webnovel

panglimang liham: kasagutan

ika-unang araw ng Abril, 1903

Magandang gabi, Binibining Manuela. Nang mga araw na iyon ay hindi ko alam kung paano maging isang nobyo. Ikaw kasi ang aking unang nobya at ako ay natatakot na baka may magawa akong mali o may masabi akong mali. Hindi ko rin maisip ang aking sariling magagawa kung ano man ang nagagawa nang magkasintahang Eustacio at Socorro, o ng iba ko pang mga kaklaseng may kasintahan. At naniniwala akong maaring matakot ka sa akin kung sakaling sinubukan ko man at maaring ako rin ay mahiya nang magpakita muli sa'yo.

May naidudulot ka ring maganda sa akin, Manuela. Ako rin ay mas nakakapag-aral sa tuwing alam kong nandyan ka. Minsan kapag hindi ko maintindihan ang isang aralin ay mapapatitig ako sa iyo. Nakatutok ka lamang sa iyong dalang libro, ngunit may munting ngiti kang pinipigilan. Minsan, bigla kang mapapakunot ng noo. Minsan, mukha kang maluluha.

Napakadami ng kaya mong gawing ekspresyon at natutuwa ako dahil ako lamang ang nakakita noon.

Hindi ko alam kung papaano ka naapektuhan ng mga kataga, mahal ko. Ngunit alam kong ang ibig sabihin niyon ay mayroon kang busilak na puso. Nararamdam mo ang mga kataga kahit na wala namang litrato ang binabasa mong libro.

Minsan, gusto na kitang tabihan upang malaman ko naman kung ano ba ang iyong binabasa at nang makasalo kita sa mga emosyong iyong nadarama. Ngunit, dahil hawak-hawak ko rin ang aking mga aralin, nakuntento na lamang akong hulaan kung ano man ang nangyayari sa iyong binabasa. Iyon na nga siguro ang nakasanayan kong gawin na pampalipas oras.

Ako ay lubos na nagpapasalamat sa iyo, Binibini. Sapagkat, kahit na ako'y hindi masyadong nagpapakita ng aking damdamin ay hindi ka nagrereklamo. Ayos lang rin sa iyo na ako'y tahimik, na ako'y bumabati lamang minsan at nagpapaalam sa iyo.

Hindi ko alam kung papaano mo iyon kinaya ng isang buwan. Ang buong akala ko ay susugurin mo na ako matapos ang isang linggo at ako'y iyong tatanungin. Napakalaki ng pasensya mo sa akin at tama ka na parang ikaw na nga talaga ang lalaki sa ating relasyon.

Manuela, minsan ko nang napanaginipang ikakasal ka sa akin. Maganda ang panahon sa aking panaginip at doon sa batis naganap ang ating kasal. Marami tayong mga bisita, lahat sila ay nakaputi. Naroroon ang aking mga magulang, ang aking mga kapatid, at ang iyong mga magulang at ang iyong mga kapatid. Naroroon rin si Eustacio, Socorro, at ang iba pa nating kakilala. Ngunit, hindi sila ang aking tinitignan.

Ang aking mga mata ay nakapako lamang sa iyo. Naglalakad ka patungo sa akin, suot ang isang puting traja de boda. Hawak-hawak mo ang isang balumbon ng bulaklak na orkidya. Malawak ang iyong ngiti. Malawak ang aking ngiti.

Ngunit bago ka pa makalapit, ako ay magigising at mapapailing na lamang habang sinusubukang hindi masaktan.

Kung naroroon man ako ng araw na iyon, oo, Manuela, ako ang magiging pinakamasayang lalaki sa mundo.

NAPANSIN ni Apolinario na mukhang nakatulog si Manuela. Buti na lamang at napatingin siya rito dahil muntik na itong mahulog sa batis. Dali-dali niya itong pinuntahan at sinalo. Pigil ang hiningang niyakap niya ang nobya at mabilis niya ring kinuha ang librong binabasa nito bago pa iyon mahulog sa tubig.

Nakahinga lamang siya nang maluwag nang magawa na niya itong mailayo nang bahagya.

