webnovel

Nandaya ng Resulta ang Education Bureau?

Editor: LiberReverieGroup

"Anong…"

Nang marinig ang pinagsasabi ng tatlo, nagkatinginan sila Elder Mo at Huang Yu at pagkatapos ay tumingin sila kay Zhang Xuan.

Kung totoo ang mga sinabi nila, kailangan itong imbestigahan ng Teacher Guild!

Kapag napatunayan sa imbestigasyon na totoo ang mga sinabi nila, malaki ang posibilidad na matanggalan ng lisensya itong si Zhang laoshi!

"Mukhang masyado ko silang minaliit. Magaling din sila sa paggamit ng mga patakaran para manalo sila!"

Hindi niya inakala na pagkatapos ng magkakasunod na pagkapahiya nila, magagawa pa nilang makabawi. Napasimangot na lamang si Zhang Xuan.

Mukhang kahit na nasaang mundo ka pa, may mga bagay talagang hindi na magbabago. Kapag kinagat ka ng isang kasuklam-suklam na tao, tanging kamatayan mo lang ang hihintayin nila.

Sa katunayan, yung gulong iniwan sa kanya ng dating siya ay talagang nakakainis.

Kapag hindi ito inusisa ng akademya, magiging ligtas siya at maipagpapatuloy niya ang kanyang pagtuturo. Sa kabilang banda, kapag inusisa ito ng akademya, pwede nila itong sabihin sa Teacher Guild at siguradong babawiin ang lisensya niya sa pagtuturo.

Kapag nawala sa kanya ang kanyang lisensya sa pagtuturo, hindi malayo ang magiging sitwasyon niya sa sitwasyon ni Cao Xiong!

Kaya naman, kahit anong mangyari, hindi niya dapat hayaan na magtagumpay sila!

Ngunit, totoong nakakuha siya ng zero sa Teacher Qualification Examination, at totoo rin na nagloko ang cultivation ng isang estudyante dahil sa kanya. Kagagawan ito ng dating siya, at hindi na niya mababawi ito kahit na gustuhin niya…

Sa madaling salita, ang problemang iniwan ng dating siya ay posibleng maging dahilan ng pagbagsak niya. Kahit na magawa pa niyang palakasin ang mga estudyante niya sa tulong ng Library of Heaven's Path mula ngayon, magiging mahirap pa rin para sa kanya na maging isang Master Teacher at makuha ang tiwala ng ibang tao.

Kailangan niyang makahanap ng paraan para maayos ang gusot na ito!

Kinuskos niya ang kanyang glabella[1], nakaramdam si Zhang Xuan ng kawalan ng pag-asa.

Ang paglipat niya sa mundong ito ay isang bagay na hindi niya kayang kontrolin, at wala siyang kakayahang mamili kung saang panahon siya lilipat. Isa pa, kung hindi dahil sa mga kapalpakan ng dating siya, hindi din siya makakalipat sa mundong ito!

Tatayo na lang ba siya at walang gagawin habang isinusumbong nila sa Teacher Guild ang insidenteng iyon para bawiin sa kanya ang kanyang lisensya sa pagtuturo?

Syempre hindi!

"Un? Hindi ba't hindi ko maipaliwanag ang dahilan sa biglaang paglakas ko? Pagkakataon nga naman, pwede kong magamit 'to…"

Nang hindi na niya malaman kung anong gagawin niya, biglang may sumagi sa kanyang isipan at may naisip siyang isang napakagandang ideya. Muli siyang tumingin kay Shang Chen at Shang Bin, at dahan-dahan siyang napangiti, "Dahil wala naman sa inyo ang gustong tantanan ako, hihingi na ako ng tawad ngayon pa lang…"

"Zhang Xuan, mukhang masaya ka ata? Tingnan natin kung magiging masaya ka pa kapag pinatawag ka ng Teacher Guild…" Nang maramdaman ang pag-aalinlangan ni Elder Mo at ni Huang Yu, tumawa si Shang Bin.

Ngunit, bago pa matapos ang pagtawa niya, napansin niya si Zhang Xuan. Nakalagay sa likuran niya ang kanyang mga kamay at tila nag-aalinlangan siya, makikitang namomroblema siya.

Tila may bumabagabag sa isipan niya, at pinag-iisipan niya kung sasabihin niya ba ito o hindi.

