MEDC OFFICE...
Ang nag-iisang kaibigan ni Gian.
Hinarangan siya nito pero nakatalikod sa kanya kaya napagitnaan siya ng dalawang lalaki at ito ang humarap sa mga medya.
"Sir, ano pong masasabi ninyo tungkol sa issue na ito?"
"Sir, may alam ba kayo tungkol sa tangkang pagpatay?"
"Sa ngayon, wala pa po kaming masasabi. Nananatiling tahimik ang magkabilang panig. Kaya hintayin na lang po natin ang kanilang statement!"
Sabay-sabay na umangal ang mga mamamahayag.
Animo nabunutan siya ng tinik nang sinagot nito ang tanong kaya dito nabaling ang atensyon ng mga mamamahayag.
"Bakit ayaw magsalita ng suspek at ng biktima?"
"Kailan sila magbibigay ng statement?"
"Sir, kilala niyo ba ang sinasabing dating gwardya daw na pinagtangkaan?"
"Ano ang motibo ng tangkang pagpatay?"
Sa kabila ng sunod-sunod na tanong ay nagagawa pa ring sagutin ni Vince ang mga ito.
"Personal ang dahilan ng away kaya walang kinalaman ang kumpanyang pinagtatrabahuan ng suspek.
Bukod doon, tinanggal na ang suspek kaya wala ng kinalaman ang kumpanya, bukod pa sa dating gwardya na ang biktima. Silang dalawa ay wala ng kinalaman sa kumpanya. Kaya kung maaari, hintuan na natin ang kumpanya dahil wala na silang kinalaman. At hindi pwedeng ipaalam sa publiko ang identity ng biktima. "
"Kung gano'n sir, alam niyo ba ang totoong dahilan ng suspek?"
"Ano ang ugat ng away na nauwi sa tangkang pagpatay?"
Itinaas ng lalaki ang mga kamay kaya natahimik ang mga ito.
"Kagaya po ng sinabi ko, wala pang statement ang magkabilang panig kaya sana igalang natin ang kanilang desisyon. Kung maaari padaanin natin si Ms. Lopez."
Nagbigay daan ang mga ito.
Umaabante ang kanyang head security at siya pero ang lalaking nagtanggol sa kanya ay umaatras para walang makagawa ng harang sa daanan.
"Vince, salamat ha. "
"Wala 'yon Ms. Ellah. "
"Bakit ka nga pala nandito?"
"Ipinadala ako ng hari para ipagtanggol ka. "
Hindi na siya umimik, kilala niya ang hari na 'yon.
Hari ng antipatiko!
Nang malapit na silang makapasok ay muli siyang nagtanong. Hindi na ito umaatras at sumusunod na sa kanya.
"Nasaan pala siya?"
"Bakit mo hinahanap? Magpapasalamat ka ba? Kung oo, sa akin mo na lang daw sabihin."
Ang yabang talaga!
"Bakit sa kanya? Sa'yo ako dapat magpasalamat dahil ikaw ang nandito. "
"Pero siya ang nag-utos sa akin. "
"Kung hindi ka naman sumunod balewala rin. "
"Hindi mangyayari 'yon, kahit kailan hindi ko magawang suwayin ang utos ng hari. "
"Salamat sa alalay na tulad mo."
Napangiti si Vince, kaya ngumiti rin siya.
"O paano Ms. ligtas ka na, babalik na ako sa aming kaharian. "
"Maraming salamat. "
"Sige. Ingat. "
Tumalikod ang lalaki.
"Ah, Vince. "
Lumingon ito. "Bakit?"
"Ahm, paki sabi sa hari, salamat. "
Lumuwang ang ngiti nito.
"Makakarating Madam. "
Tumalikod na siya at pumasok sa loob.
Hindi man nagpakita sa kanya si Gian, pero para na ring tinupad nito ang ipinangako.
Naiintindihan niya ang dalawang dahilan kung bakit hindi ito ang mismong nagpunta at nagpadala lang ng kasamahan.
