webnovel

Chapter 30

"Ano'ng nangyari sa'yo?" Gulat ng tanong ni Tessie ng makita si Lexi at Jake.

Nagbook agad ng ticket si Jake pabalik ng Maynila kaya maaga pa lang ay nasa harap na sila ng bahay nila Lexi.

"Tita, sorry po, kasalanan ko." Kaagad na bungad ni Jake kay Tessie. "Nay, aksidente po ang nangyari, walang may gusto." Sinundan agad ni Lexi ang sinabi ng binata at nagsimula na siyang ikwento ang lahat sa kanyang ina.

"Mabuti pa ay umuwi ka na at ng makapagpahinga ka." Sabi ni Tessie. "Tita, sorry po talaga." Muling sabi ni Jake. "Gaya ng sabi ni Lexi, walang may kasalanan dahil aksidente ang nangyari kaya 'wag mong sisihin ang sarili mo. Sige na at umuwi ka na. Ako na ang bahala kay Lexi." Pagtataboy ni Tessie kay Jake dahil alam niyang pagod na din ito sa biyahe.

Umalis na nga si Jake pero hindi siya umuwi. Dumiretso siya sa tindahan ni Ronnie. Kailangan niyang magpaliwanag dahil baka magulat din ito kapag nadatnan si Lexi sa bahay na may benda ang braso.

"Tito." Bati ni Jake pagkakita kay Ronnie. "Oh, kala ko ba tatlong araw kayo sa Palawan, bakit nandito ka na? Si Lexi?" Takang tanong ni Ronnie. "May nangyari po kasi, Tito pero naihatid ko na po si Lexi sa bahay n'yo." Sagot ni Jake. "Pagbilan nga po dito." Singit ng isang mamimili. "Ako din po dito." Sabi ng isa pang mamimili. Nakita ni Jake na madami pang dumating na bibili ng bigas kaya kumilos siya para tulungan si Ronnie. Limang kilo, sampong kilo, labinlimang kilo, hanggang sa tumagal ay nagbuhat na din si Jake ng kalahating kaban at isang kaban. "Aba, Ronnie, ang gwapo naman ng tiga-buhat mo ng bigas." Bati ng isa sa tindera sa palengke. "Manugang ko." Pagmamalaki ni Ronnie. "Aba, kinasal na pala si Lexi, 'di mo man lang kami inimbitahan." Kunwaring pagtatampo ng kanyang mga kasamahan. "Kayo naman, ikakasal pa lang. Nanliligaw pa lang 'tong manok ko." Sabi ni Ronnie. "Nako, tiyak na gwapo at magaganda ang mga magiging apo mo n'yan." Sabi ng isa. "Aba, siyempre naman, gwapo ang lolo." Sabi ni Ronnie at nagkatawanan ang lahat. "Si Jake naman ay nagdidiwang sa saya sa mga nadinig mula kay Ronnie kaya kahit masakit na ang balakang niya ay sige pa din ang buhat.

Sa wakas ay naubos din ang nakapilang mamimili ng bigas. "Bakit kamo kayo nauwi agad?" Tanong ni Ronnie na inabutan ng tubig at towel ang basang-basa ng pawis na si Jake. "Naaksidente po kasi si Lexi..." Panimula ni Jake at kinuwento na ang buong pangyayari.

"Sorry po talaga, Tito." Sabi ni Jake. "Walang gumusto ng nangyari. 'Di mo kasalanan." Sabi ni Ronnie na kinahinga ng maluwag ni Jake. "Nga pala, sinagot ka na ba ni Lexi?" Tanong ni Ronnie. Kumamot lang sa ulo si Jake. "Kahina naman ng manok kong 'to." Nakatawang sabi ni Ronnie. "Ang hirap pong sungkitin ng matamis na OO ni Lexi, Tito." Sabi ni Jake na kinatawa ni Ronnie. "Huwag kang mag-alala, sa tingin ko naman ay sasagutin ka naman ni Lexi, pinahihirapan ka lang mabuti. Tiyagain mo lang." Sabi ni Ronnie. "Opo, Tito." Sagot ni Jake. "Mabuti pa ay umuwi ka na. Pagod ka na nga eh pinagod pa kita dito." Sabi ni Ronnie. "Wala po 'yun, Tito. Kayang-kaya po." Pagmamayabang ni Jake pero ang totoo, masakit na ang katawan niya at pakiramdam niya ay nabanat ng husto ang mga muscles niya.

Pagdating sa ospital ni Jake ay deretso siya sa bahay kaya nagulat pa si Aling Marie ng makita siya. "Anong nangyari sa'yo?" Takang tanong ni Marie ng makita ang damit ng binata na puro dumi. "Nanilbihan po sa biyenan." Sagot ni Jake na nakatawa. Kumunot naman ang noo ng matanda pero maya-maya ay ngumiti din ng maintindihan ang sinabi ng alaga. "Kumain ka na ba?" Tanong ni Aling Marie. "Mamaya na lang po. Maliligo lang po ako saka matutulog. Huwag n'yo muna po sabihin kay Anthony at Rhian na nandito na ako." Bilin ni Jake at tumango naman si Marie.

Nagdaan ang buong maghapon na hindi nagparamdam si Jake na pinagtaka ni Lexi. "Ano'ng nangyari dun?" Tanong niya sa sarili. Hanggang sa gumabi ay walang tawag o text man lang galing sa binata. "Busy siguro sa ospital." Muling sabi ni Lexi sa sarili.

Pag-uwi ni Ronnie ay nagtaka pa si Lexi kung bakit wala itong tinanong na kahit ano tungkol sa benta niya. "Tay, hindi mo man lang ba ko tatanungin kung bakit nandito na ako at bakit may benda ang braso?" Hindi natiis na tanong ni Lexi sa ama ng nasa lamesa na sila at kumakain ng hapunan. "Galing si Jake kanina sa tindahan at sinabi na niyang lahat ang nangyari." Sagot ni Ronnie. "Napakalakas pa lang bata nun, naggigym siguro." Sabi ni Ronnie na pinagtaka ni Lexi. "Bakit po?" Tanong ng dalaga. "Dinumog ako ng mamimili kanina habang nandoon siya. Nagsabay-sabay ang kuha ng mga suki ko. Siguro mga limang kaban ang binuhat niya." Pagkwekwento ni Ronnie. Nanlaki ang mata ng dalaga. "Limang kaban!?" Gulat na gulat na tanong ni Lexi. "Tatay naman eh." Pagmamaktol niya sabay tayo sa upuan ang kinuha ang phone. Pero bago niya pa mai-dial ang number ng binata ay nag-appear na ang pangalan nito sa screen ng phone niya. Dali-dali niyang sinagot ito.

"Jake!" Sabi ni Lexi. "Ate, ako 'to." Si Rhian ang nagsalita. "Nasaan ang kuya mo?" Takang tanong ni Lexi. "Ate, inaapoy ng lagnat si kuya kanina pa. Ayaw naman magpalagay ng dextrose. Saka ate, hinahanap ka niya." Sabi ni Rhian. "Sige , papunta na ako d'yan." Sabi ni Lexi at nagmamadaling kinuha ang susi ng kotse niya. "Saan ka pupunta? Gabi na." Takang tanong ni Tessie. "Inaapoy daw po ng lagnat si Jake." Pagsabi nun ay mabilis na sumakay sa kotse si Lexi at pinatakbo ng mabilis. Ni hindi na inisip ang fracture niya.

"Ikaw kasi, pinahirapan mong mabuti." Sisi ni Tessie sa asawa na walang nagawa kungdi magkamot ng ulo.

Bab berikutnya