webnovel

Chapter 3

Nagmamadaling lumabas ng Science Club Headquarters si Nicola. Ginabi siya dahil nag-meeting sila ng club members niya. Pagkatapos ay nag-meeting pa sila ng adviser ng club para plantsahin ang lahat ng plano para sa Science Fair. Wala nang mga estudyante sa paligid dahil nag-uwian na lahat.

"Hala! Baka iniwan na ako ni Carlo," nag-aalala niyang sabi nang di ito nakita sa labas ng room. Magkasabay silang umuuwi dahil magkalapit lang ang bahay nila. Tiyak na pagagalitan siya ng mommy niya kapag di ito kasamang umuwi.

Naglakad-lakad pa siya at napansin ang isang lalaki na bahagyang nakauklo at nakadikit ang tainga sa pinto ng Speech and Debate Club. Na parang may sekreto itong pinakikinggan. Si Carlo ang tsismosong iyon.

Nilapitan niya ito at tinapik sa balikat. "Hoy! Anong ginagawa mo diyan?" Inilapat nito ang daliri sa labi at sumenyas sa pinto. "Ano ngang meron diyan?"

Ibinuka nito ang bibig. "Makinig ka na lang. Nandiyan si Crawford sa loob."

Di naman siya tsismosa subalit nang marinig ang pangalan ni Crawford ay na-curious siya. Inilapat din niya ang tainga sa pinto. Basta si Crawford ang pinag-uusapan, willing siyang maki-tsismis.

"Bakit nagpaputol ka ng buhok?" parang galit na tanong ni Crawford.

"Naiinitan na ako dahil sobrang haba ng buhok ko. Alam mo naman kung gaano ako ka-busy, Crawford. Mas madaling I-manage ang buhok ko kung mas maikli siya. Saka lagi na lang mahaba ang buhok ko. I want a new look."

Dati ay hanggang kalahati ng likod ang buhok ni Belle. Ngayon ay hanggang balikat na lang. Pero maganda pa rin si Belle kahit na mas maikli na ang buhok nito. Hindi niya alam kung bakit parang galit si Crawford.

"Mas gusto ko noong mahaba pa ang buhok mo. Kung magpapagupit ka ng buhok, sana nagpaalam ka muna sa akin," mariing wika ni Crawford.

"You don't have to make a big deal out of this. Buhok lang iyan. It will grow back. The length of my hair won't change who I am," halatang may galit na rin sa boses ni Belle. Ang naririnig niya ay ayaw nitong pinakikialaman ito. Bilang anak ng mayor nila, nakukuha nito at nagagawa ang anumang gustuhin ito. And she was expected to be accepted still. Kahit na ano pang gawin nito.

"Mas maganda pa rin sa babae kung mahaba ang buhok."

Tumuwid siya ng tayo at hinila na si Carlo palayo. "This is not right," nausal niya. "Di tayo dapat nakikinig sa usapan nila." Baka mamaya ay may makahuli pa sa kanila na nakikinig sa usapan ng iba. Nakakahiya iyon kay Crawford.

"Teka, hindi pa natin naririnig kung nag-break na nga sila," hirit pa nito.

"Sa tingin ko naman hindi ganoon kababaw si Crawford. Hindi sila magbe-break nang dahil lang nagpaputol ng buhok si Belle."

"Ano ka ba? Tsansa mo na ito. Mapapansin ka na niya oras na break na sila ni Belle. At kahit hindi pa sila mag-break, mas gusto pa rin niya sa babae ang mahaba ang buhok. Tiyak na sa iyo na siya laging titingin."

"Sana naman magustuhan ako ni Crawford kung ano ako at hindi dahil sa buhok ko lang." Parang katulad ng tatay niya. Iniwan nito ang nanay niya dahil nakakita ito ng babaeng mas maganda. Ayaw niyang isipin na ganoon din kababaw si Crawford. "Dahil di naman nababago ng buhok lang ang laman ng puso ng tao."

"Ay, naku! Nagseseryoso ka naman, mare. Huwag kang masyadong seryoso. Nakakatanda iyan. Ang point ko lang naman, dapat mas magpaganda ka. Saka mo na isipin ang puso-puso na iyan. Baka ma-heart attack ka kapag dinibdib mo. Ang importante sa ngayon mapansin ka. And later on, goodbye Belle na!"