Una: Naiintindihan niyang hindi ito pwedeng magpakita dahil tiyak ito ang pagkakaguluhan.
Pangalawa: Mas naiintindihan niyang hindi ito nagpakita dahil hinangad nitong hindi na sila muli pang magkita.
Alin man sa dalawa ang dahilan, nagpapasalamat pa rin siya at ipinadala nito ang kaibigan at kahit papaano nagbigay ng kunting paliwanag.
Dahil siya tiyak, hindi niya alam ang sasabihin.
Mahirap magkamali ang isang kagaya niya!
Napakalaking bagay ang ginawa ng binata para sa kanya. Dahil ito mismo ang nagbigay ng paliwanag sa panig nito hindi man kumpleto pero sapat para tigilan ng medya ang kumpanya nila.
Napakalaking bagay dahil hindi nito hinintay na hihingi siya ng tulong dito.
Napakalaking bagay na hindi ito mismo ang nagpunta.
Buti na lang talaga!
Hindi rin pwedeng magbigay siya ng pahayag tungkol sa panig ng kumpanya dahil anuman ang sasabihin niya maaari siyang makatapak ng panig ng suspek o 'di kaya ay ng biktima.
Ang tanging makakalinis sa kanilang pangalan ay walang iba kundi si Gian!
Tama nga ang kanyang lolo. Sa nagdulot ng gulo siya mangangailangan ng tulong.
Pero ang nagdulot ng kaguluhan ay siya rin namang biktima!
---
PHOENIX AGENCY
Magkaharap sina Gian at ang babaeng kasama niya sa misyon sa loob ng conference room habang masinsinang nag-uusap tungkol sa impormasyong sinasabi nito.
"Kumpirmado bang luma ang larawan?"
Napatiimbagang ang binata bago nagsalita.
"Luma na ang larawan-"
"Sinasabi ko na nga ba!" pumalatak ang babae sabay hampas ng kamay sa mesa.
"Pero hindi sapat 'yon para mapatunayang may kinalaman si don Jaime kay congressman Delavega."
Kumunot ang noo ng kausap kaya nagpatuloy siya.
"Pero Gian-"
"Ang resthouse na luma na ay pagmamay-ari ni Delavega pero walang makapagpatunay na magkasabwat sila.
Ang nakitang pera sa loob ng attache case ay naganap sa isang restaurant na luma rin pero walang ebidensiya na ito ay isang bribery o kung ano pa man."
"Pero bakit sa isang restaurant pa talaga naganap ang gano'n? Sa VIP restaurant na sila-sila lang?"
"Hindi natin alam kung sino ang nagmamay-ari ng attache case, hindi natin masasabi kung si don Jaime ba ang nagbigay o si Delavega."
Muli nitong pinagmasdan ang attache case sa gitna ng mesa nakahantad ito at parehas nakatingin ang dalawa sa laman ng attache case.
Ni hindi matukoy kung para kanino ang pera.
"Gano'n pa rin 'yon Gian magkasabwat sila!"
"Hailey makinig ka. Si Don Jaime ay isang negosyante, si Delavega ay isang pulitiko. Kahit maglabasan sila ng pera o magbayaran wala tayong katibayan na ito ay masama. Maliban na lang kung droga ang laman. Hindi sapat ang larawan para idiin si don Jaime bilang kasabwat. Mas pwede pang masasabing agrabyado si don Jaime dahil sa pangingikil ni Delavega."
Natahimik ang babae at kitang-kita ang pagkadismaya sa anyo nito.
"K-kung gano'n hindi ba natin sasabihin 'to kay Chief?"
Umiling siya. "Hangga't walang katibayan para madiin si Delavega ay makakabuting huwag munang ipaalam kay Chief Romero ang tungkol dito."
"Hindi kaya ginagawa mo lang ito para sa babaeng apo ni don Jaime?"
Saglit na natahimik si Gian.
"Walang kinalaman si Ellah sa trabaho natin. Nasa propesyon natin huwag ihalo ang personal sa trabaho, huwag mong kalimutan 'yan." Tumayo siya at walang paalam na lumabas at dumeretso sa kanyang opisina.