"Bakit? Gusto mong magmakaawa?" Nang makita niya ang inaasal ni Zhang Xuan, napuno ng galak si Shang Bin. "Yun nga lang… huli na ang lahat!"

"Magmakaawa?" Umiling si Zhang Xuan. "Masyado mong iniisip ang bagay na yun. Nag-iisip lang ako… kung sasabihin ko ba ang tungkol dito o hindi?"

"Hayy!"

Sa puntong ito, napabuntong-hininga siya. Ramdam ang kanyang inis at hinanakit, pati na rin kanyang lungkot at problema sa pagbuntong-hininga niya.

Sa madaling salita, malinaw na marami siyang punoproblema, at isa siyang malungkot na tao na may mapait na nakaraan.

"Sabihin 'to? Sabihin ang ano?"

Napasimangot si Shang Bin dahil hindi siya sigurado kung ano ang pinaplano ni Zhang Xuan.

"Bahala na nga, ganun din naman…"

Hindi niya pinansin ang mga sinabi ni Shang Bin, at napailing na lamang si Zhang Xuan. Mangiyakngiyak ang ekspresyon ng kanyang mukha, at nag-alinlangan siya saglit bago siya nagsalita, "Bilang magkakatrabaho at kapwa guro, alang-alang sa reputasyon ng akademya, kahit na may ginawa pa kayong sobrang sama, kailangan kong isipin kung ano ang masimportante at kalimutan ko na lang yun. Pero sa nakikita ko ngayon…"

Sa puntong ito, habang nasa likuran niya ang mga kamay niya, tumingin siya sa itaas, at tila puno ng hinanakit.

"Hm? Anong ibig mong sabihin?"

Nang makita nilang bumuntong-hininga si Zhang Xuan at umiling, napako ang atensyon ng lahat sa kanya. Nagkatinginan si Shang Bin at si Shang Chen, hindi sila sigurado sa kung ano ang pinaplano ni Zhang Xuan.

"Ano pa bang inaarte-arte mo jan!"

"Matatanggal ka na sa trabaho anumang oras mula ngayon, hindi na magbabago yun kahit gaano pa kagaling ang pag-arte mo!"

"Sa tingin ko sinasadya niyang magsabi ng kung anu-ano para lituhin tayo! Huwag kayong magpapaloko sa kanya!" Ang sinabi ni Shang Bin.

Ang pagkakaroon niya ng score na zero sa Teacher Qualification Examination at ang pagwawala ng isang estudyante dahil sa kanya ay mga bagay tungkol sa kanya na alam ng lahat ng tao sa akademya… Kahit ano pang gawin niya, imposible nang malinis niya ang kanyang pangalan.

"Ano ngayon kung magaling kang magsalita?"

"Hindi mo maitatanggi ang katotohanan?"

"Kahit na subukan mo pang itanggi ang mga yun, may mga archive tungkol sa mga ginawa mo. Tingnan natin kung paano mo pagtatagpiin ang kwento mo."

"Master Zhang, may bumabagabag ba sa isipan mo? Nandito kami ni Elder Mo, kaya huwag kang mahiyang magsalita!" Ang sabi ni Huang Yu.

"Oo!" Tumingin si Zhang Xuan kay Huang Yu nang may pagpuri at tumango siya.

Ang tagal niyang umarte, hinihintay niya ang mga salitang ito. Ngayong nagtanong na siya, maipagpapatuloy na niya ang kanyang kwento.

"Yung totoo, hindi ko gustong ibunyag 'to…"

Umiling si Zhang Xuan at napuno ng kalungkutan ang kanyang mukha. Humakbang siya ng dalawang beses papunta sa Strength Measuring Rock Pillar sa gitna ng bulwagan, itinikom niya ang kanyang kamao at sinuntok niya ang poste.

Weng!

Lumiwanag ito at lumitaw ang mga numero sa poste!

55 ding!

Kalahati lamang ng kanyang lakas ang ginamit niya, pero pagkatapos niyang i-cultivate muli ang unang 3 dan ng kanyang cultivation technique, ang zhenqi sa kanyang katawan ay mas naging puro, dahilan para tumaas ng bahagya ang lakas niya na nasa 49 ding.

"55 ding?"

"Pixue realm pinnacle?"

