webnovel

Chapter 3 - The Favor

CURUAN HIGHWAY... 

"SI MS. ELLAH!" Malakas ang sigaw ni Homer sa mga kasama habang nakikipagpalitan ng putok sa mga kalaban.

Agad tumalima si Lando at umikot.

Pinoprotektahan nina Claudio at Waldo si Lando habang patungo ito sa kinaroroonan ng amo.

"Ms. Kailangan niyong lumabas!" sigaw nito sa labas ng pinto.

Napalingon si Ellah at kitang-kita niya ang pagbaril ng kung sino at pagkabagsak ni Lando na ikinahiyaw niya.

Pinagtulungan nina Waldo at Claudio ang bumaril ngunit tablahan ang laban!

Nang makita ni Homer ang pagbagsak ng mga kasamahan ay agad itong gumanti ng pamamaril ngunit hindi nito naiwasan ang balang tumama sa likod, tatlong beses pinagbabaril subalit bago ito humandusay ay gumanti ito at inubos ang natitirang bala sa huling kalaban.

Panay ang iyak ni Ellah sa loob ng sasakyan.

Sa kagaya niyang hindi sanay sa putok ng baril at balang tumitilamsik ay tila mauubos ang kanyang hininga sa takot!

Pagkalipas ng ilang sandali, natigil ang putukan. 

Unti-unti niyang inangat ang paningin. 

Bagama't halos mawalan ng lakas ay pinilit niyang tumayo at marahang lumabas ng pinto. 

Doon na tumambad ang nakakapangilabot na tanawin na halos magpatulala sa kanya. 

Naliligo sa sariling dugo ang pinuno ng mga gwardya niya!

Napahagulgol na siya habang naninigas ang katawan.

"M-Ms. Ellah..." 

Nanlaki ang mga matang binalingan niya ang driver nila. Bagamat may tumutulong dugo mula sa gilid ng noo ng tsuper ay lumabas ito ng pinto at tinungo ang kanyang kinaroroonan.

"Mang Jude! Si Homer!"

Dinaluhong nito ang gwardya at idiniin ang palad sa leeg ng pinuno. 

Pigil-hiningang nakatingin ang dalaga, umaasang buhay pa ang gwardya. 

"Homer!"

Lumuhod siya at niyugyog  ang gwardyang naliligo ng dugo habang nakahiga sa malamig na semento. 

Unti-unti nitong idinilat ang mga mata. 

"Ms...Ms. Ellah, salamat at ligtas po kayo."

"Homer!"

"Pakisabi kay... don Jaime maraming salamat sa... lahat." 

"Homer hindi huwag! Tataasan ko ang sahod ninyo mabuhay ka lang pakiusap Homer! Kahit hindi na kayo magpa gwapo! " 

Tipid itong napangiti.

"Patawarin niyo kami... Ms. Ellah pero hindi ka na namin ma protektahan pa."

Tuluyan ng napahagulgol ang dalaga.

"Ms. Umalis na po tayo, delikado rito!" 

"Mang Jude tumawag ka ng ambulansiya, buhay pa si Homer buhay pa siya!" 

Nanlulumong pinagmasdan ni mang Jude ang mga kasamahang mga nakahandusay. 

Ilang buwan pa lang silang magkasama, ngunit nabuo na ang pagkakaibigang pinatibay ng pagtutulungan at pagdadamayan ngunit sa pagkakataong ito, wala na.  

"Ms. Pakiusap u-umalis na po tayo, hihingi ako ng tulong sa lolo mo ang mahalaga makaalis na tayo."

Marahang tumayo si Ellah at  naging sunod-sunuran na lang siya rito. 

Habang nasa daan ay tinawagan ng  tsuper ang amo.

"Don Jaime, nasa Curuan po kami..."

Habang papalayo ang kanilang sinasakyan ay hudyat na rin ng kanilang tuluyang pag-iwan sa mga  butihing gwardya na nakahandusay at wala ng buhay. 

---

LOPEZ MANSION...

"ILIGTAS NIYO ANG APO KO!"

Halos mamutla si don Jaime ng mapag-alamang tinambangan ng kung sino ang apo.

