webnovel

The door

PATULOY na naglalakad sa malamig at madilim na pasilyo sina Cael at Ithurielle. Sa bawat hakbang nila pasulong kusang nagbubukas ang mga light torch sa magkabilang gilid ng makipot na pasilyo. Pinagdikit-dikit na bungo at kalansay ang buong dingding. Habang kusa rin namamatay ang mga apoy sa sandaling malagpasan nila ito. Lumingon si Ithurielle sa likuran, walang makikitang kahit na ano maliban sa dilim. Ganoon din ang direksyon na tinatahak nila.

Hindi sigurado ng dalawa kung gaano sila katagal na naglalakad pero nag-iisa lang ang daanan na kanilang tinatahak. Tanging diretso at wala pa silang nakikitang kahit anong likuan. Walang ibang maririnig maliban sa tunog ng kanilang mabibigat na mga yabag at mahihinang paghinga. Walang kumikibo sa dalawa basta patuloy lang sila sa pagbaybay. Hanggang sa natumbok nila ang dead end.

Napakunot ang noo ng dalawang anghel. "Ano ito? Bakit walang daanan?" nababahalang tanong ni Ithurielle. Maging si Cael ay nalilito na rin. Tahimik niyang pinagmasdan ang nasa harapan. Wala silang ibang sinundan na pasilyo kundi ito lamang. Kung babalik sila sigurado siyang mag-aaksaya lang sila ng oras. Dalawang magkabilang light torch ang nagsisilbi nilang liwanag. Kinuha niya ang isa sa kanan at ginamit iyon upang ilawan ang buong dingding.

Katulad ng kanilang mga dinaanan, puro magkakadikit na bungo at kalansay lang ang makikita sa paligid. Ngunit sa pinakagitna ng dingding natagpuan nila ang isang kalansay na nakasuot ng gintong korona. Pinagmasdan itong mabuti ni Cael. Ang korona ay may limang diyamante ngunit isa ang nawawala.

"Siguradong may nakatagong susi upang mabuksan ang lihim na pinto. Tignan mo ito." tinuro niya ang bakanteng butas sa gitna ng korona. Tumungo si Ithurielle. Kinuha nito ang light torch sa kaliwa at tinulungan siya sa paghahanap.

Gamit ang liwanag ng apoy, inisa-isa ni Ithurielle ang bawat sulok sa paligid ng dead end. Pare-pareho lang ang nakikita nito hanggang sa dinapuan ng liwanag ang isang makinang na bagay. Napasinghap ang babae. "Cael tignan mo ito!"

Nagmadaling lumapit si Cael at pinagmasdan ang natagpuan nito. Sa loob ng bunganga ng isang bungo naroon ang nawawalang pulang diyamante. Tatangkain sana itong dukutin ni Ithurielle nang biglang sumara ang bibig ng bungo. Sabay silang napaatras sa gulat.

Biglang lumindol nang malakas ang buong lugar. Nagkatinginan ang dalawang anghel. Sunud-sunud na ingay ng lumalagatok na buto ang sunud nilang narinig na nangibabaw sa malamig na katahimikan. Dahan-dahang lumingon sa likuran ang ulo ng dalawa at parehong nanlaki ang kanilang mga mata nang masilayan na biglang nagkabuhay ang mga kalansay at isa-isang kumakalas mula sa pagkakadikit sa dingding.

Mabilis na naglabas ng puting balahibo si Cael at naging espadang diyamante. Ganoon din si Ithurielle. Sa isang kamay nila nakahawak ang torch at sa isa naman ang armas. Humanda ang dalawang anghel upang lumaban.

Napakaraming kalansay ang nakapaligid sa kanila. Nagdikit ang likod ng dalawa habang hinuhumpas ang apoy. "Kailangan natin makuha ang diyamante, iyon ang magiging susi para mabuksan ang lagusan," saad ni Cael.

Sa direksyong kaharap ni Ithurielle natatanaw niyang kumikinang ang bagay sa loob ng bibig ng isa sa mga bungo. Nasa pinakalikod ito. Iyon ang kailangan niyang puntiryahin. "Ako ang bahalang kumuha sa susi," aniya.

"Sige."