Doon niya naman napagtantong hawak-hawak niya pala ito. Parang may binuksan sa kanyang puso at biglang lumakas ang tibok noon at uminit ang kanyang mukha. Mas lalo pa iyong naghurumentado nang inayos pa ng dalaga ang sarili at isinilid nito ang mukha sa kanyang balikat.

Mga ilang minuto siyang nanigas sa kanyang posisyon hanggang sa nagawa niyang labanan ang sariling hiya at ayusin ang pagkakahiga ng nobya. Maingat niya itong inayos at iniligay niya ang ulo nito sa kanyang kandungan.

Napatitig naman siya sa maamong mukha ng dalaga, mukhang himbing na himbing ito. Sinubukan niyang hawakan ito habang pinipilit na hindi pansinin ang paglakas ng kabog ng kanyang dibdib. Palakas ng palakas iyon habang palapit nang palapit ang kanyang kamay. Napapikit siya nang magawa na niyang maidapo ang kanyang kamay sa pisngi nito. Nakakatawang madali niya iyong nagawa ng gabing haranahin siya ng dalaga gayong hindi naman niya magawa-gawa ngayon.

Maingat na ibinukas niya ang isang mata at may maliit na ngiting sumilay sa kanyang mga labi. Binawi na niya ang kamay at kinuha na lamang ang libro nito na matagal na rin niyang gustong basahin. Isang nobela pala iyon na pinamagatang Florante at Laura.

Nagsimula siyang magbasa at hindi naman siya nagsisi sa ginawa. Palagi kasing mga libro ng aralin ang kanyang binabasa kaya madali lang siyang nabighani sa hawak na hawak na libro. Nakalimutan niya nga ang dalaga kung hindi lang niya narinig ang nahihiya nitong pag-ubo.

Iniangat niya ang libro at hindi niya napigilan ang pagsilay ng isang ngiti sa kanyang mga labi. Ang ganda pala nito kung ito'y bagong gising. Medyo magulo ang buhok, mapupungay na mga mata, at namumulang mga pisngi.

"Magandang hapon, Manuela. Ang ganda ng iyong tulog kaya hindi na kita ginising."

[ - ]

"HINDI ko alam na mahilig ka palang manukso," naramdaman naman ni Apolinario ang paniningkit ng mata ng nobya. Napapikit na lamang siya at masuyong hinaplos ang kamay nito na inilagay niya sa kanyang pisngi. Taliwas sa kanya ay mas may laman ang kamay ni Manuela at maganda sa pakiramdam ang init na dala niyon.

Hindi niya alam na mas maganda pala sa pakiramdam na nahahawakan niya ito. Akala niya ay ayos na sa kanya ang sulyapan lang at minsan kausapin ang sariling nobya. Ngunit, iba pa rin talaga kung nagagawa niyang hawakan ang kamay ng kanyang iniirog.

Muntik na nga siyang hindi magising sa sariling panaginip, buti na lamang at napansin niyang baka nangangalay na ito. Binuksan niya ang mga mata at nawiwiling iniangat niya ang dalaga hanggang nakalagay na sa kanyang leeg ang mga braso nito. Bumabalik na naman ang kanyang lakas ng loob at nagawa na niyang tuluyang yakapin ang nobya. Ibinaon pa niya ang mukha sa leeg nito at doon niya naamoy samyo ng mga bulaklak na nasa tabi.

Napapikit siya at pinakinggan ang pagpintig ng puso ni Manuela. Pakiramdam niya ay iyon lamang ang makapagbibigay sa kanya ng kakaibang kapayapaan. Ngayon lang rin siya naging ganito kalapit sa isang tao. Ang sabi nga ng mga kaibigan niya ay palaging parang may pader sa pagitan nila. Ngunit, kay Manuela, iba ang dulot nang pagkalapit nila at ni minsan hindi siya masyadong nahiya rito, hindi katulad ng sa mga ibang babae.

Mas narandaman niya pa ang pagpayapa ng kanyang dibdib nang gumanti na ang nobya ng yakap.

"May nakain ka bang masama, Pole?"

"Wala naman," halos pabulong na niyang sabi, para kasing kung lalakasan niya ang kanyang boses ay may kung anong masisira sa pagitan nila. Ayaw niya pa namang kumalas sa pagkakayakap sa nobya. "Nais ko lamang pakinggan ang pintig ng iyong puso. Mas kalmado ka na ngayon kaysa sa dati."

