Inabutan siya ni Emrei ng ilang isang libong pisong papel. "Ito lang ang cash ko. Pwede na ba ito?"
Nagtaka siya at binilang ang pera. "Ten thousand ito. Seven thousand lang naman ang ibabayad mo sa akin, ah!" Di yata ito marunong magbilang.
"Keep it. Danyos sa pang-aabala ko sa inyo." Inabutan siya nito ng calling card. "Tawagan na lang ninyo ako kapag may problema."
Napatitig siya sa pangalan nito sa calling card. Emrei Rafiq.
"Ang totoo hindi naman kailangan…" Pagtingin niya dito ay nakaalis na ito sa harap niya at pabalik na sa kotse nito. "Hoy! Sandali lang!"
"Bakit, Miss?"
Binitbit niya ang mga bag. "Dalhin na ninyo ito. Maayos pa ang ibang bag. Magagamit pa ninyo. Saka binayaran ninyo ito."
"S-Sige. Dalhin na lang natin sa backseat," anang si Emrei at tinulungan siya.
Nang buksan niya ang pinto ay nanlaki ang mata ni Mimi. "Emrei, you can't let them put the junk inside of the car."
"It is my car," mariing wika ni Emrei. "And she said that I paid for it. Don't worry. Hindi ka maa-allergy. Bag lang iyan. Saka maganda naman ang design. Gusto mo bigyan kita ng isa."
Umingos si Mimi. "No, thanks! I'm not interested with trash."
Trash? Hampasin kaya kita ng bag ko? Buti na lang gentleman si Emrei.
"Gusto ba ninyong sumabay sa akin? Ihahatid ko na kayo," alok ni Emrei.
"Huwag na lang. Sobrang nakaabala na kami sa inyo." Kung pwede nga lang, di na niya ito nakilala. Tingin kasi niya ay kamalasan lang ang dala ng mga guwapo at mayamang tulad nito sa buhay niya. "Ito nga pala ang sukli mo."
Subalit di na siya nito pinansin at sumakay na ng kotse. "Mag-iingat na lang kayong dalawa. Bye!" Kumaway pa ito sa kanila bago pinasibad ang kotse palayo. Natulala na lang siya. Ni hindi man lang nito pinansin ang sinasabi niya.
"Nice meeting you!" sigaw ni Constancia. "I love you!"
"NAY, matulog na po kayo," pakiusap ni Marist sa nanay niyang si Aling Ising. Hanggang ngayon kasi ay nakatingin pa rin ito sa bintana ng kuwarto nito at animo'y may tinatanaw. Alas diyes ng gabi noon at ayon sa doctor ay di ito dapat mapuyat.
"Hindi pa dumadating si Alfredo. Alam mo nangako sa akin ang tatay mo na dadating siya ngayon para sunduin tayong dalawa. Hindi ka pa nakikilala ng tatay mo. Tiyak na matutuwa siya kapag nakilala ka niya, anak," anitong puno ng tuwa at pag-asa ang mga mata.
Gusto niyang maiyak habang nakikinig dito. Di na kasi babalik ang tatay nila. Ni hindi na rin ito magpapakita pa. Galing sa mayamang pamilya ang tatay niya at simpleng tindera lang sa palengke ang nanay niya. Ipinagbubuntis pa lang siya ng nanay niya nang magpakasal na sa ibang babae ang tatay niya. Pinaasa pa rin ito hanggang sa huli na tututulan ng tatay niya ang pagpapakasal sa babaeng di gusto ng pamilya nito. Pagkapanganak sa kanya ay nagkaroon ng postnatal depression ang nanay niya.
Di naman ito nananakit. Mukha naman itong normal at nakakapag-trabaho pa nga ito. Subalit lagi nitong ikinu-kwento ang tungkol sa tatay niya. Tiya niya ang umalalay sa kanilang mag-ina hanggang namatay ang tiya niya at napilitan siyang tumigil sa pag-aaral upang mabuhay silang mag-ina.
Niyakap niya ang nanay niya. "Mabuti pa po matulog na po kayo. Gigisingin ko na lang po kayo kapag dumating na si Tatay."
"Sige. Kantahin mo ang theme song naming ng tatay mo."
Napilitan siya na kantahin ang Endless Love na ginawa pa nitong lullaby sa kanya noong bata pa siya at pinapatulog. She hated that song. Para sa kanya ay isang malaking kalokohan lang iyon. Sapat nang ebidensiya ang nanay niya sa kung anong nagagawa ng pag-ibig sa isang tao.
Hindi siya matutulad dito. Di niya ipagkakatiwala ang puso niya. Mas gugustuhin pa niyang mag-isa sa buhay niya kaysa magmahal ng isang lalaki na sarili lang ang iniisip at laruan ang tingin sa mga babae. Mga lalaking tulad ng tatay niya.
Lumabas siya ng kuwarto ng nanay niya at naabutang nagkakakanta si Constancia. "I think I am in love! I think I am in love with you!!!"
Parang sasabog na ang eardrums ni Marist sa paulit-ulit na kanta nito. Mula sa biyahe nila sa Laguna hanggang makauwi sila sa Cubao ay di pa rin ito napangal sa kakakanta. Gusto na nga niyang pasakan ng basahan ang bibig nito dahil dumudugo na talaga ang tainga niya. Nakalimutan na nga nito ang gutom dahil gusto daw nitong mag-diet para sa kay Emrei.
"Hindi ka ba matitigil sa kangangawa mo? Baka magising pa si Nanay. Hanapin na naman niyon ang tatay ko at pakantahin na naman ako."
"Anong magagawa ko kung iyon ang awit ng puso ko? Para tsunami si Emrei na basta na lang niragasa ang buhay ko. Ang sweet, hindi ba?"
Matalik na magkaibigan din ang nanay nila ni Constancia. Kaya kapag umaalis siya ay nanay nito ang nagbabantay sa nanay niya. Wala naman kasing ginagawa ang nanay nito. Pensiyonada si Constancia ng kuya nitong nasa Japan. Kaya nga walang ginawa ang kaibigan niya kundi mangarap na makapag-asawa ng mayaman.
"Ang sweet, hindi ba?" gagad niya dito habang inilalabas isa-isa ang bag mula sa kahon. Bumalik din sila sa pabrika para bumili ng mga bagong paninda. "Muntik na nga tayong mamatay dahil sa kanya. Tapos sinayang pa niya ang oras natin."
"It is fate, friendship! Iyon ang paraan ng tadhana para sa aming dalawa. Saka hindi sayang ang oras natin. Isipin mo na lang na ito ang itinakdang panahon para magkakilala kaming dalawa."
Tumango-tango na lang siya habang nakataas ang kilay. "Sige, goodluck sa iyo. Good luck sa pangangarap mo."