Agad nagsialisan ang mga tauhan ng don.

Madalas ng mangyayari ang pananambang sa matanda ngunit hindi sa apo nito kaya naman ganoon na lang ang takot ng don.

Tila wala sa sarili ang dalaga pagdating ng mansyon bagama't agad siyang sinalubong ng abuelo.

"Ellah? Diyos ko!" 

Nanlalaki ang mga mata ng don habang nakatingin sa kanyang itsurang duguan. 

"Lolo... Lolo wala na po sina Homer!" 

Maagap na iniyapos ng don ang mga braso at niyakap ng mahigpit ang apo. Nanginginig ang buong katawan niya sa takot.

"PUNYETA! SINONG MAY KAGAGAWAN NITO!" 

Sa dami ng nakabangga ng don sa negosyo hindi na nito alam kung sino sa mga kaaway ang may pakana.

Marahang kumalas si Ellah sa abuelo at nanghihinang umupo sa naroong sofa. 

Hinarap ng don ang tauhan.

"Jude, ano bang nangyari?" 

Huminga ng malalim ang tauhan at nagsimulang magsalaysay. 

Sa lahat ng paliwanag ng tsuper iisa lang ang pinupunto.

Tinabla ng kanyang mga gwardya ang kalaban upang iligtas siya.

Itinaya ang mga buhay upang masigurong mabubuhay siya!

Unti-unting pumatak ang mga maiinit na likido mula sa kanyang mga mata hanggang sa tuluyang humagulgol. 

Kinakain siya ng matinding kunsensiya dahil siya ang dahilan ng pagpanaw ng mga mababait na gwardya.

Tumiim ang kanyang titig sa kawalan at mariing kumuyom ang mga kamay. 

"Sinisigurado ko... magbabayad sa batas ang may gawa nito!" 

---

ONE MONTH LATER 

BULACAN CEMETERY...

"Kumusta po, lola?"

Marahang lumuhod si Gian sa harap ng puntod ng kanyang abuela.

Inilagay niya ang bulaklak na hawak sa lapida nito.

"Salamat sa gabay ninyo sa akin, sa bawat misyon at panganib na kinasusuungan ko.

Mission accomplished kami la, nadakip ang isa sa pinakamalaking sindikato sa Zamboanga."

Marahan niyang hinaplos ang lapida ng nag-iisang nagpalaki sa kanya.

Wala na siyang mga magulang mula ng bata pa kaya ito na lang ang nag-iisang nagtaguyod sa kanya.

Ngayon nag-iisa siya at hindi nakikilala ang mga kamag-anak.

Hindi na rin siya interesado dahil wala namang pakialam sa kanya ang mga ito.

Sa ngayon ay sinusulit niya ang ibinigay na bakasyon. Ang isang linggo ay naging isang buwan dahil nagpapagaling na rin siya.

Tumunog ang kanyang cellphone sa loob ng bulsa ng suot ng maong na pantalon, kinuha niya ito at sinagot ang tawag.

"Vince, pare?"

"Pare kumusta? Mag-iisang buwan ka ng wala ah, malungkot ang grupo, na mimiss ka ni Chief."

Tumawa siya. "Ikaw yata naka miss sa akin eh?"

"Sa totoo lang si Hailey talaga."

Naglaho ang ngiti niya. Kasamahan nila ang babae at alam niyang may gusto ito sa kanya.

"Hindi pare ganito, mukhang may bago kang misyon kaya kailangan mo ng bumalik."

Humugot siya ng malalim na paghinga.

"Ano 'yon?"

"Pagdating mo na lang."

Matapos makipag-usap kinabukasan ay bumalik si Gian ng Zamboanga.

Mahaba na rin ang bakasyon niya at magaling na ang mga sugat. Handa na ulit sa panganib na misyon!

---

PHOENIX AGENCY... 

"WELCOME BACK CAPTAIN!" 

Sinalubong si Gian ng kanyang mga kasamahan at magaang niyakap ng Alpha Team. 

