"TIYA, masarap po ba talaga 'yung pininyahan na niluto ko?" paniniyak ni Jemaikha sa Tiya Vilma niya habang inilalagay ang nalutong ulam sa picnic basket. "Magugustuhan po kaya iyan ng magulang ni Hiro?"
"Masarap iyan. Pininyahan ang unang nauubos na handa kapag may fiesta sa baryo namin. Pero bakit kailangan mo pang magluto? Hindi ba may kainan naman sa rancho na bibisitahin natin? Tiyak na pangmayaman ang pagkain doon. Di bagay ang pininyahan."
"Iyan daw po kasi ang gusto ng nanay ni Hiro kapag umuuwi ng Pilipinas. Gusto ko lang pong mag-iwan ng magandang impresyon sa kanila," paliwanag ng dalaga.
Iyon ang unang pagkakataon na makakaharap niya ang magulang ng binata. Karaniwan ay sa video chat lang sila nagkakausap ng ina ni Hiro at ang ama nito pero para bumati lang at mangumusta. Wala namang masamang ipinakita ang mga ito sa kanya. Medyo malamig at pormal lang ang mga ito.
Mahigit isang taon na niyang boyfriend si Hiro. Graduating na siya sa kolehiyo at nasa dean's list. Impressive din ang grades ni Hiro. May alok na dito ang ibang kompanya sa Pilipinas at Amerika pero nangako na ito na tutulong sa kompanya ng pamilya pagbalik sa Japan. Nakaayos na ang plano ng lahat pati ang pagsunod niya dito sa Japan o sa Amerika kung sakaling maka-graduate na siya.
"Magpapakasal na ba kayo pagka-graduate? Yayayaman na ba tayo?" nagniningning ang mga matang tanong ng tiyahin.
"Wala pa po sa plano namin ang magpakasal. At kung pakakasalan ko man siya, di po iyon dahil sa pera," paglilinaw niya.
"Alam ko naman na mahal mo talaga si Hiro at di lang pera ang habol mo. Pero automatic na iyon na yayaman ka rin kapag nakasal kayo."
Ni minsan ay di niya napag-interesan ang yaman ng pamilya ni Hiro. Hindi siya pinalaki ng mga magulang na maging fixated sa pera lalo na kung di niya pinaghirapan.
"Ate, masakit ang tiyan ni Papa," hangos ng kapatid na si Robin nang takbuhin sila sa kusina. "Kailangan na natin siyang isugod sa ospital."
Sa tulong ng mga kapitbahay na tumawag ng baranggay mobile ay idinala nila ang ama sa FEU Hospital. Nakakapangilabot ang palahaw ng sakit ni Mang Elpidio. Sobrang higpit ng hawak nito sa kamay niya. Nakita na niya itong namimilipit sa sakit noon pero ito ang pinakamatindi.
"A-Ate kaya pa ba ni Tatay?" naluluhang tanong ni Robin nang dalhin sa emergency room ang ama. "Iiwan na ba niya tayo?"
"Hindi. Lalaban si Tatay para sa atin." Hindi nila susukuan ang ama dahil alam nilang lalaban din ito para sa kanila.
"Jemaikha!" tawag ni Hiro sa kanya na tumatakbo palapit sa kanya.
Sinalubong agad niya ito ng yakap. "Si Tatay..."
"Nalaman ko na isinugod si Tatay Elpidio sa mga kapitbahay kaya sumunod agad ako dito." Nawala na sa isip niya na tawagan ito sa pagkataranta.
Tiningala niya ito. "Pasensiya na kung di natuloy ang picnic. Emergency kasi."
"Naiintindihan nila Mama at Papa iyan. Iyon nga lang kanina pa silang madaling-araw pumunta sa horse ranch kaya dadalaw na lang daw sila dito sa ibang araw," paliwanag nito at pinisil ang balikat niya. "Dito lang ako sa tabi mo."
"Jemaikha, nandito na si Doc," untag ng Tiya Vilma niya.
"Lumalala na ang kondisyon ni Mang Elpidio. Kailangan nang agapan ng liver surgery bago pa tuluyang kainin ng cancer ang buong atay niya. Huwag nating hintayin na kailanganin pa niya ng liver transplant," anang doktor.
"Sige po operahan na ninyo," sabi ni Tiya Vilma. "Magkano po ba?"
"One hundred fifty thousand."
Nanlambot ang tuhod ng dalaga. Saan naman sila kukuha ng ganoong halaga? Isasanla ang bahay nila? Kanino naman nila isasanla iyon? Saan naman sila pupulutin kapag nagkataon?
"Tumatanggap po ba kayo ng credit card?" tanong ni Hiro at inilabas ang itim na card.
"Yes. Settle the bill at the accounting please. Ihahanda namin agad ang kailangan sa surgery kapag nakabayad kayo," anang doktor at nagpaalam.
Pinigilan niya ang braso ng binata. "Hiro, hindi kita hahayaan na bayaran ang bill sa surgery ng tatay ko."
"What's wrong if I'd do that? Boyfriend mo ako. Di na ibang tao ang tatay mo sa akin. Parang tatay ko na rin siya."
"Ayokong may masabi ang magulang mo sa akin."
"They are good people. Mauunawaan nila ang gagawin ko. I am saving the life of someone dear to me, my girlfriend's father. Huwag mo nang pairalin ang pride mo. Buhay ng tatay mo ang nasa alanganin."
"Pero Hiro..."
He cut her argument with a kiss. It was the kiss that could blow her brains out and ould make her soul fly. Sa lahat ng kaguluhan sa utak niya at tensiyong nararamdaman niya, kumalma siya sa halik na iyon.
"No arguments. Paooperahan natin ang tatay mo sa lalong madaling panahon," sabi nito sa magaang boses.
"Kuya, salamat sa tulong. Ayokong mawala si Tatay," sabi ni Robin.
Inakbayan ito ni Hiro. "Ako ang bahala diyan. Hindi mawawala si Tatay Elpido.
inayaan niya ang tiyahin at si Hiro ang pumunta sa accounting. Mabilis namang ihinanda ang ama niya para sa operasyon.
"Kumain ka muna," anang binata. "Mukhang masarap 'yung pininyahan na luto mo. Dinala ng Tiya Vilma."
"Sorry," sabi niya kay Hiro. "Hindi ako dapat naging mayabang samantalang ako itong walang maitulong."
"Di totoo iyan. Mabuti kang anak. Pero minsan, kailangan mong tumanggap ng tulong sa iba. May limitasyon ka pero di iyon kabawasan sa pagkatao mo. Nandito ako para sa iyo. At tandaan mo na hindi mo ako kaaway."
"I just feel helpless," anang si Jemaikha at huminga ng malalim.
"You don't have to. Nangako ako na pagagaanin ko ang burden sa buhay mo. Bumawi ka sa akin pag may pera ka. Mahalaga gumaling ang tatay mo."
"Salamat sa haba ng pasensya mo sa akin. Basta gagawa ako ng paraan para makabayad sa iyo."
"Hindi mo kailangang magbayad. Ako na ang bahala."
"Hiro, pera mo iyon."
Naningkit ang mga mata nito. "No more arguments or I'll kiss you."
Napalunok siya at parang humaplos sa buong katawan niya ang labi nito sa alaala ng halik nito. He had that profound effect on her. "Parusa ba nang halikan mo ako kanina?"
"No. My kiss has a calming effect so you can finally see reason. No arguments for now. Okay?"
"Okay," aniya at lihim na ngumiti. She would love to argue with Hiro next time.