artemis bilang guro.
"Makikita ko na si Reichen." Di niya maitago ang excitement. Ilang beses ba niyang pinangarap na bumalik sa Vienna para makita itong muli? "Makikita ko na rin po ang Lipizzan mare niyang si Favory!"
Namangha siya nang pumasok sa Alleje Farm. Ilang daang ektarya ang naturang farm. Puro berde halos ang nakikita niya at kitang-kita rin niya ang magandang view ng Taal Lake. They breed some of the best horses in the world. Nakapag-asawa kasi ng isang oil sheikh ang tita ni Reichen na may breeding farm ng mga Arabian horses. Sa pandinig pa lang niya ay parang paraiso na iyon.
Sinalubong sila ng kapatid ni Reichen na si Reid. Kung palangiti si Reichen, mukha namang di ito marunong na ngumiti. "So you are Teacher Artemis' niece who won the Grand Prix. Naikwento ka na sa amin ni Reichen."
"Really?" Ganoon ba siya kaespesyal para ikwento sa iba? Di niya mapigilang ngumiti. Siguro nga ay espesyal ang turing sa kanya ni Reichen tulad nang itinuturing niya ito bilang pinaka-espesyal na lalaking nakilala niya.
"Yes. Nasa stable siya ngayon kasama si Favory. Ipapatawag ko para maipasyal ka niya," anang si Reid.
"Si Reichen muna ang bahala sa iyo dahil may importante kaming pag-uusapan ni Reid," sabi naman ni Artemis.
Isang golf cart ang naghatid sa kanya sa stable ng farm. May kalayuan din kasi iyon sa villa. Malapit sa stable ay natanaw niya si Reichen na nakatayo sa tabi ng Lipizzan horse na hula niya ay si Favory. Subalit di ito nag-iisa dahil dalawang babae na nakasuot ng mini skirt at sleeveless blouse ang kasama nito. They had big breasts. Halos lumuwa na iyon sa blouse na suot nito. Anong ginagawa ni Reichen kasama ang mga babaeng iyon? And how dare them show off their bodies to him? They look so cheap. Di tuloy niya maiwasang mairita sa dalawa.
"Lipizzan horses are born black. Kapag lumaki na sila saka sila nagiging kulay gray hanggang maging white. Sila lang ang mga kabayo na ginagamit namin sa Spanish Riding School," paliwanag ni Reichen. Mukhang wala namang pakialam ang dalawa sa impormasyon dahil nakatitig lang ang mga ito kay Reichen.
"You must look like a prince riding this horse," wika ng isang babae.
"I will be his princess," anang isa pa.
"No! Ako ang princess niya!" tutol ng una.
Inakbayan ni Reichen ang dalawa. "Girls, you don't have to fight. Kayong dalawa ang magiging prinsesa ko."
Naningkit ang mata niya at nagmamadaling lumayo. Reichen was no prince. He was a frog just like her father. Hindi nito kayang maging faithful sa isang babae. Lahat na lang ba ng babae ay pangangakuan nito ng atensiyon tulad niya?
Bakit ba siya umasa na may lalaki na kayang maging faithful sa mga babae. She would never trust someone like him again. Ayaw niyang matulad sa mama niya.