Nagsimula nang sumugod ang mga kalansay. Kasing bilis ng ihip ng hangin na hinumpas ng dalawa ang kanilang mga armas. Isang kalansay ang tumalon kay Ithurielle. Maliksi niyang pinutol ang ulo nito sabay tinadyakan sa dibdib. Agad nasira at kumalas ang mga buto nang sandaling tamaan niya ito. Nagpira-piraso ang mga ito at nalaglag sa sahig. Natigilan siya nang kusang gumalaw ang mga buto at tila mga magnet na nagdikit-dikit muli. Kahit anong pagsira ang gawin nila sa mga kalansay ay bumabalik lang ang mga ito sa dati. Kung patuloy silang lalaban ng ganito ay mapapagod lang sila pero hindi nila matatalo ang mga kalaban.

"Hindi mo na mapapatay ang mga patay," naiiling na sambit ni Cael. Kailangan na nilang magmadali. Subalit masyadong marami ang mga kalansay at nahihirapan silang makuha ang pakay. Hanggang sa naka-isip siya ng ideya. "Ithurielle, ilalabas ko ang aking pakpak. Sa oras na masilaw sila kunin mo ang diyamante," bulong niya sa katabi.

"Sige. Handa na ako."

Tatlong kalansay ang mabilis na sumugod at pinukol ni Cael ang hawak na light torch sa mga ito at mabilis na pinakawalan ang kanyang maliwanag na pakpak. Sumabog ang puting liwanag. Nasilaw ang mga kalansay at pansamantalang nahinto sa pagsugod. "Bilis!" sigaw niya.

Sinamantala ni Ithrurielle ang pagkakataon. Matulin siyang tumakbo at hinumpas ang espada . Tinabig niya ang lahat ng kalansay na sumusubok humarang sa kanya. Naabutan niya ang pakay na nakatayo sa dulo. Tinapakan niya sa spinal cord ang natumbang kalansay at tumalon sabay taas ng kanyang espada. "Ahhh!" Tinutok niya ang patalim at tinusok sa gitna ang pakay na bungo. Nabasag agad ito at tumalsik ang pulang diyamante.

Samantala, nalusaw na ang liwanag ng pakpak Cael at agad naalerto ang mga kalansay at kumilos patungo kay Ithurielle. Nag-dive siya at kinuha ang diyamante sa sahig. Gumulong siya pakaliwa at naiwasan ang atake ng isang kalansay.

"Ithurielle!" sigaw ni Cael.

Maliksing bumangon ang babaeng anghel at tinakbo ang dead end. May mga kalansay na mabilis na kumakalas mula sa magkabilang dingding ng pasilyo. Ngunit ginamit ni Ithurielle ang lahat ng lakas niya at pinagsisipa ang mga ito. Tila ipo-ipo ang kanyang bilis sa pakikipaglaban. Humahalik ang talim ng kanyang espada sa bawat kalansay. Nakasunod sa kanya si Cael na lumalaban din. `Di nagtagal at tuluyan niyang natumbok ang dulo nang sabay-sabay na tumalon ang mga kalansay at kumapit sa kanyang binti, balikat at braso. Nahirapan siyang kumilos.

"Cael!!!" sigaw niya sa kapatid.

Naalerto si Cael sa nakitang kalagayan ng babae. Buong lakas niyang sinipa at sinira ang mga kalaban na humaharang sa kanya at mabilis na binuka ang pakpak. Inatake niya ang mga kalansay na kumakapit kay Ithurielle.

Nang makalaya ang isang braso ni Ithurielle ay sinuntok naman niya ang bungo ng kalansay na kumakapit sa kanyang binti. Hinakbang niya ang mga paa, tinaas ang isang kamay at dinikit ang pulang diyamante sa butas. Nang sandaling lumapat ito sa korona, sabay-sabay na nasira at nawalan ng buhay ang mga kalansay. Sa wakas at nakahinga nang maluwag ang dalawang anghel.

Ilang sandali pa ang lumipas at unti-unting umatras paloob ang bungo na may suot ng korona. Yumanig ang paligid at unti-unting nahati sa gitna ang dingding. Nagkatinginan ang magkapatid habang pigil hiningang inaabangan ang tuluyang pagbukas ng lagusan.

I enjoyed writing this chapter, how bout you guys?

Don’t forget to vote with your powerstones!! :)

AnjGeecreators' thoughts
Bab berikutnya