webnovel

Nang Magsinungaling si Mapulon (Part III)

NAKAKAHIYA MAN SA bagong guro, ngunit hindi nakapagpokus si Dian sa aralin dahil sa tatlong dahilan. Una, hindi niya talaga maintindihan ang mga titik na pinag-aaralan nila. Unfair para kay Dian na siya lang sa loob ng silid-aralan, at malamang sa buong Linangan, ang hindi marunong bumasa at sumulat ng Baybayin. Noon lang din niya nalaman na iba't ibang titik ang ginagamit depende sa wika. May kaunting inggit siyang naramdaman dahil ang ilan sa kanyang mga kaklase ay nakasusulat at nakakapagsalita ng iba't ibang wika. Sana pala'y pinag-aralan na rin niya ang mga wikang iyon habang siya ay nagpalipat-lipat noon ng tirahan. Sana'y nakakapagsalita na siya ngayon ng higit pa sa pitong wika.

Ang pangalawang dahilan ay ang idol niyang si Mapulon na tumabi sa kanya upang magtago sa guro. Akala ni Dian ay kasama niyang babagsak si Map dahil natulog lamang ito sa klase. Ngunit nakakasagot ang loko sa mga tanong ni Prof. Mayumi, kahit pa siya ay mukhang naalimpungatan. Nang tinawag na si Map upang magsulat sa pisara ay napatawa si Dian dahil buong akala niya ay pagsasayaw at pag-awit lang ang alam ng kumag. Nagulat na lamang ang dalaga nang makasulat ng talata si Map habang pahikab-hikab. Nagmadali naman itong kunin ang baong thermos ni Pinuno upang makapaghugas sa labas. Narinig ni Dian ang matinis na boses ni Map habang naghuhugas ng kamay. Kesyo allergic siya sa chalk at kailangan niyang alagaan ang balat dahil may concert pa siyang aatupagin. Dalawang tao lang ang hindi napatawa ni Map sa ginawang iyon: si Prof. Mayumi na nagpatuloy sa pagtuturo, at si Pinuno, na titig nang titig kay Dian.

Ito nga ang pangatlong dahilan kung bakit nang tawagin siya upang magsalita ay parang umurong ang kanyang dila. Ganito ba ang pakiramdam ng magiging asawa ng Pinuno? Tila punyal ang mga tingin sa kanya ng mga kaklase na hinuhusgahan siya. Kung siya ay sumagot, malamang ay pinagtawanan siya dahil wala naman siyang alam. Kaya hindi na lang siya sumagot, at ayun nga't pinagtawanan pa rin siya. Nang bumalik sa tabi niya si Map ay walang kaalam-alam ito kung bakit humahagikgik ang mga babaeng kaklase, habang nakatingin naman sa sahig si Kidlat. Bakit naman siya napapahiya? Hindi naman siya ang nagkamali?

Nang matapos ang klase ay tinawag ni Prof. Mayumi si Dian upang kausapin. Umalis na ang buong klase maliban kay Kidlat na noo'y nag-aayos pa rin ng mga gamit. Nagpaiwan ito kay Map na nagmamadali namang lumabas dahil may pakakainin pa raw siyang alaga sa balay. Halos magmakaawa si Dian kay Map na huwag siyang iwan, ngunit mas mahalaga raw ang alaga niya. Baka raw nagugutom na ito.

"Mabilaukan sana 'yang aso mo," ang sumpa ni Dian. Imbes na magalit ay napatawa lang si Map. Kumendeng-kendeng pa ito habang lumalabas, saka umalulong na parang asong ulol. Parang gustong sabihing, "bahala ka sa buhay mo." Nagkamali ata si Dian ng bias sa grupo nina Map. Totoo nga ang sinasabi ng ilan na mas mabuting huwag mong makilala ang mga idolo mo at madidismaya ka lang sa mga malalaman mo tungkol sa kanila. Guwapo lang talaga si Map ngunit inamin na ni Dian sa kanyang sarili na hindi naman talaga siya magaling kumanta. Sa susunod na magkita sila ay makakatikim ng higanti ang lalaki. Ngayo'y wala nang magagawa si Dian kundi harapin ang guro. Ayaw naman niyang kausapin si Kidlat. Mukha rin namang ayaw makipag-usap nito dahil abala pa rin ito sa pagsisinop ng kanyang mga gamit.

Ramdam ni Dian ang kabog ng dibdib nang nilapitan niya ang guro. Sa tanang buhay niya ay hindi pa siya napapagalitan ng mga titser. Ngayon ang unang beses.

"Aralin mo 'to," ang sabi ni Prof. Mayumi. Ibinigay nito kay Dian ang isang kawayan na may mga ukit ng Baybayin at disenyong kulay ginto. Binuksan ni Dian ang dulo nito at hinatak palabas ang isang papel. Hindi alam ni Dian na ito pala ay nakabalumbon kaya nabitawan niya ito at lumadlad nang napakahaba hanggang sapitin nito ang mga paa ni Kidlat.

