NAIIDLIP NA si Illyze. Sa guestroom muna ni Jenna Rose sa taas ng boutique siya nagpahinga habang di pa dumadating ang Kuya Rolf niya mula sa yachting sa Calatagan, Batangas. She was still excited about Romanov. Pero namayani sa kanya ang pagod. Dumilat siya nang may kumatok sa pinto.
"Illyze! Illyze!"
"Kuya Rolf!" Bumalikwas siya ng bangon at dali-daling binuksan ang pinto. "Kuya!" At niyakap niya ang kapatid. "Akala ko mamayang gabi ka pa babalik."
"God, Illyze! I am so worried about you. Tinawagan nila ako. Sabi nila nandito ka daw at doon ka pa dumaan sa Mountain Trail. Kung anu-ano nang nangyari sa iyo. What are you doing here?"
She smiled sweetly. "I am paying my handsome brother a visit."
Matagal na sandali siya nitong tinitigan. "I highly doubt it. Minsan nga gusto mo pa na ikaw ang dinadalaw namin sa kung saang lupalop ng mundo."
"I am visiting you for a change. Masama bang dalawin ka, Kuya?"
"Uutuin mo pa ako," anang si Rolf pero lumambot din ang anyo.
"Excuse me," anang si Jenna Rose. "Nasa labas na ang kotse mo. Kailangan mo lang mag-sign sa bill, Illyze."
"Maayos ba ang kotse ninyo, Ma'am," anang mekaniko. "Sa susunod po, four-wheel drive na kotse ang dadalhin ninyo kung gusto ninyong dumaan sa Mountain Trail. Sayang naman po ang Porsche ninyo. Masisira lang."
"Thank you. I will keep that in mind. Magkano ulit ang babayaran ko?" tanong niya at tiningnan ang bill. "I hope you accept credit card."
"Hindi na po kailangan, Ma'am. We already got it covered. Naka-charge na po sa bill ni Sir Rolf ang bayad sa sasakyan," paliwanag ng mekaniko.
"Wow!" Yumakap siya sa baywang ng kapatid. "Ang sweet mo naman, Kuya!"
"Anong sweet? Wala lang akong choice dahil rule iyon sa club. Kung sino ang nagsama sa iyo sa loob, siya ang magbabayad. May exclusive card account kami dito sa riding club." Sumama ang mukha nito. "Hindi ko alam kung bakit kailangan pang sa akin ma-charge ito. Ayoko ngang nandito ka."
"Dadalhin mo na ba siya sa villa mo, Kuya Rolf?" tanong ni Jenna Rose.
"Oo. Dahil baka pati ikaw maperhuwisyo niya," anang si Rolf at itinulak siya papunta sa kotse niya. "Mag-convoy na lang tayo, okay?"
Humalik siya sa pisngi ni Jenna. "Sumama ka sa aming mag-dinner mamaya. Marami pa tayong pagkukwentuhan lalo na tungkol kay…"
"Ano pa bang pinag-uusapan ninyo?" tanong ni Rolf. "Halika na!"
"Kuya Rolf, tumawag nga pala si Ate Jenieva kanina."
Biglang nagningning ang mata ng kapatid niya. "Kinumusta niya ako?" Dating nobya kasi ng Kuya Rolf niya ang kapatid ni Jenna Rose.
Umiling si Jenna Rose. "Hindi, eh! Ni hindi ka nga niya nabanggit."
Umingos si Rolf. "Sabihin mo sa kapatid mo, marami akong ka-date kanina. They are beautiful and sexy. They like me a lot."
"Pero ilan ba talaga ang ka-date mo, Kuya Rolf?" tanong ni Jenna Rose.
"Wala. Ka-date lang lahat ni Reichen ang mga iyon." Inilagay nito ang daliri sa sariling labi."Huwag mong sasabihin, ha? Baka isipin ng ate mo gusto ko pa siya."
Di maiwasang mapangiti ni Illyze habang nakasunod sa kapatid niya. Inaaliw niya ang sarili sa nadadaanang tanawin sa Stallion Riding Club. "Saan kaya dito ang bahay ni Romanov?" tanong niya. "Kung gusto niya na dito na sa riding club tumira, masaya siguro. Mahilig nga akong bumiyahe. Pero wala nang dahilan para bumiyahe pa ako ngayon. Kasi nandito na si Romanov. This will be our paradise."
