webnovel

Kabanata Walo [5]: Dilim sa Liwanag

SUOT ANG ITIM NA LEGGINGS at itim na sapatos ay humarap siya sa mahabang salamin, tinitignan niya ang sariling repleksyon habang sinusuot Kevlar na bulletproof vest sa katawan na magsisilbing pangunahing proteksyon. Sa likod naman niya ay naroon si Tobias na tahimik lamang na pinapanood siya sa paghahanda, hindi ito umuusal ng salita at tinutulungan siyang isuot ang vest. Nang maging maayos ito ay saglit silang nagkatitigan sa repleksyon at tipid na nginitian ang isa't isa, alam niyang nag-aalinlangan pa rin ang lalake sa kaniyang binabalak, pero hindi talaga ito puwedeng sumama ngayong hindi pa rin maayos ang lagay nito; hindi rin ito makakatanggi sa kagustuhan niya. Una siyang bumuwag ng tingin at saka piniling ayusin ang buhok niyang mahaba at magaspang; tinali niya ito at ipinulupot sa ibabaw ng gamit ang mga mumunting hair clips, at nang maging mahigpit ay binalot kaagad niya ng hairnet ito.

"Mukha na ba akong lalake?" tanong niya sa lalake sa repleksyon pa rin matapos isuot ang sumbrerong itim na saktong-sakto lang sa kaniyang ulo.

"Oo, base sa hugis ng mukha mo para ka talagang lalake 'pag walang buhok." itinaas nito ang hintuturo ng magkabilang kamay bilang pagsang-ayon, "Pero yung leggings mo, halatang babae ka naman dahil sa balakang at hulma ng binti mo."

"Mabuti naman," aniya at nagsuot na rin ng makapal at purong itim na jacket upang ikubli ang bulletproof vest na suot-suot niya, "Pero gabi na ngayon, hindi na nila papansinin 'yan."

"Ah para kang bakla niyan," pang-aasar nito at malakas pang tumawa.

"Magandang bakla, pagtatama niya."

"Aba, pero mag-ingat ka 'Riah." bilin ng lalake at nilapitan siya, ibinaba nito sa paanan niya ang sariling backpack at saka sinalubong siya ng mahigpit na yakap.

Hindi siya umayaw at niyakap din ito pabalik saka malalim na napasinghap ng hangin, marahan naman niyang nalanghap ang amoy ng lalake na nagdulot ng kakaibang sensasyon sa kaniyang kamalayan, "Oo Tob', pangako." saad niya at saka tuluyan nang bumuwag sa pagkakayakap, "Sige na, aalis na ako at mag-aalas diyes na ng gabi." aniya na pilit tinatago ang luhang nagbabadyang bumuhos mula sa kaniyang mga mata.

▪▪▪

MULA SA KABILANG BAHAGI ng kalsada ay tahimik na nagmamasid si Kariah sa isang 'di popular at tipikal na convenience store rito sa syudad. Habang nakaupo sa upuang nakalaan sa gilid ng sidewalk ay nagkunwari siyang gumagamit ng smartphone, at sa tulong ng itim na salaming suot niya ay 'di siya nahahalatang nakapako pala ang kaniyang tingin sa gusali at inoobserbahan ito. Gaya ng sabi ni Tobias, nang saktong alas diyes y media ay magsisimula nang magsidatingan ang mga kalalakihang hindi man niya kilala ay alam niyang miyembro ito Black Triangle, at gaya ng pinahayag ng lalake ay normal lamang itong titignan animo'y mga mamimili sa isang tindahan; pumapasok ng walang hawak at lalabas ng may dala-dalang paper bag na paniguradong naglalaman ng drogang kailangan nilang ihatid sa buyers.

Ilang saglit pa, nang makita niyang kaunti na lang ang pumapasok ay ito ang nagsilbing hudyat para sa kaniya. Mula sa backpack ay hinugot niya palabas ang dalawang holster kung saan may kaniya-kaniyang nakakabit na glock 19 na baril at patalim dito; mahigpit na itinali o ipinulupot niya ito sa kaniyang magkabilang hita at saka muling sinuot ang mahabang jacket na saktong tumatakip o kumukubli sa kaniyang armas. Kumuha rin siya ng isang droga sa bulsa ng sariling backpack at saka hindi na nag-abala pang magbukas ng tubig, bagkus ay diretso niyang nilunok ito at hinayaang humalo sa kaniyang sistema.