"Kumustang bakasyon? Enjoy ba?" kantyaw ng grupo na ang pagkakaalam ay babae niya ang kanyang pinuntahan maliban kay Vince.

Ngumiti lamang siya at dumeretso sa opisian ng hepe.

Sinalubong siya ng isang babae.

"Gian! Welcome back!" Niyakap at hinalikan siya nito sa pisngi.

Sa bilis ng pangyayari ay ni hindi siya nakahuma.

"Hailey," marahan siyang kumalas sa yakap nito.

"I miss you, I mean we miss you!" Nakangiti pa ring tugon nito.

"Salamat, pupuntahan ko pa si Chief."

Agad niyang tinungo ang opisina ng opisyal upang makaiwas sa babae.

"Welcome back Villareal!" nakangiting bati ng hepe. 

"Thank you sir!" tugon niyang sumaludo sa amo bago umupo.

"Kumustang bakasyon?"

"Umuwi ako ng Luzon, dinalaw ko ang puntod ng lola ko." 

"That's good, minsan lang ang ganoong pagkakataon. May bago kang misyon," tugon nito at iniba ang usapan. 

"Here, look at this." Ipinasa nito ang isang folder na agad niyang binasa.

"Anak ni Mondragon?" 

"Siguradong may malaking tao sa likod ng mga 'yan kaya hindi pa rin tumitigil." 

Huminga ng malalim ang binata. 

"Nabalitaan mo bang muntik nang makidnap ang apo ni don Jaime?" 

Umiling si Gian. Hindi na bago sa kanya na ang mga anak-mayaman ay lapitin ng kidnapping.

"Sino ang may pakana?" 

"Duda ako sa naging resultang kidnap for ransom," makahulugang tugon ng kausap.

Kumunot ang kanyang noo.

"Anong ibig niyong sabihin?"

"Siya ang misyon mo."

Lalong kumunot ang kanyang noo.

"Si don Jaime?"

"Hindi, ang apo niya."

Kumurap-kurap ang mga mata niya.

Sa sitwasyon nitong nakidnap at nakaligtas naman, hindi niya maisip anong gagawin sa apo ng pinakamaimpluwensiyang tao sa lugar.

"Anong klaseng misyon?"

---

LOPEZ MANSION... 

"Anong sinabi mo?" Sita ng dalaga sa Presidente ng kumpanya. 

Kasalukuyang nakaupo sa metal na silyang nasa hardin ang mga ito habang nagkakape nang marinig niya ang sinabi ng presidente. 

Taga report ito ng mga nangyayari mula nang hindi siya pumasok sa opisina. 

"Ms. Ellah, Chairman, hindi natin nakuha ang BMG dahil tinaasan ni Mr. Garcia ang porsyento ng produkto nila." 

"Ano? Bakit daw? Maayos ang usapan namin noon!" Hindi niya napigilan ang pagtaas ng boses dahil sa narinig. 

Si Mr. Garcia ang manager ng kumpanyang BMG na siyang magiging supplier nila.

Ang kanilang negosyo ay isang minahan ngunit nagkukulang na sila ng produkto kaya kinakailangan nilang mamili sa ibang kumpanya. 

Pinakamataas na kalidad ang produkto nito at nagkukulang na sila.

(

"Sa ngayon gumagawa na kami ng paraan upang makausap muli si Mr. Garcia," anang Presidente. 

"At anong gagawin niyo? Magmamakaawa?" sarkastikong tanong niya. 

"Hindi naman sa gano'n Ms." 

"Mr. Go, kayo ang pinagkakatiwalaan ni lolo sa kumpanya pero parang hindi mo nagagawa ng maayos ang trabaho mo!" singhal na niya sa may edad na lalaki. 

"Ellah!" sita ni don Jaime at tiningnan siya ng matalim. 

"Dapat na yata akong pumasok lolo. Ako ang kausap ng BMG ako ang dapat tumapos." 

Naglaho ang galit ng don at napalitan ng pag-aalala. 

"Kaya mo na ba?" 

Hinarap ni don Jaime ang Presidente. 

"Mr. Go, maraming salamat sa pagpunta, makakaalis ka na." 