Hindi niya mapigilang mag-isip sa maaaring maging resulta ng pagpunta ni Vince sa dalaga.
Ilang sandali pa may kumatok sa kanyang pintuan.
"Come in. "
Pumasok ang lalaking pinakahihintay niya.
Agad siyang tumayo.
"Kumusta?"
"Maayos na sir!" sabay saludo sa kanya.
Sumaludo rin siya.
"Anong nangyari pare? Nasaktan ba siya? Sinaktan ba siya? Nagtaka ba, nagulat?"
Ngumiti ito ng nakakaloko, kaya napailing siya.
"Pare, nagpasalamat siya. "
"Kanino siya nagpasalamat?"
"Sa 'yo pare, syempre sa akin din. "
Tinitigan niya ang kaibigan at alam niyang hindi siya nito niloloko.
"Wow! Unbelievable. "
"Believe it pare."
"Sa palagay mo ba babalikan pa siya ng mga 'yon?"
"Hindi na, sinabi ko na ang opinyon mo tungkol doon at naniniwala sila. Kaya lang hinihintay nila ang panig ninyo ni Galvez. "
Huminga siya ng malalim at umupo, umupo din ito kaharap niya.
"Wala na tayong dapat ipaalam pa. Hayaan natin silang maghintay. Mamamatay din ang issue na 'yan."
"Sa bagay, hindi natin obligasyon ang magpaliwanag."
Tinignan niya ang kaibigan.
"Pare, hinanap niya ba ako?"
"Oo. "
"Talaga?" nagningning ang kanyang mga mata.
"Naks! Excited?"
Nawala ang kanyang kaba at napalitan ng inis para sa kausap.
"Bakit ako ma e- excite? Nagtatanong lang ako. "
"Hinanap ka niya para magpasalamat. "
"Ano pa?"
"Ahmm" tumingala pa ito.
Naghintay siya ng sasabihin nito, baka nga meron pa.
"Parang wala na eh, 'yon lang. "
Parang gusto niya itong sapakin, lakas lang mang trip!
"Wala ka ng sasabihin?"
"Wala na sir!"
"You can go. "
"End of report sir!"
Tumayo ang kaibigan at sumaludo ito bago lumabas, tinugon niya.
Napasandal siya sa swivel chair.
Nang malaman niyang inatake ng mga mamamahayag ang dalaga, parang gusto niyang lumipad at magpakabayani sa harap nito habang magiting itong ipinagtatanggol.
Ang kinatatakutan nito ay nangyari nga.
Pero bigla niyang napigilan ang sarili.
Muntik na niyang makalimutang kasama sa misyon niya ang abuelo nito.
Tiyak hindi rin ito matutuwa kung siya ang makikita kaya ipinadala niya ang kaibigan para kapalit niya.
At ngayon ay nagpasalamat nga.
Napahugot ng malalim na paghinga ang binata.
'Hanggang dito na lang ba ang role ko?
Bakit ba hindi pa rin ko pa siya magawang iwan at hindi na pakikialaman?
Malinaw na pinili niya si don Jaime kaya iniwan niya ako.'
Minsan naguguluhan na rin ang binata.
Kung matigas lang ba talaga ang ulo niya?
O sadya lang siyang isang malaking tanga?
---
AZZURA BEACH...
Pinagmamasdan ng dalaga ang mga alon na humahampas sa kanyang paanan habang siya ay nakaupo sa buhangin.
Malalakas at malalaki ang mga alon na para bang nagngangalit kagaya niya.
Nakikiayon ang panahon sa kanyang nararamdaman.
Malinaw pa sa kanyang isipan ang sinabi ng kanyang lolo.
"Kahit kailan talaga, hindi pa rin tayo tinatantanan ng Villareal na 'yan! Tinanggal na kasi natin kaya gumagawa na ng gulo! Ang akala ko noon tatahimik na ang buhay natin dahil wala na ang lalaking 'yon pero hindi na tayo tinigilan ng hayop na 'yan!"
