PUTI agad ang nabungaran ni Jenevie pagmulat niya. Isang babaeng nakaputi rin ang nakatayo sa tagiliran niya. Patay na ba siya?
Ngumiti ang babae nang makitang gising na siya. "Good morning, Miss Escudero. Gising na pala kayo. Tatawagin ko lang si Doc."
Napaungol siya nang maramdaman ang kirot sa buo niyang katawan. Partikular sa balikat niya. Nang lingunin niya iyon ay nakabenda iyon. Buhay pa nga siya at nasa ospital.
"Ate, gising ka na!" anang si Jenna Rose na kapapasok lang. Nilapitan siya nito. "Anong nararamdaman mo?"
"M-Masakit ang katawan ko. Pero buhay pa naman ako, di ba?"
"Oh, that's good to hear. You gave us a scare." Lumapit ito sa couch at isang lalaking nakahiga doon ang niyugyog. "Kuya Rolf, Kuya Rolf, gising na si Ate Evie."
Bumalikwas ng bangon si Rolf. "Ha? Gising na siya? Mas nauna ka niyang nakita kaysa sa akin! Bakit hindi mo agad sinabi? Gusto ko ko ako ang una niyang makita kapag nagising siya."
"Mr. Guzman, is there a problem?" tanong ng doctor pagpasok. "If you won't lower your voice, I will ask you to leave the room."
"Sorry, Doc," anang si Rolf at nagkasya na lang na tumingin habang tsine-check up siya ng doctor.
"You are lucky, Miss Escudero. Bukod sa bugbog at ilang pasa sa katawan, pati na rin ang flesh wound mo sa balikat, nakaligtas ka. Di tumagos sa buto mo ang bala. Sa muscles lang tumama. Nailigtas ka rin ng airbag ng kotse mo nang bumulusok ka sa bangin at bumangga sa puno. Kaya magpahinga. In a few days time, you are clear to go home."
"Thank you, Doc," anang si Jenna Rose.
Ginagap ni Rolf ang kamay niya at umupo sa tabi ng kama. "You scared the hell out of me. Are you sure you are okay?"
Tumango siya. "I am fine." Napansin niyang naka-formal suit pa ito na bahagyang lukot. Parang ilang araw na nitong suot ang damit. His eyes were bloodshot. Wala rin yata itong disenteng tulog. "Bakit ganyan ang itsura mo? Kailan pa ba ang birthday mo?"
"Two days ago. Two days ago pa rin iyang suot niya," sagot ni Jenna Rose para kay Rolf. "Di ka na niya maiwan mula nang isugod ka sa ospital." Tinapik nito sa balikat si Rolf. "Pwede ka nang umuwi, Kuya Rolf. Okay na si Ate Evie. Magpahinga ka naman. Saka hindi na maganda ang amoy mo."
"Dito muna ako. Babantayan ko pa siya. Pagbalik mo saka na ako uuwi," anang si Rolf na di inaalis ang tingin sa kanya.
"Rolf, hindi naman ako mawawala," sabi niya nang sila na lang ang naiwan. Di kasi ito halos kumukurap. At wala na ring planong bitiwan ang kamay niya.
"I just want to make sure. Sabi ko kapag natiyak kong ligtas ka, di ka na mawawala sa paningin ko," seryoso nitong sabi.
Kakaibang klaseng panlalambot ang naramdaman niya nang magsalubong ang tingin nila. Iniwas niya ang tingin. Parang natutunaw kasi siya sa titig nito. "Anong nangyari sa akin?" Ang huli niyang natatandaan ay pinilit niyang umiwas sa mga papatay sa kanya at nalaglag siya sa bangin. "Paano ako nakaligtas?"
"Di tuluyang bumulusok ang sasakyan mo dahil bumangga ka sa puno. Thanks for the miracle for airbag. Sinalo niyon ang impact. Parating na rin ang police mobile na tinawagan ni Attorney Agustin kaya nakuha ka nila agad."
"Nahuli ba ang mga humahabol sa akin? May lead ba sila kung sino?"
Umiling ito. "Marami silang anggulong tinitingnan."
Sa dami ng nagbabanta sa buhay niya at sa dami ng nakalaban niya sa korte, mahihirapan ngang mahuli ang gustong pumatay sa kanya.
"They won't be happy that I cheated death."
"Hindi alam ng parents mo ang nangyari sa iyo. We also keep it from the media. Ayaw ni Jenna Rose na mag-alala pa sila sa iyo." Hinalikan nito ang likod ng palad niya. "Saka nandito naman ako. Aalagaan kita."
"Thank you, Rolf. Di mo naman ito kailangang gawin."
"But I want to. Nang marinig ko na pinauulanan ka ng bala, parang gusto kong sumugod sa kung nasaan ka man para ako mismo ang sumalo ng bala para sa iyo. At nang di ka na sumasagot sa cellphone, parang gusto ko nang mamatay. Kaya umalis agad ako sa party. Di ko alam kung saan ka hahanapin. Mabuti na lang tumawag sa akin si Jenna Rose. Sinabi daw ni Attorney Agustin na isinugod ka sa isang ospital sa Batangas. Pumunta ako. Saka ka namin inilipat dito sa Makati Med."
Malungkot siyang ngumiti. Parang may isang kamay na humaplos sa puso niya. Ganoon ba siya kahalaga kay Rolf hanggang ngayon?
Hinawi niya ang buhok na nakatabing sa noo nito. "I'm sorry. Nasira pa ang birthday party mo dahil lang sa akin. Saka iyong regalo ko sa iyo, baka nasira na rin. Nandoon sa kotse mo. Ibibili na lang kita ng bago."
"Sabi ni Attorney Agustin, papunta ka daw sa birthday ko noon."
"Nangako ako sa iyo, di ba?"
Kinintalan nito ng halik ang noo niya. "I am sorry. Ako ang dapat mag-sorry. Kung di kita pinilit na pumunta, sana di ka mag-isang bumiyahe. Di ka basta-basta masusundan ng mga gustong pumatay sa iyo, Kasalanan ko ito."
"Mag-isa man ako o hindi, kung gusto nilang patayin ako, walang makakapigil sa kanila. Gusto mo ba mag-apologize ako sa mga bisita mo?"
"Oh, shut up! Sa palagay mo ba mahalaga sa akin ang birthday ko? Mas mahalaga ka sa akin. Magandang birthday gift sa akin na ligtas ka."
"Rolf, ikaw naman ang magpahinga. Maligo ka na rin, ha?" pabiro niyang sabi.
Bigla itong lumayo sa kanya. "Sorry. Gusto ko lang namang bantayan ka. Pero sandali lang akong aalis. Babalik din agad ako, ha?"
"Dito lang naman ako. Hindi ako aalis."
Maya maya pa ay ipinikit na niya ang mga mata niya. Bumabawi pa ng lakas ang katawan niya. If she was in her normal self, she would ask Rolf never to worry about her. Ayaw niyang mag-alala pa ito sa kanya. He didn't have to waste his time for her. But deep in her heart, she was glad that he cared for her. At alam niyang paggising niya ay nasa tabi pa rin siya nito.
Gusto mo bang mabasa ang iba pang Stallion Boys in print with signature? Order here:
Facebook: My Precious Treasures
Shopee: www.shopee.ph/sofiaphr