"Ellah hija, tinatanong kita, nag-usap ba kayo ng bodyguard mo tungkol sa pag-alis niya?"
"Ah, opo lolo, napag-usapan na ho namin, hindi ko lang ho alam na kagabi pala siya nag resign."
"Mabuti."
Umiling ang dalaga.
"Hayaan na ho natin lolo, hindi na ho siya masaya."
Napatango-tango ang matanda.
Maya-maya lang may dumating.
"Nandiyan na sila hija."
Nakita niya ang tatlong lalaki.
Malalaki ang mga ito at mukhang matatapang.
Napapailing siya.
"Good morning sir, madam!" sabay na bati ng tatlo at yumuko.
"Good morning, boys, ang unica hija ko si Ms. Ellah."
"Kumusta kayo Ms. Ellah?" sabay na namang tanong ng mga ito habang lahat nakatingin sa kanya.
Pinigilan niyang matawa. Parang mga robot ang mga ito.
"I'm fine."
"Boys, magpakilala kayo sa amo niyo."
"Ms. Ellah ako po si Bert, siya si Manuel, at si Dan."
"Ikinagagalak ho namin kayong makilala Ms. Ellah," sabay na namang wika ng mga ito.
Parang nag memorize ang tatlo sa sasabihin sa kanya.
"Bweno, boys, alagaan niyo at ingatan ang apo ko, ipagkakatiwala ko ang nag-iisa kong unica hija sa mga kamay niyo. Umaasa akong palagi siyang ligtas, naiintindihan niyo ba?"
"Opo don Jaime!" sabay na sagot ng tatlo habang nakaharap sa kanyang lolo.
"O, sige na, umalis na kayo."
"Thanks lolo," aniya at hinalikan ito sa pisngi.
Pinagbuksan siya ng pinto pumasok siya at ang isa ay nagmaneho ang dalawa ay sa likuran nakaupo.
Tahimik sila habang nagbabayahe.
Tumingin siya sa labas ng bintana at muling naisip ang binata.
Ipinilig niya ang ulo, ang lahat ay tapos na at dapat ng kalimutan.
Pagdating nila binuksan ng nasa likuran ang pinto at bumaba siya.
Nakasunod ang tatlo sa kanya habang siya ay papasok.
Nakatingin ang lahat na mga tauhan sa kanila.
"Good morning Ms. Ellah."
"Ms. Ellah, good morning."
Huminto siya at hinarap ang mga empleyado.
"Good morning, ladies and gentlemen, my new bodyguards."
"Good morning sa inyong lahat," sabay na bati ng mga ito.
"Good morning din sa inyo," sagot ng karamihan.
Habang naglalakad siya ay naririnig niya ang usapan sa paligid.
"Nasaan na pala si Gian?"
"Oo nga, sayang ang gwapo pa naman niya."
"Biglaan naman yata 'di ba?"
"Tama ka. "
Huminto siya, kaya ang usapan ay nahinto rin.
"Listen, everyone! Gian Villareal resigned last night. So stop talking about him!"
Tumahimik ang lahat at muli siyang naglakad papasok sa elevator.
Nakarating sila sa opisina.
"Good morning Ms. E...llah"
Napatingin sa kanyang likuran ang sekretarya.
"Jen, mga bago kong bodyguard. "
"Gano'n po ba? Hello sa inyo. "
"Hello din sa inyo" sabay na wika ng tatlo.
Napangiti si Jen.
Nilingon niya ang tatlong lalaki.
"Boys, sa ibaba lang kayo okay?"
"Opo Ms. Ellah, " sabay na sagot ng mga ito.
Sinundan siya ng sekretarya habang papasok.
"Ms. hindi naman ho sa nangingialam ako, pero nasaan si sir Gian?"
"Nag resign kagabi, " wika niya at umupo na.
"Ha? Pero biglaan naman yata?"
"Gusto niya eh, alangan namang pigilan ko. "
"Sayang po Ms. akala ko pa naman, magtatagal siya. "
Tiningnan niya ang sekretarya.
"Jen, wala na siya kaya huwag na nating pag-usapan ang taong nang-iwan."
"O-opo Ms. pasensiya na po."
"It's okay, magtrabaho na tayo."
"Opo." Lumabas ang sekretarya.