"Bakit? Tutuksuhin mo na naman ba ako dahil baliw na baliw ako sa'yo? Hindi ko itinatanggi iyon. Gusto kita, Pole."

Gusto kita, Pole.

Natutuwa siya kay Manuela. Wala itong pakundangan na sabihin lang sa kanya ang nararamdan. Napakabukas nito sa damdamin at napakasinsero. Samantalang siya, nagpipigil na bigyang boses ang nadarama para sa nobya. Kaya sa halip, itinaas niya ang ulo para makita ang ekspresyon nito. Namumula na naman ang dalaga at hindi niya maiwasang mas matuwa rito.

Ngumiti siya. Hindi niya man masabi nang tahasan ang kanyang nararamdaman ay alam niyang nababasa iyon ng dalaga sa kanyang mga mata. Nakakatuwa na siya ang lalaki ngunit hindi niya magawang sabihin rito ang tunay niyang saloobin. Ang magawa lamang niya ay iparamdam iyon. Huwag kang mag-alala, Manuela. Iniibig rin kita.

NAGISING na lamang si Apolinario sa isang silid. Iginaya niya ang paningin sa paligid at nakita niya si Padre Malabanan malapit sa kanyang higaan, may hawak itong rosaryo at nagdadasal. Napakurap siya at sinubukang makakita, kahit na ang isang mata niya'y halos hindi na niya mabuksan. Mabigat ang kanyang pakirandam at parang nabalian rin siya ng ilang buto.

Mahina siyang napadaing nang sinubukan niyang umupo. Nakuha naman niya ang atensyon pari na pumigil sa kanyang pag-upo at ito na mismo ang nagbalik sa kanya sa higaan. Napabuga siya ng hangin.

"Pole, magpahinga ka na lamang. Hindi pa magaling ang iyong mga sugat," wika ng pari. "Ano ba ang nangyari sa'yo at natagpuan ka na lamang nila Juan na nakaratay sa labas? Wala akong maalalang maari mong makabanggaan."

Napapikit muli si Apolinario at nagbalik sa kanyang isipan ang mga naganap ng hapong iyon. Para na siyang inililipad sa alapaap nang umalis siya at nagpaalam sa nobya. Plinaplano niya pa na sa susunod nilang pagkikita ay sasabihin na niya ang kanyang nararamdaman para rito.

Ngunit, bago pa man siya makauwi ay hinarang siya ng dalawang lalaki. Babatiin niya sana ang mga ito ngunit bigla siyang nakarandam ng suntok sa kanyang mukha mula sa isa sa mga lalaki. Nahihilong nahulog siya sa daan at hindi na siya nakahuma. Basta basta na lamang siyang pinaulanan ng suntok ng dalawa. Hindi niya alam kung ano ang gagawin dahil sa bukod sa hindi naman siya nakikipag-away, hindi niya rin alam kung bakit may biglang nanakit sa kanya.

Sinubukan niyang protektahan ang sarili subalit dahil doon ay mas sinaktan lamang siya ng mga ito sa ibang parte ng kanyang katawan. May sinasabi ang mga ito na hindi niya maintindihan noong una. Ngunit nang mas narinig niya iyon ay para siyang binuhusan ng malamig na tubig.

"Layuan mo na si Manuela."

"Isa ka lamang hamak na indiyo, hayop ka! Bakit mo naisipang lapitan ang aming kapatid!"

Mali palang mangarap. Dahil nangarap siya ay nakalimutan niyang hindi niya kaparehas ng estado ang dalaga. Pinaalala ng bawat suntok at sipa ang katotohanang asa lupa siya at nasa langit ito. Nakakatuwang nagawa niya iyong kalimutan.

"Pole? Bakit ka umiiyak?"

Hindi siya sumagot, sa halip, tahimik lamang niyang inilabas ang saloobin. Walang kahit na anong salita na narinig ang pari mula sa kanya, ang tanging narinig lang nito ay ang mahina at pigil na paghikbi ng binata.

Masakit. Masyadong masakit.

Ayaw niyang malayo sa dalaga ngunit hindi naman niya maitatanggi ang sinabi ng mga kapatid nito. At kahit na anong gawin niya ay hindi naman niya kayang baguhin ang estado ng kanyang buhay.

