HINDI maipinta ang mukha ni Tiya Vilma nang pasukin si Jemaikha sa kuwarto. "Ano ka ba namang babae ka? Ni hindi ka man lang nahiya. Nakaalis na si Hiro at lahat, hindi mo man lang hinarap nang maayos."
"Siya lang po kasi ang nagpapahirap sa sarili niya. Sinabi ko na sa kanya na break na kami. Ayaw pa rin niyang tumigil. Kahit na sundan pa niya ako mula dito sa bahay hanggang sa opisina, hindi ko na siya kakausapin."
Kahit mga kaibigan niya ay naiirita na sa kanya dahil hindi niya pinapansin si Hiro. Wala na ngang ginawa ang binata kundi ang sumunod sa kanya. Nasasaktan din siya pambabalewala dito pero kailangan. Kapag pinagbigyan niya ito, bibigay lang ang puso niya. At di kakayanin ng konsensiya niya kung Papa nito ang mapapahamak dahil sarili lang niya at puso niya ang inisip niya.
"Ano ba ang problema mo kay Hiro?"
"Wala po akong problema sa kanya. Ako po ang problema."
"Tama ka. Ikaw nga ang may problema. Mahal mo naman iyong tao pero pinahihirapan mo pa. Ano na naman ba ang pumasok sa kukote mo? Mabuti nga pinagtitiisan ka nung tao. Aayaw-ayaw ka pa. Mag-isip-isip ka nga."
"Hindi naman talaga ako bagay sa pamilya niya," bulong niya.
Magiging masaya na lang siya dahil kahit sandali, nabuhay siya sa isang magandang panaginip. She would cherish the moment she spent with Hiro. Pero ngayon, kailangan na niyang gumising.
"Ikaw? Paano ka? Nasasaktan ka rin naman. Si Hiro din naman sinasaktan mo sa ginagawa mo. Naghirap na kayo. Dapat naman maging masaya kayo."
"Naiintindihan naman po niya kung bakit ko ginagawa ito."
"Pero hindi pa rin kayo masaya," giit nito. "Hindi ko alam kung ano ang lahat ng nangyayari sa inyo. Pero kung kinakailangan, lumaban kayo. Hindi sumusuko sa iyo si Hiro. Sana ganoon ka rin sa kanya."
HANGGANG kinabukasan ay dala ni Jemaikha ang sinabi ng Tiya Vilma niya. Dapat nga ba niyang ipaglaban si Hiro? Paano naman ang mga taong sasaktan nila? May iba pa bang paraan para maayos nila ang lahat?
"Siguro dapat kong kausapin si Hiro," isip-isip niya. "Kakausapin ko siya mamaya kapag nakita ko siya sa labas ng office."
Subalit paglabas niya ng opisina ay wala ito. Lulugo-lugo tuloy siyang umuwi. "Mukhang sinawaan na yata si Hiro sa kasusuyo sa akin." Gusto niyang batukan ang sarili. "Kasi masyado akong madrama. Sana kinausap ko siya. Baka hindi na siya magpakita sa akin. Paano na ako?"
Pagdating niya sa bahay ay si Hiro agad ang bumungad sa kanya. "Hiro!" Sa sobrang tuwa na makita ito ay niyakap niya ito. "I think we need to talk."
"Mag-uusap nga tayo pero kaharap sila."
Napakapit siya sa braso ni Hiro nang makitang nasa sala rin ang mga magulang nito. Nakasakay sa wheelchair si Minamoto.
"K-Konbanwa. Guia wa ikaga desu ka," bati niya at pangungumusta sa kalagayan ng ama ni Hiro. Baka magalit ang mga ito sa pagyakap niya kay Hiro. Iniisip ba ng mga ito na hindi siya tumupad sa pinag-usapan nila?
"Daijoubu desu," wika ni Minamoto at bahagyang ngumiti.
Malakas na malakas ang kaba niya habang hinihintay ang susunod na sasabihin ng mga ito. "Jemaikha, tungkol sa napag-usapan natin noong nakaraan," panimula ni Estella. "I want to apologize about it. Hindi namin kayo dapat na pinaghiwalay ni Hiro."