webnovel

Gumalaw na si Xu Jiamu (2)

Editor: LiberReverieGroup

Medyo matagal ding nakayuko si Qiao Anhao bago niya iangat ang kanyang ulo na galing sa pagitan ng mga tuhod niya. Tuyo na ang mga luhang tumulo sa mukha niya at namumula na ang palibot ng kanyang mga mata. Noong sinubukan niyang tumayo, muli siyang natumba sa sahig dahil namamanhid ang kanyang mga binti na dulot ng matagal niyang pagupo ng nakabaluktot. 

Napakagat si Qiao Anhao ng kanyang labi at tumayo mula sa kanyang pagkakalaglag sa sahig. Sumilip siya sa orasan na nasa pader. Labing limang minuto na ang nakakalipas matapos ang alas dose; tapos na ang birthday ni Lu Jinnian.

Matagal siyang natulala sa kanyang kinatatayuan bago siya yumuko at lumabas ng kwarto.

Bukod sakanya, wala ng ibang tao sa mansyon at tanging mga yabag lang ng kanyang mga paa ang maririnig. Noong mga sandaling iyon, hindi niya maipaliwanag ang lungkot na nararamdaman niya.

Pumunta siya sa bodega para kumuha ng karton at saka siya muling pumanik sa kwarto. Lumuhod siya sa sahig para isa-isang kunin ang mga kandila at diretso niyang inilagay ang mga ito sa karton. Nang mailagay niya na ang lahat ng kandila sa karton, muli siyang bumaba sa bodega para itago ang mga ito.

Pagkabalik niya sa kwarto, isa-isa niya namang pinutok ang mga lobo gamit ang isang matulis na iron wire. Sunod-sunod ang mga malalakas na tunog na nanggagaling sa mga pumuputok na lobo ngunit hindi siya nakaramdam ng kahit kaunting takot. Nanatili lang siyang kalmado hanggang sa maputok niya na ang lahat ng lobong nakadikit sa pader at saka niya itinapon ang mga ito sa isang rubbish bag. 

Pagkatapos linisin ni Qiao Anhao ang mga naging kalat sa kwarto, agad siyang bumaba dala ang rubbish bag. Pero noong itatapon niya na sana ito, bigla niyang naalala ang cake na nasa fridge kaya pumunta muna siya sa dining room para ilabas ang cake. Napatikom siya ng kanyang mga kamao at ilang segundo rin ang lumipas bago niya ilagay ang cake sa rubbish bag. Muli niyang dinampot ang bag at sa pagkakataong ito ay tuluyan niya na itong itinapon sa public bins na nasa labas ng bahay nila.

Ala una na ng unaga noong natapos si Qiao Anhao na maglinis. Nagtanggal muna siya ng makeup at nagshower bago humiga sa kama.

Siguro dahil napapadalas na ang paguwi ni Lu Jinnian kaya pakiramdam ni Qiao Anhao ay parang may kulang sa tabi niya. Ilang beses siyang nagpalit ng posisyon pero kahit anong gawin niya ay hindi talaga siya makatulog. Marahil dahil na rin siguro sa matinding pagod ay dumating din ang puntong nakaidlip siya ngunit hindi rin ito nagtagal at bigla nalang siyang nagising. Pagdungaw niya sa bintana, nakita niyang maliwanag na ang kalangitan pero wala pa rin ang taong natutulog sa kabilang side ng kama. Malinaw na hindi umuwi si Lu Jinnian.

Hindi pa agad bumagon si Qiao Anhao at nanatili lang siyang nakaupo sa kama na may yakap yakap na kumot hanggang sa may narinig siyang nagbubukas ng pintuan sa baba. Hinawi niya ang kumot at nagmamadaling bumangon ng kama. Nakapaa siyang tumakbo papalabas ng kwarto pero noong nasa may hagdanan na siya, nakita niyang naglalakad si Madam Chen papuntang kusina na may dala-dalang malalaki at maliliit na mga bag.

Biglang nadismaya si Qiao Anhao dahil sa kanyang nakita. Matagal din siyang nanatili sa kanyang kinatatayuan bago siya maglakad pabalik ng kwarto. Hindi na siya inaantok kaya nagayos na siya agad ng kanyang sarili. Naalala niya rin na kailangan niyang pumunta sa set ngayong araw kaya tinawagan niya si Zhao Meng para sunduin siya nito ng maaga.

-

Buong gabing gising si Lu Jinnian ngunit bandang alas siyete na ng umaga nang muli siyang mahimasmasan noong may mga narinig na siyang tunog sa labas ng kanyang office. Tumayo siya mula sakanyang office chair at pumunta sa isang kwarto na nasa likod ng kanyang office para makapagshower at makapagpalit ng malilinis na mga damit.

Nagkaroon siya ng meeting noong alas nuebe ng umaga pero natapos din ito kaagad ng bandang alas diyes ng umaga. 

Kailangan niyang pumunta ngayong araw sa set ng 'Alluring Times' pero iniwan niya ang kanyang sasakyan kagabi kay Qiao Anhao na inuwi naman nito sa Mian Xiu Garden. Wala na siyang ibang magagamit dahil ang iba niya pang mga sasakyan ay nasa Mount Yi Mansion kaya pagkatapos ng meeting ay agad niyang tinawagan ang kanyang assistant para samahan siya nitong pumunta sa Mian Xiu Garden.

-

Kahit sinabihan na ni Qiao Anhao si Zhao Meng na sunduin sya nito ng maaga ay late pa rin itong dumating at halos alas onse na ng umaga.

Bab berikutnya