Mali. Mali na siya'y nangarap. Dapat pala ay nanatili na lamang siya sa sarili niyang mundo. Dapat pala ay hindi na niya hinayaan pang humantong sa ganoon ang pangyayari. Dapat pala ay nakuntento na lamang siya sa simpleng pagsulyap at maagang kinitil ang nararamdaman.

Kaya nang Biyernes kung saan umayos na ang kanyang pakiramdam ay nagpasya na siyang lumuwas pa-Maynila nang maaga. Doon din naman siya pupunta dahil nabigyan siya ng pagkakataong ipagpatuloy at tapusin ang pang-sekondaryang edukasyon sa Colegio de San Juan de Letran.

Kung dati ay wala siguro siyang pagsising pumunta lamang sa ibang lugar, ngayon, labag sa kalooban siyang walang lingon-likod na umalis na hindi nagpapaalam. Ngunit, wala namang ibang paraan. Kaya sa kanyang pag-alis, pinangako na rin niya sa sarili na kakalimutan na niya ang dalaga.

Dalawang taon kitang pinilit na kalimutan, Binibini. Hindi ko ginustong iwan ka nang walang pasabi. Umalis na lamang ako sapagkat hindi ko rin makakayang pakawalan ka kung nakita man kita muli. Malakas ang pag-ibig ko sa'yo, Manuela. Kaya nitong lumaban ng kahit na ano at ng kahit na sino. Kahit ako ay kaya niyang kalabanin.

Kaya hindi ako nagpakita, hindi ako nagpaalam, dahil nais kong huwag nang makaabala sa'yo. Ayoko nang mangarap na maaring maging tayong dalawa panghabang buhay. Alam kong masasaktan kita sa ginawa kong iyon. Alam kong hahanapin mo ako kahit mahirap. Alam kong maghihintay ka.

Sa ginawa ng iyong mga kapatid, nawa'y napatawad mo na sila. Sila lamang ay nag-aalala sa iyo. Hindi man maganda ang ginawa nila ay kailangan mo pa rin silang intindihin sapagkat sila ang iyong pamilya. At ako rin ay matagal ko na rin silang pinatawad.

Ang mga sugat na iniwan nila sa akin ay naglaho rin naman.

Hindi ka rin nag-iisa, Binibini. Marami na akong naitagong papel ng mga liham na nais ko sanang ibigay sa iyo. Marami akong sinimulan na hindi ko rin naman tinapos. Natatakot ako na kung sakaling iyon ay aking tapusin ay baka tubuan ako ng lakas ng loob. Baka kahit na alam kong maaring hindi makarating ay ipadala ko pa rin. Kaya, hindi ko na lamang tinapos at itinago ko na lamang ang mga papel.

Kung ikaw ay sinubukan mong ibaling ang atensyon sa iba, ang ginawa ko ay ang alam kong mas madaling gawin: ang mag-aral. Nasisiguro ko rin kasi na hindi ko naman kayang magmahal ng iba. Ikaw lamang ang may kakaibang epekto sa akin, mahal ko. Ikaw lamang ang gusto kong makapiling.

Ang akala ko nga ay hindi ko na maiisipang balikan ka. Ngunit, ilang buwan bago mamatay ang aking butihing Ina ay may sinabi siya sa akin na nagpabago sa aking isipan.

"POLE," tawag kay Apolinario ng isang boses na pamilyar sa kanya. Iniwan niya ang ginagawa saka tumayo at nagmano. Kararating lang kasi nito mula sa pamimili ng mga gulay sa pabilihan sa bayan.

"Ako na ho ang bahala riyan," kinuha niya ang mga dala-dala nito at siya na mismo ang naglagay niyon sa kusina. "Ano pong iluluto niyo, Inang?"

Narinig niyang tumawa ito at nagtatakang napatingin siya sa Ina. Nagulat siya nang makita ang rason kung bakit. Hawak-hawak kasi nito ang isang papel na itatago niya sana mamaya. Habang nagbabasa kasi siya ay naisipan niyang magsulat muli sa kanyang iniirog.

"I-Inang," nasabi niya na lamang at ibinalik ang sarili sa upuan. Nahihiyang napakamot siya sa kanyang batok.

