webnovel

Chapter 11

"Jaimee, I am sorry. Hindi ko pa yata maibabalik sa iyo ang ten thousand na nahiram ko. Wala pa kasi akong trabaho." Nagkasabay sila nito sa powder room. Sila lang tao doon kaya nai-open niya ang dilemma.

Hinawan nito ang braso niya. "It's okay. Wala naman sa akin iyon."

Nanlaki ang mata niya. "Come on. Ten thousand is ten thousand. Ikaw na ang nagsabi na kailangan mong magtipid dahil bubukod na kayo ni John ng bahay. You need the money to start. With the wedding and the baby coming…"

"It is okay. Hindi naman sa akin ang pera."

"Akala ko ba bonus mo iyan? Kung hindi sa iyo ang pera, kanino?"

May bahid ng takot ang mga mata nito nang salubungin ang tingin niya sa salamin. "Bigay ni Hiro para sa iyo."

"Si Hiro?" Napasandal siya sa tiled bathroom wall. "Paanong napasok si Hiro dito? Hindi naman kayo nag-uusap o nagkikita, hindi ba?"

"Naalala mo ba noong nagkita kayo sa Mocha Blends? Nanghihiram ka ng pera sa akin noon pero di naman kita napahiram. Tinawagan niya ako at tinanong niya kung ano ang problema mo."

"Paano naman niya malalaman na may problema ako?"

"Napansin kasi niya na tubig lang ang iniinom mo at di ka um-order ng kape. Kilala ka niya. Kung may pera ka lang din naman, kape agad ang bibilhin mo. Kaya naman tinawagan niya ako. Sinabi ko na inabot ka ng kamalasan. Na di mo nakuha ang sweldo mo sa office at kinain ng ATM machine ang ATM card mo. Na pati iyong fifty pesos mo na pamasahe, pinagtripan ng mandurukot."

Naisuklay niya ang mga daliri sa buhok. "Ano ka ba naman, Jaimee? Bakit naman pati iyon ikinuwento mo pa sa kanya?"

"Siyempre. Iyon naman talaga ang nangyari sa iyo. Nakakaawa ka naman."

"Hindi ko kailangan ng awa niya."

"Hindi naman awa iyong pera na iyon. Tulong iyon. Sa akin na nga lang niya pinadaan ang tulong kasi alam niyang hindi mo tatanggapin. Tapos lagi ka lang magde-deny na kaya mo ang problema kahit na hindi naman."

Naipadyak niya ang paa. "Nakakainis ka naman, Jaimee! Alam mo naman na ayokong hihingan ng tulong si Hiro. Hangga't maari nga ayokong may malaman siyang hindi maganda tungkol sa akin."

Nangilid ang luha nito. "Nakokonsensiya kasi ako. Gusto kitang tulungan pero wala akong pera. Natutuwa ako na hanggang ngayon, concern pa rin sa iyo si Hiro."

Naalarma siya nang makitang paiyak ito. Saka niya naalala na napaka-sensitive pala ang feelings ng mga buntis. Hinaplos niya ang likod nito. "Huwag ka nang umiyak, Jaimee. Hindi naman ako galit sa iyo. Iyon lang naman kasing kay Hiro…." Napapalatak siya. "Bakit naman sa dinami-dami, si Hiro pa?"

Mula nang makita niya nang harapan ang nobya ni Hiro ay nawala na ang anumang ilusyon niya. Kasama na ang pagpapakasal dito kapag ubod na siya nang yaman. She already missed her chance. May bago na itong buhay. Kung tatanggap pa siya ng tulong o atensiyon mula dito, paano pa siya makaka-recover? Kahit katiting na pag-asa kay Hiro ay ayaw na niyang buhayin.

"Siya lang naman kasi ang nag-offer ng tulong. Huwag ka ring magalit kay Hiro kasi gusto lang naman niyang tulungan ka."

"Basta mag-uusap kaming dalawa."

Bab berikutnya