Umabrisyete siya dito. "Grabe! Di ka talaga sumusuko."

"Siyempre. Ginagawa ko ito para sa iyo."

Yumakap siya dito. "Thanks, Carlo."

Nagtitili ito. "Huwag mo nga akong yakapin. Nandidiri ako. Baka mamaya may makakita sa atin, baka akala bumigay na ako."

"Hindi ba bumigay ka naman na talaga?"

"Gaga! Ayokong mag-transform back sa pagiging boylet. Panira sa beauty! Si Crawford na lang ang yakap-yakapin mo!"

"Sige na. Mas magpapaganda pa ako para kay Crawford."

"MALAPIT na ang JS Prom natin. Sino ang napipili ninyo para ilaban nating Miss JS?" tanong ng adviser nilang si Mrs. Veleña.

Umugong ang bulung-bulungan subalit tahimik lang si Nicola. Kung usual competition siguro iyon tulad ng quiz bee at sportsfest, malamang ay siya pa ang magpiprisinta. Ngunit wala siyang kahilig-hilig sa mga pageant. Marami naman siyang kaklase na maganda kaya teritoryo na ng mga ito ang pageant.

"Yes, Crawford?" anang adviser nila.

"I vote for Nicola Tesorio."

Nagulat ang lahat lalo na siya. Di kasi niya inaasahan na siya ang iboboto ni Crawford. Tumayo siya. "T-Teka lang. Bakit naman ako?"

Nakangiti ang mga mata ni Crawford nang titigan siya nang direkta. As if he was so confident about his vote. "You are beautiful, Nicola. Matangkad ka rin at smart kumilos. Saka lalong lumabas ang ganda mo nang humaba ang buhok mo. Hindi rin familiar ang mukha mo sa mga pageant kaya di ka pagsasawaan ng mga tao. You are perfect to be Miss JS. Right, classmates?"

"Oo!" halos iisang taong sagot ng lahat.

"May iba pa ba kayong ino-nominate?" tanong ni Mrs. Veleña.

"Wala na, Ma'am," sabi ng kaklase niyang si Roseann.

"Oo nga. Basta si Crawford ang nagsabi, wala na kaming kontra," wika naman ni Carlo. "Kapag sinabi niyang maganda, ibig sabihin maganda."

"S-Sandali lang. I object! Ayokong lumaban sa pageant. Hindi naman kasi ako maganda. Mapapahiya lang ang klase natin kapag ako ang pinakapangit na contestant. Pumili na lang kayo ng iba," angal niya.

"Sino ang may ayaw na si Nicola ang maging representative natin?" tanong ni Crawford. Subalit walang nagtaas ng kamay. "Sino ang susuporta kay Nicola?"

Nagtaasan ng kamay ang lahat. Basta si Crawford ang nagsalita, daig pa yata nito ang presidente ng Pilipinas ng sinusunod ang lahat ng sabihin. Animo'y ito ang hari sa classroom nila na lahat ng opinion nito at sabihin ay pinaniniwalaan. Kaya kapag sinabi ni Crawford na maganda siya, maniniwala ang lahat.

"So its decided," wika ni Mrs. Veleña. "Si Nicola ang representative natin sa Miss JS. Suportahan ninyo siya."

Nagpalakpakan ang lahat. Matalim naman ang tingin niya kay Crawford. Di kasi niya alam kung bakit siya nito isinusubo sa pageant. Subalit isang bahagi naman niya ang kinikilig dahil maganda siya sa paningin nito.

"Well, you can't say no now," wika ni Crawford nang lapitan siya matapos ang subject nila. "At di ka na rin pwedeng umurong."

"Why are you doing this, Crawford? Wala akong hilig sa pageant."

"Gusto ko lang ipagmalaki sa lahat na may maganda at matalino akong kaklase tulad mo," kampante nitong sagot at pinisil ang pisngi niya. "And I am sure that you will win this pageant."

Haba ng hair. Kaway-kaway sa kontesera ng beau con. Kumusta ang experience?

Sofia_PHRcreators' thoughts
Bab berikutnya