"Kung nagtataglay siya ng lakas ng isang nasa Pixue realm pinnacle, kung ganun… Bakit sinasabi sa pagsusulit na nasa Zhenqi realm lang ang lakas niya?"

Sa kabila ng mga narinig nila mula kay Bai xiao wangye higit na mas malakas sa kanya si Zhang Xuan at inihanda na ng mga tao ang mga isipan nila para dito, hindi pa rin sila makapaniwala nang makita nila kung gaano katindi ang taglay na lakas ng mga kamao niya! Nagulat ang lahat ng mga tao sa silid at tila naglaglagan sa lapag ang mga panga ng mga tao sa silid.

Sa Fighter 6-dan Pixue realm, sa bawat acupoint na mabubuksan, madadagdagan ang lakas ng isang tao ng 1 ding. Karamihan sa mga tao ay 30 hanggang 40 na acupoint lang ang nabubuksan sa buong buhay nila. Kahit na nasa Pixue realm pinnacle na sila, hindi umabot ng ganun kataas ang lakas nila.

Para magtaglay siya ng ganung lakas sa isang kamao lang, malinaw na ipinapakita nito na… nakaabot na siya sa Pixue realm pinnacle!

Ngunit… ang pagsusulit na kinuha niya bago ang bakasyon ay malinaw na ipinapakitang ang taglay niyang lakas ay sa isang Fighter 3-dan Zhenqi realm pinnacle lang. Para tumalon ng ilang realm ang kanyang lakas sa loob lang ng maikling panahon…

Imposible 'to!

Wala pang nangyaring ganito noon, kahit na sa mga pinaka magagaling na henyo sa kasaysayan ng buong kaharian!

Nagtatakangbtumingin sa kanya ang lahat habang hinihintay ang paliwanag niya.

"Noong nakaraang pagsusulit na isinagawa bago ang bakasyon, nasa Zhenqi realm lamang ako. Sigurado akong gusto niyong malaman kung paano ako biglang naging isang Pixue realm expert!"

Pagkatapos niyang tanggapin ang reaksyon ng lahat ng tao dahan-dahang nagpaliwanag si Zhang Xuan, "Yung totoo… hindi tumaas ang cultivation ko sa loob lang ng isang linggo! Gaya ng iba, nagsanay ako sa pamamagitan ng karaniwang paraan! Kahit na hindi pa umaabot sa 50 ding ang lakas ko bago ang bakasyon, hindi naman ako nalalayo doon!"

"Taglay mo na ang ganyang lakas bago pa ang bakasyon? Hindi, imposible yan. Noong isinagawa ang Teacher Qualification Examination, ang cultivation realm mo ay lumalabas na nasa…"

Sa kalagitnaan ng pagsasalita niya, biglang huminto si clan head Wang Hong. Biglang may sumagi sa kanyang isipan at nagpatuloy siya sa pagsasalita, "Ang Teacher Qualification Examination ng Hongtian Academy ay pribado, at ang Education Bureau ang naglalabas ng mga resulta ng pagsusulit ng bawat isang guro… Hindi mo malalaman kung ano ang resulta ng pagsusulit ng ibang guro maliban sa mga resultang inilalabas ng Education Bureau! Ibig sabihin… ang resulta ng pagsusulit mo na nagsasabing nagtataglay ka lamang ng cultivation level na Zhenqi realm mula sa Education Bureau ay hindi totoo…"

Nang marinig nila ang mga sinabi niya, napaisip ang lahat ng tao.

Alin man sa resulta ng kanyang Teacher Qualification Examinotion o sa lebel ng kanyang cultivation, ito ay sinuri at inilabas ng Education Bureau. Noong panahon ng pagsusulit, walang ibang tao sa paligid.

Ibig sabihin… Malaki ang posibilidad na dinaya ng Education Bureau ang mga resulta ng pagsusulit!

[1] Glabella -> Pagitan ng mga kilay.

[2] 贼咬一口,入骨三分 -> Kapag kinagat ka ng isang kasuklam-suklam na tao, tanging kamatayan mo lang ang hihintayin nila.

Sa Literal na Pagsasalinwika: Kapag kinagat ka ng isang kasuklam-suklam na tao, babaon ang mga pangil nila sa buto mo.

Inilalarawan nito ang isang sitwasyon kung saan hindi matuwid ng isang tao ang mga akusasyon sa kanya ng iba.

Bab berikutnya