Ang lalaking kinasusuklaman nito ay ang siyang gumawa ng paraan para sila ay matahimik.
At tinupad nito ang ipinangako dahil hindi na sila muli pang ginulo ng medya.
At ang may pakana ay nananahimik na rin.
Hindi lang niya ito magawang paratangan ng harapan dahil tiyak panibagong gulo na naman.
Naalala niya ang sinabi sa kanya ng binata kahit hindi siya umasa sa ipinangako nito.
"Alam ko ang iniisip mo, alam ko rin na natatakot ka. Pero hindi ko hahayaang mangyari 'yon, poprotektahan kita sa abot ng aking makakaya."
At tinupad nito ang sinabi, ngunit hindi pa rin nagbabago ang desisyon ng kanyang lolo.
Matigas pa rin ito at hindi man lang magawang magpasalamat sa biktima na siyang tumulong din sa kanila.
Naiisip niya tuloy ngayon kung tama bang pinili niya ang kanyang lolo at iniwan na si Gian.
Tama bang sundin niya ang mga inuutos nitong pag -iwas sa binata?
O panahon na para suwayin ang utos ng isang don Jaime?
"What are you doing here?"
Nagulantang ang dalaga na para bang sandaling humiwalay ang kanyang kaluluwa.
Kumabog ang kanyang dibdib.
Posible bang nandito rin ang taong kanyang iniisip o bahagi pa rin ito ng kanyang ala-ala?
Tiningala niya ang nagsalita dahil sisiguraduhin niya!
Nakikita niyang nagpipigil ito ng tawa dahil sa kanyang reaksyon kanina.
Subalit hindi ito nakatingin sa kanya at nakapamulsa lang habang nakatingin sa dagat.
Napasinghap ang dalaga, totoo ngang nasa kanyang tabi ang lalaki.
"I, I have to go," wika niya sabay tayo at humakbang palayo.
"IIWAN MO NA NAMAN BA AKO KAGAYA NG GINAWA MO!"
Halos mabingi siya sa lakas ng sigaw nito.
Napatigil siya sa paglalakad ngunit hindi siya lumingon.
"Sagutin mo ang tanong ko bakit ka nandito?"
"Do I need to explain myself to you?"
"You should," malamig nitong tugon.
Bago niya makalimutan na ito ang tumulong sa kanila para hindi na guluhin ng medya ay lumingon siya.
"Nandito ako para magpahangin. Kaya kung wala ka ng sasabihin aalis na ako."
"Ikaw ang maraming dapat sabihin sa akin."
"Sa tingin ko kaya ka nandito ay para mapag-isa, kaya aalis na ako."
"Hindi mo ba naiintindihan? Ikaw ang maraming sasabihin!"
"Bukod sa maraming salamat sa tulong mo wala na akong sasabihin sa'yo."
Tumalikod siya.
"Bakit ka nandito? Nagbabakasali ka bang makita ako?"
Huminga siya ng malalim.
"Nagkataon lang na nandito ako at inabutan mo."
"Nagkataon lang bang sa dinadami-daming lugar na pwedeng puntahan ito ang napili mo?
Nagkataon lang bang sa mga oras na ito ay nagkita tayo? Nagkataon lang bang sa tuwing may mabigat kang problema ay dito ka nagpupunta?
Nagkataon lang bang ito ang lugar na iniisip mong pampakalma?
Nagkataon lang bang ang lugar na siyang itinuro ko sa'yo ang siyang pinupuntahan mo?"
Sa sobrang daming tanong nito parang hindi na niya alam ang isasagot.
"Lahat ng 'yon nagkataon lang," malamig niyang tugon.
"Pwes hindi para sa akin, dahil hiniling ko na sana ay makita ka dito, na sana muli tayong magkita kahit hindi sinasadya. At ang saya na nararamdaman ko ngayon..." Hinarap siya nito gamit ang matiim na tingin.
" ... ay hindi nagkataon."