Napabuntong-hininga ang dalaga.
Tiningnan niya ang inupuan ng dating gwardya. Malinaw niyang nakikita na nakatanaw ito sa kanya habang nakangiti.
Lumingon siya sa kinatatayuan nito noon.
Malinaw pa sa kanyang isipan na nakatanaw ito sa malayo habang naka pamulsa.
Tumayo ang dalaga.
"Ah, come on Ellah, hindi ikaw 'yan!"
Kahit saang angulo ng kanyang opisina ito ang nakikita at naaalala niya.
Ni hindi pa siya nakahawak kahit isang dokumento.
Buong araw na lang ba siyang mag-alala ng nakaraan na?
Umupo siya at binuklat ang dokumento. Subalit tila umalingawngaw sa kanyang pandinig ang sinabi ng dating gwardya noon.
"Baka may maitutulong ako sabihin mo lang."
"Ahhhhh! Bullshit!" sigaw na niya.
Napasugod ang sekretarya.
"Ms. anong nangyari?"
Naiiling na iwinasiwas niya ang isang kamay at umayos ng tayo kinalma niya ang sarili.
Nakakahiya ang kanyang ginawa.
"Wala naman, 'wag mo na lang akong intindihin Jen, go back to work."
"Okay po." Isinara nito ang pinto.
Nanghihina siyang napaupo.
'Bakit ganito katindi ang epekto sa akin ng lalaking 'yon?
Kung tutuusin wala naman kaming relasyon!'
Pero ang nangyayari sa kanya tila daig ang hiniwalayan ng asawa!
---
PHOENIX AGENCY...
Biglang napatayo si Vince nang makita si Gian sa loob ng opisina.
Kagabi pa niya ito tinatawagan subalit hindi man lang ito nagparamdam, pagkatapos nitong magpaalam na umalis na sa mga Lopez.
"Gian pare, plano talaga kitang dalawin sa bahay mo buti nagpakita ka, totoo bang umalis ka na sa mga Lopez?"
"Nag resign na ako pare. "
"Ano! Paano na ang love story niyo?"
"Gago! Anong love story. "
Ito naman ang naiiling.
Inaamin niyang masaya siya at wala ng koneksyon sa mga Lopez ang kaibigan ngunit nanghihinayang din siya na hindi natuloy ang buhay-pag-ibig nito.
"Pare naman, bakit nagpabigla-bigla ka naman akala ko ba may patutunguhan kayo?"
"Wala eh, napagod pare, iniwasan ako. "
"Bakit naman?"
"Siguro napag-isip-isip na sagabal na ako kaya umiwas. "
"Tinanong mo ba siya?"
Umiling siya at umupo.
"Kung gano'n, basta ka na lang umalis nang hindi man lang inalam kung bakit ka iniiwasan?"
"Gano'n na nga, ayoko ng ipilit ang sarili ko pare, nagmumukha na akong tanga gago pa. "
"At least gwapo. Gwapong gago. "
"Tarantado ka talaga. "
"Anong sinabi niya no'ng mag resign ka na? Hindi ka man lang ba pinigilan?"
"Wala siyang alam, kay don Jaime ako nagpaalam. "
"Ano! Gian naman! Pare binigla mo naman 'yong babae, baka bigla na lang susulpot dito 'yon!"
Napailing si Gian.
Halata ang pag-aalala sa anyo ng kaibigan ngunit wala naman na siyang magagawa pa.
"Hindi niya 'yon gagawin pare, alam naman niyang ito pa rin ang kababagsakan ko. "
"So wala na? Gano'n na lang 'yon?"
Huminga siya ng malalim.
"Walang hiya ka, may pa lasing-lasing ka pa dati, 'yon pala ikaw ang mang-iiwan. "
"Hayaan na natin pare, gano'n talaga eh. "
"Paano 'yan? Tatanggap ka ba ng bagong trabaho?"
"Huwag muna, balak kong mag leave kahit isang linggo lang. "
"Wow! At saan ka pupunta? Mali, ano ang gagawin mo? Magmukmok at magpapakalunod sa alak hanggang sa makalimutan mo siya?"
Napatingin siya dito.
"Gano'n ba ang ginawa mo dati sa ex mo?"
"Hindi ah!" depensa ni Vince.