Tumayo ang lalaki at yumuko. 

"Sige po don Jaime, Ms. Ellah, natutuwa akong babalik ka na sa kumpanya." 

Pagkaalis ng lalaki ay nagharap sila ng abuelo. 

"Kung talagang desidido kang bumalik sa kumpanya, kailangan mo ng bagong gwardya." 

Tumiim ang titig ni Ellah sa kawalan. 

"This time, I want only one, siya na rin ang driver ko."

"Hija, kailangang mas marami pa!"

"Aanhin ko kung mamamatay lang din naman?"

Natahimik ang don.

Naaalala niyang muli ang apat niyang gwaryda, ang mga pagpapatawa ng mga ito sa tuwing magkakasama sila. 

Kinabig siya ng matanda at niyakap. 

Isang buwan na hindi siya pumasok sa trabaho dahil sa trauma. 

Ang mga araw na iyon ng pagpapahinga ay sapat na para sa gaya niya.

At sa loob ng isang linggo ay napag-alaman nilang kidnap for ransom ang nangyari sa kanya nang hindi naman bigating tao sa lipunan. 

Mabilis nagawaan ng paraan ni don Jaime ang kaso at naipakulong ang may pakana. 

Tinulungan din ng don sa pinansiyal ang mga pamilya ng mga gwardyang namayapa na. 

Kahit paano ay unti-unti na siyang naka recover. 

At kailangan na niyang pumasok sa trabaho dahil hindi na niya alam ang mga nangyayari sa kumpanya. 

Mula ng maaksidente ang abuelo ay bihira na itong dumalaw sa kumpanya bilang Chairman sa presidente at sa kanya ito umaasa.

---

PHOENIX AGENCY... 

"Makakaasa po kayo Don Jaime."

Dinig ni Gian ang sinabi ng kanilang head habang papasok siya sa opisina nito kinabukasan.

Pinapatawag siya ng head nila at mukhang alam na niya kung bakit. 

Namataan siya ng amo. "O, nandiyan ka na pala Gian, pumasok ka."

Tumuloy siya sa loob at namataan  ang isang matandang kaharap ng kanilang head kasama ang isang lalaki na nasa likuran nito.

"Gian, si Don Jaime Lopez, " pakilala ng kanilang head.

Hinarap niya ang matanda. Huminga siya ng malalim upang pakalmahin ang sarili.

Kilala ito bilang isa sa pinakamaimpluwensiya at makapangyarihan sa lugar.

Ngunit hindi niya gusto ang pagdalaw nito.

"Good afternoon, don Jaime," bati niya at bahagyang yumukod.

Hindi ito sumagot at sa halip ay binalingan nito ang taong nasa likuran.

"Alex!"

Nagtaka siya na sa halip sa tumawag ito lumapit ay sa kanya ito palapit.

Napansin niyang nakatingin lang naman ang kanilang head.

Tumayo siya ng tuwid at inihanda ang sarili sa kung ano man ang binabalak nitong gawin.

Nagharap sila ng tinawag na Alex at nagkatitigan.

"Matibay ka ba?" tanong ni Alex.

Hindi siya sumagot. Naglalaro sa kanyang isipan na gugulpihin siya nito.

Bagamat maganda ang porma at tindig ng lakaki hindi man lang siya kinabahan sa halip ay gumanti siya ng malalim na titig sa kaharap.

Isang lakad pa nito bago pabiglang ipinitik ang likod ng kamao nito sa kanyang dibdib, kung hindi mabilis ang kanyang kilos ay tatama ang kamao nito sa dibdib niya ngunit nasangag niya ang pulso nito at pinilipit ang kamao.

Napangiwi ang tauhan ni don Jaime.

Sanay si Gian sa gulatan doon pa lang sa training. Sanay sa pabilisan kaya nahagip niya ang kamao nito bago pa man makaporma.

"Matibay nga!" palatak ng lalaki at binitiwan niya.

Tumango lamang ang don.

Napatingin siya sa head nila na nakatingin pa rin sa kanya.

"Gian, humihingi ng pabor si don Jaime."

"No."

Bab berikutnya