webnovel

Forbidden Love

Twenty one years ago…

"IBA KA SA MGA ANGHEL na nakikita ko. Kulay gold ang pakpak mo. Ano ka?"

Tila tinamaan ng kidlat si Daniel nang matagpuan niya ang isang babae na nakatayo ilang hakbang mula sa kanya. Nakasuot ito ng puting bestida, nakababa ang maalon, mahaba at tsokolate nitong buhok, mapupungay ang mga mata nito na tila kasing liwanag ng kinang ng mga bituin. Namumula ang magkabila nitong pisngi na maihahantulad sa rosas at maliit ang matangos nitong ilong. Gayunman, lalo iyon bumagay sa maliit nitong mukha. Bahagyang naka-uwang ang manipis ngunit mapula nitong labi. Animo, lumiliwanag ang napakaputi nitong balat sa ilalim ng buwan.

Natatanging ganda, walang katulad.

Ilang sandaling nanatiling nakatulala si Daniel sa dalagang mortal sa kanyang harapan.

"Excuse me? Don't tell me na ako nakikita kita pero ako hindi mo nakikita? I'm talking here, hello?" Kumaway pa ito at gumegewang na naglakad patungo sa kanya. Doon niya lang napansin ang hawak nitong baso ng alak.

Nagsalubong ang kilay niya. "N-nakikita mo `ko?"

Hindi makapaniwala ang makisig na Arkanghel. Hindi sila nakikita ng ordinaryong mga mata. Maigi niya itong pinagmasdan mula ulo hanggang paa. Anu ang hiwaga ng babaeng ito?

"May ibang tao pa ba rito?" Lumingon-lingon ito sa paligid. Wala ngang ibang naroon kundi silang dalawa lang. Malayo ang pwesto nila sa mga bisita.

Tila may naalala ang dalaga at biglang humagikgik. "Oo nga pala, ako lang pala ang tao. Kasi for sure ikaw, hindi. I'm sorry, my bad." Tinaas nito ang dalawang daliri sabay ngumisi.

Nag-eekis ang mga binti na naglakad ito patungo sa malapit na fountain saka umupo sa ibabaw ng batong based niyon. Mabilis nitong tinanggal ang dalawang sapatos nito at binato ang mga `yon sa damuhan.

"Oh my God!" Tumirik ang mga mata nito na animo sarap na sarap. "Ahhh! Finally, ang sakit-sakit na ng paa ko. Ang hirap mag-tiis ganda!"

Nababahala man sa katotohan na nakikita siya ng isang tao ay hindi napigilan ni Daniel ang pagsilay ng maliit na ngiti sa kanyang labi. Bukod sa napakaganda ng babaeng ito ay labis din itong nakakaaliw. Para itong bata na nakatingala sa madilim na langit habang pinagmamasdan ang mga bituin. Pinapadyak nito ang dalawang paa na tila nagtatampisaw sa tubig.

Matagal na katahimikan ang namagitan sa kanilang dalawa. Tila isang magandang melodiya ang ihip ng hangin sa kanyang pandinig. Sa `di maipaliwanag na kadahilanan ay hindi magawang alisin ni Daniel ang kanyang mga mata sa dalaga. Bawat maliit na galaw nito, bawat pikit ng mga mata at maging ang pagbuntong-hininga nito ay napapansin niya.

Umihip ang malakas at malamig na hangin dahilan upang liparin ang mahaba nitong buhok na lalong nakadagdag sa nakabibighani nitong ganda. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nanikip ang dibdib ni Daniel.

"Ano'ng pangalan mo?"

Nang magtanong ang babae ay doon lang siya naggising sa pagkakatulala at bumalik sa realidad. Tumikhim siya at inayos ang sarili. Siya ang pinakamagiting na pinuno ng hukbo ng mga Anghel na Taga-oras. Hindi dapat siya natutulala na parang tuta.

"Daniel," tipid niyang sagot.

Lumingon ang babae at nagtagpo ang kanilang mga mata. Muli na naman nanikip ang kanyang dibdib. "Hmmm, hindi naman siguro Gillies ang apelido mo `no?"

Kumunot ang noo niya. "Sino si G-gi...llies?"

Humagikgik ulit ito. Ahh, bakit maging tunog ng maliliit na tawa nito ay masarap sa kanyang pandinig?

"Si Daniel Gillies ang magiging tatay ng anak ko!" Humagikgik ito. "Kaso hindi niya alam so secret lang nating dalawa."

Napakunot nang husto ang noo ng Arkanghel. Wala siyang naiintindihan.

"Pero `wag mo nang isipin `yung sinabi ko kasi mas gwapo ka dun!" pilyang sabi nito sabay kindat sa kanya.

Napalunok si Daniel at napakurap-kurap. Biglang nag-init ang kanyang mukha. Ano ba itong nangyayari sa kanya? Pinilig niya ang ulo.

Mahabang katahimikan ulit ang namayani sa paligid.

"So, ano ka nga? `Di mo naman sinagot `yung tanong ko? Bakit iba ang pakpak mo? Kasi `yong guardian angel ko, si Ithurielle, white and glowing ang wings niya. Pero ikaw, mas sosyal ka kasi gold ang sa `yo. Hulaan ko, mayaman ka siguro `no?"