"Ano ka ba? Bakit hindi mo man lang sinabi sa iyong Ina na may nobya ka na pala?" giliw na tanong nito. "Mukhang mahal na mahal mo ang swerteng dilag at ang ganda ng kanyang pangalan."

Nahihiyang napatingin siya sa papel na hawak ng Ina. Hindi niya sana gustong pag-usapan ang kanyang nobya dahil malulungkot lamang siya. Ngunit, mukha namang gusto talagang marinig ng kanyang Ina ang tungkol kay Manuela. Huminga siya nang malalim.

"Opo, Inang. Simple lang po siya sa ganda at sa pag-uugali," napapangiti niyang sabi habang inaalala ang mukha ni Manuela. "Natural pong kayumanggi ang kanyang balat, kakulay ng lupa ang kanyang mga mata, mahaba ang kanyang mga pilikmata..." Napapikit siya at inisip na kunwari'y nasa harap niya ang nobya. Patuloy niya itong isinalarawan sa kanyang Ina at sa kanyang imahinasyon, hawak-hawak niya ang pisngi ng dalagang nakangiti naman sa kanya.

Nang iminulat niya ang mata ay wala na ito, ang nasa harap lamang niya ay ang kanyang Ina na mukhang natuwa sa ginawa niya. Nagniningning rin ang mga mata nito at mukhang wiling-wili sa narinig.

"A-Ah... iyon lamang po," marahan siyang natawa para pagtakpan ang kanyang hiya. Ngayon lamang siya nagkaroon ng lakas ng loob na pag-usapan ang tungkol sa nobya sa ibang tao. Ni hindi niya nga ikwinento kay Padre Malabanan ang ukol roon kahit na nagtanong ito. Pati si Eustacio ay walang alam sa nangyari.

Masayang kinuha naman ng kanyang Ina ang kanyang mga kamay. "Pole, mahal na mahal mo talaga siya. Ang akala ko hindi mo maiisipang magkaroon ng nobya gayong mas uunahin mo pa atang matapos ang iyong pag-aaral. Hindi naman sa ayaw kong gawin mo iyon sadyang hindi ko lang inaasahan...

"Kung hindi ka man naniniwala sa akin ay tignan mo ang sarili mo sa salamin. Namumula ka, Pole. Randam ko rin mula sa iyong kamay ang malakas ang pintig ng iyong puso," malawak ang ngiti ng kanyang Ina. "Kailan ko maaring makilala si Manuela? May balak ka bang ipakilala siya sa amin o wala?"

Doon naman unti-unting nawala ang ngiti sa kanyang mga labi at tumikom ang kanyang bibig. Kung maari lang sana na kung umibig siya sa isang tao ay wala nang kaakibat na sakit sa damdamin. Wala nang kailangan gawin kundi maging masaya lamang sa piling ng iniirog.

Mukha namang nahimigan ng kanyang Ina ang kanyang pananahimik at saglit na hindi ito nagsalita. Hanggang sa parang nakuha nito ang mga patlang na hindi niya nilagyan ng salita. "Pole... Hindi ba natin kaparehas ng estado si Manuela?"

Hindi siya sumagot. Hindi siya makasagot. Nanahimik lamang siya at naramdaman niya naman ang masuyong pagpisil ng kanyang Ina sa kanyang mga kamay. Napapiksi siya. Sasabihin rin ba ng kanyang Ina na sukuan na lang niya si Manuela?

"Apolinario..." mahinang usal ng kanyang Ina. Nanlamig ang kanyang kalamnan. Hindi siya tatawagin nito sa kanyang buong pangalan kung wala itong mabigat na sasabihin. Itinaas niya ang mga mata para salubungin ang sa Ina. Mapait ang ngiti na sumilay sa mukha nito. "Pasensya ka na, anak. Pasensya ka na at hindi tayo mayaman."

Para siyang nagkaroon ng bikig sa kanyang lalamunan. Paulit-ulit siyang napailing. "Hindi po. Wala po kayong kasalanan. Hindi ko po kayo ikinahihiya, Inang. Ayos na po sa akin na hiwalayan ang aking nobya dahil--"

"Pole..."