"Talaga?"
"O-oo nga. " Hindi ito makatingin sa kanya.
"Okay, pero hindi ko 'yan gagawin pare, huwag kang mag-alala. "
"Siguraduhin mo lang!"
Natawa siya.
"O paano, iiwan muna kita, pupuntahan ko pa ang head natin."
"Sige, pare, ingat ka ha. "
"Oo na!" aniya at lumabas.
Habang naglalakad patungo sa opisina ng head nila.
Binati siya ng nakasalubong na kasamahan.
"Sir Gian, welcome back po. "
"Salamat. "
Kumatok siya bago pumasok.
"Come in," tugon ng boses mula sa loob.
"Good morning sir. "
Iniangat ng matandang lalake ang tingin.
"Villareal, sinabi sa akin ni don Jaime na nag resign ka na raw?"
Ito agad ang bungad na tanong ng hepe pagpasok pa lang niya ng opisina nito kinabukasan.
"Opo sir"
"Hindi na kita tatanungin kung bakit, dahil tamang-tama at may ibibigay akong panibagong..."
"Sir, ah, hihingi ho sana ako ng leave kahit isang linggo lang, " putol niya sa sasabihin nito.
"Leave?" nagtatakang tanong ng hepe. Hindi siya sanay na humihingi ng bakasyon ang tauhan maliban na lang kung may matinding misyong ginawa at siya mismo ang nag-aalok dito.
"Opo sir, kailangan ho eh, pambawi lang. "
Gano'n pa man ay naiiling na lamang na tumango ang hepe, marahil ay kailangan nga nito ng pahinga.
"O sige, pero isang linggo lang Villareal, aasahan kong makakabalik ka na rito pagkatapos ng isang linggo. "
"Opo sir"
Ngunit bago tumayo ang binata ay natigilan itong nakatingin sa cellphone niyang nasa mesa, bagay na ikinapagtaka ng hepe.
"May problema?"
"Sir, pwede ko bang makita ang text message tungkol doon sa
Mount Gampo?"
Agad dinampot ng hepe at binusisi niya ang cellphone at nang makita ang hinahanap ay ibinigay niya sa kausap.
Tinanggap ng binata ang cellphone bagama't kabado ay sinimulan niyang basahin ang mensaheng naroon.
NANGANGANIB ANG ASSET MONG SI VILLAREAL
Napalunok ang binata.
Sa trabahong ito madalas namang nanganganib ang buhay niya ngunit madalas ay siya mismo ang nakakatanggap ng mensahe na mga death threat na ipinagwalang bahala niya.
Ngunit iba ngayon.
"Gian, mag-iingat ka, mula sa intel ang nagbigay ng impormasyon na tinatarget ka sa ngayon," imporma ng hepe.
Mismong galing sa intelligence group nila ang impormasyon.
"Wala bang impormasyon saan nila nakuha?"
"Napag-alaman na, pero nagmumula sa isang mall doon sa KCC."
Nang dahil sa narinig ay humugot na malalim na paghinga si Gian.
Kapag ganyan klaseng impormasyon, malabo ng malaman kung sino ang nagpadala.
Isa lang ang malinaw sa mensahe na 'yon, binalaan siya.
Isang warning na nagmumula sa isang hindi pangkaraniwan o ordinaryong tao dahil derekta itong nagbigay ng impormasyon sa intelligence group nila.
"Ipinaalam mo ba ito kay don Jaime?" untag ng hepe.
Tumango siya. "Kailangan niyang malamang nanganganib din ang kanyang apo ng dahil sa akin."
"Walang ibang nakakaalam nito, kundi ikaw, ako ang isa sa mga intel. Hind bale, mag-iingat ka na lang ng husto."
Normal ang ganitong sitwasyon na hindi ipinapaalam sa lahat kapag may nangyayaring pagtatangka isa man sa kanila kaya maging ang kaibigang si Vince tiyak hindi ito alam.
"Salamat ho sir," tugon niya at sumaludo rito.
"Walang anuman, bumalik ka pagkatapos ng isang linggo."
"Yes, sir!"
Kahit papaano, natutuwa siya at pinagbigyan siya ng head nila.
Isang linggo lang ang dapat niyang itagal sa pag sisintemyento at hindi na dapat lumagpas pa.