Kinatok ng Kuya Rolf niya ang windshield ng sasakyan niya. Saka niya na-realize na nasa harap na sila ng villa nito. "Baka gusto mo nang bumaba. Nasaan ang overnight bag mo?"
"Nasa trunk ng kotse ko, Kuya." Success! Kung hinahanap niya ang gamit ko, ibig sabihin payag na siyang mag-stay ako dito.
Nahindik si Rolf nang makita ang laman ng trunk. "Huh! Maleta? Nakalimutan mo yatang iwan sa bahay natin ang mga gamit mo."
"Hindi, Kuya. Para dito talaga ang lahat ng iyan. I am here on a vacation."
Ibinagsak nito ang trunk at hinila siya papasok ng villa. "Magkalinawan tayo, Illyze. Payag akong dito ka mag-overnight pero bukas aalis ka rin dito. I told you that this place is dangerous for single young women like you. This is not an ideal vacation place unless you are asking for trouble."
"Kuya, please! I want to stay. Dito nakasalalay ang future mo."
"Masisira ang future mo dito. Hindi ko kayang kontrolin ang mga lalaki na magkakagusto sa iyo. How can I protect you?"
"Hindi mo ako kailangang protektahan, Kuya. It is Romanov's job now."
Nagulat ito. "Huh? Bakit? Ayaw na niyang maging director at gusto na lang niyang mag-bodyguard sa iyo? O baka naman baby sitter."
"Kuya, he is my future! He is my destiny."
Natigagal ito. "Anong destiny-destiny ang sinasabi mo diyan?"
Gumuhit ang ngiti sa labi niya. "Siya ang lalaking pakakasalan ko."
"Sinabi ba iyan ni Romanov sa iyo?"
"Hindi. Sabi ko. Sabi ng hula. Sabi ng puso ko. We are destined for each other, Kuya. At mag-I-stay ako dito para sa kanya."
Sa gulat niya ay humalakhak ito. "Si Romanov? Destiny mo?That is so funny!"
Muntik na niyang tadyakan ang kapatid kung di lang ito mas matanda sa kanya. "What's so funny? Ano naman ang masama kay Romanov?"
"He is not some Prince Charming, Illyze. Dahil nang magsabog ng kasungitan sa mundong ito, sinalo niyang lahat. You have a charming personality. Hindi ka bagay sa tulad ni Romanov na masyadong gloomy. Di ko alam mahilig ka sa horror."
Sinimangutan niya ito. "Anong walang charm? Guwapo siya kahit di ngumingiti. Saka tinulungan niya ako nang masiraan ako. Inilibre pa niya ako ng lunch. Hindi niya ako iniwan sa Mountain Trail. Gentleman din siya dahil hindi siya nag-take advantage sa akin."
"Gentleman?" Tumango-tango ito. "I highly doubt it. Hindi iyon dahil gentleman siya. Ang totoo, wala siyang interes sa iyo o sa kahit sinong babae. Ikaw na ang nagsabi na di ka niya nginitian. He is not a normal guy."
"Hay, naku! Kahit na bampira pa siya, magpapakagat pa rin ako sa leeg. Suportahan mo na lang ako, Kuya. After all, di siya babaero tulad mo."
"Aba't... hindi ako babaero. Kay Reichen ang title na iyon."
"Hayaan mo namang magamit ang charm ko, Kuya. At ayaw mo ba iyon? Di ka na mag-aalala sa akin kapag bumibiyahe ako dahil dito na lang ako."
Nanlambot ito. "Parang mas delikado pa nga kung nandito ka."
Pinisil niya ang pisngi nito. "Pumayag ka na. Or else, I will tell Ate Jenieva that you still like her."
Namutla ito. "That is blackmail!"
"Yes, it is."
"Sige na. Dito ka muna," napipilitang sagot nito.
See you on September 15, 2019 sa SMX Mall of Asia for my Manila International Book Fair Book Signing. Pwede kong i-sign ang Stallion books ninyo at iba pang books. May new book din ako na lalabas sa event.