Sa isang restaurant na Filipino cuisine ang specialty sila pumunta. Di halos makakibo si Marist at hinayaan lang magkwentuhan sina Emrei at Constancia. Di siya makakain nang maayos dahil di makadaan ang pagkain niya sa lalamunan niya. Di niya alam kung dahil di siya sanay na inililibre o dahil kay Emrei.
"May dinalaw lang akong kaibigan sa opisina niya tapos nakita ko pa kayo," anang si Emrei. "Anong ginagawa ninyo sa opisina ng Stallion Shampoo?"
Humawak si Constancia sa balikat niya. "Nanalo kasi si Marist ng grand dream date para sa Stallion Shampoo raffle."
Kumunot ang noo ni Emrei. "Grand dream date?"
"Oo. May apat na araw siya para makipag-date sa Stallion Riding Club. Alam mo ba iyong sikat na riding club na puro guwapo at mayayaman lang ang pwedeng maging member," kwento ni Constancia. "At isa sa mga lalaki doon ang makaka-date niya. Ang swerte-swerte niya!"
"Ah, oo!" At tumango si Emrei. "Iyon pala ang contest na pinag-uusapan ng mga empleyado ko. Pati nga iyong sekretarya ko na singkwenta anyos na at may apo, sumali rin dahil gusto daw niyang makipag-date."
"Hindi ka ba member ng Stallion Riding Club?" tanong niya.
Umiling si Emrei. "Hindi. May ilan lang akong kilala na tagadoon sa riding club. Maswerte ka pala dahil nanalo ka ng date."
Lumabi siya. "Ano ba naman ang nakakatuwa doon?"
Siniko siya ni Constancia. "Marist, huwag ka namang ganyan."
"Totoo naman ang sinasabi ko. Wala akong interes makipag-date. Ano naman kung makapasok ako sa lugar ng mayayaman? May mapapala ba ako? Sayang lang ang oras ko. Magtatrabaho na lang ako. Kikita pa ako ng pera."
"Ayaw mong ituring na libreng bakasyon ang napalunan mo?" tanong ni Emrei. "Maganda ang Stallion Riding Club. Makakapag-relax ka."
Napabuntong-hininga siya. "Importante ang oras ko, Mr. Rafiq. Wala akong oras para mag-relax tulad ninyong mayayaman. Walang importante sa akin kundi ang kumita ng pera. Di kasi kayo mahirap kaya di ninyo ako maintindihan."
"H-Hindi naman sa ganoon," anang si Emrei. "I am sorry. I shouldn't insist anyway. But I didn't mean to offend you or anything…"
"Naku! Huwag mong pansinin si Marist. Ang totoo man-hater iyan," pabulong na sabi ni Constancia kay Emrei kahit na naririnig naman niya.
Siniko niya. "Huwag ka ngang magulo diyan!"
"Bakit? Totoo naman, ah! Galit ka lang sa mga guwapong mayayaman at nadadamay lang si Emrei sa galit mo," walang prenong sabi ni Constancia.
Pinanlakihan niya ito ng mata. "Constancia Dimayuga!"
Hindi siya makapaniwala na ini-reveal nito ang nararamdaman niya kay Emrei. Yes, maybe she was out of line. Pero kailangan ba nitong sabihin sa estranghero ang tungkol sa bagay na iyon?
Natigilan si Constancia. Natuklasan siguro nito ang pagkakamali nito. Tumitiklop na ito kapag galit siya. "Totoo naman ang sinabi ko, ah!" usal nito.
Mariin siyang pumikit. Siya tuloy ang naipit. Mamaya na niya sasakalin si Constancia. Si Emrei muna ang kailangan niyang harapin. "I am sorry. Hindi ko naman ako galit. Ayoko lang pinakikialaman ako. Kapag ayaw ko, hindi ako mapipilit. Mabuti siguro ang intensiyon mo sa akin pero salamat na lang. At tungkol naman sa pagiging man-hater ko…"
"You don't really have to explain anything to me." Ngumiti sa kanya si Emrei. Parang di man lang ito naapektuhan kahit nang sungitan niya. "Di naman kita masisisi kung galit ka sa mga lalaki. You have your reasons."
Di na siya nakakibo. Ano pa ang sasabihin niya kung balewala naman kay Emrei ang galit niya? Ni di na niya kailangang magpaliwanag.
"Ano ang favorite color mo?" tanong ni Constancia dito upang ibahin ang usapan. Tahimik na lang siyang nakinig sa usapan ng dalawa.
She was caught off guard. Sa ilang saglit lang, parang iniba nito ang tingin niya sa mga lalaki. Iyong ibang lalaki, nangingilag agad kapag nalamang man-hater siya. Iyong iba naman ay pinagtatawanan siya. But this was the first time that a man would be willing to understand her. Di agad siya hinusgahan.
Pasimple niyang sinulyapan si Emrei. Mukhang iba nga ito typical na lalaking mayaman na nasa isip niya. Mataman kasi itong nakikinig kay Constancia at sinasagot kahit na gaano pa kababaw na mga tanong. Nang lumingon ito sa kanya ay mabilis niyang binawi ang tingin.
Alam kaya niyang kanina ko pa siya tinititigan? Ano kaya ang iniisip niya sa akin? Bakit di na lang niya ako inaway para di na ako mabaitan sa kanya?
"Gusto bang ihatid ko kayo sa inyo?" tanong ni Emrei matapos silang mag-lunch. "Wala naman akong schedule na importante ngayong hapon."
"Talaga? Ihahatid mo kami sa amin?" excited na tanong ni Constancia.
"Kung okay lang sa iyo, ihatid mo na si Connie. May pupuntahan pa kasi ako sa Megamall. May kailangan pa akong bilhin," nakangiti niyang sabi. "Thank you."
"Sigurado ka na kaya mong mag-isa?" paniniyak ni Emrei.
"Oo naman. Sa aming dalawa ni Connie, ako ang hindi mawawala. Kabisado ko ang buong Manila. Siya ang walang sense of direction. Mag-ingat na lang kayong dalawa," aniya at mabilis na pinara ang paparating na bus.
Mabuti nang magkasarilinan ang dalawa. Pagkakataon na iyon ng kaibigan niya. Tumingin siya sa labas ng bus at nakita ang sarili na nakaupo sa harap ng kotse ni Emrei at masayang nakikipag-kwentuhan dito.
Naipilig niya ang ulo. "Bakit ko naman iisipin na mangyayari sa akin iyon? Imposible na makipagtawanan ako kay Emrei o kahit na kaninong lalaki. At kahit sa pangarap, hinding-hindi mangyayari iyon."
Don't forget to comment, vote, and rate this chapter.
And see you on September 15, 2019 sa SMX Mall of Asia for my Manila International Book Fair Book Signing. Pwede kong i-sign ang Stallion books ninyo at iba pang books. May new book din ako na lalabas sa event.