"Naku, hija," ang sabi ni Prof. Mayumi, "ingatan mo 'yan dahil luma na 'yang aklat na 'yan."

Tinulungan ni Kidlat si Dian na ibalik sa kawayan ang mahabang papel.

"Salamat, Pinuno," ang sabi ng guro. "Pakitulungan na lang si Dian sa pagbasa at pagsulat."

Tumango lang ang lalaki. Naintindihan na iyon ng guro kaya iniwan na niya sina Kid at Dian na parehong nakahawak pa rin sa kawayan.

"Magsaulo ka ng Baybayin," sabi ni Kid.

"Eh kung ayaw ko?" sagot ni Dian. Nais niyang asarin ang taong ito.

"Gusto mo," sabi ni Kid. Kalmado pa rin ito.

Tumaas ang kilay ni Dian. Gusto niya? Dinidiktahan ba siya ni Kid kung ano ang ayaw at gusto niya? Hinatak niya ang kawayan upang bitawan ni Kid saka tumungo sa pinto. Napatigil lang siya nang magsalitang muli si Kid.

"Hindi pwedeng basta ka na lang umaayaw. Mahalaga sa mga Maginoo na marunong kang sumunod."

"Susunod na lang ako?" ang hindi napigilang sambit ni Dian habang nakataas ang kilay. "Ganito ba rito? Sunod lang nang sunod? Susundin ko lang si Map dahil iyon ang gusto mo? Ang dalhin ako sa Linangan? At makakabuti 'yon sa akin? Susundin ko lang si Ginton na magsilbi sa balay dahil iyon ang gusto mo? Dahil mapapangasawa mo ako? Sasauluhin ko ang pagkahaba-habang listahan na 'to dahil gusto mo? Hindi pwedeng gusto ko o ayaw ko?"

Katahimikan. Imbes na sagot ni Kid ay ihip ng hangin at lagaslas ng mga dahon ang narinig ni Dian. Matagal bago nagbuntong hininga si Pinuno at nagsabing, "Wala naman tayong magagawa. Kailangan lang nating sumunod."

"Pakakasalan mo ako kahit hindi mo ako kilala? Nahihibang ka ba?" ang sabi ni Dian. Hindi niya namalayang itinutok niya sa mukha ni Kid ang hawak na kawayan.

Dahan-dahang hinawi ni Kid ang kawayan, sabay sabi, "Ilang daang taong tradisyon na ito ng mga Maginoo. Sino ka para baklasin ito?"

"Hindi pa rin ako pupunta sa balay para pagsilbihan ka. Kung kailangan mo ng katulong, andyan naman si Map."

"Hindi si Map ang mapapangasawa ko."

"Eh 'di pakasalan mo."

Biglang hinatak ni Kid ang kawayang hawak ni Dian. Napasubsob si Dian sa dibdib ni Kid. Magkalapit na ang kanilang mga mukha.

Mabilis namang nag-isip si Dian. Inikot niya ang kanyang braso upang makawala kay Kid. Nagulat ang lalaki sa ginawang iyon ni Dian.

Itinaas ni Dian ang kawayan, katapat ng mukha ng lalaki. Magkasalubong na naman ang mga kilay ni Kid.

"Bigyan mo 'ko ng chance. Kahit kalabanin mo ako sa Arnis. Basta may pagkakataon lang ako na manalo... o matalo... para hindi ako mapilitan sa pinagagawa ninyo."

"Kung hindi sa balay, saan ka magsisilbi? Sa kusina? Sa gubat?"

"Kahit saan. Sa library kung merong ganon dito. Basta bigyan mo ako ng chance. 'Wag mo akong pilitin."

Sa pangalawang pagkakataon ay hinawi ni Kid ang kawayang nakatutok sa kanya.

"Kapag nanalo ka?" tanong ni Kid.

"Babaguhin mo kung saan ako magse-serve," utos ni Dian.

"Kung ako naman ang panalo?"

"Eh 'di sa balay ako."

"Pa'no 'yung kasal?"

"Saka na natin pag-usapan 'yon pwede? Wala pa akong eighteen! Wala ka pang eighteen!"

"Kung hindi lang talaga pareho tayo ng Simbolo, wala akong planong magpakasal sa 'yo," ang sabi ni Kidlat. "Swerte ka pa nga dahil Pinuno ang magiging asawa mo."

Tumawa nang malakas si Dian na parang nangungutya. "Swerte? Malay ko ba kung may amoy ang kilikili mo?" sabi ni Dian sabay takbo palabas at baka mahataw na siya dahil sa kanyang kalapastanganan. Naiwan si Kid na inamoy-amoy ang sarili.

~oOo~

Bab berikutnya