Hinawakan ng kanyang Ina ang magkabilang pisngi niya. "Naniniwala ako sa'yo, anak. Alam kong mahirap na iwan mo ang iyong minamahal. Alam kong hindi mo gusto iyon. Wala na akong maitutulong sa iyo bukod sa pagpayo nito... Kung mahal mo ang isang tao, lumaban ka hanggang sa kaya mo. Mahal mo naman siya, di'ba, Pole?"

At sa kauna-unahang panahon nang kawalan ng luha sa kanyang mga mata, lumalam iyon at isa-isang tumulo na para bang binuksan na gripo.

Sa Inang ko lamang naikwento ang lahat ng tungkol sa atin Manuela. Ni hindi iyon alam ng aking Ama at ng aking mga kapatid. Alam mo ba na nagustuhan ka niya at gusto ka talaga niyang makilala? Nagawa niya nga akong paluin sa tuhod nang isinalaysay ko ang panliligaw mo sa akin. Ang sabi niya sa akin ay bakit hindi ako nahiya. Sinabi ko naman sa kanya na hindi ko naman inaasahang gagawin mo iyon.

Dahil sa aking Ina, nabawasan ang bigat ng aking paglisan at nagbilang ako ng araw kung kailan ako makakabalik. Gusto ko 'pag bumalik na ako ay malakas na ang aking paniniwalang kaya na kitang harapin at kaya ko nang ipaglaban ka. Subalit, hindi rin nagtagal ay binawian rin ng buhay ang aking Ina. Labis ang aking pighati ng araw na iyon at gustong-gusto kitang makita, gustong-gusto kong humingi ng lakas sa iyo. Ngunit, wala ka sa aking tabi at hindi naman ako makakabalik pa.

Dumaan ang oras at hindi pa rin kita nagawang kalimutan. Parang multo ang habilin ni Inang na laging nakabuntot sa akin at sinasabihan akong 'wag sumuko.

Kaya mas lalo akong nangulila sa iyo, sadyang ginawa ko na lamang positibo iyon. Isa ka sa ginawa kong inspirasyon upang matapos sa pag-aaral sa huling taon ko sa pang-sekondaryang edukasyon. At ang araw-araw ay binibilang ko hanggang sa magawa ko na ring magpakita sa iyo.

Hindi ako nag-isip na baka ako'y huli na o baka wala akong madadatnan sa aking pagdating. Ang alam ko lamang ay gusto kitang makitang muli, Manuela.

NAGULAT si Apolinario sa ginawang pagsampal sa kanya ni Manuela. Mukha kasing yayakapin siya ng dalaga nang magtama muli ang kanilang mga mata at handa pa sana siyang gumanti ng yakap dito. Hindi naman niya alam na sampal pala ang igagawad sa kanya ng iniirog. Napasapo siya sa pisngi at iniisip kung paano niya makukumbinsi ang dalaga gayong mukhang namumuhi na ito sa kanya.

"Akala mo ba yayakapin kita kapag nakita kita ulit? Hindi pa ako baliw, Apolinario," nagtatampong wika ni Manuela, narinig niya rin ang paghikbi nito. "Bakit ba nagpakita ka pa? Itinuloy mo na lang sana ang iyong pagkawala sa aking buhay!"

Hindi siya naka-imik dahil tama naman ito. Matagal siyang nawala. Ni hindi nga siya nagparamdam rito at bigla pa siyang susulpot na parang walang taon na naghiwalay sa kanila. Gusto niyang humingi ng tawad. Gusto niyang sabihin ang nadarama. Ngunit, hindi niya alam kung papaano.

Huminga siya nang malalim at sa halip, itinaas na lamang niya ang ulo at tinignan ito. Lumalamlam na ang kanyang mga mata dahil sa luha na namumuo roon. Sumilay ang isang maliit at halos nahihiyang ngiti sa kanyang mga labi. Kinausap niya ito sa katahimikan. At dahil ito si Manuela ay naintindihan nito ang gusto niyang iparating dahil mas lalo lamang itong napahikbi.

"Pole naman..."

Hindi niya alam kung ilang beses na ba itong umiyak ng dahil sa kanya. Hindi niya naman iyon sinasadya. Kung maari lamang hindi niya ito paluhain ay ginawa na niya. Subalit, hindi niya rin naman gustong huwag itong makita ngayon.