Muli niyang sinuot ang kaniyang backpack at kampanteng humakbang at tinawid ang kalsadang abala pa rin sa mga sasakyang papauwi na o kaya'y may hinahabol. Nang tuluyan siyang nakatawid ay 'di na siya lumingon pa sa mga nakakasalubong na miyembro ng Black Triangle at sinunod ang payo ni Tobias na iwasang titigan ang mga mata nito. Habang papalapit siya nang papalapit ay ramdam niya ang unti-unting pag-usbong ng kaniyang kaba; lumalakas ang tibok ng kaniyang puso na bahagyang nagpapahirap sa kaniya sa pagsinghap ng hangin, at nanlalamig na rin siya na nagpapamanhid ng kaniyang katawan. Tuloy-tuloy pa rin siya sa paghakbang ngunit ang kaniyang isipan ay nagdadalawang-isip sa pangambang kakaharapin, sapagkat sa puntong papasok na siya sa convenience store ay malabong makakalabas pa siya.

Hanggang sa isinaisip niya ang dahilan kung bakit siya narito ngayon at inilalagay sa alanganin ang sariling buhay. Sumagi sa kaniyang isipan ang sinapit ni Steve; ang mukha nito bago ito nawala at ang pagmamalasakit nito sa kaniya, kung kaya't mariin na lang niyang kinuyom ang sariling kamao upang ikontamina ang poot na nagsimula na namang sumibol sa kaniyang kalooban.

Sa kabila ng kaunting pangambang nadarama niya ay taimtim pa rin siyang umaasang narito sa loob ang mga taong pumaslang sa kaniyang magulang nang sa gayon ay sisiguraduhin na talaga niyang mamamatay na ito.

Naalala rin niya ang gabing dinakip sila ng ni Patrix upang paslangin, naisip niyang kung nakaligtas siya noon ay paniguradong makakaligtas din siya ngayong nakapaghanda na siya. At kasunod naman nito ay ang pangako niya kay Tobias na babalik siya at sisiguraduhing ligtas ang sarili, ngayon na may rason na siya upang mabuhay ay manatili. Kung kaya't malalim na lang siyang humihinga at pilit na kinakalma ang sarili upang hindi siya mahahalata.

Ilang hakbang ay tuluyan na rin siyang nakapasok sa loob ng convenience store at sinalubong siya ng mga kalalakihang may kaniya-kaniyang pinagkakaabalahan mula sa iba't ibang sulok ng tinadahan at naghihintay lamang ng pagkakataong tatawagin sa counter upang kunin ang droga. Sa puntong nasa bungad pa lang siya't dahan-dahang naglakad patungo sa counter ay tinatantiyang umaabot sa sampung lalake ang nasa loob ng convenience store at kasama na ro'n ang nasa counter. Habang tinatahak niya ang mumunting pasilyo ay ramdam niya ang mainit na titig ng mga lalakeng pilit siyang kinikilatis, wala rin naman siyang pakialam dito at mas itinuon ang sariling atensyon sa binabalak, ngunit, sa 'di inaasahang pagkakataon ay natunugan niyang may sumunod sa kaniya.

Napatikhim siya at piniling palalimin ang sariling boses, "T-B-S-0-3-1-8." pahayag niya sa lalakeng sa tingin niya'y nasa edad na triyenta na nakaatas na manatili sa counter, "Pick-up and delivery." dagdag niya na ikinatango nito at saglit na yumuko at may inaabot sa ilalim.

Ngunit, mula sa isang convex mirror na nasa ibabaw nito ay nakita niyang akmang pupulot na ito baril mula sa ilalim at sa likod naman niya ay naroon pa ang isang lalakeng papalapit na sa kaniyang gawi. Kung kaya't bago pa man siya maunahan nito ay mabilis niyang hinablot mula sa magkabilang holster ang patalim at walang pag-aalinlangang isinaksak ito sa kamay ng lalake na na nakalatag sa mesa ng counter, habang ang isa pang patalim ay hinagis niya't inasinta sa papalapit na lalake, at nakita na lang niyang mabilis na umikot sa ere ang patalim at diretsong bumulusok hanggang sa bumaon ito sa ilong ng lalake.

Sa isang kurap lang ay agad na umalingawngaw ang kahindik-hindik na sigaw ng lalakeng dinadaing ang natamo ng kamay, kasabay rin nito ay ang pagbulagta rin ng isa pa na wala nang kabuhay-buhay. Nang agad siyang natunugan ng iba ay dali-dali siyang tumalon sa kabila ng counter at sinapak sa mukha ang lalakeng akmang babarilin na sana siya. Inagaw niya ang baril nito at saka mabilis na kinapa sa gilid ng backpack niya ang isang granada, walang pagdadalawang-isip niyang hinila ang safety pin nito at buong-lakas na hinagis sa kabilang bahagi, patungo sa kinalulugaran ng mga lalakeng biglang sumugod Nang marinig niya ang kalabog nito sa sahig ay agad siyang gumapang papalayo, papasok sa pinto at saka nagtago sa likod ng pader bago ang pagsabog.

Bab berikutnya