Isang linggo lang Ellah, makakalimutan din kita! Sa loob-loob ng binata.
Mabuti na rin ang pag resign at pag leave niya, makakapahinga siya ng matagal-tagal.
Nang nasa loob na ng sasakyan ay kinuha niya ang cellphone at tiningnan ang larawan ng dalaga sa contact niya.
Ang larawang 'yon kung saan magkasama silang natulog sa iisang kama.
Ipinikit niya ang mga mata at inalala ang mga nangyari.
"Gusto kong ibalik ang lahat sa dati, kung saan bago pa lang tayo nagkakilala, ako ang boss mo at ikaw ang tauhan ko. "
"Hindi ka mamamatay at hindi mo ako iiwan. Sasabihin ko kung kelan ka mawawala sa mundo. "
"I will tell you everything if you will become my girlfriend!"
Idinilat niya ang mga mata at inayos ang sarili.
"Isang linggo lang Ellah, makakalimutan din kita. "
---
LOPEZ MANSION...
Ipinikit ng dalaga ang mga mata.
Nakaupo siya sa gilid ng pool at habang nasa tubig ang mga paa.
Ilang araw na rin na naging normal ang takbo ng buhay niya nang nag-iisa.
Kahit sabihin pang laging tatlo ang kanyang kasama parang wala namang halaga ang mga ito sa kanya.
Sa loob ng mga araw na 'yon, walang ibang laman ang isip niya kundi si Gian!
Noong unang pagkikita nila. Tanda niya noon na halos hindi na ito kumukurap sa pagtitig sa kanya, kaya alam niyang pati likod niya ay pinagpapantasyahan nito.
"Are you watching my back?"
Sa mga panahong tinulungan siya nito dahil nahihirapan siya sa pag-atras ng supplier nila.
Noong mga panahong naabot nila ang tagumpay.
Mga panahong nagsasaya sila dahil sa naabot na tagumpay at inisip nitong inakit niya ito ng malasing siya.
Mga panahong mahirap itong intindihin.
"Hindi lahat ng problema ay tungkol sa pera palibhasa ipinanganak kang mayaman. "
Noong mga panahong unang pakikipagdate niya ay naging kalaban nila ang lalaki at sinapak nito.
Noong panahong nagtapat ito ng nararamdaman sa kanya.
"Ah hindi lang pala kita gusto. Damn it!"
Mga panahong nanalo sila ng swan at ibinigay sa kanya.
Noong panahong nahaharap sila sa panganib.
"Nandito ako sa likuran mo, magtiwala kang hindi kita pababayaan!"
Mga panahong inihahatid siya sa mga lalaking dapat niyang i-date.
Noong nagpalabas ito ng hinanakit sa inaakalang kaibigan, subalit siya ang nakarinig.
Noong ma hospital ito dahil sa bugbog na natamo tapos ay naglasing.
Mga panahong ipinaglalaban ng binata ang nararamdaman sa kanya.
"Wala kang karapatang utusan ako! Tauhan mo ako pero dahil lang sa trabaho, hindi mo hawak ang damdamin ko kaya wala kang karapatan na kontrolin ang nararamdaman ko!"
Noong tinulungan siya nito para mapakinabangan ang reject na produkto at mabawi ang malaking lugi.
Noong panahong bumisita sa kanyang lolo ang congressman na ama ng kanyang ka date noon sa mansyon kaya nagtago sila habang nakikinig.
Mga panahong kinikilala niya ang family background nito.
Noong panahong nasa restaurant sila at inakit ito ng waitress kaya sumabog siya.
"You're acting like a jealous girlfriend!"
Mga panahong dinala siya sa isang cable car at pinagagaan ang kanyang loob pero nauwi sa gulo at muntik ng makipagpatayan sa ibang tao ng dahil lang sa cable car.
Ngunit sa lahat ng ala-ala na 'yon, tatlo ang kanyang napagtanto.
Una: Tinutulungan siya
Pangalawa: Pinoprotektahan
Pangatlo: Minamahal
At sa tatlong 'yon iisa lang ang taong kayang gawin ang mga bagay na 'yon walang iba kundi ang taong iniwan siya!
Lumusong siya sa tubig baka sakaling gumaan ang bigat ng kalooban.