Buhay na buhay ang pag-ibig sa kanyang puso. May sarili na nga ata iyong hininga at hiwalay na itong umaakto sa kanya. Makita lamang niya ang dalaga ay nag-uumapaw na ang pagmamahal niya para sa minamahal.

"Manuela," sa wakas ay nabigkas niya ang pangalan ng iniirog.

Mabilis na lumapit siya kay Manuela at ikinulong ito sa kanyang mga bisig. Mas lalong lumobo ang kanyang puso nang narandaman na niya ito. Para itong nawawalang parte ng kanyang katawan na ngayon lamang niya nahanap. Mas lalo siyang nagpigil na maluha kahit na sumasakit na ang kanyang lalamunan sa ginawa.

"Patawarin mo ako..." mahina at nagsusumamo niyang pakiusap. Pakiramdam niya ay kung itinaboy siya nito ay hindi niya kakayanin. "Hindi ko gustong layuan ka. Hindi ko rin gustong kalimutan ka..."

Hindi sumagot ang dalaga, naririnig niya lang ang pag-iyak nito. Hindi rin ito tumugon sa yakap niya. Nakaramdam siya ng pagkahapo ngunit hindi niya gustong basta sumuko. Andito na siya. Hindi siya naglakbay at bumalik para lang mabigo at oras naman na siya na ang bumawi rito.

Inilayo niya ang dalaga sa pagkakayakap para makita ang mukha nito. Tahimik lang na nakatingin ito sa kanya ngunit bakas sa mukha nito na hindi naman nito itinatanggi ang sinabi niya. Manuela... Iniibig kita. Pumikit siya at hindi na niya pinigilan ang sariling damdamin.

Nang naglapat na ang kanilang mga labi ay pakiramdam niya ay nasa alapaap na naman siya. Pakiramdam niya pwede na siyang lumipad at tanggapin ang buhay na buhay at nag-uumapaw niyang damdamin para sa dalaga.

Naramdaman naman niya ang paghawak nito sa kanyang kamay at ang pagsagot nito sa kanyang halik. Mas lalong bumilis ang tibok ng kanyang puso at para na siyang nalulunod sa damdamin. Para na siyang nawawalan ng hininga ngunit wala siyang pakialam.

Ang iniisip niya lamang ay ang pakiramdam ng halik ng nobya, ang init ng kamay nito sa kamay niya, at ang pagpintig ng puso nito na sumasabay na sa kanya. Nang kinailangan na niyang putulin ang paghalik rito ay ngumiti siya. Idinikit niya ang noo sa noo ng dalaga.

"Manuela," pag-uulit niya sa napakagandang pangalan nito. Pabulong na ang kanyang pagsabi. Ayaw niyang may makarinig kundi ang kanyang iniibig bago siya nagsimula na bigkasin ang damdamin na matagal na niyang gustong sabihn. "Iniibig kita, Manuela. Mahal na mahal kita. Nais mo pa rin ba akong tanggapin kahit matagal na akong nawala?"

Tama ka, nang araw na iyon tayo nga ang pinakamasayang tao sa mundo. Doon ako nawalan ng pakialam kung ano man ang sabihin nila. Ang tanging importante sa akin ay mahal mo rin ako at makakasama na kita. Pakiramdam ko ay lumulutang na lamanga ako sa alapaap.

Tama ka na marami nga akong isinakripisyo upang balikan ka ngunit wala iyon sa akin. Tama ang aking Ina na kailangan kitang ipaglaban hanggang sa makakaya ko pa. Kaya iyon ang aking ginawa dahil hindi ko na rin mapigilan ang aking sarili. Hindi ko na rin kinayang hindi sabihin sa'yo ang tunay kong nararamdaman. Mahirap kalabanin ang sarili, Manuela. Lalo na ang puso.

Ang akala ko noon kapag matalino ang isang tao ay makakaya niyang hindi magpa-alipin sa damdamin. Ngunit, mali ako. Nagiging mangmang ako nang dahil sa pag-ibig ngunit, hindi ako nagsisi.

Hindi ko pinagsisihan ang pagbalik ko, Manuela.

At sa iyong mga hinaing sa liham na ito, sasagutin ko iyan sa susunod. Hanggang sa muli, mahal ko.

Patuloy kang iniibig,

Pole

Bab berikutnya