Lalong nagsalubong ang kilay ni Daniel. "Nakikita mo rin si Ithurielle?"

"Oo nga, paulit-ulit ka!"

Naurong ang dila niya. Tama ba ang narinig niya? Walang kahit sinong anghel ang nagtangkang magtaas ng boses sa kanya dahil ang lahat ay ginagalang siya. Pero ang babaeng ito ay walang pakundangan sa pagsasalita. Kungsabagay, hindi naman nito alam ang totoong katayuan niya kaya patatawarin niya ito dahil hindi nito alam ang mga sinasabi at inaakto nito.

"So, ano nga? Bakit gold ang pakpak mo?" ulit nito. Halatang makulit ang isang ito.

Tumuwid si Daniel ng tayo. Bahagya niyang nilingon sa likod ang kanyang nakasisilaw na gintong pakpak. Nabibilang siya sa natitirang anim na Arkanghel na namumuno sa Paraiso ng Eden. Sa loob ng kanilang hukbo, tungkulin nila na pangalagaan ang balanse ng oras at panahon. Kung ang mga ordinaryong anghel ay may puti at maliwanag na pakpak. Silang mga Arkanghel naman ay kulay ginto. Simbolo ng pagiging isang pinuno.

Paminsan-minsan ay bumibisita si Daniel sa lupa upang magmasid-masid. `Di niya inaasahan na sa pagnilay-nilay niya ngayong gabi ay makikilala niya ang babaeng ito.

"Dahil isa akong Arkanghel," pagkuwan ay sagot niya.

"Woah! For real?" Namimilog ang mga mata nito. "Astig mo, tsong!"

Hindi man naintidihan ni Daniel ang mga makamundong lenggwahe ng magandang dilag ay naaliw pa rin siya dahil sa reaksyon ng mukha nito na parang batang nakakita ng mahikero.

"Bakit mo `ko nakikita?" tanong niya.

Nagkibot patagilid ang nguso nito tapos tumingala uli sa langit. "Actually, hindi ko rin alam. Bata pa lang ako nakakita na `ko ng kung ano-anong mahihigawang nilalang at bagay na hindi visible sa mata ng mga tao. At first, I only see colorful auras. Pero habang lumalaki ako mas lumilinaw ang mga nakikita ko. When my mother died, this special ability that I have intensified. I had to keep it a secret even to my dad. Best friend ko lang ang nakakaalam. For some reason, I get used to it. So, naka-sanayan ko na lang."

Ano nga kaya ang hiwaga sa pagkatao ng babaeng ito at may kakayahan itong makakita ng mga katulad niya? Mahigpit na pinagbabawal sa Banal na Kautusan na magpakita sila at magkaroon ng pisikal na kaugnayan sa mga nilalang sa mundo. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na kumausap uli si Daniel ng isang mortal matapos ang nangyaring pagpapatapon sa mga anghel galing sa Paraiso ng Eden.

"Ikaw, ano'ng pangalan mo?" tanong niya.

Muli itong lumingon sa direksyon niya at malaking ngumiti, maging mga mata nito ay sumasabay sa pag-ngiti nito.

"Leonna."

Animo mainit na mga bisig ang yumakap sa puso ni Daniel matapos marinig ang pangalan nito. Nang mga sandaling iyon, pakiramdam ni Daniel ay bumaba ang langit at nagsi-awitanan ng mga kerubin sa paligid. Tumalon ng kakaibang ligaya ang kanyang dibdib.

"Kinagagalak kitang makilala, Leonna."

Labis na nakuha ng mortal na dalaga ang interest ng makisig na Arkanghel. Aalamin niya ang sagot sa kanyang katanungan. Ngunit, higit pa roon ay may kung ano siyang kakaibang nararamdaman para sa dalaga.

Doon nagsimula ang kanilang pagkakaibigan. Alam man ni Daniel na mali at bawal subalit hindi niya pa rin matiis ang sarili at palagi niyang binibisita si Leonna sa mundo ng mga tao. Nagsimula lang sa mga simpleng kwentuhan, na hindi nagtagal ay nauwi sa mas mahabang pagsasama. Sa tuwing kapiling at kausap niya si Leonna ay labis na saya ang kanyang nadarama. Hanggang isang gabi ay hindi na niya napigilan ang sarili at hinagkan ang labi nito. Sa kauna-unahang pagkakataon ay naranasan niyang umibig ng higit pa sa tungkulin.

"Mahal kita, Leonna."

"Mahal din kita, Daniel."

Muli niyang binigyan ng nag-aalab na halik ang dalaga at buong gabi niya itong hindi pinakawalan sa kanyang mga bisig.

Si Daniel Gillies ang gumanap bilang Elijah Mikaelson from Vampire Diaries and The Originals, if you watched the series, makaka-relate kayo kay Leonna heheheh

JOIN OUR FAMILY!

FB GROUP: Cupcake Family PH

AnjGeecreators' thoughts
Bab berikutnya